Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Kaibigan Mula nang mamatay ang aking ina halos apat na taon na ang nakalilipas, nabuksan ang pagkakataong magkaroon ako ng ilang matatalik na kaibigan na malapít sa aking puso. Dahil sa seryeng “Kung Paano Magkakaroon ng Tunay na mga Kaibigan” (Disyembre 8, 2004), naisip kong napakalaki ng aking pasasalamat dahil kaibigan ko sila!
O. B., Estados Unidos
Ako po ay 11 taóng gulang, at parang nahihirapan akong makipagkaibigan. Nang mabasa ko ang seryeng ito, bumuti ang situwasyon. Binigyan ko ng magasin ang isang kaklase ko na laging may pintas sa iba. Mula nang mabasa niya ang mga artikulo, sinisikap niyang hindi na gawin ito.
J. K., Poland
Natiyak ko sa pagbabasa ng mga artikulong ito na kailangang maging kaibigan ako kung nais kong magkaroon ng mga kaibigan—na kailangan kong maglaan ng panahon sa iba, ayon sa pampatibay-loob na masusumpungan sa Gawa 20:35. Napakahalaga ng inyong payo.
A. K., Poland
Noon pa ako nahihirapang makipagkaibigan, maging sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. Nakikita ko na ngayon na kailangan kong bawasan ang pagkamahiyain, magkusa, at huwag umasa ng kawalang-kapintasan sa iba. Talagang sinasagot tayo ni Jehova sa tamang panahon!
L. Z., Russia
Dahil sa ilang pisikal na suliranin, nahihirapan akong makihalubilo sa iba. Ipinasiya kong ikapit ang impormasyon sa seryeng ito. Natulungan ako ng payong buksan ang iyong puso at unti-unting sabihin ang iyong tunay na kaisipan at damdamin.
N. M., Hapon
Ipinakipag-usap ko sa aking mga kaeskuwela ang seryeng ito habang nanananghalian. Dahil sa magasing ito, nagiging pamilyar sila sa Salita ng Diyos. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang paglalathala ng mga artikulong nagtatampok ng praktikal na kahalagahan ng Bibliya para sa lahat ng tao.
M. N., Hapon
Sabik na sabik kong sinubaybayan ang sagot sa tanong sa kahon na “Maaari Bang Maging ‘Magkaibigan Lang’ ang mga Lalaki at mga Babae?” Wala nang iba pang magasin o aklat na nakapagbigay ng gayong simple at maliwanag na sagot.
R. K., Alemanya
Parating malaking tulong ang inyong mga artikulo. Pinatitibay kami nito sa aming tunguhin na gumawa ng higit pa para kay Jehova at gawin siyang kaibigan namin. Maraming salamat sa pampatibay-loob!
R.V.H., Alemanya
Ang serye pong ito mismo ang kailangan ko. Ako po ay 15 taóng gulang, at mahirap para sa akin ang makipagkaibigan. Makatutulong po sa akin ang ibinigay ninyong payo sa paglilinang at pagpapanatili ng pagkakaibigan. Dumating ito sa panahong nananalangin ako upang humingi ng payo kung paano sasabihin sa iba ang aking niloloob!
B. E., Pransiya
Nakalulungkot na nitong kamakailan, binigo ako ng ilang kaibigan ko, at talagang nahirapan ako, yamang nadama kong nag-iisa ako. Napatibay akong malaman na hindi tayo iniiwan ni Jehova. Maganda ring mabasa at maikapit ang praktikal na payo kung paano makahahanap ng tunay na mga kaibigan.
C. C., Italya
Nais kong sumulong sa espirituwal ang aking anak na babae. Idiniriin ng magasing ito na maaari mong maging kaibigan ang mga tao anuman ang edad nila. Alam kong makatutulong sa kaniya ang seryeng ito. Nakatulong ito sa akin.
A. L., Estados Unidos
Alam ko na ngayong dapat akong magpakita ng interes sa iba at magbago ng aking personalidad upang maging tunay na kaibigan. Natitiyak ko na tutulungan ako ni Jehova.
M. Y., Canada