Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 10/22 p. 16
  • Singkamas—Masustansiyang Meryenda sa Mexico

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Singkamas—Masustansiyang Meryenda sa Mexico
  • Gumising!—2005
  • Kaparehong Materyal
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • Ang Rekado na Galing sa Kabilang Panig ng Daigdig
    Gumising!—2000
  • Lentehas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Isang Katakam-takam na Internasyonal na Prutas
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 10/22 p. 16

Singkamas​—​Masustansiyang Meryenda sa Mexico

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico

Hindi katakam-takam ang mga dahon at ang magugulang na supot ng mga buto ng singkamas, isang gumagapang na legumbre. Pero mabuti na ito, dahil hindi naman ito puwedeng kainin. Ang masarap na bahagi nito na nakakain ay nakabaon sa lupa; iyon ang malaman na ugat ng halaman.

Matagal nang kinakain ng mga tao sa Mexico ang singkamas. Ang pangalan nito sa Mexico, na nagmula sa wikang Nahuatl, ay nangangahulugang “ang natikman.” At matatakam ka na kahit ang makita mo lamang ay larawan ng popular na meryenda sa Mexico na gawa sa sariwang singkamas na hiniwa-hiwa at tinimplahan ng katas ng lemon, asin, at pinulbos na sili o cayenne pepper.

Ano ba ang lasa ng singkamas? Sinasabi ng ilan na pinaghalong mansanas at apulid ang lasa nito. Ang halamang singkamas ay nagmula sa Mexico at Sentral Amerika at nakarating na sa mga bansang gaya ng Pilipinas, Tsina, at Nigeria. Itinatanim na ito ngayon sa maraming lupain, kung saan ito inihahanda sa iba’t ibang paraan​—iniihaw, inaatsara, isinasangkap sa mga salad, at ginagawang sopas.

Sa lutuin ng mga taga-Silangan, ang singkamas ay inihahalili sa apulid. Ang magandang katangian ng gulay na ito ay ang pananatili nitong malutong kahit luto na. Totoo ito lalo na sa uri ng singkamas na tinatawag na milk jicama, na naglalabas ng malagatas na katas, di-tulad ng uring water jicama. Kapansin-pansin, maaaring tumubo ang dalawang uri na ito sa iisang buto.

Angkop na angkop na gawing meryenda ang singkamas. Masustansiya ito, nakarerepresko, malutong, makatas, madaling tunawin, at kaunti ang kalori. Ipinakita ng pagsusuri ng isang institusyong pangkalusugan na may 540 kalori ang 100 gramo ng potato chips, samantalang ang gayunding dami ng singkamas ay may 40 kalori lamang! Ang iba pang natatanging katangian ng singkamas ay ang taglay nitong kalsyum, phosphorus, at bitamina C.

Gaya ng nabanggit na, maliban sa ugat nito, hindi nakakain ang kalakhang bahagi ng halamang singkamas, pero hindi nangangahulugang walang silbi ang iba pang bahagi nito. Ang mga buto nito ay may ilang substansiya na mabisang pamatay-insekto, at maaari itong gamitin sa gayong paraan kapag pinulbos. Inihahalo rin ang mga buto nito sa ilang pamahid sa balat. Ang mga tangkay naman nito ay may matitibay na hibla na maaaring gamitin sa paggawa ng mga pangisdang lambat.

Iba-iba ang laki ng singkamas, anupat tumitimbang nang wala pang 300 gramo hanggang sa mahigit isang kilo. Tatagal ito nang mga tatlong linggo sa repridyeretor. Upang makain ang singkamas, ang kailangan mo lamang gawin ay hugasan ito, balatan, at​—maliban na lamang kung napakamurà pa nito​—alisin ang pang-ibabaw at mahiblang suson nito.

Kaya kung may singkamas sa lugar na tinitirhan mo, bakit hindi subuking kumain nito? Malamang na makabuti ito sa kalusugan mo!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share