Pamumuhay Nang May Cystic Fibrosis
AYON SA SALAYSAY NI JIMMY GARATZIOTIS
Noong Hulyo 25, 1998, isinugod ako sa ospital dahil sa matinding pananakit ng dibdib. Maayos naman ang aking puso, pero napakalalâ ng aking bagà anupat hirap na hirap na akong huminga. Ako’y 25 taon pa lamang, ngunit nakabitin na sa alanganin ang aking buhay.
DALAWANG araw pagkasilang sa akin, sinabi ng mga doktor sa aking mga magulang na ako’y may malubhang jaundice. Sinabi nila na kung hindi ako sasalinan ng dugo, alinman sa mamatay ako o magkadiperensiya sa utak. Nakaligtas ako nang hindi sinalinan ng dugo—at hindi ako nagkadiperensiya sa utak.
Ang unang dalawang taon ng aking buhay ay batbat ng maraming nakalilitong problema sa kalusugan at pakikipaglaban sa pulmonya. Sa wakas ay natiyak ng doktor na ang sakit ko ay cystic fibrosis (CF). Noon, ang mga taong may ganitong sakit ay nabubuhay lamang nang hanggang pitong taon sa katamtaman. Subalit dahil sa pagsulong ng medisina, parami nang paraming batang may CF ang nakaaabot sa pagiging adulto.
Ano ba ang CF?
Ang CF ay isang walang-lunas na namamanang karamdaman. Ito’y nagiging dahilan ng tumitinding paghihirap sa paghinga, at kadalasan nang hirap na hirap matunawan ng pagkain ang mga pasyenteng may CF.
Mga 1 sa 25 katao ang tagapagdala ng depektibong gene ng CF. Sa karamihan ng kaso, ni hindi alam ng mga tagapagdala nito na taglay nila ang gene, yamang wala naman silang nakikitang sintomas ng karamdaman. Kung ang tatay at nanay ay kapuwa tagapagdala, sila’y may 1 sa 4 na tsansang magkaanak nang may CF.
Ang sa akin ay isa sa mga pambihirang kaso kung saan ang CF ay natiyak dahil sa polyps sa loob ng ilong. Resulta nito, napilitan ang mga doktor na suriin kung gaano karami ang asin sa aking pawis, na siyang pinakakaraniwang paraan sa pagtiyak ng CF. Madalas na ang unang nakapapansin ng pagkakaroon ng asin sa balat ay ang mga magulang at ang mga lolo’t lola na nakalalasa ng alat sa kanilang labi pagkahalik sa bata.
Ang pagtubo ng polyps sa loob ng ilong ay nakahadlang sa aking paghinga, kaya halos taun-taon akong inoopera sa aking sinus upang alisin ang polyps. Napakakirot ang mga operasyong ito, at masakit ang pagpapagaling. Mapanganib din ang mga ito dahil sa pagdurugo. Subalit dumaan na rin ako sa maraming operasyon, at lahat ay isinagawa nang hindi ginagamitan ng dugo. Laking pasasalamat ko dahil hindi ako kailangang magtiis o mabalisa hinggil sa mga komplikasyon na maaaring idulot ng pagsasalin ng dugo!
Kinakaya ang Sakit
Bagaman limitado ang aking nagagawa dahil sa aking karamdaman, sinisikap kong maging aktibo hangga’t maaari. Isang pantanging araw sa aking buhay ang Agosto 1, 1987, nang ako’y bautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova.
Pagbangon ko sa umaga, lumalanghap ako ng ventolin solution na sinusundan ng saline solution. Nakatutulong ito upang lumuwag ang likido sa aking baga at nagbubukas sa daanan ng hangin upang maging mas maluwag ang aking paghinga. Umaabot hanggang mga 15 minuto ang paggagamot na ito. Pagkatapos ay isinasagawa sa akin ang physiotherapy mula 40 minuto hanggang isang oras upang paluwagin at palabasin ang likido sa aking bagà. Saka ako muling lalanghap, sa pagkakataong ito, ng antibayotik para labanan ang impeksiyon. Ang buong pamamaraan ay inuulit sa hapon at muli sa gabi.
