Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 8/22 p. 29-31
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Aprikanong Krisis
  • Kabataang mga Maninigarilyo
  • Nutrisyon sa Trabaho
  • Paalam na, GMT
  • Mga Manggagawa ng Hapón
  • Mga Gastos Militar
  • “Cocktail” ng mga Alagang Hayop
  • Lumulubha ang Pandarambong sa Dagat
  • Pang-aabuso sa Bata sa Britaniya
  • Panghimpapawid na Paghahanap
  • Di-Tiyak na Pag-oopera
  • Etika sa Trabaho
  • Ang Negosyo ng Armas—Papaano Ka Naaapektuhan
    Gumising!—1989
  • Mga Sandata—Ano ang Halaga Nito?
    Gumising!—1986
  • Mga Batang Nasa Panganib
    Gumising!—1992
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 8/22 p. 29-31

Pagmamasid sa Daigdig

Aprikanong Krisis

Ang dalawampung taon ng taggutom, tagtuyot, at utang ay gumawa ng “pambihirang krisis” sa Aprika​—napakasidhi anupa’t ito “ay maaaring ihambing sa mga epekto ng isang digmaang pandaigdig,” sabi ng isang US report ng Committee on African Development Strategies. Sabi pa nito: “Ang mga kasukat nito ay hindi kapani-paniwala, ang kabagsikan nito ay halos imposibleng gunigunihin o unawain ng iba pa sa daigdig.” Gaya ng iniulat sa The Express ng Easton, Pennsylvania, napansin ng mga tuklas ng hurado na ang “kontinente [ng Aprika] ay naglalaman ng mahigit sa 20 ng 34 sa pinakamahirap na mga bansa sa daigdig,” ang pinakamataas na bilis ng pagdami ng populasyon sa daigdig, at “isang malubhang kakulangan ng sinanay na mga propesyonal.” Ang produksiyon ng agrikultura, na hindi na makatustos sa pangangailangan ng Aprika, ay inaasahang bababa sa ilang mga bansang Aprikano. Ang hurado ay gumawa ng maraming rekomendasyon na mangangailangan ng “mga sakripisyo,” binabanggit na “ang kalagayan ng Aprika ay may pag-asa pa.”

Kabataang mga Maninigarilyo

Mas maraming bata ang naninigarilyo kaysa mga adulto, sang-ayon sa isang surbey kamakailan sa Timog Australia. Ang surbey sa 3,000 mga mag-aaral ay itinaguyod ng Australian Cancer Society. Gaya ng iniulat sa The Australian, nang tanungin kung sila ay nagsigarilyo noong nakaraang linggo, 40 porsiyento ng mga 16-taóng-gulang ang umamin na gumawa ng gayon. 27 porsiyento lamang ng mga adulto ang nagsabi na sila’y nagsigarilyo. Maraming kabataan​—8 porsiyento ng mga 15-taóng-gulang at 1 porsiyento ng mga 12-taóng-gulang​—ay nagsabi pa nga na mga sugapang maninigarilyo. Sa pangkalahatan, mas maraming babae kaysa lalaki ang nagsisigarilyo. Karamihan ng mga estudyante ay naniniwala na maaari nilang ihinto ang paninigarilyo kailanma’t gustuhin nila.

