Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 10/8 p. 10-12
  • Paghinto sa Pag-abuso sa Alak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghinto sa Pag-abuso sa Alak
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkilala sa Problema
  • Paghingi ng Tulong
  • Punan ang Nadaramang Kawalan
  • Matagumpay na Pagharap sa Muling Pagkabigo
  • Paglaya!
  • Ano ang Dapat na Maging Pananaw ng mga Kristiyano sa Alak?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Tamang Pangmalas sa Alak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Magpagabay sa Pananaw ng Diyos sa Alak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Paano Mo Makokontrol ang Pag-inom ng Alak?
    Iba Pang Paksa
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 10/8 p. 10-12

Paghinto sa Pag-abuso sa Alak

“Alkoholiko ang tatay ko, at sumunod ako sa yapak niya. Sa edad na 12, umiinom na ako. Nang mag-asawa ako, araw-araw akong naglalasing. Naging marahas ako; madalas na sumasaklolo ang mga pulis sa aking pamilya. Humina ang kalusugan ko. Muntik na akong mamatay sa matinding pagdurugo ng sikmura dahil sa alak. Pagkatapos ay nagkaroon ako ng cirrhosis at anemya. Sumali ako sa mga grupong nagsisikap huminto sa pag-inom nang walang tulong ng isang propesyonal upang maitigil ko ang bisyo, pero walang nangyari. Para akong nabitag sa isang sapot anupat hindi ako makatakas.”​—VÍCTOR,a ARGENTINA.

PAULIT-ULIT na isinasalaysay ng mga taong nabitag ng alak ang mga kuwentong tulad nito. Tulad ni Víctor, para silang nasadlak at hindi na makaahon. Maaari bang mapagtagumpayan o maiwasan pa nga ang mga problemang sanhi ng pag-abuso sa alak? Kung oo, paano?

Pagkilala sa Problema

Una, dapat kilalanin ng taong sugapa sa alak at ng malalapít sa kaniya na may problema siya. Ang pagkasugapa ay maliit na bahagi lamang ng mas malaking problema. Nagsisimula ito sa pag-inom na katamtaman lamang noon, subalit dumadalas at dumarami sa paglipas ng panahon. Nakagugulat, ang karamihan sa mga aksidente, karahasan, at mga problema sa lipunan na dulot ng alak ay hindi kagagawan ng mga taong sugapa sa alak. Pansinin ang sinabi ng World Health Organization (WHO): “Ang pinakamagaling na paraan upang bawasan ang lahat ng problema sa lipunan na dulot ng alak ay supilin ang pag-inom ng mga katamtamang uminom sa halip na ang pag-inom ng malalakas uminom.” (Amin ang italiko.) Ang pag-inom mo ba ay lampas sa limitasyong iminumungkahi ng mga awtoridad sa kalusugan? Umiinom ka ba sa mga situwasyong kailangan kang magtuon ng matamang pansin at maging listo? Ang pag-inom mo ba ay nagdudulot ng problema sa iyong pamilya o trabaho? Ang talagang “pinakamagaling na paraan” upang makaiwas sa malulubhang problema sa dakong huli ay kilalanin ang posibilidad na mapanganib ang dami ng iniinom ng isang tao at bawasan ang pag-inom alinsunod dito. Kapag naging sugapa na ang isang tao, mas mahirap nang gumawa ng mga pagbabago.

Karaniwan nang ikinakaila ng mga nag-aabuso sa alak ang katotohanan. “Sindami lang naman ng iniinom ng iba ang iniinom ko” o “Kaya ko namang tumigil kailanma’t gusto ko,” ang iginigiit nila. “Kahit muntik na akong mamatay dahil sa alak, hindi ko kailanman inisip na sugapa ako, kaya hindi ako gumawa ng mga hakbang upang tumigil,” ang sabi ni Konstantin, na taga-Russia. “Maraming ulit ko nang sinubok na huminto,” ang naalaala ni Marek, na taga-Poland, “pero hindi ko talaga inamin sa sarili ko na isa akong alkoholiko. Minaliit ko ang mga problemang idinudulot ng alak.”

Paano matutulungan ang isang tao na kilalanin ang kaniyang problema sa pag-inom at pakilusin siya upang daigin ang kaniyang problema? Una, kailangan niyang aminin na ang kaniyang mga problema ay nagmumula sa pag-abuso sa alak at na bubuti ang kalidad ng kaniyang buhay kung hihinto siya sa pag-inom. Gaya ng sinasabi sa La Revue du Praticien​—Médecine Générale, ang pangangatuwiran niya ay kailangang magbago mula sa “umiinom ako dahil iniwan ako ng aking asawa at nawalan ako ng trabaho,” tungo sa “iniwan ako ng aking asawa at nawalan ako ng trabaho dahil umiinom ako.”

