Kung Paano Makikinabang sa Diyaryo
“Mangmang ang taong hindi kailanman nagbabasa ng diyaryo; at mas mangmang ang taong naniniwala sa binabasa niya dahil lamang sa nasa diyaryo ito.”—August von Schlözer, istoryador at peryodistang Aleman noong huling mga taon ng ika-18 siglo.
SINURBEY ang libu-libong tao sa Britanya at Pransiya kung gaano kalaki ang pagtitiwala nila sa bawat isa sa 13 institusyon. Nasa dulo ng listahan ang pamahayagan, mas huli pa kaysa sa pulitika at malalaking negosyo. Sa Estados Unidos, sinasabi pa rin ng karamihan sa mga mambabasa na naniniwala sila sa kanilang diyaryo. Pero ipinakikita ng mga surbey ng Pew Research Center na bumababa ang porsiyento ng mga taong may ganitong pagtitiwala.
Kadalasang may makatuwirang dahilan para magduda ang isa, lalo na kung ang sinasabi ng pamahayagan ay may kinalaman sa kapakanan ng bansa kung saan inilathala ang diyaryo. Ano ang nangyayari dahil dito? Madalas na naaapektuhan ang katotohanan. Gaya ito ng minsang nabanggit ni Arthur Ponsonby, isang estadistang Ingles noong ika-20 siglo: “Kapag nagdeklara ng digmaan, ang Katotohanan ang unang biktima.”
Kahit na walang idinedeklarang digmaan, isang katalinuhan na suriin ang balita nang may makatuwirang pag-aalinlangan. “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya, “ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Kung mag-iingat ka, sa pangkalahatan ay masasapatan ng diyaryo ang iyong hangaring makaalam ng balitang kailangan mo.
Ang Kahalagahan ng Balita
Mahalaga ang media sa ngayon sapagkat tinutulungan tayo nitong malaman ang nangyayari sa daigdig. At napakahalaga na malaman mo ang mga kaganapang ito. Bakit? Sapagkat marami sa nangyayari sa ngayon ay inihula ng pinakadakilang propeta na nabuhay kailanman, si Jesu-Kristo. Nang tanungin siya tungkol sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay, sinabi niya na sa panahon ng kawakasan ay magkakaroon ng mga digmaan, paglago ng katampalasanan, kakapusan sa pagkain, mga salot, lindol, at iba pang kaugnay na mga pangyayari.—Mateo 24:3-14; Lucas 21:7-11.
Sinasabi rin ng Bibliya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Idinagdag pa ng hulang ito na sa “mga huling araw,” ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi,” at “mga masuwayin sa mga magulang.” Sila ay magiging “mga walang likas na pagmamahal, . . . mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1-5.
Walang-alinlangang nakikita mo nang natutupad sa inyo mismong komunidad ang hulang ito sa Bibliya. At pinatutunayan ng mga pangyayari sa buong daigdig—gaya ng iniuulat sa mga diyaryo—na tumpak ang mga hula sa Bibliya. Nangangahulugan ba ito na mapaniniwalaan natin ang lahat ng nababasa natin sa diyaryo? Hindi naman, sapagkat kahit ang mga taong nagtalaga ng kanilang buhay sa industriya ng diyaryo ay nagsasabing kailangan tayong mag-ingat.
Alamin ang mga Hamon
Ang lahat ay nagkakamali, maging ang mga pinakatapat at pinakamahuhusay na propesyonal. “Sa tatlong taon ko bilang free-lance na tagatiyak ng impormasyon,” ang isinulat ni Ariel Hart sa Columbia Journalism Review, “wala pa akong nasuring istorya na walang pagkakamali, limang pahina man ito o dalawang parapo lamang.” Binanggit niya ang mga halimbawang gaya ng “maling taon; lumang impormasyon; maling baybay; malawakan at maling naiulat na impormasyon na hindi tuwirang nanggaling sa isang mapananaligang pinagmulan.”
