Pagmamasid sa Daigdig
GASTOS SA MILITAR
“Ang gastos ba sa militar ay nagpapasigla o humahadlang sa pag-unlad ng ekonomiya?” tanong ng UN Chronicle. Ang ulat ng Chronicle tungkol sa isang pag-aaral na inihanda ng mga eksperto buhat sa 13 mga bansa ay nagpapakita na “ang pangmatagalang halaga ng malaking gastos sa militar ay halos walang pagbabagong negatibo.” Kahit na sa lugar kung saan noong una’y nagkaroon ng mga trabaho at pangangailangan, ang gastos sa militar ay nagwakas na nakapipinsala sa ekonomiya ng bansa “dahil sa kinukuha nito ang pagkalaki-laking halaga ng puhunang kapital mula sa ibang produktibong dako,” gaya ng pagtatayo ng pabahay. Bagaman ang mga sistemang welfare at social security (pagpapabuti sa kapakanan ng mamamayan) ay nagawang panatilihing lulutang-lutang sa karamihan ng mga bansa sa Kanluran, ang panggigipit ng gastos sa militar ay nakapipinsala sa mga paglilingkod na ito sa nagpapaunlad na mga bansa. “Mientras mas mahirap ang bansa, mas negatibo ang epekto ng gastos sa militar sa ekonomiya nito, gaano pa nga sa kapakanan ng mamamayan nito,” sabi ng Chronicle. Susog pa nito: “Sa bawat tatlong oras, ang daigdig ay gumugugol ng $300 milyon para sa mga layuning militar. Sa halagang iyan ang bawat bata sa planeta ay mabibigyan ng imyunisasyon laban sa nakamamatay na mga sakit.”
SIYENTIPIKONG KAMANGMANGAN
“Wala pang kalahati ng mga mamamayang Amerikano at sangkatlo lamang ng mga Britano ang nakaaalam na ang lupa ay umiikot sa paligid ng araw minsan sa isang taon,” ulat ng propesor sa Oxford University na si John Durant tungkol sa mga surbey sa mahigit 2,000 adultong mga Amerikano at 2,000 adultong mga Britano. Halimbawa, sa surbey sa Amerika, na isinagawa ni Jon D. Miller ng Northern Illinois University, 21 porsiyento ang nag-aakalang ang araw ang umiikot sa paligid ng lupa, at 7 porsiyento ang nagsabi na hindi nila alam. Sa 72 porsiyento na wastong sumagot na ang lupa ay umiikot sa paligid ng araw, 17 porsiyento ang nagsabi na ito ay nangyayari sa loob ng isang araw, 2 porsiyento ang nagsabi na ito ay kumukuha ng isang buwan, at 9 na porsiyento ang nagsabi na hindi nila alam. Ang mga surbey, na nagtanong ng 75 mga katanungan na sumusubok sa saligang kaalaman sa siyensiya, ay nagpapakita na “6% lamang ng mga Amerikano at 7% ng mga Britano ang nakatutugon [sa] pamantayan para sa kabatiran sa siyensiya,” sabi ng magasing Science.
ANG MGA SEAT BELT AY NAGLILIGTAS NG BUHAY
Ang katibayan ay nagpapatunay na ang mga seat belt ay talagang nagliligtas ng buhay, hinuha ng isang pag-aaral tungkol sa sapilitang paggamit ng seat-belt sa Estados Unidos. Nasumpungan ng pag-aaral na inilathala sa medikal na babasahing JAMA ang “lubhang pagbaba ng grabe at nakamamatay na mga pinsala sa mga banggaan sa gitna ng mga nakaupo sa harapan ng kotse” na sumusunod sa batas tungkol sa paggamit ng seat-belt. Kaya sa susunod na pagkakataong kayo ay sumakay sa kotse, ikabit ang inyong seat belt; maililigtas mo ang isang buhay—ang iyong buhay!
