Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 10/22 p. 11-15
  • Isang Labanan na Bumago sa Aking Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Labanan na Bumago sa Aking Buhay
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Unang mga Karanasan sa Digmaan
  • Ang Epekto ng Digmaan
  • Pag-uwi Mula sa Digmaan
  • Pagsisikap na Tumulong at Humanap ng Tulong
  • Natuto ng Katotohanan sa Bibliya
  • Mga Pagbabago sa Atas
  • Kung Bakit Nawala ang Pagkahibang Ko sa Digmaan
    Gumising!—2009
  • Patuloy na Hinanap Ko, at Nasumpungan Ko Naman
    Gumising!—1985
  • Tatlong Oras na Bumago sa Aking Buhay
    Gumising!—1990
  • “Hindi Na Ako Alipin ng Karahasan”
    Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 10/22 p. 11-15

Isang Labanan na Bumago sa Aking Buhay

AYON SA SALAYSAY NI MICHAEL MOLINA

‘Iginawad ng Republic of Viet Nam kay Petty Officer Molina ang Vietnam Cross of Gallantry,’ ang ulat ng pahayagang militar na “Tester,” sa Maryland, E.U.A. ‘Nang maglaon, ipinagkaloob kay Molina ang medalyang “gold star” bilang pangalawang gantimpala ng Commendation Medal para sa kaniyang matapang at determinadong pakikipaglaban sa isa pang matinding barilan. Noong Hunyo 6, 1968, binigyan si Molina ng ikalawang medalyang “gold star” nang ipagsanggalang niya mula sa mga gerilyang Viet Cong ang isang mahalagang kampo.’

LAHAT-LAHAT, nakasama ako sa 284 na misyon sakay ng mga pansalakay na helikopter ng hukbong-dagat at pinagkalooban ako ng 29 na medalya. Naglilingkod ako ngayon bilang ministrong Kristiyano sa isang naiibang uri ng pakikidigma, na tungkol dito ay sinasabi ng Bibliya: “Ang mga sandata ng aming pakikidigma ay hindi makalaman.” (2 Corinto 10:4) Hayaan mong ipaliwanag ko kung paano ko nagawa ang gayong pagbabago sa aking buhay.

Ang Chicago ay nasa hilagang Illinois, E.U.A., na waring laging dinaraanan ng malakas na hangin mula sa lugar na malapit sa Lawa ng Michigan. Nang isilang ako roon noong Pebrero 1, 1947, hindi lamang malakas ang hangin kundi napakatindi rin ng lamig. Yamang katatapos lamang maglingkod ng aking ama sa Digmaang Pandaigdig II, dalawang doktor ng militar ang tumulong sa nanay ko upang maipanganak ako. Noong sampung taóng gulang na ako, lumipat ang aming pamilya sa Los Angeles, California, kung saan pumasok ako, ang aking kuya, at ate sa paaralang Katoliko.

Noong bata pa ako, naglalaro ako ng baseball at football sa mga lansangan at bakanteng mga lote, pero nagkukunwa-kunwarian din akong sundalo na may sariling-gawang baril na kahoy at machine gun. Noong dekada ng 1960, nang maghaiskul ako, radikal ang pag-iisip at pabagu-bago ang saloobin ng mga tao. Karaniwan noon ang pataksil na pagpatay sa mga lider sa pulitika at lipunan, kasama na rito ang pagpaslang sa presidente ng Estados Unidos noong 1963, gayundin ang mga martsa ng protesta, pagsunog sa bandila ng Amerika, at mararahas na rally. Habang nasa paaralan kami, nag-aalala ang karamihan sa aking mga kaklase na baka sila makalap sa militar.

Di-nagtagal nang magtapos ako sa haiskul noong 1966, ipinatawag ako upang suriin kung kaya ng aking pangangatawan na magsundalo, at kaayaaya naman ang aking kalusugan. Gayunman, sa halip na makalap ako bilang sundalo, sumama ako sa hukbong-dagat. Yamang wiling-wili ako sa mga helikopter, nagboluntaryo ako sa isang bagong pangkat na nagpapalipad ng mga pansalakay na helikopter ng hukbong-dagat. Noong Nobyembre 1967, di-nagtagal nang tumanggap ako ng saligang pagsasanay, napadpad ako sa kabiserang lunsod ng Vietnam, ang Saigon.

