Pagsapat sa Hangaring Makasagap ng Balita
“ANG lahat ng mga taga-Atenas at mga banyaga na nakikipamayan doon ay walang ibang pinaggugugulan ng kanilang libreng panahon maliban sa pagsasabi ng anumang bagay o sa pakikinig sa anumang bagay na bago,” ang ulat ng manunulat sa Bibliya na si Lucas halos 2,000 taon na ang nakalilipas. (Gawa 17:21) Isang siglo bago nito, bilang pagkilala ng Romanong pamahalaan sa paghahangad ng publiko na makasagap ng balita, idinispley nito ang pang-araw-araw na diyaryong Acta Diurna sa prominenteng mga lugar.
Pagsapit ng ikapitong siglo, gumagawa na ang mga Tsino ng kauna-unahang nakalimbag na diyaryo sa buong daigdig, na tinawag na Dibao (Pao). Sa Europa, kung saan maraming tao noon ang hindi marunong bumasa’t sumulat, ibinabalita ng naglalakbay na mga tagakuwento ang mga bagay hinggil sa digmaan, kalamidad, krimen, at iba pa. Nang maglaon, tinalakay ng mga diyaryong sulat-kamay, na may larawan at ginamitan ng inukitang kahoy, ang mga paksang ito at ipinagbili sa mga pamilihan.
Nang dakong huli, nilakipan ng mga kompanya ng negosyo ang kanilang mga liham-kalakal ng mahahalagang balita. Nang maglaon, ang mga balitang ito ay lumabas sa hiwalay na pahinang naipamamahagi.
Ang Simula ng mga Diyaryo
Sa unang mga taon ng ika-17 siglo, sinimulang regular na ilathala ang dalawang diyaryo sa Alemanya. Ang Relation (nagbabalita), ng Strasbourg, ay unang inilimbag noong 1605; ang Avisa Relation oder Zeitung (nag-uulat), ng Wolfenbüttel, ay sinimulang ilathala noong 1609. Ang unang pang-araw-araw na diyaryo sa Europa ay ang Einkommende Zeitungen (Parating na Balita), na lumabas sa Leipzig, Alemanya, noong 1650.
Ang unang pang-araw-araw na diyaryong iyan sa Leipzig ay may apat na pahina at kasya sa bulsa. Ang mga balita rito ay basta pinagsama-sama lamang. Abot-kaya naman ang halaga ng isang kopya ng diyaryong ito, subalit ang suskrisyon sa buong taon ay katumbas ng isang buwang sahod ng manggagawang mataas ang suweldo. Gayunman, mabilis pa ring lumaki ang pangangailangan para sa mga diyaryo. Pagsapit ng taóng 1700, may 50 hanggang 60 diyaryo na regular na inilalathala sa Alemanya pa lamang, at daan-daang libo ang mambabasa ng mga ito.
Sa simula, ang pinagkukunan ng mga balita ay mga liham, iba pang diyaryo, mga postmaster na tumatanggap at kumokopya ng balita sa koreo, o tsismis na naririnig ng mga tagapagbalita sa pampublikong mga lugar. Gayunman, dahil sa tumitinding kompetisyon, sinikap ng mga tagapaglathala na pagandahin ang kalidad at paramihin ang mga balita. Umupa sila ng kauna-unahan nilang propesyonal na mga editor. At dahil hindi kayang tustusan ng karamihan sa mga tagapaglathala ang malaking grupo ng mga tagapagbalita at peryodista, ang paghahangad sa balita ay humantong sa pagbuo ng mga ahensiyang pambalita para mangalap at magpadala ng balita sa nagbabayad na mga tagapaglathala.