NAGTATAASANG NITSO
Bagaman ang Hapón ay napakaliit kung ihahambing sa Estados Unidos, ang halaga ng lahat ng lupain nito ay tinaya noong nakaraang taon na katumbas ng $13.47 trilyon—mas mataas sa halaga ng lahat ng lupain sa E.U. Ang halaga ng lupa, at ang kakapusan, ay mataas lalo na sa pangunahing lungsod ng Tokyo at, sang-ayon sa pahayagan sa Tokyo na Asahi Shimbun, ay lumikha ng “napakagrabeng” kakapusan ng lugar na mapaglilibingan. Iniulat na ang lugar para sa bagong mga nitso kung saan ang mga abo ng mga namatay ay maaaring ilagay ay mauubos sa loob ng limang taon. Upang bawasan ang problema, ang mga templong Budista ay nagpalaki ng mga gusali nito pataas. Isang templo ang nagtayo ng isang anim-na-palapag na uring-apartment na libingan na nagpapangyari sa mga nitso na ilagay sa bawat palapag. Ang isa pa ay nagtayo ng isang tatlong-palapag na gusali na may dalawang-palapag na silong na naglalaman ng mga hanay ng mga altar kung saan maaaring ihabilin ng mga tao ang abo ng sinunog na mga bangkay. Bagaman ang halaga ng mga ito ay mahal, 2.6 milyong yen ($20,000) ang isa, halos isang libo na ang naibenta.
“TERRAFORMING” SA MARS
Ang Mars ay isang patay at nagyeyelong planeta. “Sinumang hangal na titigil doon nang walang kasuotang pangkalawakan ay papatayin ng radyasyon, nagpapakulo-dugong presyon ng atmospera at ng nakalalasong hangin,” sabi ng The Wall Street Journal. Gayunman, seryosong isinasaalang-alang ng isang pangkat ng mga siyentipiko ang pagbabago rito—“terraforming,” sa kanilang pananalita—tungo sa isang nabubuhay na planeta na angkop pamuhayan ng tao sa paggamit ng nuklear na mga warhead, polusyon, at baktirya. “Kami’y nagkukunwang Diyos, at ito’y kahanga-hanga,” masayang-masayang sabi ng astropisikong si Christopher McKay. Ang tantiyang panahon para sa pagbabago sa planeta ay mula sa ilang dantaon hanggang sa mahigit na sandaang libong taon. Ang U.S. National Aeronautics and Space Administration ay naglaan ng $10,000 para sa isang terraforming na komperensiya sa taóng ito sa California. Gayunman, hindi lahat ng siyentipiko ay sumasang-ayon. Sabi ng astronomong si Carl Sagan: “Hindi natin napamahalaang mabuti ang ating mismong planeta, dapat tayong lubhang mag-ingat bago tayo sumubok na pamahalaan ang iba pa.”
DI MADADAIG NA BARATILYO
Sa halaga ng isang matipid na tiket sa eruplano mula sa Tokyo hanggang London—wala pang $3,000—isang Haponesa ang tumanggap ng pantanging paggamit sa isang Boeing 747 na paglipad ng eruplano na nagkahalaga sa British Airways ng halos $25,000 sa gasolina at sahod. Si Gng. Yamamoto, ang tanging pasahero sa 13,000 kilometrong biyahe ng jumbo jet ay nakapamili sa 353 upuan, anim na pelikula, masarap na pagkain, at di-nababahaging pansin ng 15 cabin attendants. Palibhasa’y naantala ang paglipad ng eruplano ng 20 oras, lahat ng iba pang pasahero ay isinakay sa ibang eruplano. Yamang ang eruplano ay kailangang bumalik sa Britaniya upang makabalik sa iskedyul, ang naghihintay na si Gng. Yamamoto ay inalok ng minsan-sa-tanang-buhay na pagkakataon. “Hindi maaasahan ni Gng. Yamamoto ang isang walang pasaherong tren pagbalik niya sa Tokyo,” sabi ng Asiaweek.
PAGPAPABUTI NG SERBISYO
“Ang serbisyo sa Tsina ay hindi maganda sa loob ng mahabang panahon dahil sa ginagarantiya ng estado ang lahat ng bagay sa mga manggagawa,” sabi ni Xiao Xingcai, general manager ng Xian department store. Palibhasa’y ginagarantiya ang trabaho at hindi maaaring magsisante, ang tindahan ay nakaisip ng isang bagong paraan upang pagbutihin ang serbisyo ng mga manggagawa: pagpapahiya. Ipinaalam nito sa publiko ang “40 Pinakamasahol” sa 800 mga empleado nito, isinasabit pa nga ang isang paskil na may larawan ng bawat maysala sa dako ng trabaho. Ang napiling 40, pinili mula sa mga balota ng mga mamimili na binigyan ng pagkakataon na iboto ang pinakamasahol na tindera, ay may sala na mula sa hindi pag-iintindi sa mga parokyano hanggang sa aktuwal na paghahagis ng mga bagay sa kanila. Yaong mga napili ay hindi lamang nawalan ng kanilang buwanang bonus, isang malaki-laking bahagi ng kanilang suweldo, kundi sila rin nama’y kailangan sumulat ng mga pagpuna-sa-sarili tungkol sa kanilang mga pagkukulang.