Unang mga Karanasan sa Digmaan

Kaagad akong ipinadala sa isang maliit na paliparan, kung saan naroroon ang apat na helikopter na Huey. Natulog sa paliparan ang ilan sa aming yunit na binubuo ng 30 miyembro ng hukbong-dagat, samantalang ang iba naman sa amin ay tumuloy sa dalawang-palapag na gusali na 16 na kilometro ang layo. Sa aking unang gabi, napabalikwas ako nang paulanan ng bala ang gusali. Nagpagulung-gulong ako mula sa aking teheras at nanatiling nakadapa sa sahig sa loob ng ilang segundo. Nang marinig ko ang barilan sa itaas, umakyat ako sa hagdan at nakarating sa bubong, kung saan may nag-abot sa akin ng riple. Magdamag kaming nakipaglaban, na nakayapak at nakakarsonsilyo.

Pagkaraan ng tatlong araw ng matinding labanan​—samantalang kami’y napalilibutan at lubusang napawalay sa iba​—naubos ang aming pagkain at tubig at ang karamihan sa aming mga bala. Nag-utos ang kumandante, “Pagsikat ng araw, tatakbo tayo patungo sa paliparan.” Kailangan naming dumaan sa isang maliit na bayan na nasusunog. Pagdaan namin sa bayan, narinig namin ang mga barilan, kabilang na ang putok ng mga machine gun. Nagkalat ang mga bangkay.

Nakarating kami sa wakas sa aming paliparan, kung saan hindi rin maganda ang kalagayan. Naghukay kami sa palibot ng paliparan at nagkubli roon upang ipagsanggalang ang aming sarili. Maraming beses napasok ng mga Vietcong ang aming paliparan, anupat maraming napatay, kasali na ang aming kumandante. Ilang linggo akong nanatili sa dakong hinukay namin nang hindi nagpalit ng damit o naligo. Pagkatapos, inilikas kami sakay ng isang helikopter sa ibang kampo.

Pagkatapos ng unang mga araw ng labanan, determinado akong maging tagabaril na nakapuwesto sa pintuan ng helikopter. Sinanay ako nang ilang araw at naging bahagi ng pangkat ng mga nagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid. Karaniwan ang mga barilan; kung minsan ay may tatlo o apat na misyon ako sa isang araw.

Ang Epekto ng Digmaan

Nagitla akong makita ang napakaraming patayan. Kasabay nito, naalaala ko ang mga protesta sa aming bansa laban sa digmaan. Hindi ba kami nakikipaglaban para sa kalayaan? Hindi ba namin isinasapanganib ang aming buhay para magkaroon ng mas magandang buhay ang iba? Magkagayunman, inisip ko kung nasaan ang katarungan sa digmaan. Sino ang makikinabang dito? Ang mga Vietnamese? Napakatagal na nilang pinagtitiisan ang digmaan bago pa kami dumating. Ngayon ay mas marami pang patayan at pagdurusa.

Bata pa ako noon at hindi ko nauunawaan ang pulitika sa likod ng digmaan. Wala rin akong panahon na pag-isipan ito. Ang alam ko lamang ay may mga misyon ako at may atas na dapat gawin sapagkat sinanay ako para rito. Sinasabi ng mga miyembro ng hukbong-dagat: “Sinanay tayong makipaglaban, hindi mag-isip.” Gayunman, isinumpa ko na kapag nakaligtas ako rito, masusi kong aalamin ang dahilan kung bakit kami nakikipagdigma.

Dahil sa labanan sa Vietnam, nahantad ako sa isang bagay na hindi ko handang harapin​—ang droga. Noong nagbibinata ako, naninigarilyo ako, umiinom ng serbesa at whiskey tuwing dulo ng sanlinggo, at pumupunta sa mga parti. Pero hindi ako kailanman nagdroga. Binago ng Vietnam ang lahat. Sinabi ng ilan sa kasamahan ko: “Bakit hindi mo subukan, Mike? Tutal mamamatay ka rin naman bukas.” Kaya kung minsan ay pumapayag akong magdroga kasama nila.

