Pagmamasid sa Daigdig
◼ Ang taóng 2006 ay “malamang na ang pang-anim sa pinakamainit na taon na naiulat.” Naranasan ang sampung pinakamaiinit na taon sa loob ng nagdaang 12 taon.—WORLD METEOROLOGICAL ORGANIZATION.
◼ Ipinatalastas ng Public Security Bureau ng Beijing ang patakarang “isang aso” kada pamilya upang mapigilan ang paglaganap ng rabis. Tinatayang 2,660 katao ang namatay sa Tsina noong 2004 dahil sa rabis.—XINHUA ONLINE, TSINA.
◼ Ang mga tumutuloy sa otel na humahawak sa mga hawakan ng pinto, sa mga lampara, telepono, at remote control ng TV sa mga kuwarto ng otel ay may “50 porsiyentong tsansa na mahawahan ng sipon.”—MACLEAN’S, CANADA.
Mga Insektong Natutuklasan sa Amazon
Humigit-kumulang 60,000 uri na ng insekto ang natuklasan ng mga entomologo—mga eksperto sa pag-aaral ng mga insekto—sa maulang kagubatan ng Amazon. Ayon sa Folha Online, tinatayang 180,000 uri pa ang hindi natutukoy. Sa kasalukuyan, may 20 entomologo na nagtatrabaho sa rehiyong iyon. Ipinakikita ng kamakailang estadistika na sa katamtaman, 2.7 uri bawat taon ang nabibigyan ng pangalan at napag-aaralan ng mga eksperto. Kaya batay rito, kailangan pa ng mga 90 henerasyon ng mga entomologo na magtatrabaho ng 35 taon bawat isa, o may kabuuang humigit-kumulang 3,300 taon, para matukoy ang lahat ng uri ng insekto!
Kakulangan sa Enerhiya
“Tinatayang 1.6 bilyong tao—mga 25 porsiyento ng populasyon ng daigdig—ang walang kuryente, at 2.4 bilyon ang gumagamit ng uling, dumi ng hayop o kahoy bilang pangunahing panggatong para sa pagluluto at pagpapainit,” ang sabi ng Our Planet, isang magasin na inilathala ng United Nations Environment Programme. “Ang usok mula sa karaniwang mga panggatong na ito ay pumapatay ng mga dalawa at kalahating milyong kababaihan at mga bata bawat taon.”
Biktima ng Panlalait sa Internet
Sa pamamagitan ng mga Web site, puwede nang makipag-ugnayan ang mga tao sa mga estranghero at diumano ay maging katanggap-tanggap sila sa mga ito. Pero ang mga Web site ring ito ay “pugad ng mga sinungaling,” nagtatangi ng lahi, pakialamero’t pakialamera, at may diskriminasyon sa ibang tao, ang sabi ng Folha Online. Hindi sinasabi ng ilan sa gumagamit ng mga Web site ang totoong impormasyon tungkol sa kanilang sarili. Nilalait naman ng ilan ang matataba, pandak, may buhaghag na buhok, at iba pa, na labis namang ikinasasama ng loob ng mga ito. Ayon sa sikologong taga-Brazil na si Ivelise Fortim, nararamdaman nila ito dahil “ang mga biktima ay mas apektado ng sinasabi sa kanila [sa mga Web site] kaysa sa nangyayari sa totoong buhay.”
Sinaunang Aparato sa Astronomiya
Noong 1901, natuklasan ng mga maninisid ng espongha ang isang kinakalawang na aparato mula sa sinaunang Romanong barko na lumubog malapit sa isla ng Antikýthēra sa Gresya. Napag-alaman na ngayon, na isa pala itong masalimuot na aparato sa astronomiya noong ikalawang siglo B.C.E. Gamit ang malakas at makabagong X-ray, natuklasan ng mga siyentipiko na sumuri kamakailan sa “Antikythera Mechanism” na ito ay binubuo ng di-kukulangin sa 30 tansong enggranahe at dating may kahang yari sa kahoy. Eksaktong matutukoy ng aparatong ito ang posisyon ng araw at buwan at matatantiya kung kailan magkakaroon ng eklipseng lunar at solar. Ayon sa magasing Nature, ang aparatong ito ay “mas masalimuot pa sa alinmang aparato na naimbento sa loob ng milenyong iyon.”
[Picture Credit Line sa pahina 21]
AP Photo/Thanassis Stavrakis