Isinasagawa Ba Ninyo ang Inyong mga Pagdalaw-muli?
1 Anong kapanapanabik na ulat ng dinamikong gawain ang iniharap sa 1989 Yearbook! Milyun-milyong mga tao ang nakarinig ng mabuting balita at milyun-milyong mga literatura ang naipamahagi. Ang ulat ay nagpapakita na may pangangailangang magbalik kung saan naihasik ang binhi ng katotohanan. (1 Cor. 3:6, 7) Ang higit na pangangalaga ay kailangan. Sa pamamagitan ng pakikibahagi nang lubusan sa gawaing ito, ang bayan ni Jehova ay nakagawa ng kabuuang 288,017,474 na mga pagdalaw-muli nang nakaraang taon.
KAILAN?
2 Kapag kayo’y nakakasumpong ng interesadong tao, kayo ba ay gumagawa ng mga pagdalaw-muli bago lumamig ang interes nito? Ang pagdalaw-muli makaraan ang ilang araw lamang ay kadalasang nagdudulot ng mabubuting resulta. Mag-ingat ng kumpletong rekord ng lahat ng mga nailagay na babasahin at nasumpungang interes. Palaging repasuhin ang mga rekord na ito at tingnan kung ang lahat ng inyong mga pagdalaw-muli ay naisasagawa kaagad. Ang inyong pagsisikap at pagpupunyagi ay pagpapalain ni Jehova.
3 Bakit hindi gumamit nang higit na panahon sa pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli at pagtatatag ng mga pag-aaral sa Bibliya sa Abril? May mga tao ba na palagiang kumukuha ng mga magasin at nagnanais na makipag-aral? Ang isang kapatid ay nakapaglagay ng dalawang magasin sa isang tao subali’t hindi ito binalikan, na iniisip na hindi naman talagang interesado ito. Ang lalake ay sumulat sa kongregasyon, na humihiling ng espirituwal na tulong. Maraming payunir ang nag-ulat na ang maiinam na mga pag-aaral ay bunga ng pagsubaybay sa nailagay na mga magasin. Mayroon bang mga indibiduwal na nakadalo sa Memoryal o sa iba pang pulong na nagnanais na makipag-aral?
PAGSISIMULA NG ISANG PAG-AARAL
4 Ang aklat na Mabuhay Magpakailanman ay isang mabisang kasangkapan sa ating ministeryo. Kapag kayo ay nakapaglagay nito, maging sa unang pagdalaw o sa isang pagdalaw-muli, magtanong: “Naisip na ba ninyo ang mabuhay magpakailanman? [Hayaang sumagot.] Sabihin pa, hindi nanaisin ng karamihan na magtiiis nang habang buhay sa paghihirap, karahasan, at gutom na sumasalot ngayon sa marami.” Habang binubuksan ang mga pahina 11-13, maaari kayong magtanong: “Subali’t kung kayo’y mabubuhay sa kalagayang tulad nito, hindi ba’t ito’y kanais-nais? [Hayaang sumagot.] Ang pamumuhay nang walang hanggan ay may hinihiling sa atin. Pansinin ang sinasabi ng parapo 19. [Basahin.] Hayaan ninyong ipakita ko kung papaanong ang aklat na ito ay makatutulong sa inyo na magtamo ng gayong kaalaman.”
5 Pinasisigla ang mga mamamahayag na mag-iwan ng mga tract doon sa hindi kumuha ng alok o kapag walang tao sa tahanan. Ang mga ito ay maaaring gamitin sa mga pagdalaw-muli upang itanghal ang ating paraan ng pag-aaral. Ang bawa’t tract ay tumatalakay sa dalawa o tatlong punto. Basahin nang isa-isa ang mga parapo sa maybahay. Kapag iniharap ang isang tanong, huminto at anyayahan ang maybahay na magkomento. Tingnan at ikapit ang mga binanggit na kasulatan.
6 Ipinakikita ng karanasan na napakabuting bagay na mag-eskedyul ng panahon upang gumawa ng mga pagdalaw-muli at magdaos ng mga pag-aaral. Ito ay tutulong sa atin na masubaybayan kaagad ang mga pag-aaral. Marahil ay makapagtatakda ng oras sa gabi, sa dulong sanlinggo, o pagkatapos ng gawain sa bahay-bahay. Alamin kung ano ang pinakamabuti sa inyo at makibahagi sa gawaing ito nang palagian upang gumawa ng mga alagad.—Mat. 28:19, 20.