Gayunman, hindi maaaring pagsabayin ang paggamit ng drogang nakakahibang at ang pakikipagdigma, at sumumpa akong hindi ako gagamit nito bago sumabak sa labanan. Ngunit nang makauwi na ako, hinanap-hanap ko pa rin ito, at nasangkot ako sa droga.

Pag-uwi Mula sa Digmaan

Nang makauwi ako sa California mula sa Vietnam noong Oktubre 1970, lubhang nagbago ang aking pananaw sa buhay. Bagaman nagsundalo ako upang itaguyod ang kalayaan, pakiramdam ko’y ginamit lamang ako. Bumalik akong mapait ang kalooban at lipos ng poot. Naging hindi ako katanggap-tanggap sa lipunan at hindi na ako makabayan.

Maraming araw akong humihitit ng marihuwana at gumagamit ng iba pang droga habang inaayos ko ang aking motorsiklo sa garahe ng aking mga magulang. Lalo lamang akong nanlulumo kapag naiisip ko ang aking kalagayan at ang nangyari sa Vietnam. Nagsimula akong makonsensiya. Sumidhi ang pagnanais kong siyasatin ang dahilan ng Digmaan sa Vietnam.

Binigyan ng pamahalaan ang mga beterano ng mga benepisyo sa pag-aaral, kaya nag-enrol ako sa isang pampublikong kolehiyo at nang maglaon ay pumasok sa California State University sa Los Angeles. Naging mga kaibigan ko roon ang mga sumali sa mga demonstrasyon laban sa digmaan sa Vietnam, gayundin ang iba na nakipagdigma sa Vietnam. Mahaba ang aming mga pag-uusap tungkol sa digmaan at kalagayan ng daigdig. Wala kahit isa man sa amin ang may kasiya-siyang kasagutan; litung-lito kaming lahat.

Pagsisikap na Tumulong at Humanap ng Tulong

Sa katunayan, marami sa amin ang may mga problema sa emosyon at isip. Naudyukan akong magsikap na tumulong. Kaya nag-aral ako ng abnormal psychology. Yamang lubha akong nasangkot sa digmaan at patayan, ipinasiya kong magtrabaho upang pagbayaran ito. Kaya naman, nagtrabaho ako sa mga ospital para sa mga taong may sakit sa isip.

Laganap ang droga sa aming unibersidad, at napagtanto kong ang mga ito ang ugat ng maraming suliranin. Nais kong sumulong sa aking pag-aaral at tulungan ang mga nasa ospital na may mga problema sa isip. Kaya huminto na ako sa pagdodroga at itinuon na lamang ang aking panahon at lakas sa pag-aaral at pagtatrabaho. Gayunman, bilang terapist, limitado lamang ang nakikita kong pagsulong ng aking mga pasyente.

Yamang lubha akong nasiphayo sa sistema ng mga bagay at sa aking nababagabag na budhi, humanap ako ng lunas sa aking pamimighati. Nagsimula akong manalangin at magsimba. Halos wala akong natutuhan sa misa ng Simbahang Katoliko. Kaya sa gabi na lamang ako nagsisimba. Pumapasok ako sa simbahan, nagsisindi ng kandila, at nagdarasal sa harap ng mga imahen. Kabilang sa mga ito si Jesus na nakabayubay sa krus at si Maria na may patalim sa kaniyang puso at iba pang imahen ng tinatawag na mga santo.

Nag-isip-isip ako: ‘Nakapanlulumo at nakalulungkot na lugar ang simbahan! Talaga kayang nandito ang espiritu ng Diyos?’ Kailangan ko ng mga kasagutan at pampatibay-loob. Marami akong nasaksihang pagdurusa. Kaya isang gabi ay umalis ako ng simbahan at nanalangin sa parke. Tumingala ako sa mga bituin at marahil sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay ay sinikap kong taimtim na kausapin ang aking Maylalang.