Ang tatlong sesyong ito ng paggagamot ay umaabot hanggang mga apat na oras araw-araw. Karaniwan nang tinatapos ko muna ito saka ako kakain, yamang mas maayos ang paggagamot sa akin kapag walang laman ang aking tiyan. Sa kabila ng umuubos-oras na ruting ito, naging ugali ko na ang pagdalo sa mga pulong sa wikang-Griegong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa London, Ontario, Canada. Sa mga panggabing pulong, ipinagpapaliban ko ang aking therapy hanggang alas 10:00 n.g. Para sa akin, ang mga pagpapalang natatanggap ko sa pagdalo sa mga pulong ay makapupong nakahihigit sa mga sakripisyong nasasangkot. Ang regular na pakikibahagi sa ministeryo ay naging mahalaga rin sa akin.
Ibinabahagi ang Aking Pananampalataya
Ang pagpasok sa ospital ay naglaan sa akin ng pantanging pagkakataon upang ibahagi ang aking Kristiyanong pananampalataya. Minsan ay nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang isang paring Griego Ortodokso, na isa ring pasyente sa kabilang kuwarto. Nabanggit niyang ako’y isang magalang na kabataan at sinabing sa palagay niya’y isa akong mabuting halimbawa para sa mga kabataan sa Griegong pamayanan. Wala siyang kamalay-malay na alam kong siya ang nangunguna sa pagsalansang sa ministeryo ng mga Saksi ni Jehova sa mga taong nagsasalita ng Griego.
Kapag may dumadalaw sa pari, pinadadalaw rin niya sa akin ang mga ito. Namukhaan ng kaniyang mga bisita ang aking mga kapamilya at mga kaibigang dumadalaw sa akin dahil nakapunta na ang mga ito sa kanilang bahay sa pagmiministeryo. Ang ilan sa mga bisita ng pari ay nanatili, ngunit ang iba’y nagtatakang bumalik upang tanungin ang pari kung bakit niya sila pinapunta sa mga Saksi ni Jehova. Kahit alam na niyang ako’y isang Saksi, nagpatuloy pa rin ang aming pag-uusap tungkol sa Bibliya. Napag-usapan namin ang mga paksang gaya ng pangalang Jehova, ang Trinidad, at ang pagiging neutral sa pulitika ng mga Saksi ni Jehova sa Gresya. Habang kami’y nag-uusap, napapansin kong gumuguho ang mga pader ng kaniyang pagsalansang.
Inamin ng pari na alam niya ang katotohanan hinggil sa ilang paksa sa Bibliya na aming napag-usapan subalit ipinagtapat niyang hindi niya itinuro ang katotohanan hinggil sa mga bagay na iyon sa takot na mawalan siya ng trabaho. Nang maglaon ay dumalaw kami ni Esther, nakababata kong kapatid, sa kanilang bahay, at tinanggap niya ang literatura sa Bibliya. Humupa ang pagsalansang sa aming pangangaral sa teritoryo. Sa katunayan, nakinig na rin ang marami na nakabalitang mabuti ang pagtugon ng pari. Gayunman, di-nagtagal, inilipat ang pari sa ibang lugar.
Nabuksan ang isa pang mahalagang pangyayari dahilan sa ibinahagi ko ang aking pananampalataya minsan nang ako’y maospital. Kinausap ko ang isang kabataang nagngangalang Jeff, na dumalaw sa kaniyang lolo. Ang patuloy na pag-uusap ay umakay sa isang pakikipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Nang maglaon, gusto na ni Jeff na dumalo sa mga pulong sa kongregasyon. Bagaman doon ako laging dumadalo sa isang kongregasyon sa London, pansamantala akong nagbiyahe patungo sa karatig na Stratford para isama siya sa pulong doon. Ang layunin ko ay upang matulungan siya ng sinumang nakatira sa malapit sa kanilang bahay.
Nakalulungkot, nagpatalo si Jeff sa panggigipit ng kaniyang pamilya at hindi sumulong sa espirituwal. Gayunman, sa aking pagdalo sa mga pulong sa Stratford, muli akong napalapit kay Deanne Stewart. Nagkakilala na kami noon nang magkasama kami sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall. Nabuo ang isang matimyas na pagtitinginan, at kami’y nagpakasal noong Hunyo 1, 1996.
