Ang Danube—Kung Makapagsasalita Lamang Ito!
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALEMANYA
Sa loob ng mahigit na isa’t kalahating siglo, ang pinakabantog na mga Aleman sa lahat ng panahon ay tumitig—ngunit nang may kabulagan—sa Ilog Danube. Paano nangyari iyon? Noong 1842, natapos ni Haring Ludwig I ng Bavaria ang Valhalla,a isang templong marmol na inayon sa arkitekturang Doric at dinisenyo upang parangalan ang prominenteng namatay na mga Aleman.
NANUNUNGHAY sa Danube mula sa gilid ng buról na malapit sa Regensburg, Alemanya, ang bulwagang ito ng kilalang mga tao sa Alemanya—na isinunod sa Parthenon na nasa ibabaw ng Acropolis sa Atenas—ay naglalaman ng maraming busto ng kilalang mga lalaki at babae.
Angkop naman ang tagpo. Kilalang-kilala ng mga prinsipe, makata, artista, pulitiko, siyentipiko, at mga musikerong ito—lakip na ang bantog na mga taong gaya nina Beethoven, Einstein, Goethe, Gutenberg, Kepler, at Luther—ang Danube. Marami sa kanila ang nanirahan sa may pampang nito, tumawid sa mga tubig nito, o umawit ng mga papuri para rito. Tunay na kawili-wiling kuwento ang maisasaysay ng Danube—kung makapagsasalita lamang ito!
Higit Pa Kaysa Basta Umaagos na Tubig
“Sa mga heograpo, ang mga ilog ay tagapagdala ng banlik at kalakal,” sulat ng mananalaysay na si Norman Davies. Gayunman, binanggit niya na “sa mga mananalaysay ang mga ito’y tagapagdala ng kultura, mga ideya, at kung minsan ng alitan. Ang mga ito’y parang buhay mismo.” Ang Danube ay dumadaloy o umaagos sa kahabaan ng mga hanggahan ng sampung iba’t ibang bansa—Alemanya, Austria, Slovakia, Hungary, Croatia, Yugoslavia, Bulgaria, Romania, Moldova, at Ukraine—anupat nasaksihan na nito ang napakaraming kultura, ideya, at alitan. Hindi kataka-taka, maraming pamayanan sa kahabaan ng Danube ang gumanap na ng malaking bahagi sa kasaysayan ng Europa, at maging ng sa daigdig.
Kuning halimbawa ang Vienna, ang kabisera ng Austria. Ang lunsod na ito ay malaon nang isa sa kinikilalang mga sentro ng kultura sa daigdig, na may maraming opera house, teatro, museo, makasaysayang mga tahanan, at aklatan. Kilala rin ito sa mga kapihan at taberna nito sa loob ng mga dantaon. Ang Vienna Philharmonic Orchestra ay itinuturing na isa sa pinakamagaling sa daigdig. Ang University of Vienna, na itinatag noong 1365, ang pinakamatandang pamantasan sa mga bansang nagsasalita ng Aleman.
Kung tungkol naman sa mga ideya, tinatawag ng The New Encyclopædia Britannica ang Vienna noong pasimula ng dantaon na “isang matabang dako para sa pag-unlad ng mga ideya—sa ikabubuti o ikasasama—na huhubog sa modernong daigdig.” Kabilang sa mga indibiduwal na sa paano man ay naimpluwensiyahan ng mga taon na ginugol nila roon ay sina Theodor Herzl, ang nagtatag ng Zionismo; Sigmund Freud, ang ama ng psychoanalysis; at Adolf Hitler, na hindi na kailangan pang ipakilala.
Inihihiwalay ang “Sibilisasyon sa Kabangisan”
“Noong sinaunang panahon, ang Ilog Danube ay isa sa malalaking hanggahan na humahati sa Peninsula ng Europa,” ang sabi ni Norman Davies. Ganito ang paliwanag niya: “Itinatag bilang ang hanggahan ng Imperyong Romano noong unang siglo AD, inihiwalay ng Latin na Danuvius . . . ang sibilisasyon sa kabangisan.”