Nutrisyon sa Trabaho

Mula sa malaking multinasyonal na mga korporasyon hanggang sa maliit na mga negosyong pinatatakbo ng pamilya, ang mga negosyo at mga tagagawa sa Estados Unidos ay nagtataguyod ng mabuting nutrisyon sa dako ng trabaho, ulat ng The New York Times. Sinasabi ng mga tagapagtaguyod na ang mga programa sa nutrisyunal at pisikal na kalakasan ng katawan sa trabaho ay nagpapababa sa mga gastusing pangkalusugan ng kanilang empleado, pinabubuti ang trabaho, at lumilikha ng isang maligayang mga manggagawa. “Ang programa ay maaaring kasimpayak ng pagpapalit ng menu o talaan ng pagkain sa kapetirya tungo sa isang mas nakalulusog na pagkain o kasinsalimuot ng . . . isang 37,000-piye-kuwadrado [3,440-sq-m] na pasilidad para sa pisikal na kalusugan na may palanguyan, mga kagamitan sa ehersisyo, gimnasyum at programa sa cardiac rehabilitation,” sabi ng artikulo. Maraming mga kapetirya ng korporasyon ang naglalaan ngayon ng mga bilang ng calorie at kolesterol sa pagkain na kanilang isinisilbi. Nagsisilbi rin sila ng isang menu na mababa sa taba at sodium at mahiblang mga pagkain para sa mga manggagawa na may problemang nauugnay sa sakit sa puso.

Paalam na, GMT

Noong 1884, ang Greenwich ay nangangahulugan ng oras at ang Greenwich meridian ay naging pamantayan para sa pagsasaoras at nabigasyon sa buong daigdig. Sa katunayan, ang Royal Greenwich Observatory ay nagsimulang magtala ng oras noong 1675 anupa’t ang mga marino ay maaaring magkaroon ng isang pamantayan para sa kanilang mga orasan o relo bago simulan ang kanilang paglalakbay. Sa ngayon nagkakahalaga ng halos $100,000 (U.S.) isang taon upang panatilihing tumatakbo ang anim na atomikong mga orasan ng obserbatoryo at $30,000 (U.S.) ang isang piraso upang halinhan ang bawat cesium vacuum tube. Ang Britaniya ay nagpasiya ngayon na ang pera ay maaaring pinakamabuting magagamit sa iba, at ang mga tubo ay hindi na hahalinhan kapag ito’y nasira. Gayunman, ang pamantayang panahon o oras ay pananatilihin pa rin ng Coordinated Universal Time, na base sa Paris. Mula ito sa mga tala ng 150 atomikong mga orasan sa buong daigdig​—kung saan ang Greenwich Observatory ay nagtutustos ng isang bahagi lamang.

Mga Manggagawa ng Hapón

“Isa sa pangunahing dahilan ng industriyal na tagumpay ng Hapón ay ang workaholism o puspusang pagtatrabaho ng mga mamamayan nito,” sabi ng Parade Magazine. “Mula sa pagkabata patuloy, ang mga Haponés . . . ay tinuturuan ng makasaysayang etika ng kanilang bansa, ang senyu koraku​—‘magsumikap muna, saka na magsaya.’” Bunga nito, pinipili pa ng karamihan sa mga Haponés ang magtrabaho kaysa maglibang, at ang marami ay tumatanggi pa nga na kunin ang lahat ng kanilang panahon ng bakasyon. Ang determinasyong ito sa trabaho at sa mga amo ay may problema. “Halos kalahati ng mga manggagawa sa Hapón na nagbabakasyon sa trabaho ay dahilan sa kaigtingan,” sabi ng Mainichi Daily News, “samantalang kasindami ng isa sa 20 . . . ang dumaranas ng mga kalagayan na nauugnay-kaigtingan kabilang na ang mga ulser sa sikmura at angina.” Ang ilang uri ng kaigtingan ay iniulat ng 72.5 porsiyento ng mga babae at 62.9 porsiyento ng mga lalaki ng 60,000 mga manggagawang sinurbey. Ito’y pinakamataas sa gitna niyaong mga nasa posisyon na namamahala na nag-oobertaim ng 30 oras isang buwan.