Nagbago ang Aking Kalagayan
Nakalulungkot naman, tatlong linggo matapos ang kasal, lumubha ang aking sakit. Nagpasimula ito sa sunud-sunod na pagpapaospital hanggang sa humantong sa emergency na inilarawan kanina sa simula. Mula noon ay 24 na oras akong naka-oxygen araw-araw. Tiniis ko ang lagnat, pamamawis sa gabi, pleurisy, di-pagkatulog dahil sa pag-ubo kung gabi, at pananakit ng aking mga kasukasuan, mga binti, at dibdib. Kung minsan ay dugo ang aking iniuubo, na nakatatakot sapagkat kung hindi iyon titigil, maaari itong humantong sa biglang pagkamatay.
Ngayon, habang katabi ko ang aking mahal na asawa bilang kasama at katulong, nakikibahagi ako sa pagpapatotoo sa mga doktor, mga physiotherapist, pasyente, at iba pang mga tagapangalaga sa kalusugan sa mga ospital gayundin sa bahay kapag sila’y dumadalaw. Bagaman mabigat ang mga suliranin ko sa kalusugan, minamalas namin ang lahat ng ito bilang mga pagkakataon upang purihin ang pangalan ni Jehova.
Ang Umaalalay sa Akin Ngayon
Dahil sa pagbabago sa aking kalagayan, kami ni Deanne ay may isang pantanging hookup sa telepono na nagpangyari upang kami’y makapakinig at makibahagi sa mga pulong sa kongregasyon. Labis kaming napatibay ng maibiging paglalaang ito at nakapagpadama sa amin na kami’y masiglang bahagi pa rin ng kongregasyon, kahit madalas na hindi kami aktuwal na nakadadalo.
Karagdagan pa, kabilang na ngayon sa aming ministeryo ang pagtawag sa telepono at ibinabahagi ang aming salig-Bibliyang pag-asa. Nakapagpasimula na kaming magdaos ng pag-aaral sa Bibliya, na isinasagawa namin sa pamamagitan ng telepono. Malaking kagalakan ang naidudulot sa amin ng pakikipag-usap sa mga di-kilala tungkol kay Jehova at sa kaniyang kahanga-hangang paglalaan para sa tapat na sangkatauhan sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran.
Ang pag-alalay ng aking tatay at nanay ay isang nakapagpapatibay na pampalakas-loob at kaaliwan sa akin. Napakalaki ng aking utang na loob kay Jehova sa pagbibigay niya sa akin kay Deanne, na tumanggap sa akin sa kabila ng aking karamdaman at ngayo’y gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagtulong sa akin na makapagbata.
Habang sumasapit ako sa mga huling yugto ng aking karamdaman, ang pagbubulay-bulay sa aking pag-asa sa hinaharap ay tumutulong sa akin upang magpatuloy. Ang pagbabasa namin ni Deanne ng Bibliya araw-araw ay isang kaaliwan para sa aming dalawa. Alam kong sa malapit na hinaharap, lulusog ako, na hindi na mangangailangan ng araw-araw na therapy para lamang makahinga. Sa ipinangakong Paraiso, pagkatanggap ko ng malulusog na bagà, naguguniguni ko ang aking sarili na tumatakbo sa parang. Iyan lamang ang nais ko—ang tumakbo lamang sandali sa parang upang masubok ko ang aking bagà.
Ang pagsasadiwa ng mga pagpapala ng ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos ang tumutulong sa akin upang makaraos araw-araw. Sabi ng Kawikaan 24:10: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” Sa halip na madamang babahagya ang aking kalakasan, nadarama kong binibigyan ako ni Jehova ng lakas na higit sa karaniwan. (2 Corinto 4:7) Tumutulong ito sa akin upang makapagpatotoo hinggil sa kaniyang pangalan at mga layunin gayundin upang maharap ang anumang ipahihintulot niya—iyon man ay kaligtasan sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay sa Armagedon o kamatayan ngayon at pagkabuhay-muli pagkaraan tungo sa kaniyang bagong sanlibutan.—1 Juan 2:17; Apocalipsis 16:14-16; 21:3, 4.
[Mga larawan sa pahina 13]
Kasama ang aking asawa, si Deanne, na isang napakalaking tulong sa akin