Pagmamasid sa Daigdig
Sumaklolo ang mga Daga
Ang mga detektor ng metal, na matagal nang ginagamit upang mahanap ang nakatanim na mga bomba, “ay mabagal at mahirap gamitin yamang nagkakaroon ang mga ito ng reaksiyon kapag natatapat sa bawat piraso ng metal, na pagkatapos ay sinusuri naman,” ang ulat ng pahayagang The Citizen sa Timog Aprika. “Heto na ang giant pouched rat sa Gambia, ang pinakabagong sandata sa pag-aalis ng mahigit sa 100 milyong nakatanim na bomba na nakakalat sa mga 60 bansa at pumapatay o pumipinsala sa tinatayang 50 katao araw-araw.” Ginagamit ang malaking dagang ito kasama ng mga aso at detektor ng metal upang mahanap ang mga antipersonnel mine na matagal nang naiwan sa Mozambique pagkatapos magwakas ang digmaang sibil doon noong 1992. “Ang nakatanim na mga bomba,” ayon sa ulat, “ay di-kapansin-pansing mga labí ng digmaang iyon na lumulumpo at pumapatay sa mga taga-Mozambique hanggang sa araw na ito, kabilang na ang mga batang isinilang sa kabukiran matagal na panahon na ang lumipas pagkaraan ng digmaan.” Ang giant pouched rat sa Gambia, na binigyan ng gayong pangalan dahil sa malalaking supot o pouch na nasa mga pisngi nito para sa pagdadala ng pagkain, ay matatagpuan sa maraming lugar sa Aprika, madaling paamuin, at paboritong alagang hayop.
Paakyat o Pababa?
May pagkakaiba ba sa kalusugan kung ang pag-eehersisyo ay sa pamamagitan ng pag-akyat o pagbaba sa matarik na dalisdis? Maaaring sa ilang paraan, ayon sa mga mananaliksik. Isang pag-aaral ang isinagawa sa bundok sa Alps kung saan sa loob ng dalawang buwan, 45 boluntaryo ang umakyat sa bundok na 30-digri ang tarik at sumakay ng cable car pababa. Pagkatapos, sa loob ng dalawa pang buwan, kabaligtaran naman ang ginawa nila. Ipinahiwatig ng pag-aaral na bagaman alinman sa pag-akyat o pagbaba ay nakabawas sa dami ng masamang kolesterol, “ang pag-akyat sa bundok ay mas mabisa sa pagbawas ng mga taba na tinatawag na mga triglyceride, [samantalang] ang pagbaba naman ay mas mabisa sa pagbawas ng asukal sa dugo at pagtunaw ng glucose,” ang sabi ng Tufts University Health & Nutrition Letter. Kung gayon, ang pagbaba sa bundok bilang ehersisyo ay mainam para sa mga may diyabetis at mas madaling gawin para sa mga taong nagsisimula pa lamang mag-ehersisyo. Para sa mga nakatira sa lunsod, magagawa nila ito sa mas matataas na gusali sa pamamagitan ng pagsakay sa elebeytor pataas at paglalakad sa hagdan pababa o pagbaba sa sasakyan habang nasa taluktok ng burol at paglalakad naman pababa. Gayunman, dapat mong malaman na mas nahihirapan ang mga tuhod sa paglalakad pababa.
Sahig ng Karagatan na Punung-puno ng Buhay
Isang internasyonal na proyekto na tinatawag na Census of Marine Life ang nagsasagawa ng malawakang pag-aaral sa karagatan, kasama na ang sahig nito. Hanggang sa panahon ng pag-aaral, “ang kaalaman hinggil sa buhay sa karagatan ay halos limitado lamang sa buhay na malapit sa ibabaw ng tubig, sa lalim na 200 metro,” ang paliwanag ng pahayagang El País sa Espanya. Yamang ang lalim ng karamihan sa sahig ng dagat ay mula 5 hanggang 11 kilometro mula sa kapantayan ng dagat, hindi pa nagagalugad ang 95 porsiyento ng sahig ng karagatan. Upang magawa ang mahirap na bahaging ito ng sensus, gagamit ang mga biyologo ng sopistikadong mga aparato upang mahanap at malitratuhan ang mga uri sa kanilang likas na dako, yamang kitang-kitang nagbabago ang mga katangian ng ilan sa mga anyo ng buhay na ito kapag iniahon sa tubig ang mga nilalang na ito. Inaasahan ng isang pangkat ng mga 50 biyologo na makahanap ng milyun-milyong bagong uri sa kaila-ilaliman ng dagat. Sinabi ng manedyer ng proyekto na si Pedro Martínez Arbizu na may natagpuang 500 uri sa isang metro-kuwadradong bahagi ng sahig ng dagat malapit sa baybayin ng Angola, Aprika. Sa mga ito, 90 porsiyento ang bago sa siyensiya at kailangang ilarawan at pangalanan,” ang sabi niya.