Napapaharap ang mga peryodista sa di-mapagkakatiwalaang mga pinagmumulan ng balita. Kung minsan, gawa-gawang impormasyon ang ibinibigay sa pamahayagan. Noong 1999, isang manloloko ang nagkalat ng hindi totoong balita hinggil sa “isang tulad-sementeryong parke na panlibangan,” anupat pinatunayan ito sa pamamagitan ng pagpapalabas ng nakatatawag-pansing Web site ng isang kunwa-kunwaring kompanyang gumawa raw ng sinasabing parke at ng pagbibigay ng isang numero ng telepono para sa pakikipanayam, na ginamit naman ng manloloko para magkunwari siyang tagapagsalita ng kompanya. Hindi alam ng ahensiyang pambalita na Associated Press na ito pala’y panlilinlang, anupat lumabas ang istorya sa maraming pang-araw-araw na diyaryo sa Estados Unidos. Ang lihim ng matagumpay na panlilinlang ay sinasabing ang pagkakaroon ng “isang kapana-panabik, nakagigitla, subalit kapani-paniwalang istorya na may nakatatawag-pansing mga larawan.”
Maging ang mga peryodistang may mabubuting intensiyon ay hindi laging nagkakaroon ng wastong pagkaunawa sa ibinabalita nila. “Karaniwang nagmamadali ang mga peryodista sa kanilang trabaho,” ang paliwanag ng isang manunulat sa Poland. “Nag-uunahan ang mga diyaryo. Gusto ng bawat isa sa kanila na maunang maglathala ng balita. Sa dahilang ito marami sa amin, bagaman nais namin, ay hindi magawang sumulat ng isang artikulong nasaliksik na mabuti.”
Mga Panggigipit na Sumabay sa Agos
Ayon sa Freedom of the Press 2003—A Global Survey of Media Independence, 115 sa 193 bansa ang may bahagya o walang kalayaan sa pamamahayag. Gayunman, di-halatang namamanipula ang balita maging sa mga bansang may kalayaan sa pamamahayag.
Kung minsan, hindi binibigyan ng mahalagang impormasyon ang ilang peryodista, samantalang ang iba naman na handang sumabay sa agos ay tumatanggap ng eksklusibong mga pakikipanayam at mga paanyayang samahan ang mga pulitiko sa kanilang mga paglalakbay. Nakaiimpluwensiya rin sa pagbabalita ang nakukuhang kita sa mga tagapag-anunsiyo. “Maaaring magbanta ang tagapag-anunsiyo na hindi na ito maglalagay ng mga anunsiyong mapagkakitaan [ng pahayagan] kapag naglathala ang editor ng anumang negatibong bagay tungkol sa tagapag-anunsiyo,” ang sabi ng isang peryodistang Polako. At isang copyreader sa diyaryo sa Hapon ang nagbabala, “Tandaan na napakahirap bumuo ng balitang walang kinikilingan.”
‘Kung gayon,’ baka itanong mo, ‘yamang may ganiyang mga suliranin ang mga peryodista sa pagbuo ng maaasahang balita, paano malalaman ng mambabasa kung ano ang paniniwalaan niya?’
Kailangang Magkaroon ng Timbang na Pananaw
Maliwanag na kailangan ang kaunawaan. “Hindi ba sinusubok ng tainga ang mga salita kung paanong nilalasahan ng ngalangala ang pagkain?” ang tanong ng patriyarkang si Job. (Job 12:11) Kailangang suriing mabuti ng mambabasa kung ang nakasulat ay may taginting ng katotohanan. Katalinuhan para sa kaniya na subukin at piliin kung ano ang tama. May-pagsang-ayong binanggit ng alagad ni Jesu-Kristo noong unang siglo ang mga taong nakinig kay apostol Pablo subalit tumiyak sa pinagkunan ni Pablo ng impormasyon upang malaman kung totoo ang kaniyang itinuturo.—Gawa 17:11; 1 Tesalonica 5:21.