Mga Imbensiyon na Malaki ang Naitulong
Hindi naging posible ang industriya ng diyaryo kung wala ang mahahalagang imbensiyon, lalo na ang paraan ng paglilimbag ni Johannes Gutenberg na gumamit ng isahang-tipong letra (movable type). Naging praktikal at abot-kaya ang paggawa ng diyaryo dahil sa iba pang imbensiyon. Halimbawa, dahil sa web rotary press noong dekada ng 1860, naging posible ang tuluy-tuloy na paglilimbag gamit ang nakarolyong papel sa halip na ang putul-putol na mga pahina. Di-nagtagal pagkaraan nito, ginamit ang makinang Linotype upang ayusin ang mga tipong metal na ginagamit sa paglilimbag ng mga pahina. At noong ikalawang kalahatian ng ika-20 siglo, pinalitan ng typesetting sa computer ang magastos at manu-manong paggawa.
Samantala, mas mabilis na kumalat ang balita nang gamitin ang telegrapo noong dekada ng 1840, ang makinilya noong dekada ng 1870, at ang telepono noong mga panahon ding iyon. Sa panahon ngayon na milyun-milyon ang nabubuhay, naging karaniwan na ang paggamit ng mga computer, e-mail, at fax machine sa industriya ng diyaryo. Mas mabilis nang nakararating ang mga reporter sa lugar kung saan nagaganap ang eksenang iniuulat nila—sa pamamagitan ng tren, sasakyan, at eroplano. At mas maraming diyaryo na ngayon higit kailanman ang naihahatid ng mabilis na transportasyon.
Ano ang Isinasama sa Diyaryo?
Ang paghahanap ng sapat na dami ng balita ay hindi suliranin sa maraming lugar sa ating daigdig na paliit nang paliit. “Ang mahirap ay ang pagpili mula sa walang-katapusang pagdagsa ng balita,” ayon sa mga editor ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Pinauulanan ng mga ahensiyang pambalita ang mga diyaryo sa Alemanya ng mga 2,000 balita araw-araw. Lalo pang nilulunod ng mga reporter, mga balitang isinahimpapawid, at iba pang pinagmumulan ng impormasyon ang mga editor ng diyaryo.
Dalawang katlo ng balita ay mga anunsiyo—opisyal na mga ulat para sa media at ulat hinggil sa nakaiskedyul na mga pangyayari, tulad ng mga konsyerto, palaro, at kombensiyon. Alam dapat ng mga editor kung sino ang kanilang mga tagatangkilik upang masapatan ang hangarin ng mga ito na makasagap ng impormasyon tungkol sa mga paksang kanilang kinawiwilihan, at maaaring kalakip dito ang mga resulta ng ani, mga anibersaryo, at mga pagdiriwang.
Ang mga seksiyon hinggil sa palakasan, komiks, mga kartun hinggil sa pulitika, at mga editoryal ay popular na mga bahagi ng diyaryo. Ang mga tampok na istorya, mga balita mula sa ibayong-dagat, at pakikipanayam sa prominenteng mga tao at eksperto sa partikular na mga paksa ay nakapagbibigay ng kaunawaan at kawili-wili.
Napapaharap sa Krisis ang mga Diyaryo
“Napapaharap ang industriya ng diyaryo sa Alemanya sa pinakamatinding pinansiyal na krisis sa buong kasaysayan nito,” ang ulat ng diyaryong Die Zeit noong 2002. At noong 2004, iniulat ng Swiss Press Association ang pinakamababang kabuuang sirkulasyon nito sa loob ng sampung taon. Ano na ang nangyari sa sirkulasyon ng diyaryo?
Isang dahilan ang paghina ng pangglobong ekonomiya, anupat nabawasan ang pag-aanunsiyo, na bumubuo sa dalawang katlo ng kita ng maraming diyaryo. Sa pagitan ng taóng 2000 at 2004, nawala ang 43 porsiyento ng kita sa pag-aanunsiyo ng diyaryong Wall Street Journal ng Estados Unidos. Bumalik pa kaya ang mga anunsiyo kapag nakabawi na ang ekonomiya? Maraming anunsiyo para sa bahay at lupa, trabaho, at kotse ang napupunta sa Internet. Sa ngayon, nakikipagkompetensiya ang mga diyaryo sa elektronikong media—radyo, telebisyon, at Internet.
