Kulay-Rosas na Lawa?
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Senegal
TALAGA bang may lawa na kulay-rosas? Ang Lawa ng Retba ay tinatawag na Kulay-Rosas na Lawa, at yamang 30 kilometro lamang ito mula sa aming tahanan sa Dakar, Senegal, sa Kanlurang Aprika, ipinasiya naming pumunta roon upang makita kung talaga ngang kulay-rosas ito. Pagdating namin, tumambad sa amin ang katubigang kumikislap sa sikat ng araw. Gaya ng nabalitaan namin, kaakit-akit at kulay-rosas nga ito. Ipinaliwanag ng aming giya na lumalabas ang gayong pambihirang kulay dahil sa reaksiyon ng liwanag ng araw at ng mga mikroorganismong nasa tubig. Gayunman, hindi lamang kulay ng lawa ang kapansin-pansin dito.
May nakalatag na suson ng asin sa ilalim ng mababaw na katubigan ng lawa. Napakaalat ng tubig anupat napansin namin na sinasamantala ng ilang namamasyal ang pagkakataon na magpalutang-lutang dito nang walang kahirap-hirap.
Maliwanag na pinagkakakitaan ng daan-daan katao ang Kulay-Rosas na Lawa (1). Sa kahabaan ng pampang, nagkakarga ng asin sa trak ang mga trabahador. Huminto kami sandali upang pagmasdan ang mga tagaroon na nangunguha ng asin sa lawa. Nakita namin ang mga lalaking nakatayo sa lawa na hanggang dibdib ang lalim habang binabasag ang buo-buong asin gamit ang mahahabang piko. Pinapala nila ito sa mga basket at ikinakarga sa mga bangka. Sinabi sa amin ng isa sa mga trabahador na aabutin ng tatlong oras ang paghakot sa isang tonelada ng asin. Punung-puno ang mga bangka anupat halos lumubog na ang mga ito (2). Pagdating ng mga bangka sa dalampasigan, ang kababaihan na ang tatapos sa trabaho, anupat sinusunong ang timba-timbang asin (3). Habang sama-samang nagtatrabaho, nagmimistula silang conveyor belt.
Kawili-wili ang aming pamamasyal. Ang lawang ito na kulay-rosas ay isa pa sa maraming kamangha-manghang nilikha kung kaya masasabing ang ating lupa ay mahalagang kaloob mula kay Jehova.—Awit 115:16.
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Photo by Jacques CLEMENT, Clichy, FRANCE at http://community.webshots.com/user/pfjc