Mga Gastos Militar

Magkano ang ginagastos ng sangkatauhan sa patuloy na pagpaparami ng mga armas? Sa World Military and Social Expenditures 1985, ganito ang ibinibigay na estadistika ng awtor na si Ruth Leger Sivard: Ang mga gastos militar mula noong Digmaang Pandaigdig II ay umabot na ng $17 trilyon (ayon sa mga halaga at palitan ng salapi noong 1982)​—anim na beses na mas mataas kaysa taunang kita ng 3.6 bilyon katao sa Third World. Halos $3 trilyon hanggang $4 na trilyong ang ginugol sa pagtatayo ng nuklear na mga arsenal, na sa ngayon ay napakalakas anupa’t ang bawat taong nabubuhay ngayon ay maaaring patayin ng 12 ulit. Ang mga gastos militar ngayon ay $800 bilyong isang taon. Ang Unyong Sobyet lamang ay higit ang ginagastos sa isang taon para sa depensa militar kaysa ginugugol sa edukasyon at pangangalaga sa kalusugan sa lahat ng nagpapaunlad na mga bansa, samantalang ang badyet para sa U.S. Air Force ay nakahihigit sa kabuuang badyet para sa edukasyon ng 1.2 bilyong mga bata sa Latin Amerika, Aprika, at Asia (hindi kasama ang Hapón). Nagkakahalaga ng $590,000 isang araw upang paandarin lamang ang isang aircraft carrier. Mayroon ngayong isang sundalo sa bawat 43 katao sa buong daigdig subalit isa lamang manggagamot sa bawat 1,030 katao.

“Cocktail” ng mga Alagang Hayop

Ano ang sumusugpo ng diarrhea sa mga biik? Ang alak​—o sa paano man iyan ang konklusyon ng isang may babuyan sa Western Australia. Mula nang ihalo niya ang matamis na inuming alkoholikong ito sa iniinom na tubig ng kaniyang mga biik nang ang mga ito ay awatin, walang isang biik ang namatay dahil sa diarrhea. Ang sakit ay karaniwang nangyayari kapag inawat ang mga biik sa kanilang ina at magsimulang kumain ng matigas na pagkain. Iniuulat ng isang pangkat ng mga mananaliksik na ang alak mula sa raspberry ay waring pinakamabuti sa pagpatay ng baktirya na masusumpungan sa iniinom na tubig ng mga baboy.

Lumulubha ang Pandarambong sa Dagat

“Ang pandarambong at armadong panunulisan sa dagat ay lumubha” noong 1985, ulat ng The Guardian ng London. Binabanggit ng International Maritime Bureau ang tatlong partikular na mapanganib na mga sona: ang mga baybaying-dagat ng Kanlurang Aprika, ang South China Sea, at ang Caribbean. Ang ilan sa pinakamalubhang pagsalakay ay naganap sa Gulf of Thailand, kung saan ang mga takas na sakay ng maliliit na bangka ay ginahasa at pinatay. Sa isang malupit na pagsalakay noong kalagitnaang Disyembre 1985, 50 mga taga-Vietnam na sakay ng bangka at tumatakas tungo sa Malaysia ay pinatay sa isang pandadaluhong ng pagnanakaw at panggagahasa. Sa Kanlurang Aprika, organisadong pangkat ng mga 30 armadong mga lalaki ang sumakay sa nakadaong na mga barko sa gabi, tinalian ang mga tripulante at ninakaw ang kargo. Ang mga yate sa Caribbean ay na-hijacked ng mga ilegal na nagbibenta ng droga. Hinihimok ng kawanihan ang mga pamahalaan na gumawa ng pagkilos laban sa mga pirata at lipulin ang kanilang mga base sa baybaying-dagat.

Pang-aabuso sa Bata sa Britaniya

Ang bilang ng mga kaso ng pang-aabuso sa bata sa Britaniya ay lubhang tumaas, sang-ayon sa pinakahuling taunang ulat na inilabas ng National Society for the Prevention of Cruelty to Children. Sa pagitan ng 1979 at 1984 ang pisikal na pag-abuso sa mga bata ay dumami ng 70 porsiyento sa Inglatera at Wales. Ang pinakamabilis na pagdami ay sa bilang ng mga bata na seksuwal na inabuso. Tinataya ng samahan na 7,038 mga bata na wala pang 15 taóng gulang ang pisikal na inabuso noong 1984 at na ang kanilang mga magulang ang may pananagutan sa kamatayan ng di-kukulanging isang bata sa isang linggo. “Mas maraming bata ang pinapatay ng kanilang mga magulang kaysa ng mga sira-sira,” ulat ng The Guardian ng London. Ang kawalan ng trabaho, mga suliraning pangmag-asawa, at pagkakautang ay binanggit na mga salik na umakay sa pag-abuso sa bata.