Sa kabilang banda, buháy pa rin ang hangaring makasagap ng balita. Ganito ang sabi ng isang propesor sa ekonomiks ng media na si Axel Zerdick sa isa pang diyaryo sa Frankfurt, Alemanya: “Ang krisis ay hindi naman kasinlala ng inaakala ng karamihan sa mga peryodista.” Ganito rin ang pananaw ng punong editor ng isang lokal na seksiyon ng pang-araw-araw na diyaryo sa Alemanya, na nagsabi: “Malakas pa rin ang panrehiyon [na diyaryo].”
Bagaman kinikilala na walang tatalo sa mga diyaryo sa pagiging detalyado nito sa pag-uulat at sa kakayahan nitong magpasimula ng usap-usapan sa mga tao, bumabangon pa rin ang tanong: Mapagkakatiwalaan mo ba ang kanilang pag-uulat? Paano ka lubos na makikinabang sa mga diyaryong binabasa mo?
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
PERYODISMO—ISANG MAHIRAP NA PROPESYON
Baka kainggitan ng isa ang mga peryodista. “Kapag lumitaw ang pangalan ng isang peryodista sa pamahayagan, nakadarama siya ng malaking karangalan,” ang pag-amin ng isang matagal nang peryodistang Pranses. Gayunman, ang peryodismo ay nakapagdudulot din ng pagkasiphayo—istoryang naunang iulat ng karibal, tinanggihang pakikipanayam, maraming oras ng paghihintay sa isang pangyayaring hindi naman naganap.
May isa pang hamon na binanggit ang isang manunulat ng diyaryo sa Poland. “Hindi namin alam kung kailan kami magkakaroon ng libreng panahon o kung kailan kami kailangang magtrabaho,” ang sabi niya. “Naaapektuhan kung minsan ang aming pribadong buhay at nakagagambala ang bilis ng aming pagtatrabaho sa aming buhay pampamilya.” At binanggit ng isang dating peryodista sa lugar na dati’y Unyong Sobyet ang marahil ay pinakamalaking hamon, “Pinaghirapan ko ito nang husto, pero sa bandang huli ay hindi rin pala ito mailalathala.”
Sinabi ng isang manunulat hinggil sa isports para sa pinakamalaking diyaryo sa Netherlands: “Madalas akong sabihan na wala akong alam. Nagagalit o nasisiphayo ang ilang mambabasa, at kapag paminsan-minsan ay nag-aalab ang emosyon ng mga tao sa isports, pinagbabantaan pa nga ng mga tao ang buhay ko.” Kaya ano ang nag-uudyok sa mga peryodista na magpatuloy sa kanilang trabaho?
Siyempre pa, para sa ilan, ito ay ang kanilang suweldo—pero hindi ito totoo para sa lahat. Isang peryodista na nagtatrabaho sa isang diyaryo sa Pransiya ang nagsabing gusto lamang niyang magsulat. Isang peryodistang Mexicano ang nagsabi, “Kahit paano, nakapagbibigay ka ng mahalagang impormasyon.” At sa Hapon, ganito ang komento ng isang senior editor ng pangalawang pinakamalaking pang-araw-araw na diyaryo sa buong daigdig, “Natutuwa ako kapag alam kong nakatutulong ako sa mga tao at kapag nailalapat ang katarungan.”
Mangyari pa, ang mga diyaryo ay hindi lamang resulta ng pagpapagal ng mga peryodista. Depende sa laki ng kompanyang tagapaglathala at sa mga kawaning bumubuo rito, maaaring may mga editor, proofreader, tagasuri ng impormasyon, tagapag-ingat ng artsibo, at maraming iba pa na nagpapagal nang hindi naman nailalathala ang mga pangalan, maihatid lamang sa iyo ang iyong diyaryo.
[Mga larawan sa pahina 4]
Unang diyaryo sa Alemanya at makabagong-panahong istante ng diyaryo
[Credit Line]
Unang diyaryo sa Alemanya: Bibliothek für Kunst - und Antiquitäten-Sammler, Vol. 21, Flugblatt und Zeitung, 1922