Kung gusto mong tulungan ang isang taong sugapa sa alak na baguhin ang kaniyang paraan ng pag-iisip, baka nanaisin mong sundin ang mga mungkahing ito: Makinig nang mabuti, gumamit ng prangkang mga tanong na magpapakilos sa kaniya na malayang ipahayag ang kaniyang damdamin, magpakita ng empatiya upang madama niyang may nakauunawa sa kaniya, papurihan siya kahit sa kaunti niyang pagsulong, iwasang maging mapamuna o magpakita ng saloobin na hahadlang sa kaniya na malayang sabihin ang kaniyang nadarama at humingi ng tulong. Baka makatulong din kung ipasusulat mo sa kaniya ang dalawang talaan salig sa mga tanong na Ano ang mangyayari kung patuloy akong iinom? at Ano ang mangyayari kung hihinto ako?

Paghingi ng Tulong

Kapag nag-abuso ang isang tao sa alak, hindi ito nangangahulugang wala na siyang kabuluhan o pag-asa. Nakahihinto pa nga ang ilan nang walang tulong ng iba. Gayunman, ang mga sugapa sa alak ay kadalasang nangangailangan ng propesyonal na tulong upang makaiwas sa pag-inom.b Para sa ilang tao, mabisa ang gamutan na hindi na kailangan pang maospital, subalit kapag matindi ang mga sintomas na sanhi ng paghinto, baka kailangan siyang gamutin sa ospital. Kapag lumipas na ang panimulang pisikal na mga sintomas ng paghinto​—sa pagitan ng dalawa at limang araw​—maaaring resetahan siya upang bawasan ang kaniyang pagkauhaw sa alak at patuloy na makaiwas sa pag-inom.

Gayunman, hindi garantisadong magtatagumpay ang mga programa ng paggamot sa mga alkoholiko. Pansamantalang tulong lamang ang paggamot at hindi lunas. Sumailalim si Alain na taga-Pransiya sa ilang paraan ng paggamot upang maalis ang kaniyang pagkasugapa. “Pagkalabas na pagkalabas ko sa ospital, nagsimula na naman akong uminom dahil nakisama ako sa dati kong mga kainuman. Pangunahin na, wala akong tamang motibo na huminto,” ang sabi niya.

Punan ang Nadaramang Kawalan

Waring hindi nagtatagumpay ang ilan dahil parang may kulang kapag hindi sila nakainom, gaya ng pagkawalay sa isang malapít na kaibigan. “Wala na akong ibang inisip kundi ang uminom,” ang sabi ni Vasiliy, na taga-Russia. “Kapag lumipas ang isang araw nang hindi ako nakainom, parang walang saysay ang araw na iyon.” Sa isang sugapa, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sapatan ang kaniyang pagkauhaw sa alak. “Ang tanging layunin ko sa buhay ay uminom at maghanap ng pambili ng maiinom,” ang sabi ni Jerzy, na taga-Poland. Maliwanag, mahalaga para sa isang pagaling na alkoholiko na makasumpong ng bagong layunin sa buhay upang patuloy siyang makaiwas sa pag-inom.

Isang manwal na inilathala ng WHO at may payo para sa mga nagsisikap na baguhin ang kanilang mga kaugalian sa pag-inom ang nagtatampok sa kahalagahan ng makabuluhang mga gawain upang maiwasang bumalik sa bisyo. Isang mungkahing ibinigay bilang halimbawa ang pakikibahagi sa relihiyosong mga gawain.

Ang pagiging abala sa espirituwal na mga gawain ay makatutulong sa isang tao na makalaya sa kapangyarihan ng alak. Halimbawa, pagkatapos ng ikatlong pagkakakulong ni Alain dahil sa mga nagawa niya sanhi ng kalasingan, nagpasimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ganito ang sabi niya: “Ang pag-aaral ng Bibliya ay nagbigay sa akin ng layunin sa buhay at pumigil sa akin sa pag-inom. Ang motibo ko ay hindi lamang huminto sa pag-inom kundi palugdan si Jehova.”