TALABA O TALIPTÍP
“Sa nakalipas na mga taon, ang populasyon ng mga talaba at ng Arcachon [Pransiya] ay nabawasan ng tatlong-kapat,” ulat ng magasing Pranses na Science et Vie. Bakit gayon? Ang mga pinturang naglalaman ng maraming metal, na ginagamit upang hadlangan ang mga taliptíp sa pagdikit sa barko, ay natutunaw sa tubig kung saan nakadaong ang mga barko at kung saan nakatira ang mga talaba. Ang pantanging mga pinturang ito ay kapaki-pakinabang sa mga may-ari ng barko sapagkat ang mga taliptíp ay nagpapangyari ng pagkiskis (friction), sa gayo’y nagpapabagal sa takbo at magastos sa gatong na ginagamit para sa mga sasakyang pinatatakbo-ng-makina. Subalit ang pintura ay nakapipinsala sa mga talaba. Kaya nga, tinatakdaan ng maraming bansa sa Europa ang paggamit sa mga pinturang ito. Inaasahan ng mga mananaliksik na isang hindi nakalalasong pinturang Teflon ay lulutas sa problema, yamang ang mga taliptíp ay maaaring kuskusin mula sa barko, at ang mga talaba ay hindi mapipinsala.
PANDAIGDIG NA MGA PAGYANIG
Ano ang maaaring mangyari sa Tokyo kung ito ay hampasin ng isang matinding lindol na katulad ng Malaking Lindol ng Kanto noong 1923? Inilabas kamakailan ng Tokai Bank ng Hapón ang isang report na bumabanggit sa tanong na iyon. Binabanggit ng buod ng report sa Mainichi Daily News ng Tokyo na bukod sa pagkalaki-laking halaga sa buhay ng tao, dadalhin din nito ang Hapón sa ganap na paghinto, yamang ang mga tanggapan ng gobyerno ay pawang nasa kabisera. Ang muling pagtatayo sa dako ng Tokyo ay magkakahalaga ng tinatayang $975 bilyon, anupa’t ang Hapón ay mapipilitang magbawas ng mga puhunan nito sa Estados Unidos. Iyan ay maaaring maging dahilan ng pagbaba ng stock market ng E.U., sapilitang pagtaas ng mga interes, at gipitin ang mga bansang nagkakautang. Hinuhulaan pa ng bangko na yamang ang pinansiyal na mga pamilihan ng daigdig ay masyadong malapit ang kaugnayan sa isa’t isa, ang gayong lindol ay maaaring humantong sa paghinto ng pangglobong pag-unlad ng ekonomiya sa loob ng maraming taon.
MAGINHAWANG MGA KRIMINAL
Ang Citizens Against Crime Association ng Kanlurang Australia ay nagsasabing ang mga bilanggo ay pinakikitunguhan nang mas maluwag at mas mabuti ang kalagayan ngayon kaysa noong 1965. Gayunman mula noon, ang malubhang krimen sa estado ay dumami sa nakalilitong 1200 porsiyento! Sinabi ng pangulo ng asosasyon sa pahayagang West Australian na ang kasalukuyang “mababang panganib na mabilanggo at lubhang maginhawang mga kalagayan sa bilangguan” ay hindi hahadlang sa mga kriminal sa hinaharap. Sinabi rin niya na may katotohanan sa sinasabing “ang mga bilangguan ay isa lamang paaralan para sa krimen.” Siya’y nagpahayag ng pagkabahala na maraming maysala ngayon ang waring umiiwas na mabilanggo, sapagkat ipinakikita ng bilang na ang dami ng mga nabibilanggo ay hindi kaagapay ng mabilis na dumaraming krimen.