Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 12/22 p. 18
  • Blin ng Russia—Hindi Lamang Ordinaryong Pankeyk

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Blin ng Russia—Hindi Lamang Ordinaryong Pankeyk
  • Gumising!—2005
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pulandit ng Gatas na Naging Isang Kutsarang Pinulbos na Gatas
    Gumising!—1999
  • Gatas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
  • “Aming Kakanin sa Araw-Araw”
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 12/22 p. 18

Blin ng Russia​—Hindi Lamang Ordinaryong Pankeyk

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Russia

Ang mga Pranses ay may crepe, ang mga taga-Scotland ay may bannock, at ang mga Amerikano ay may flapjack. Kaya hindi nakapagtataka na ang mga Ruso ay may sariling bersiyon ng pankeyk​—ang blin, na kinakain na noon pa man.

Ginamit ng sinaunang mga Slav ang blin bilang handog na pagkain sa kanilang paganong mga ritwal at itinuring nilang angkop na simbolo ito ng bilog, mainit, at ginintuang araw. Pinakakain ng blin ang mga nanay na kapapanganak pa lamang. Inihahain din ito sa mga kasalan at libing, kaya bahagi ito ng buhay ng mga tao mula pagsilang hanggang kamatayan.

Harinang trigo ang karaniwang ginagamit ngayon ng mga Ruso sa paggawa ng blin, pero maaari ring gumamit ng ibang harina. Ang harina at itlog ay karaniwang hinahaluan ng gatas o tubig o ng pinagsamang gatas at tubig. Subalit ang harina at itlog ay maaari ring haluan ng krim, buttermilk, kefir (pinakasim na gatas ng baka), sour cream, o anumang iba pang produktong gawa sa gatas. Itinuturing na sining ang pagpiprito ng blin dahil bawat isa nito ay dapat na napakanipis hangga’t maaari​—hindi madaling gawin ito!

Sinasabing kailangan ang kasanayan sa paggawa ng palaman nito. Maaari itong palamanan ng minatamis na prutas, gaya ng raspberry, strawberry, blackberry, red o black currant, o cranberry. Maaari rin itong palamanan ng dilis, herring, salmon, sardine, sprat, kabute, giniling na karne, o cottage cheese​—nang hiwa-hiwalay o sama-sama. Subalit ang tradisyonal na palaman ng mga Ruso ay red o black caviar. At tandaan, masarap kainin ang blin kapag bagong hango ito!

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

RESIPE PARA SA BLIN NA GAWA SA BUCKWHEAT

Mga sangkap

1 tasang harinang buckwheat

1 tasang harinang trigo

2 kutsarang dry yeast

3 kutsarang mantikilya, tinunaw

2 itlog

3 tasang gatas o higit pa

2 kutsarang asukal

Kaunting asin

Paghahanda: Paghaluin ang harinang buckwheat at isang tasa ng gatas. Painitin ang ikalawang tasa ng gatas, idagdag sa pinaghalong sangkap, at haluing mabuti. Kapag malamig na ang pinaghalong mga sangkap, ihalo ang dry yeast. Hayaang umalsa ang pinaghalong mga sangkap hanggang maging doble ang laki.

Gamit ang kahoy na kutsara, batihin ang pinaghalu-halong sangkap habang inilalagay ang asin at asukal. Paghiwalayin ang pula at puti ng itlog. Isama sa pinaghalong mga sangkap ang pula ng itlog, mainit-init na tinunaw na mantikilya, at harinang trigo, saka haluing mabuti. Batihin nang hiwalay ang puti ng itlog, ilagay ito sa pinaghalong mga sangkap, at dagdagan ng gatas kung kinakailangan. Hayaang umalsang muli ang pinaghalong mga sangkap.

Painitin ang kawali, at pahiran ito ng kaunting mantika o tinunaw na mantikilya. Ibuhos dito ang katamtamang dami ng pinaghalong mga sangkap ng blin, manipis hangga’t maaari. Lutuin sa mahinang apoy hanggang sa pumula ang ilalim ng blin. Baligtarin ang blin, at lutuin pa nang 15 segundo. Hanguin at ilagay sa plato, at panatilihing mainit ang blin habang inuulit ang mga hakbang sa natitira pang pinaghalong mga sangkap. Pagpatung-patungin ang mga blin at ihain.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share