Panghimpapawid na Paghahanap

Anim na mga supermarket sa Melbourne ang literal na sumahimpapawid dahilan sa kanilang suliranin ng nawawalang mga troli​—tinatayang 35,000 mga troli (kariton) sa pamimili ang hindi isinasauli sa mga tindahan taun-taon. Sa halagang $150 (Australian) upang palitan ang bawat troli, napakalaking halaga ang nawawala sa mga supermarket. Kaya umarkila sila ng isang helikopter na lilipad sa lunsod at hahanapin ang nawawalang mga troli. Sa loob lamang ng apat na oras na paghahanap sa gawing kanlurang mga arabal, 110 na mga troli ang nakuha mula sa mga lugar na gaya ng bakanteng mga lote, likod-bahay, at sa mga sapa pa nga. Inaasahan ng mga supermarket na maibabalik ang di-kukulanging 500 sa loob ng isang linggung panghimpapawid na paghahanap sa karamihan ng lunsod.

Di-Tiyak na Pag-oopera

Halos 11 milyong mga Amerikano ang may myopia, o nearsightedness. Ang mga 150,000 sa kanila ang bumaling sa radial keratotomy upang iwasto ito. Ang pamamaraan, na ipinakilala sa E.U. noong 1978, ay pinapipi ang cornea ng mata sa pamamagitan ng sunud-sunod na maliliit na paghiwa sa paligid ng perimetro nito. Gayunman, ipinakikita ng mga tuklas kamakailan na ang operasyon ay may ilang maselang disbentaha. Halimbawa, hindi maaaring sabihing patiuna kung gaanong paningin ang mapasusulong. Gayundin, habang ang cornea ay gumagaling ito ay nagbabago ng hugis, iniiba ang paningin. Kaya, ang ginamot na mga mata ay maaaring maging labis na naiwasto o hindi gaanong naiwasto. At yamang kung minsan nangangailangan ng mga ilang taon bago gumaling ang cornea, ang paningin ay maaaring magbagu-bago sa loob ng mga ilang buwan pagkatapos at kadalasan nang nag-iiba-iba sa bawat mata. Karagdagan pa, ang malayuang mga problema ay maaaring magbunga ng mahinang cornea. Ang operasyon “ay totoong nasa nagpapaunlad na yugto nito at kinakailangan pang pagbutihin upang ang kalalabasan ay higit na mahuhulaan at mas ligtas sa kalaunan,” sabi ng propesor sa optalmolohiya na si George Waring.

Etika sa Trabaho

Ang katamtamang dami ng walang trabaho sa Switzerland mula noong 1960 ay 0.14 porsiyento. Ito ay opisyal na itinala bilang sero porsiyento sa pagitan ng 1968 at 1975. Ang pinakamataas mula noong Digmaang Pandaigdig II ay 1.1 porsiyento noong 1984​—ipinalalagay ng marami sa Switzerland na isang krisis. Ano ang dahilan ng gayong mataas na bilang ng empleo? Gaya ng iniulat sa The New York Times, binanggit ng isang pag-aaral ng tatlong ekonomista sa University of Geneva ang mga salik na gaya ng liit ng bansa, ang maliliit na mga industriya ay nakakalat sa buong lupain, isang trade-oriented na ekonomiya, at ang 1937 na kasunduan na humihiling ng arbitrasyon ng mga pagtatalo at nagtatakda sa mga welga. “Gayunman marami pang mga dahilan na hindi basta masabi,” sabi ni Alain Schoenenberger, isa sa mga awtor ng pag-aaral. “Inaakala ko na dito sa Switzerland, ang trabaho ay may halaga.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share