Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 9/22 p. 13-15
  • Ang Tagak—Kaibigan ng Tao at Hayop

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Tagak—Kaibigan ng Tao at Hayop
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Walang Katulad na Pananakop
  • Ang Lihim sa Likod ng Pananakop
  • Mga Pakinabang sa Tao at Hayop
  • Nagkakawan-kawan
  • Isang Pambihirang Kawan ng mga Bakang Wild White
    Gumising!—2002
  • Kandangaok
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Baka na May Napakakapal na Balahibo
    Gumising!—2012
  • Mga Paniolo—Mga Koboy ng Hawaii
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 9/22 p. 13-15

Ang Tagak​—Kaibigan ng Tao at Hayop

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

TIYAK na isa ito sa pinakapayapang pananakop na naganap kailanman. Walang nagpaputok ng baril; walang dugong dumanak. Hindi pinagsamantalahan ang mga katutubo, at walang bansa ang sinamsaman ng kayamanan. Gayunpaman, walang-lubay at sunud-sunod na sinakop ng mga mananalakay ang mga bansa.

Naganap ang pagsalakay na ito noong ika-20 siglo. Subalit ang makabagong pagsalakay na ito ay hindi gaanong napansin sapagkat ang mga mananakop ay mga ibon. Ang mapamaraang mga ibong ito, na sumasakop na ngayon sa limang kontinente, ay kilala bilang mga tagak​—o Bubulcus ibis, ang kanilang siyentipikong pangalan.

Walang Katulad na Pananakop

Sa loob ng maraming siglo, sa tropikal na Aprika lamang makakakita ng tagak. Subalit isang siglo na ang nakalilipas, matagumpay nitong sinakop ang Timog Aprika. Sinasabi ng ilang reperensiya na noong dekada ng 1930, marami-raming tagak ang tumawid sa Atlantiko upang manakop sa Timog Amerika. Sa kalagitnaan ng ika-20 siglo, nakarating sila sa Florida, at makalipas ang isang dekada, lumawak ang saklaw nilang lugar mula sa Canada sa hilaga hanggang sa Argentina sa timog. “Kung ang tagak ay dinala . . . ng dalawang pakpak nito at ng hangin patungo sa Bagong Daigdig,” ang isinulat ni Roger Tory Peterson noong 1954, “ito lamang sa buong kasaysayan ang tanging ibon sa Lumang Daigdig na nakapanirahan sa pinakakontinente ng mga lupain sa Amerika nang walang tulong ng tao.”

Sinasabi ngayon ng mga ornitologo na talagang nagawa ng mga tagak ang kamangha-manghang mga paglalakbay na ito. Sa tulong ng hanging nagmumula sa hilagang-silangan at timog-silangan, tinataya na matatawid ng tagak ang karagatang naghihiwalay sa Kanlurang Aprika at Timog Amerika sa loob ng mga 40 oras. At hindi lamang ang Karagatang Atlantiko ang hadlang na napagtagumpayan ng mga ito. Lumipad pasilangan ang ibang tagak hanggang sa makarating sila sa New Zealand. Sa panahon ding iyon, naging pangkaraniwang ibon ang mga ito sa kalakhang bahagi ng Eurasia, kung saan ang kanilang teritoryo ay sumasaklaw ngayon mula sa Iberian Peninsula sa kanluran hanggang sa Hapon sa silangan.

Ang mga tagak ay naninirahan sa mga bansang katamtaman ang lagay ng panahon; subalit sa mga lugar na matindi ang taglamig, nandarayuhan ang mga ito sa mga lugar na mas mainit ang klima kapag nakalilipad na ang kanilang mga inakay. Nagpapatuloy pa rin ang mahaba at kahanga-hangang paglalakbay ng mga ito, at regular itong mapagmamasdan sa nakabukod na mga isla sa Pasipiko at maging sa Antartiko.

Ang Lihim sa Likod ng Pananakop

Isang mahalagang salik sa pagdami ng tagak ay ang kakayahan nitong makibagay at ang ugnayan nito sa mga tao, lalo na sa mga magsasakang nag-aalaga ng mga baka. Bagaman mga hayop sa tubig ang kinakain ng maraming uri ng egret, mas gusto ng tagak ang mga insekto. Madalas itong kasama ng mga baka, bagaman maaari rin itong sumunod sa mga elepante, kanggaru, traktora, o maging sa mga sunog sa gubat​—anumang bumubulabog sa mga insektong kinakain ng mga tagak.

Mangyari pa, makasusumpong ng pagkain ang mga tagak nang walang tulong ng iba, subalit ang mga baka ay mahusay na tagabulabog para sa maninilang mga ibon na ito. Habang mabagal na nagpapagala-gala ang mga baka sa pastulan, nabubulabog nila ang mga tipaklong, langaw, at iba pang insekto. Ang listong mga tagak na sumasabay sa paglakad ng mga baka ay nakahuhuli ng mga insektong lumilipad sa kanilang direksiyon. Kaya tumutulong ang mga baka upang makahanap at makahuli ng masisila ang mga tagak​—hanggang dalawa o tatlong insekto sa bawat minuto, ayon sa isang pagtaya. Tinatantiya ng mga ornitologo na dahil sa pakikisama sa mga baka, nakatitipid ng lakas ang mga tagak nang 30 porsiyento samantalang dumarami nang 50 porsiyento ang nasisila ng mga ito.

