Tapioca Crepe—Espesyal na Pagkain sa Brazil
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Brazil
SA Brazil, maaaring tumukoy ang tapioca sa sari-saring produktong gawa sa kamoteng-kahoy. Isa sa mga ito ang simpleng lapad at manipis na tinapay. Mas mukhang crepe ang ganitong uri ng tinapay at kadalasang tinatawag na tapioca crepe. Gawa ito sa pinong gawgaw na kilala bilang polvilho doce o goma, at mula sa malaman na kamoteng-kahoy.
Pagkatapos gadgarin at pigain ang kamoteng-kahoy, naglalabas ito ng malagatas na likido. Itinatabi ang likido upang tumining ang latak nito. Saka itinatapon ang sabaw, at ibinibilad naman sa araw ang mga latak, ang malagkit na kimpal.
Ang tapioca ay pangunahing pagkain ng mga Indian. Nang maglaon, natuklasan ng nakipamayang mga Portuges na mainam na panghalili sa tinapay ang tapioca. Gayunman, ang tapioca ay napansin nito lamang nakaraang mga taon ng malilikhaing kusinerong Braziliano, na nagpasiyang gawin itong popular na pagkain sa mga menu ng kanilang restawran.
Sa pagnanais na palugdan ang mas pihikang publiko, nag-isip ang mga kusinero ng bagong mga anyo ng mga crepe, anupat ginagamit ang kanilang sariling natatanging talento sa dati nang paboritong pagkain. Popular na popular na ngayon ang mga tapioca crepe, anupat dagdag na pang-akit ito sa putahe ng Brazil. Utang ng maraming kilalang restawran ang kanilang tagumpay sa mga crepe.
Bakit hindi mo subuking gumawa mismo ng mga crepe na ito? Ang iyong pamilya at mga kaibigan ay matatakam at magiging mas handa silang tumikim ng ibang pagkain.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
Paggawa ng mga Tapioca Crepe
Sangkap ng walong crepe:
3 tasa ng polvilho doce, 1 1⁄2 tasa ng tubig, at kaunting asin.
Direksiyon: Sa mangkok na katamtaman ang laki, wisikan ng tubig ang polvilho doce at asin, at haluin ng iyong mga daliri. Unti-unting dagdagan ng tubig habang nilalamas ang mga sangkap sa iyong mga palad hanggang sa magmukha itong magaspang at durog na tinapay at maaari nang bilugin nang hindi dumidikit sa iyong mga kamay. Paraanin sa salaan ang bilog na mga piraso. Handa na ngayon ito para gawing mga crepe.
Painitin sa katamtamang apoy ang nonstick na kawaling may sukat na walong pulgada. Ilagay ang ikawalong bahagi ng pinaghalu-halong sangkap sa kawali, at pantayin ang pagkakalatag ng ibabaw nito gamit ang likod ng kutsara. Lutuin sa loob ng dalawa hanggang apat na minuto, o hanggang mamuo ang pinaghalu-halong sangkap at maging manipis na keyk, anupat humihiwalay ang gilid nito mula sa kawali. Baligtarin gamit ang plastik na siyansi, at lutuin ang kabilang panig sa loob ng isang minuto. Ulitin ang ganitong proseso sa natitira pang pinaghalu-halong sangkap. Pagpatung-patungin ang naluto nang mga crepe.
Maaaring bagu-baguhin ang paghahain ng mga crepe na tapioca sa pamamagitan ng paglalagay ng iba’t ibang palaman. Para sa almusal, subuking lagyan ng mantikilya ang ibabaw habang mainit ang mga ito, saka lagyan ng dalawang kutsarang bagong-kudkod na niyog. O maaari mong pantay na lagyan ng matamis na kondensada ang ibabaw ng mga crepe, lagyan ng niyog, ilupi ang mga crepe, at ihain.
[Larawan sa pahina 24]
Kamoteng-kahoy
[Larawan sa pahina 24]
“Tapioca crepe” na may palamang niyog at kondensada