Natuto ng Katotohanan sa Bibliya

Sa isang dulo ng sanlinggo, lumayo muna ako sa kaigtingan ng aking trabaho sa ospital at dumalaw sa isang matagal nang kaibigang si Gary. Isang araw ay nanood kami ng TV sa sala niya. Tungkol sa pagpapatalsik kay Presidente Nixon ang balita. Pinag-usapan namin ang katiwalian sa lahat ng aspekto ng buhay, at binanggit ko na ang pakiramdam ko ay nalinlang ako hinggil sa digmaan sa Vietnam.

Naulinigan ni Alva, asawa ng kaibigan ko, ang aming usapan at lumabas siya mula sa kusina. Sinabi niya na ang mga pangyayaring tulad ng pinag-uusapan namin ay katuparan ng hula sa Bibliya. “Ano naman ang kinalaman ng mga suliranin ng presidente sa hula sa Bibliya?” ang tanong ko. Ipinaliwanag ni Alva na malapit nang palitan ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang lahat ng tiwaling pamahalaan at mabubuhay ang mga tao magpakailanman sa kapayapaan sa lupa na gagawing paraiso. (Daniel 2:44; Apocalipsis 21:3, 4) Binanggit ni Alva ang Panalangin ng Panginoon, kung saan hinihiling natin na dumating ang Kaharian ng Diyos at mangyari sa lupa ang kalooban ng Diyos kung paano sa langit.​—Mateo 6:9, 10.

Nakita kong kailangan talaga natin ng patnubay ng Diyos upang magkaroon ng mas mahusay na pamahalaan at tunay na kapayapaan sa lupa. (Eclesiastes 8:9; Jeremias 10:23) Tungkol sa posibilidad na mabuhay magpakailanman, natandaan kong natutuhan ko na ang mga atomong bumubuo sa ating pisikal na katawan ay napapalitan sa loob ng maikling yugto ng panahon. Bagaman waring imposible ang ilang bagay na binanggit ni Alva, gusto ko pang mag-usisa. Gusto kong pagbayaran ang maraming pinsalang idinulot ko at tumulong sa iba upang ibsan ang kanilang pagdurusa. Iminungkahi ni Alva na magtungo ako sa Kingdom Hall, kung saan matututo ako nang higit.

Si Bill Akina ay isang buong-panahong ministro sa kongregasyon. Sumali siya sa hukbong-dagat noong ikalawang digmaang pandaigdig, kaya nagkasundo kami. Higit sa lahat, may alam siya sa Bibliya, at sa pamamagitan nito, sinagot nilang mag-asawa ang marami kong tanong. Habang sumusulong ang aking pag-aaral kasama si Bill, nakikita kong bagaman mabuti naman ang aking intensiyon na tulungan ang mga nasa ospital, pansamantalang lunas lamang ang maibibigay ko sa kanila. Sa kabilang banda, ang pagtulong sa mga tao na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Bibliya ay mangangahulugan ng buhay na walang hanggan para sa kanila kung mananampalataya at mamumuhay sila ayon sa kaalamang ito.​—Juan 17:3.

Nakipag-aral ako ng Bibliya kay Bill gamit ang pantulong sa pag-aaral na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Nabautismuhan ako noong Hulyo 1974 bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos. Pagkaraan ng anim na buwan ay naging payunir ako, na siyang tawag sa buong-panahong ebanghelisador ng mga Saksi ni Jehova. Samantala, tumigil ako sa aking pag-aaral sa unibersidad at sa pagtatrabaho sa ospital. Upang masuportahan ang aking ministeryo, nagtrabaho ako bilang dyanitor sa mga bangko sa gabi. (1 Tesalonica 4:11) Inakala ng aking mga kaibigan at kapamilya na nababaliw na ako.

Pagkatapos magpayunir sa California nang mga isang taon, inisip ko kung paano ako higit na makapaglilingkod kay Jehova. Ipinasiya kong gawing tunguhin ang pagmimisyonero sa banyagang teritoryo. Pagkatapos kong maglingkod bilang payunir nang ilang taon, nakatanggap ako ng paanyaya na mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, na nang panahong iyon ay nasa Brooklyn, New York. Kabilang ako sa ika-66 na klase ng paaralang iyan at nagtapos noong Marso 11, 1979, sa Long Island City, New York.

