Pagmamasid sa Daigdig
Ipinagkaloob ng Taiwan ang Amnestiya sa “mga Nabilanggo Dahil sa Budhi”
“Pinatawad ng Pangulong Chen Shui-bian [ng Taiwan] ang 21 bilanggo . . . , kabilang ang 19 na ‘mga nabilanggo dahil sa budhi’ na napiit dahil sa pagtanggi sa sapilitang paglilingkod sa hukbo,” ang ulat ng The China Post. “Ang pagpapatawad, na nagkabisa sa Internasyonal na Araw ng mga Karapatang Pantao [Disyembre 10, 2000], ay magpapawalang-sala sa pangalan ng 19 na Saksi ni Jehova, na nahatulan dahil sa pagtangging makibahagi sa sapilitang paglilingkod sa militar dahil sa relihiyosong mga kadahilanan.” Sa 19, 14 ang napalaya na sa pamamagitan ng pansamantala at may-kondisyong paglaya. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng sampung taon ay iginawad ang pantanging kapatawaran. Sinabi ng abogado na si Nigel Li, na siyang may-ari ng kompanya ng mga abogado na humawak sa kaso ng mga Saksi: “Ako’y nahikayat at naantig sa mga Saksi at sa kanilang misyong naghahangad ng kapayapaan. . . . Sinasalamin ng kanilang pagpili sa kapayapaan ang mataas na pagpapahalaga sa tao. Humihiling ito na dapat natin silang bigyan ng pantanging paggalang.”
“‘Labis-labis na Populasyon’ Isang Maling Akala?”
“Waring kataka-taka, ang buong populasyon ng daigdig ay maaaring magkasya sa estado ng Texas ng Estados Unidos,” ang ulat ng magasing Vitality. Ayon sa artikulo, ang kasalukuyang tantiya ng United Nations sa populasyon ng daigdig ay mga anim na bilyong katao, at ang Texas ay may sukat ng lupa na mga 680,000 kilometro kuwadrado. Sa gayon, ang sukat ng matitirhang lugar ng bawat tao ay mahigit sa 113 metro kuwadrado. “Kaya, maaaring sakupin ng isang pamilya na may 5 katao ang mahigit na 565 metro kuwadrado ng matitirhang lugar. Kahit sa Texas, iyan ay kasinlaki ng isang mansiyon,” ang sabi ng Vitality. “Samantala, ang iba pang bahagi ng daigdig ay magiging ganap na walang laman, anupat magagamit para sa lahat ng gawaing pang-agrikultura, paggawa, pang-edukasyon, at paglilibang!”
Ang Maraming-Gamit na Nopal—Mabuti sa mga May Diyabetis?
Ipinalalagay ng maraming tao ang nopal bilang isa lamang halaman sa disyerto na tumutubo sa ilang. Gayunman, gaya ng iniulat sa The News ng Lunsod ng Mexico, ang maraming-gamit na nopal ay maaaring makapukaw ng pantanging interes sa mga may diyabetis. Bakit? Natuklasan ng mga siyentipiko na ang mga pagkaing niluto na may arinang gawa mula sa pinatuyong nopal ay maaaring kainin ng mga may diyabetis nang hindi tumataas ang antas ng kanilang asukal sa dugo. Waring sa pagpapalakas sa atay at lapay, dinaragdagan ng nopal ang pagtugon ng katawan sa insulin.
Polusyon sa Hangin sa Indian Ocean
Dumaranas ng di-inaasahang mataas na antas ng polusyon sa hangin ang malalaking bahagi ng gawing hilaga ng Indian Ocean, ang ulat ng babasahing MorgenWelt Nachrichten. Natuklasan ng mga mananaliksik mula sa anim na bansa na noong taglamig, dala ng mga hanging habagat ang maitim na dumi na likha ng usok, abo, maliliit na organikong butil, mineral na alikabok, mga nitrate, at mga sulfate mula sa gawing timog at timog-silangan ng Asia tungo sa Indian Ocean. Mula Enero hanggang Marso 1999, isang suson ng manipis na usok, na may sukat na halos tatlong kilometro ang taas, ang tumakip sa isang dako na mahigit sa sampung milyong kilometro kuwadrado, na mas malaki pa sa sukat ng lupa ng Canada. “Ayon sa mga siyentipiko, ang tumataas na antas ng mga nagpaparumi (pollutant) sa Asia ay nagdudulot ng malawakang pagbaba sa kalidad ng hangin, na nakaaapekto kapuwa sa rehiyon at sa daigdig,” ang sabi ng pahayagan.
Tsokolate—Mabuti sa Kalusugan?
Sinasabi ng ilan na mabuti sa iyong kalusugan ang tsokolate, ang sabi ng pahayagang Nihon Keizai Shimbun ng Hapon. Bakit? Sapagkat ang tsokolate ay may cocoa polyphenol, na tumutulong upang hadlangan ang arteriosclerosis (paninigas ng mga ugat) at kanser. Karagdagan pa, sinasabing mabisa ang tsokolate sa pagbalanse sa sistema ng imyunidad at sa pagtulong sa katawan na makabawi mula sa kaigtingan. Ganito ang sabi ni Propesor Hiroshige Itakura ng Ibaraki Christian University: “Pinakamabisa ang mataas na uring tsokolate na gumagamit ng maraming kakaw at kaunting-kaunting asukal at langis.” Gayunman, idiniin din ng propesor ang kahalagahan ng pagkain ng “berde at dilaw na mga gulay at mga protina na may iba’t ibang uri ng polyphenol” na kailangan ng katawan.