Nakamamatay sa mga Aso ang Tsokolate
Ang tsokolate “ay nagdudulot ng pagsusuka at kumbulsiyon sa mga aso” at “maaaring makamatay [sa kanila] kapag marami ang nakain,” ang babala ng BBC News. Ang tsokolate ay may theobromine, isang kemikal na nakalalason sa mga aso at nakaaapekto sa kanilang puso, bato, at sentral na sistema ng nerbiyo. Sinasabi ng ulat na “maaaring makamatay ang 200 gramo ng dark chocolate sa isang aso na tumitimbang ng 25 kilo, tulad ng babaing Labrador.” Maaaring makamatay ng maliit na aso ang 30 gramo lamang ng tsokolateng pam-bake na walang asukal. Gayunman, ligtas ang artipisyal na tsokolate para sa aso na nabibili sa mga tindahan ng alagang hayop.
Kapag Ninanakawan ng Kotse
Malaking negosyo na sa Mexico City ang pagnanakaw ng kotse, ang ulat ng El Universal. Katamtamang 80 kotse ang ninanakaw at muling ipinagbibili araw-araw. Ayon sa isang tagausig, waring mas binibiktima ang mga lalaking naglalakbay nang mag-isa, yamang iniisip ng mga magnanakaw na ang mga babae ay mas malamang na sumigaw o may kasamang bata, anupat nagiging mas komplikado ang pagnanakaw. Walumpu’t limang porsiyento ng mga magnanakaw na naaresto ay mga kabataang nasa pagitan ng edad 18 at 25. Kabilang sa paraang karaniwang ginagamit sa pagnanakaw ay ang panghoholdap sa drayber kapag nakahinto sa ilaw ng trapiko, pagbangga sa sasakyan upang mapilitang lumabas ang drayber, o pagsalakay sa drayber kapag binubuksan niya ang kaniyang garahe. Iminumungkahi ng pahayagan na huwag lumaban ang mga drayber kundi, sa halip, manatiling kalmado—lalo na kapag may sandata ang magnanakaw—at sauluhin ang pinakamaraming impormasyon hangga’t maaari hinggil sa mga kriminal. Upang mapabilis ang pagbawi sa kanilang sasakyan, dapat ay alam ng mga biktima ang numero ng kanilang plaka at ang kulay ng kotse at kaagad nilang ireport ito at ang iba pang mahahalagang impormasyon sa pulis.
Mga Drayber na Tin-edyer
Ang mga magulang na nagnanais higpitan sa pagmamaneho ang kanilang mga anak na tin-edyer ay makahahanap na ngayon ng nakatutulong na impormasyon sa kamakailang pananaliksik ng National Institutes of Health ng Estados Unidos. Ang pag-aaral na ito ay “nagpapahiwatig na lubusan lamang nabubuo ang bahagi ng utak na pumipigil sa mapanganib na paggawi kapag sumapit na sa edad na 25,” ang ulat ng internasyonal na edisyon ng The Miami Herald. Inaakala noon na lubusan nang nadebelop ang utak kapag sumapit sa edad 18, kung kailan pinakamatalas ang mga pandama at mga reflex. Gayunman, ipinakikita ng estadistika mula sa Insurance Institute for Highway Safety na “ang mga tin-edyer ay apat na beses na mas malamang na mabangga kaysa sa mas nakatatandang drayber at tatlong beses na mas malamang na mamatay sa bawat insidente,” anupat nagpapatunay na mas madali silang magambala at mas madalas na makipagsapalaran kapag nagmamaneho.
Babala Laban sa mga Pampaputi ng Ngipin
Ang mga odontologo sa Fray Antonio Alcalde Civil Hospital sa Gaudalajara, Mexico, ay nagbababala na maaaring magdulot ng pinsala at kirot ang mga pampaputi ng ngipin, ayon sa ulat ng pahayagang Milenio sa Mexico City. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng “pinsala mula sa ibabaw hanggang sa ilalim” ng ngipin at maaaring hindi pa nga talaga mabisa sa pagpapaputi. Ayon sa mga ekspertong ito, maaaring iba-iba ang kulay ng malulusog na ngipin mula sa kulay-kahel hangang sa kulay-abo. Ang kulay puti ay hindi laging nangangahulugang napakalusog ng mga ngipin ng isang tao, ang sabi ng espesyalista na si Rocío Liliana Hernández, bagaman napaniwala ang mga tao na ang mapuputing ngipin ang “pinakamagaganda at pinakamalulusog.”