Mga Pagbabago sa Atas

Naatasan ako sa Guatemala, Sentral Amerika, kung saan ako naglingkod nang mga isang taon bilang misyonero. Pagkatapos ay naanyayahan akong magtrabaho sa maliit na palimbagan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa kabisera, sa Guatemala City. Noong 1981, napangasawa ko si Lupita, isang payunir na tagaroon, at naanyayahan siyang sumama sa akin sa tanggapang pansangay. Nang maglaon, noong 1996, ipinatigil ang paglilimbag sa Guatemala nang tanggapin na namin ang lahat ng aming publikasyon mula sa sangay sa Mexico.

Isinilang ang aming anak na babae, si Stephanie, noong 1984, pero patuloy pa rin akong nakapaglingkod sa tanggapang pansangay. Nagpatuloy pa ito kahit noong ipanganak ni Lupita si Mitchell noong 1987. Hindi madali ang tumira nang malayo sa tanggapang pansangay at magbiyahe nang sampung kilometro patungo sa opisina araw-araw. Subalit pribilehiyo ang maglingkod sa ganitong paraan, at napakamatulungin ng aking pamilya.

Mga payunir na ngayon sina Lupita at Stephanie, at bautisadong ministro na si Mitchell. Magtatapos siya sa isang trade school sa taóng ito, at tunguhin niya ang buong-panahong ministeryo. Alam naming natatamasa namin ang pantanging mga pribilehiyong ito, hindi dahil sa aming personal na kakayahan, kundi dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Maibigin siyang Diyos, at gagamitin niya ang sinumang may nagkukusang espiritu at umaasa sa kaniya ukol sa patnubay.

Tinatanong kami kung minsan kung paano namin nagagawa bilang pamilya na lubusang makibahagi sa ministeryo at kasabay nito ay suportahan ang aming mga sarili. Sekular kaming nagtatrabaho kapag bakasyon. Pero bukod dito, lagi naming sinisikap na magkaroon ng ‘simpleng mata’ kung tungkol sa materyal na mga bagay, anupat umaasa sa tulong ni Jehova, nagtitiwala sa kaniya, at laging hinahanap ang kaniyang patnubay.​—Mateo 6:25-​34; Kawikaan 3:5.

Nadarama ko noon na makapangyarihan ako kapag may dala akong baril, kaya nakikita ko ang pangangailangang laging magsikap na linangin ang kapakumbabaan. Tinuruan ako ng sistema ng mga bagay ni Satanas na mapoot at pumatay at maging mapaghinala, agresibo, at handang makipaglaban. Subalit pinagpakitaan ako ni Jehova ng awa at maibiging-kabaitan, na lubos kong ipinagpapasalamat. Determinado ako ngayon na hindi na mag-aral pa ng pakikipagdigma at magpakita ng pag-ibig at habag sa lahat.​—Mateo 5:43-​45; Isaias 2:4.

Hindi madali para sa akin na magbago. Gayunman, natuto akong mamuhay nang mas payapa. Sa tulong ng Diyos, nakakayanan ko rin ang kahila-hilakbot na mga alaalang dulot ng mga karanasan ko sa digmaan. Talagang inaasam-asam ko ang panahong patitigilin na ang mga digmaan at labanan. (Awit 46:9) Habang wala pa ang panahong iyon, nagpapasalamat ako sa pagkakataong makibahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing tulungan ang mga tao na matuto tungkol sa ating dakilang Tagapagbigay-Buhay, ang Diyos na Jehova.

[Mga larawan sa pahina 12]

Isa akong tagabaril na nakapuwesto sa pintuan ng helikopter

[Larawan sa pahina 14]

Kasama si Bill Akina at ang kaniyang asawa, si Eloise, 1978

[Larawan sa pahina 15]

Nagtatrabaho sa palimbagan ng sangay sa Guatemala, 1982

[Larawan sa pahina 15]

Nangangaral kasama ng aking asawa

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ngayon sina Lupita, Mitchell, at Stephanie

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share