Delta sa Europa na Kahanga-hanga ang Pagkakasari-sari
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Romania
Ang Ilog Danube ay nagsisimula sa Black Forest ng Alemanya. Isa itong daanang-tubig na humuhugos pasilangan sa kabilang ibayo ng Austria at sa kahabaan ng hangganan ng Slovakia. Lumalakas ang agos nito at humuhugos patimog sa Hungary at pagkatapos ay sa kahabaan ng hangganan ng Croatia at ng bansang Serbia at Montenegro. Pagkatapos ay bumabagal ito, lumalawak, at dumadaloy sa paliku-likong direksiyon sa kahabaan ng hangganan ng Bulgaria bago bumaling pahilaga sa Romania. Sa kalaunan, dumaraan ito sa hangganan ng Ukraine.
Nasa dulong bahagi ng ilog na ito, na umaapaw sa banlik at tubig na nagmumula sa humigit-kumulang 300 sangang-ilog, ang magandang delta sa baybayin ng Dagat na Itim. Ang tatlong sangang-ilog ng Danube malapit sa lunsod ng Tulcea, sa timog-silangang Romania, ang Kiliya, Sulina, at St. George, ang pangunahing mga lagusan na humuhugos sa Dagat na Itim.
Habang mabagal na dumadaloy sa delta ang tatlong sangang-ilog na ito ng Danube, nagsasanga pa ang mga ito sa maliliit na lagusan ng tubig na siyang pumupuno sa maraming latian at lawa. Nabubuo ang napakalawak na mga bahura ng buhangin at isla kapag naghalo ang burak mula sa ilog at ang buhangin mula sa dagat. Ang ilang bunton ng buhangin, gaya niyaong bahura ng buhangin sa Caraorman, ay mga anim na metro ang taas at nagmimistulang disyerto.
Gayunman, ang Danube Delta ay hindi lamang isang lugar kung saan naghahalo-halo ang buhangin at banlik. Ang delta na sumasaklaw ng mga 4,300 kilometro kuwadrado ang pinakamalawak na latian sa Europa na nagsisilbing tirahan para sa mga hayop at halaman. Bukod diyan, nasa deltang ito ang posibleng pinakamalawak na lugar na tinutubuan ng tambo sa daigdig, na sumasaklaw ng mga 1,700 kilometro kuwadrado!
Yumayabong sa maraming bahura ng buhangin sa delta ang kahanga-hangang kagubatan ng elm, ensina, at alder. Kumakapit sa mga punong ito ang sala-salabid na baging na ligáw, ivy, liana, at iba pang pananim na laging nag-aagawan sa liwanag ng araw. Sa diwa, ang deltang ito ay parang organikong panala na nagsisilbing pinakamalaking sistema ng pagdadalisay ng tubig sa Europa.
Kaayaayang Tirahan Para sa mga Hayop
Milyun-milyong ibon na mahigit 300 uri ang dumaragsa sa paraisong ito ng mga ibon. Mga kalahati ng lahat ng puting pelikano at mahigit 60 porsiyento ng mga pygmy cormorant sa daigdig ang nagpaparami sa Danube Delta. Bukod diyan, halos lahat ng red-breasted goose sa daigdig—isang nanganganib na uri saanmang panig ng mundo—ay nagpapalipas ng taglamig dito. Tuwing Marso, ang mga pelikano ay gumagawa ng pugad at nangingitlog sa liblib at nakalutang na mga isla ng tambo. Pagsapit ng taglagas, lumilisan ang mga pelikano patungong Nile Delta, Gresya, at mga baybayin ng Asia na kasinlayo ng India.
Ang mga ibon ay naaakit na bumalik sa Danube Delta hindi lamang dahil sa kaayaayang tirahang ito kundi dahil din sa mga isda. Mahigit 90 uri ng isda ang nabubuhay sa mga lagusan ng delta. Sa katunayan, kalahati ng lahat ng isdang-tabang na kinakain sa Romania ay nagmumula sa Danube Delta. Kabilang sa pinakakilalang isda sa delta ay ang sturgeon, na lumalangoy nang pasalunga sa Danube sa panahon ng pagpaparami upang mangitlog. Ang mga itlog na ito, na tinatawag ding caviar, ay mamahalin at espesyal na pagkain.
Maliit lamang talaga ang lupain dito—13 porsiyento lamang ng rehiyon sa delta ang hindi inaapawan ng tubig. Dito naghahanap ng pagkain ang mga lobo, sorra, kuneho, at muskrat. Nabubuhay rin sa delta ang nanganganib na mga uri na gaya ng freshwater otter at European mink—na ang balat ay gustung-gustong gawing damit noon ng mga babaing mahilig sa uso. Bukod diyan, mahigit sa 1,800 uri ng insekto ang nagliliparan at gumagapang sa magandang lupaing ito na napalilibutan ng tubig.
Likas na Kapaligirang Sulit Pangalagaan
Noong 1991, isinama sa World Heritage List ang Danube Delta. Nang sumunod na taon, kinilala ng mga bansa sa daigdig na dapat pangalagaan ang likas na kapaligirang ito. Ang pinangangalagaang lugar na ito ay maingat na pinangangasiwaan sa lunsod ng Tulcea. Kinokontrol ng mga opisyal ang pangingisda, bagaman nananatili pa ring banta ang ilegal na pangingisda.
Gayunpaman, ang kalagayan ng delta ay apektado ng mga lunsod at sentro ng industriya na nagtatapon ng dumi sa Danube sa 2,850 kilometrong kahabaan nito patungong dagat. Sa nakalipas na maraming taon, sinasala ng matubig na mga damuhan ang dulong bahagi ng Danube bago umagos ang tubig nito sa delta. Sa kasalukuyan, halos 80 porsiyento ng mga damuhang iyon ay naglaho na.
Sa ngayon, ang delta mismo ay lumalawak nang mga 30 metro patungo sa Dagat na Itim taun-taon. At gaya noong nakalipas na libu-libong taon, pinalalawak, binabago, at pinagaganda pa rin ng Danube ang lugar na ito na kahanga-hanga ang pagkakasari-sari.
[Mga mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
UKRAINE
MOLDOVA
ROMANIA
Bucharest
Danube Delta
DAGAT NA ITIM
Ilog Danube
BULGARIA
[Larawan sa pahina 24]
Ang bahagi ng delta na tinutubuan ng tambo, isa sa pinakamalawak sa buong daigdig, ay nagsisilbing kanlungan para sa maraming uri ng hayop-iláng
[Larawan sa pahina 24]
“Muskrat”
[Mga larawan sa pahina 25]
Nagpaparami rito ang humigit-kumulang kalahati ng lahat ng puting pelikano sa daigdig
[Larawan sa pahina 26]
Dumaragsa sa paraisong ito ng mga ibon ang mahigit sa 300 uri ng ibon, kasali na ang mga “kingfisher”
[Mga larawan sa pahina 26]
Mahigit 1,800 uri ng insekto ang masusumpungan sa Danube Delta
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Lahat ng larawan: Silviu Matei
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Lahat ng larawan: Silviu Matei
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Lahat ng larawan: Silviu Matei