Sa katulad na paraan, maaaring itanong ng mambabasa ng diyaryo sa kaniyang sarili ang ganitong mga tanong: Ano ba ang pinag-aralan at karanasan ng manunulat? Ano ang kaniyang kinikilingan? May binabanggit ba ang istorya na mapananaligang impormasyon na maaaring tiyakin ng iba? Sinu-sino ang maaaring may interes na pilipitin ang katotohanan? Isang katalinuhan para sa mambabasa na sumangguni sa iba’t ibang mapagkukunan ng impormasyon para tiyakin kung totoo ang ulat. Maaari rin niyang ipakipag-usap sa iba ang nababasa niya. “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya.—Kawikaan 13:20.
Kasabay nito, huwag kang umasa ng kasakdalan. Gaya ng nakita natin, may iba’t ibang salik kung kaya hindi lubusang maaalis ang pagkiling ng mga diyaryo. Magkagayunman, matutulungan ka ng mga ito na malaman ang nangyayari sa daigdig. Mahalagang malaman ang kasalukuyang mga pangyayari, sapagkat si Jesus, nang banggitin niya ang mismong panahong kinabubuhayan natin, ay humimok: “Manatiling gising.” (Marcos 13:33) Matutulungan ka ng diyaryo na gawin ito, habang isinasaalang-alang mo ang mga limitasyon nito.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
KAPAG MAY KINIKILINGAN ANG PAMAHAYAGAN
Kadalasan, ang maling balita ay resulta ng padalus-dalos na pag-uulat o pagkuha ng maling impormasyon. Gayunman, ang gayong mga istorya na mabuti naman ang intensiyon ay mabilis na nagkakalat ng mapanirang kasinungalingan. Sa kabilang banda, sinasadya kung minsan ang pagbibigay ng maling impormasyon, gaya ng nangyari sa Alemanya sa ilalim ng Nazi nang ikalat ang mga kasinungalingan tungkol sa mga taong kabilang sa partikular na mga lahi at relihiyon.
Isaalang-alang ang epekto ng kapuna-punang kampanya ng paninira na inilunsad kamakailan nang magkaroon ng kaso tungkol sa karapatang pantao sa Moscow, Russia. “Nang magpatiwakal ang tatlong batang babae sa Moscow,” ang ulat ng diyaryong The Globe and Mail sa Toronto, Canada, “ipinahiwatig kaagad ng media sa Russia na panatikong mga tagasunod sila ng mga Saksi ni Jehova.”
Lumabas ang balitang iyon noong Pebrero 9, 1999, ang araw nang ituloy ng sibilyang korte ang paglilitis na ang layunin ay ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Moscow. Ganito ang iniulat ni Geoffrey York ng The Globe and Mail Moscow Bureau: “Inamin ng mga pulis nang bandang huli na walang kaugnayan ang mga bata sa relihiyosong sekta. Ngunit nang panahong iyon, isang istasyon sa telebisyon sa Moscow ang nakapaglunsad na ng bagong pagtuligsa sa sekta, anupat sinasabi sa mga manonood na nakipagtulungan ang mga Saksi ni Jehova kay Adolf Hitler sa Alemanyang nasa ilalim ng Nazi—sa kabila ng katibayan sa kasaysayan na libu-libo sa kanilang miyembro ang naging biktima ng mga kampong bitayan ng mga Nazi.”
Bilang resulta, inakala ng maraming taong nakatanggap ng maling impormasyon at malamang na natakot, na ang mga Saksi ni Jehova ay alinman sa kultong nagpapatiwakal o kasabuwat ng mga Nazi!
[Larawan sa pahina 7]
Inihula ni Jesu-Kristo ang marami sa mga nakikita nating pangyayari na iniuulat ngayon sa diyaryo
[Mga larawan sa pahina 8]
Pinatutunayan ng mga ulat sa diyaryo na totoo ang mga hula sa Bibliya
[Credit Line]
FAO photo/B. Imevbore
[Larawan sa pahina 8, 9]
Pinapurihan ang mga taong nagsuri sa pinagmulan ng mga turo ni apostol Pablo, isa ring matalinong kaugalian kapag nagbabasa ng kakaibang balita