Ang ilang lunsod sa may Danube ay gumanap ng pangunahing papel sa kasaysayan ng Imperyong Romano at, nang maglaon, sa tinatawag na Banal na Imperyong Romano. Halimbawa, ang Bratislava, na isang sentrong pangkultura sa Slovakia at ang kabisera nito ngayon, ay nagsilbing kabisera ng Hungary mula noong 1526 hanggang 1784. At sa loob ng isang panahon, isang maharlikang kastilyo, na nakatayo mga 100 metro ang taas mula sa Danube, ay naging tirahan ng maharlikang pamilya ng Austria. Nang pagbantaan ng mga tropang Pranses at taga-Bavaria ang Vienna noong 1741, tumakas doon si Maria Theresa, na nang dakong huli’y naging emperatris, para sa proteksiyon.
Si Maria Theresa ay mula sa Angkan ng Habsburg. Maraming busto sa Valhalla ang nagbibigay-parangal sa marangyang dinastiyang ito—na isa sa pinakadakila sa Europa.b Ang kahanga-hangang pamilyang ito, na matutunton pabalik sa ika-10 siglo, ay bumangon sa kapangyarihan noong ika-13 siglo at sa wakas ay nakaimpluwensiya sa malaking bahagi ng Gitnang Europa—kadalasan ay dahil sa estratihikong mga pag-aasawa. Si Francis Ferdinand, tagapagmana sa trono ng Habsburg, ay pataksil na pinatay sa Sarajevo noong 1914, na humantong sa pagsiklab ng digmaang pandaigdig.
Mga Tubig na Nabahiran ng Dugo
Bumangon at nawala ang mga imperyo, anupat napasailalim ang Danube sa patuloy na pagbabagong pampulitika. Ito’y hanggahan ng Imperyong Byzantine noong ika-11 at ika-12 siglo. Nang maglaon, sa kahabaan nito, dumaloy ito sa Imperyong Ottoman, yamang nasakop ng mga Turko ang mga lunsod sa may Danube na gaya ng Belgrade at Budapest. Kahit na ang Vienna ay napasailalim ng pagkubkob noong 1529 at muli noong 1683 subalit ang mga ito’y hindi nagtagumpay.
Hindi kataka-taka kung gayon, na ganito ang sinabi ng Alemang awtor na si Werner Heider: “Walang ibang ilog sa Europa ang makakapantay sa Danube sa makasaysayang kahalagahan nito.” Binanggit ng isa pang awtor na nagsilbi ito noon bilang “ang pangunahing ruta ng pagsalakay mula sa silangan tungo sa Europa para sa mga Hun, Tartar, Mongol, at mga Turko.”
Ang Danube ay napinsala rin sa mga digmaan nito lamang nakalilipas na panahon. Ganito ang sulat ng awtor na si William L. Shirer: “[Noong 1941] sa gabi ng Pebrero 28, tinawid ng mga yunit ng Hukbong Aleman ang Danube mula sa Rumania at pumuwesto sa Bulgaria sa estratehikong mga dako.” Noong 1945, pagkalipas ng apat na taon, “palibhasa’y nabihag nila ang Vienna noong Abril 13, ang mga Ruso ay nagtungo sa Danube, at ang Ikatlong Hukbo ng Estados Unidos naman ay mabilis na humugos sa ilog na iyon upang salubungin sila.”
Ang ulat ng Danube tungkol sa kultura at mga ideya ay kadalasang isang kuwento ng alitan, at ang mga tubig nito ay kadalasang nabahiran ng dugo ng mga digmaan ng sangkatauhan. Subalit ito rin ay nabahiran sa iba pang paraan.
Hindi Na Asul
Nang kathain ni Johann Strauss, Jr., ang balse na “The Blue Danube” noong 1867, ang mga tubig ay napatunayang talagang nagpapaaninaw ng asul at maaliwalas na himpapawid. Kumusta sa ngayon?