Ang tagumpay ng tagak sa pananakop sa daigdig ay hindi lamang dahil nakasumpong ito ng kapareha na tumutulong sa paninila. Matibay ang mga tagak. Baka parang hirap itong lumipad kung ihahambing sa deretso at banayad na paglipad ng mga pato o kalapati. Subalit kayang tawirin ng mga tagak ang Sahara, at gaya ng nabanggit sa simula, nalipad nila ang 4,000 kilometrong distansiya sa pagitan ng Kanlurang Aprika at Timog Amerika.

Waring mahilig magpagala-gala ang mga tagak at ang ugaling ito ay nakatulong din sa kanilang pagdami. May iba pa kayang ibon na kumakain ng insekto ang mangangahas na maglakbay nang malayo patimog hanggang sa tiwangwang na Antartiko​—waring dahil lamang sa pagkamausisa?

Habang nandarayuhan ang mga tagak, nakasusumpong sila ng angkop na tirahan sa halos lahat ng lugar. Sa bawat kontinenteng nararating nila, ang malalawak na lupain ay kinumberte ng mga magsasaka upang maging rantso ng mga baka o bukirin na may patubig at namumutiktik sa mga insekto. Kaya dumayo at dumami ang mga tagak.

Mga Pakinabang sa Tao at Hayop

Madaling pagmasdan ang mga tagak na ito dahil puti ang lahat ng balahibo nito, laging nagkakawan-kawan, at mahilig makisama sa mga baka. Ang mga tagak na kasimputi ng niyebe at pumapagaspas nang magkakahanay sa kapatagan ay hindi lamang nagpapaganda sa kapaligiran kundi nagbibigay rin ng mahalagang serbisyo bilang mga pamatay-peste. Isang kawan ng mga 40,000 tagak ang minsang nakita sa Tanzania na nanginginain ng kulu-kulumpon na tipaklong. Itinuturing ng ilang magsasaka ang mga tagak bilang kapaki-pakinabang na ibon anupat dinala nila ang mga ito sa bukirin upang sugpuin ang mga insektong sumisira sa kanilang mga pananim. Ang bawat ibon ay nakakakain ng mahigit sa 600 tipaklong at kuliglig sa isang araw.

Nakikinabang din ang mga baka kapag kasama ang isang kawan ng mga tagak, sapagkat kinakain ng mga ibon ang mga langaw at iba pang insekto na laging umiinis sa kanila. Waring alam ng mga baka na kaibigan nila ang mga tagak at hinahayaan nilang sumakay paminsan-minsan sa kanilang likod ang mga tagak na malalakas ang loob.

Nagkakawan-kawan

Mahilig magsama-sama ang mga tagak, nagpaparami man ang mga ito, humahapon, o kumakain. Kapag nagpaparami, nasisiyahan silang mamugad sa iisang malaking puno kasama ng iba pang uri ng mga kandangaok o siguana. Ang gayong pamumugad nang sama-sama ay lumilitaw na nakapipigil sa mga maninila, at ang lahat ng uri ay nakikinabang sa pagkakaroon ng gayong iisang tirahan. Laging abala at nagkakaingay ang grupo ng mga ibong nagpaparami. Ang mga tagak ay madalas na nagnanakaw ng mga patpat sa kalapit na mga pugad, kaya katakut-takot na awayan ang nangyayari. Nakatungong nagbabantay ang ilang tagak sa kanilang mga pugad, samantalang ang iba naman ay nasa ilalim ng puno at abalang naghahanap ng magagamit na mga patpat na nahulog sa lupa. Ang mga kamag-anak nila, ang iba pang kandangaok at siguana, na may malalaking pugad sa mas malalaking sanga, ay kadalasang nagwawalang-bahala lamang sa lahat ng kaguluhang nagaganap sa palibot nila.

Kapag nanliligaw, nagpapasikat ang mga tagak sa pamamagitan ng pag-iinat, pagpapalagitik ng tuka, at masalimuot na pagtatanghal ng dilaw na balahibo na ipinangangalandakan ng mga lalaking tagak sa panahon ng pagpaparami. Kapag dumating sa pugad ang isa sa mga magulang na ibon, tinatanggap siya ng kaniyang kapareha sa pamamagitan ng “seremonyang pagbati” anupat mapagpasikat na inilalantad ang mga balahibo nito sa likod. Madaling mapagmasdan ang mga pagtatanghal na ito yamang hindi gaanong mailap sa tao ang mga ibong ito.

Naglilibot ka man sa iláng ng Aprika upang pagmasdan ang maiilap na hayop, nagdaraan sa isang pastulan sa Hilagang Amerika, o pumapasyal sa mga palayan sa Silangan, malamang na makakita ka ng kaakit-akit na mga ibong ito. Maaaring palakad-lakad sila sa palibot ng paanan ng mga elepante, nagmamalaking nakasakay sa likod ng barakong baka, o basta lumilipad pauwi upang humapon habang papalubog ang araw. Saan mo man makita ang mga ito, tiyak na nagpapaganda ito sa kabukiran, samantalang nagsasagawa ng kapaki-pakinabang na serbisyo sa mga tao at hayop. Ang kanilang kahanga-hangang pananakop ay isa sa pinakakapaki-pakinabang na kolonisasyon na naganap sa daigdig.

[Mga larawan sa pahina 14, 15]

Nasakop ng mga tagak ang limang kontinente, anupat panatag na nakikisama sa mga elepante at mga baka

Guyana

Australia

Kenya

Estados Unidos

Espanya

[Credit Line]

© Joe McDonald

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share