Inaasahang Haba ng Buhay
Bagaman umaasa ang mga naniniwala sa hinaharap (futurist) na ang inaasahang haba ng buhay ay tataas tungo sa 100, mahirap itaas ito nang higit pa sa 80. Ayon sa The Globe and Mail ng Canada, sinasabi ng mga dalubhasa na “walang mangyayaring malaking pagtaas sa inaasahang haba ng buhay malibang masumpungan ng biomedical na mga mananaliksik ang isang paraan upang baguhin ang proseso ng pagtanda at gawin itong madaling makuha sa mababang halaga. Hanggang sa mangyari ito, gaano man karaming mga pagpapabuti sa istilo ng pamumuhay ang gawin natin, gaano man karaming bitamina ang inumin natin at gaano man karaming hormon ang iturok natin, hindi na lubhang magbabago ang inaasahang haba ng buhay.” May kinalaman sa inaasahang haba ng buhay, ika-12 ang Canada sa 191 bansa na sinuri ng World Health Organization noong nakaraang taon. Ang bilang ng malulusog na taon bago ang karamdaman ay tinataya sa edad 70 para sa kalalakihan at 74 naman para sa kababaihan. Sa Hapón, itinuturing na siyang pinakamalusog na bansa, ang isang mamamayan ay makaaasang mabuhay ng halos 75 taon na walang sakit, ang sabi ng ulat.
Libingan ng Dambuhalang mga Talaba
Mahigit na 500 dambuhalang talaba na naging fossil, na ang ilan ay may sirkumperensiya na hanggang 3.5 metro at tumitimbang ng hanggang 300 kilo, ang nasumpungan sa Acostambo, Peru, sa taas na 3,750 metro mula sa antas ng dagat, ang ulat ng pahayagang El Comercio. Natagpuan ng paleontologist na si Arturo Vildozola ang talabahan mga ilang metro ang layo mula sa isang haywey na bumabagtas sa pagitan ng mga bayan ng Pampas at Colcabamba. Sa wari, ang mga talaba ay hindi napansin ng sinuman noon, sa kabila ng bagay na nagkalat ang mga ito sa lupa sa loob ng maraming taon. Pinagtitibay ng natuklasang ito na dambuhalang mga talaba ang ideya na noong minsan inapawan ng karagatan ang hanay ng mga bundok sa Andes.
Amoy ng “Bagong Kotse”
Ang mga kemikal na galing sa mga pintura o alpombra sa loob ng mga gusali ay maaaring pagmulan ng mga problemang pangkalusugan na kung minsan ay tinatawag sa Hapón na “sick-house syndrome.” Subalit naglalabas din ng matatapang at nakalalasong mga kemikal ang mga materyales sa mga bagong kotse, ulat ng pahayagang The Daily Yomiuri. Sa pagsubok sa isang bagong sasakyan, natuklasan ng mga mananaliksik sa Osaka Prefectural Institute of Public Health ang matatapang at nakapipinsalang mga bagay na mas matindi nang mga 34 na ulit kaysa sa itinakdang hangganan ng Health and Welfare Ministry para sa mga bahay. Kahit na pagkaraan ng isang taóng paggamit sa kotse, ang antas ng kemikal ay nanatiling mas mataas kaysa sa itinakdang hangganan. Ganito ang sabi ni Iwao Uchiyama ng National Public Health Institute: “Kapag ang isa ay nasa loob ng isang kotse sa mahabang panahon, makabubuting maging maingat.” Paano? Ganito ang komento niya: “Kung papapasukin ang hangin mula sa labas, mas madaling pahanginan ang isang kotse kaysa sa isang bahay.”
Pagdadalang-Tao ng mga Tin-edyer sa Estados Unidos
“Ang Estados Unidos ang nangunguna sa mauunlad na bansa pagdating sa pagdadalang-tao ng mga tin-edyer,” sabi ng magasing U.S.News & World Report. Tinataya na sa bawat taon, isang milyong tin-edyer sa Estados Unidos ang nagdadalang-tao at na 25 porsiyento ng mga ito ay masusundan ng pangalawang anak sa loob ng dalawang taon. Ipinakikita ng mga bilang mula noong 1997 na ang Mississippi ang may pinakamataas na porsiyento ng mga isinisilang ng mga tin-edyer (20 porsiyento), samantalang ang Massachusetts ang may pinakamababa (7.2 porsiyento). Sa pangkalahatan, ang pinakamataas na porsiyento ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ay nangyari sa tinatawag na Bible Belt, na nasa timugang bahagi ng Estados Unidos.
Karahasan sa Pamilya Laban sa mga May-Edad Na
“Ang mga pagtatalo hinggil sa ari-arian ang nagiging karaniwang sanhi ng karahasan sa pamilya laban sa mga may-edad na,” ulat ng O Estado de S. Paulo. Ipinakita ng isang pagsusuri sa mga reklamong isinampa sa pulisya sa São Paulo, Brazil, sa pagitan ng 1991 at 1998 na ang mga kamag-anak—mga anak, mga apo, ang kani-kanilang asawa, at iba pa—ay kasangkot sa 47 porsiyento ng mga kaso. “Ang pisikal at sikolohikal na karahasan ay karaniwang bunga ng pagtatangkang pilitin ang may-edad na na ilipat ang ari-arian o hatiin ang kaniyang mga pag-aari sa mga kamag-anak samantalang siya’y buháy pa,” ang sabi ng tagausig na si João Estêvão da Silva. Salapi rin kung minsan ang dahilan kung bakit walang-awang pinababayaan ang mga may-edad na sa mga ospital ng Estado at sa mga tirahan para sa mga may-edad. “Dahil sa karukhaan, ang mga may-edad na ay nagiging pabigat, at ito’y pinagmumulan ng kaigtingan sa pamilya,” paliwanag ni Silva.