Mula sa pinagmumulan nito sa Black Forest ng Alemanya, ang Danube ay paliku-likong umaagos patungong timog-silangan sa mga 2,850 kilometro hanggang sa Black Sea. Kasunod ng Volga, ito ang pangalawang pinakamahabang ilog sa Europa. Ang sistema nito ng paagusan ng tubig ay sumasakop ng 817,000 kilometro kudrado. Gayunman, ang pagtatayo ng Gabcikovo Dam, na bahagi ng isang proyektong hydroelectric na matatagpuan sa Danube sa pagitan ng Vienna at Budapest, ay nagkaroon ng epekto sa kapaligiran. Ayon sa isang reperensiya, ang dam “ang naging dahilan ng lubhang pagbaba ng taas ng tubig sa kahabaan ng Danube, nagpatuyo sa libu-libong ektaryang kagubatan at latian at nagpaunti sa nahuhuling isda ng 80% sa ilang bahaging higit na mababa sa Danube.”
Kung makapagsasalita lamang ito, ang Danube sa ngayon ay malamang na maging bantulot na magsabi kung paanong naging kapuwa salarin ito at biktima dahil sa kawalang-alam at kasakiman ng tao. Kasama ng tatlong iba pang malalaking ilog na humuhugos tungo sa Black Sea, ang Danube ay naging sanhi upang ang Black Sea ay maging “ang pinakamaruming dagat sa daigdig,” ayon sa pahayagang Ruso na Rossiiskaya Gazeta. Binabanggit ng babasahin ding iyon ang tungkol sa “pagdaranas [ng Black Sea] ng isang masakit na kamatayan,” anupat sinasabing sa nakalipas na 30 taon, ito’y “naging imburnal para sa kalahati ng Europa—isang lugar na pinagtatapunan ng napakaraming halo ng phosphorus, asoge, DDT, langis, at iba pang nakalalasong basura.”
Kay lungkot ngang kuwento tungkol sa nangyari sa Danube delta! Sa palibot ng Izmail, Ukraine, malapit sa kung saan humuhugos ang ilog tungo sa Black Sea, nakapangingilabot ang pinsala sa ekolohiya. Ang mga pelikano na dating karaniwan sa dakong iyon ay bihira nang makita. Sinasabi ng Alemang magasin na Geo na ang permanenteng preserbasyon ng “mayamang pagkakaiba-iba ng uri ng buhay halaman at hayop [sa dakong iyon] . . . ay isang test case para sa internasyonal na pangangasiwa sa kapaligiran.”
Malapit Nang Isaysay ang Mas Magandang Kuwento
Noong 1902 isang bagong residente ang dumating sa Tailfingen, isang bayan na matatagpuan mga 60 kilometro sa hilagang-silangan ng pinagmumulan ng Danube, sa isa sa mga sapa nito. Siya si Margarethe Demut. Ang “Demut” ay nangangahulugang “Kapakumbabaan” sa Aleman. Sapagkat siya’y nangaral tungkol sa isang dumarating na “ginintuang panahon,” di-nagtagal ay tinawag siya ng lokal na mga residente na Golden Gretle. Di-nagtagal pagkatapos niyan, natatag sa Tailfingen ang isa sa kauna-unahang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya.
Noong 1997 ang 21,687 sa mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa 258 kongregasyon sa mga pamayanan sa Danube, na nasa sampung bansa, ay nagkakaisang nangangaral ng iisang mensaheng ito ng natatag na Kaharian ng Diyos.
Yamang naipasiya na ng Diyos na ang lupa ay mananatili magpakailanman at ito’y tatahanan, ang Danube ay maaaring umagos nang walang-takda. (Awit 104:5; Isaias 45:18) Kung gayon, anong laking pasasalamat nga na pagkatapos ng mga dantaong-haba na kasaysayan ng di-sakdal na mga kultura, nagkakamaling mga ideya ng tao, at madugong mga digmaan, ang ilog na ito sa wakas ay may higit na nakalulugod na kuwentong isasaysay. Maliligaya at malulusog na tao ang mamumuhay sa kahabaan ng mga pampang nito, na hindi na pinagbabaha-bahagi ng pulitikal na mga hanggahan o ng wika. Itataas ng lahat ang kanilang tinig sa pagpuri sa Dakilang Maylalang. At wala nang anumang pangangailangan pa para sa isang Valhalla na nagpaparangal sa mga taong patay, yamang ang lahat ng karapat-dapat ay binuhay nang muli.—Juan 5:28, 29.