Matagumpay na Pagharap sa Muling Pagkabigo

Binabanggit ng mga tagapayo hinggil sa pag-abuso sa alak ang kahalagahan ng suporta at pampatibay-loob para sa pagaling nang mga alkoholiko. Marami ang nawalan ng kanilang pamilya at kaibigan dahil sa kanilang napakasamang kalagayan. Kapag napabukod sila dahil dito, maaari itong humantong sa depresyon at pagpapatiwakal pa nga. Ang manwal na nabanggit kanina ay nagbibigay ng sumusunod na payo para sa mga tumutulong sa isang tao na may problema sa pag-inom: “Sikaping huwag punahin ang taong tinutulungan mo, kahit na mayamot o masiphayo ka sa kaniyang iginagawi. Tandaan na hindi madaling baguhin ang mga kinaugalian. Talagang may matagumpay at di-matagumpay na mga linggo. Ang iyong pampatibay-loob, suporta upang tulungan siyang uminom nang katamtaman lamang o umiwas sa pag-inom, at malikhaing mga ideya ay kinakailangan.”

“Ang nakatulong sa akin,” ang sabi ni Hilario, na halos 30 taon nang umiinom, “ay ang pag-ibig at pagmamalasakit ng mga kaibigan sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Maraming beses akong bumalik sa pag-inom, subalit lagi silang nasa tabi ko para magbigay ng pampatibay-loob at napapanahong payo mula sa Bibliya.”

Kung nagpupunyagi kang huminto sa pag-inom, tandaan na malamang na mabigo ka nang ilang beses, at na dapat mong ituring na bahagi ito ng proseso sa paggaling. Huwag kang sumuko! Pag-isipan kung bakit ka nabigo, at gamitin ang kaalamang iyon upang hindi na ito maulit. Alamin ang espesipikong mga situwasyon na tumukso sa iyong uminom. Iyon kaya ay pagkabagot, depresyon, kalungkutan, pagtatalo, kaigtingan, o mga okasyon o lugar kung saan nag-iinuman ang iba? Kung gayon ay iwasan ang mga ito! “Natutuhan kong unawain at tukuyin ang mga damdamin na umaakit sa akin na uminom,” ang sabi ni Jerzy, na inabot ng dalawang taon bago lubusang makaiwas sa pag-inom. “Iniiwasan ko na ngayon ang nakatutuksong mga situwasyon. Umiiwas ako sa mga lugar kung saan umiinom ang mga tao. Hindi ako kumakain ng anumang pagkain na may halong alak, at iniiwasan ko pa nga ang mga produkto sa pangangalaga sa katawan o mga gamot na may sangkap na alkohol. Hindi rin ako tumitingin sa anumang anunsiyo ng alak.” Nasumpungan ng marami na ang pananalangin sa Diyos upang humingi ng “lakas na higit sa karaniwan” ay mahalaga sa pagdaig sa kanilang hilig na uminom.​—2 Corinto 4:7; Filipos 4:6, 7.

Paglaya!

Bagaman patuluyan at mahirap gawin ito, posibleng makalaya sa pagkasugapa sa alak. Ang lahat ng indibiduwal na binanggit sa artikulong ito ay nagtagumpay. Mas malulusog sila at nakikinabang kapuwa sa pamilya at sa trabaho. Ganito ang sabi ni Alain, “Hindi na ako alipin ng pag-inom ngayon.” Ganito naman ang sinabi ni Konstantin: “Dahil nakilala ko si Jehova, nanatiling buo ang aking pamilya. May layunin na ngayon ang aking buhay. Hindi nakadepende sa alak ang aking kaligayahan.” Ganito ang komento ni Víctor: “Para akong isang taong nakalaya sa pagkabilanggo. Nagkaroon uli ako ng dignidad.”

Ang isang tao ay maaaring magbago siya man ay nanganganib na maaksidente dahil sa pag-abuso sa alak, may mga problemang dulot nito, o sugapa sa alak. Kung isinasapanganib ng iyong pag-inom ang kalusugan at kaligayahan mo, huwag mag-atubiling gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Para sa kabutihan mo ito at ng mga nagmamahal sa iyo.

[Mga talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

b Maraming sentro ng rehabilitasyon, ospital, at programa sa paggamot na makatutulong. Hindi nagrerekomenda ang mga Saksi ni Jehova ng anumang partikular na paggamot. Ang isa ay kailangang mag-ingat upang hindi siya masangkot sa mga gawaing salungat sa mga simulain ng Kasulatan. Gayunman, sa dakong huli, ang bawat isa ang personal na magpapasiya kung anong uri ng paggamot ang kinakailangan.

[Larawan sa pahina 10]

Ang pag-amin sa problema ang unang hakbang

[Larawan sa pahina 11]

Marami ang nangangailangan ng tulong ng isang propesyonal upang makalaya sa bisyo

[Larawan sa pahina 12]

Makatutulong ang panalangin

[Larawan sa pahina 12]

Makasusumpong ka ng lakas upang hindi na uminom!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share