Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 8/22 p. 15
  • Galing ito sa Malayong Kalawakan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Galing ito sa Malayong Kalawakan
  • Gumising!—2005
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Batong Lumilipad
    Gumising!—1995
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1987
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1996
  • Namibia—Malawak, Ilang, Nakabibighani
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 8/22 p. 15

Galing ito sa Malayong Kalawakan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TANZANIA

NAKAKITA ka na ba ng isang guhit ng liwanag sa mabituing kalangitan? Marahil nahuhulog na bituin ang tawag mo rito. Ang totoo, ang gayong mga guhit ng liwanag ay mas angkop na kilala bilang mga bulalakaw (meteor).

Ang karamihan sa mga bulalakaw na pumapasok sa ating atmospera mula sa kalawakan ay natutupok bago pa makarating sa lupa. Gayunman, kung minsan, ang mga tipak ng mabato o metalikong bulalakaw ay hindi nasusunog sa matinding init at tumatama sa lupa. Mga meteorite ang tawag dito. Ang karamihan ay maliliit lamang, subalit ang ilan naman ay tumitimbang ng tone-tonelada. Isang meteorite sa Namibia, Aprika, ang tinatayang tumitimbang ng mga 60 tonelada.

Pasyalan natin ang meteorite ng Mbozi sa Tanzania, na ikawalo sa pinakamalaking meteorite na nasumpungan sa lupa. Nasa burol ito ng Marengi sa distrito ng Mbozi sa timugang Tanzania, malapit sa mga hanggahan nito sa Malawi at Zambia. Ang meteorite na ito na tatlong metro ang haba at isang metro ang lapad ay tumitimbang ng 16 na tonelada at binubuo ng 90 porsiyentong bakal, mga 9 na porsiyentong nikel, at kaunting cobalt, tanso, asupre, at phosphorus.

Walang nakaaalam kung kailan bumagsak ang meteorite na ito, subalit malamang na napakatagal na nito sapagkat walang mga alamat ang mga tagaroon hinggil dito. Iniulat ni W. H. Nott, isang agrimensor sa Johannesburg, na nasumpungan niya ito noong Oktubre 1930. Mula noon, isang trinsera ang hinukay sa palibot nito, anupat parang iniangat ang meteorite at ipinatong sa batong altar. Kaya nanatili ang meteorite sa lugar kung saan ito orihinal na bumagsak.

Sinikap ng ilan na tabasin o lagariin ang ibabaw ng meteorite upang makakuha ng subenir​—isang nakapapagod na gawain. Noong Disyembre 1930, nang si Dr. D. R. Grantham ng Geological Society ay gumamit ng lagaring pambakal upang magtabas ng ispesimen na mga sampung sentimetro, inabot siya ng sampung oras! Makikita ngayon ang ispesimeng ito sa koleksiyon ng meteorite sa British Museum sa London.

Ang lugar na kinalalagyan ng meteorite ng Mbozi ay inayos upang maging pasyalan ng mga panauhin. May maliit na bahay-tanggapang may ilang upuan at isang mesa. Mabait na hiniling sa amin ng warden, na nakatira sa isang maliit na bahay na gawa sa putik mga 50 metro ang layo sa meteorite, na pumirma kami sa isang kuwaderno na listahan ng mga panauhin. Napansin namin na libu-libong panauhin sa palibot ng daigdig ang dumayo na rito. Pahapyaw naming binasa ang isang maliit na buklet na naglalarawan sa meteorite, at pagkatapos ay kinunan namin ito ng litrato.

Inaakyat ng ilang bata ang meteorite at ginuguniguning nakasakay sila sa sasakyang pangkalawakan. Habang nagpipiknik kami sa kalapit na lugar, anupat nasiyahan sa mapayapang kapaligiran, mangha-mangha kaming makita ang pambihirang bagay na ito na nagmula sa malayong kalawakan at nakarating sa Mbozi.

[Larawan sa pahina 15]

Mga tabas sa “meteorite”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share