Ang kaisipang ito tungkol sa nakagagalak na Danube ay nagpapagunita sa atin ng Awit 98:8, 9, na nagsasabi: “Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay . . . sapagkat dumarating [si Jehova] upang hatulan ang lupa. Hahatulan niya sa katuwiran ang mabungang lupain at sa katapatan ang mga bayan.” Isip-isipin ang kapana-panabik na kuwentong maisasaysay ng asul na Danube, na maganda na muli sa panahong iyon!
[Mga talababa]
a Sa mitolohiyang Aleman, ang Valhalla ang bulwagang tirahan ng mga diyos; sa mitolohiyang Norwego, ito ang bulwagan ng pinatay na mga mandirigma.
b Sina Maria Theresa, Rudolf I, Maximilian I, at Charles V ay pawang lubhang pinarangalan.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 16, 17]
SA TABI NG DANUBE
ULM, ALEMANYA
Noong 1879, si Albert Einstein, na ang mga tuklas sa siyensiya ay nakatulong sa paghubog ng kasaysayang pandaigdig hindi pa natatagalan, ay isinilang sa Ulm. Sinasabing siya ay “kinilala noong kaniyang panahon bilang isa sa pinakamalikhaing henyo sa kasaysayan ng tao”
[Larawan]
WELTENBURG, ALEMANYA
REGENSBURG, ALEMANYA
Doon namatay ang astronomong si Kepler noong 1630, matagal na panahon pagkatapos mabagtas ang Danube noong ika-12 siglo ng Steinerne Brücke (Batong Tulay), na noong panahong iyon ay itinuturing na isang kababalaghan ng pagtatayo
MAUTHAUSEN, AUSTRIA
Ang maliit na pamayanang ito sa Danube ang lugar ng isang kampong piitan ng Nazi. Ang ilan sa sampu-sampung libong tao na nakulong doon ay mga Saksi ni Jehova, kasama na si Martin Poetzinger, na nang maglao’y naging miyembro ng kanilang Lupong Tagapamahala
[Larawan]
VIENNA, AUSTRIA
[Larawan]
BRATISLAVA, SLOVAKIA
[Credit Line]
Geopress/H. Armstrong Roberts
BELGRADE, YUGOSLAVIA
Sinasabi ng The World Book Encyclopedia na naranasan ng Belgrade ang “pulitikal at militar na pakikipagtunggali” na tumagal nang “daan-daang taon.” “Sinakop at winasak [ng lumulusob na hukbo] ang Belgrade nang mahigit sa 30 ulit”
NIKOPOL, BULGARIA
Ang bayang ito’y isang mahalagang kuta pagkatapos maitatag ito ng emperador ng Byzantine na si Heraclius noong 629 C.E. Noong 1396 ay tinalo rito ng sultan ng Ottoman na si Bayezid I si Haring Sigismund ng Hungary, sa gayo’y nagsimula ang limang siglong pananakop ng mga Turko
GIURGIU, ROMANIA
Noong 1869, idinugtong ng unang riles ng tren ng Romania ang Giurgiu sa mas kilalang kalapit nitong Bucharest, mga 65 kilometro sa hilaga. Noong 1954, ang dalawang palapag na haywey-riles ng tren na tulay na bumabagtas sa Danube ang nagdugtong sa Romania at Bulgaria at ito ay positibong tinawag na Tulay ng Pagkakaibigan
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ALEMANYA
Black Forest
Tailfingen
Ulm
Weltenburg
Regensburg
Valhalla
AUSTRIA
Mauthausen
Vienna
SLOVAKIA
Bratislava
Gabcikovo Dam
HUNGARY
Budapest
CROATIA
YUGOSLAVIA
Belgrade
BULGARIA
Nikopol
ROMANIA
Giurgiu
Bucharest
MOLDOVA
UKRAINE
Izmail
Danube delta
BLACK SEA
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
BUDAPEST, HUNGARY
Dating kilala bilang Reyna ng Danube, ang Budapest ay pangunahin nang binubuo ng Buda, sa kanlurang panig ng Danube, at ng Pest sa silangang panig. Noong 1900, halos sangkapat ng populasyon ay mga Judio—isang pamayanan na halos lubusang nalipol noong Digmaang Pandaigdig II