Malaking Palaisipan sa Siyensiya Lutas Na
NOONG 1901, nang galugarin ng mga maninisid ang isang lumubog na barko malapit sa isla ng Antikýthēra sa Gresya, nakakita sila ng kayamanan. Ang lumubog na barkong iyon ay ginagamit pala ng sinaunang mga Romano sa pangangalakal, at naglalaman ng mga estatuwang marmol at bronse, mga pilak na barya mula sa Pergamo, at iba pang mga bagay. Dahil sa mga baryang ito, nataya ng mga mananaliksik na ang barko, na malamang na papuntang Roma, ay lumubog sa pagitan ng 85 at 60 B.C.E.
Mula nang matuklasan ang sinaunang mga bagay, iningatan ang mga ito sa National Archaeological Museum of Athens, sa Gresya. Pero noong 2005, dumayo sa museo ang mga mananaliksik, hindi dahil sa mga estatuwa o mga baryang ito. Interesado sila sa mekanismong gawa sa bronse na dating nakalagay sa isang kahong yari sa kahoy na halos sinlaki ng kahon ng sapatos. Ipinakikita ng sinaunang bagay na ito, na kilala bilang Mekanismong Antikythera, na napakahusay pala ng sinaunang mga sibilisasyon pagdating sa siyensiya. Ang natuklasang mekanismo ay sinasabing “ang pinakasopistikadong mekanismo na ginawa noong sinaunang panahon.”
Ano nga ba ito? At bakit napakahalaga nito?
Isang Palaisipan
Nang makuha sa pinakasahig ng dagat ang mekanismo, kinakalawang na ito at kinapitan na ng maraming dumi. Makalipas ang halos 2,000 taon, mukha na itong berdeng bato. Dahil nakapokus noon ang atensiyon sa mga estatuwa, hindi gaanong napansin ang palaisipang bagay na ito.
Nang suriin ito ng isang arkeologong Griego noong 1902, pira-piraso na ito. May mga enggranahe ito na iba’t iba ang sukat, at eksaktung-eksakto ang pagkakatabas ng tatsulok na mga ngipin nito. Mukha itong relo, pero imposible, dahil sinasabing mga 700 taon pa lamang noon ang nakalilipas mula nang malawakang gamitin ang relo.
Ipinaliliwanag ng isang artikulo tungkol sa Mekanismong Antikythera na “karaniwan nang hindi kinikilala ng mga istoryador na makagagawa [ang mga Griego mga 2,000 taon na ang nakalilipas] ng perpektong mga enggranahe—mga enggranaheng metal na komplikado ang pagkakaayos at may kakayahang magpaandar ng mga driveshaft.” Magkagayunman, ang mekanismong ito ay ipinagpapalagay na isang uri ng astrolabe, isang instrumento na karaniwang ginagamit noon para malaman ang latitud sa pamamagitan ng mga posisyon ng araw, buwan, planeta, at mga bituin.
Pero marami ang nagsasabi na napakakomplikado ng mga enggranahe kaya imposibleng ginawa ito 2,000 taon na ang nakalilipas. Kaya naman sinabi nila na hindi ito galing sa sinaunang barkong lumubog. May isang iskolar na nagsabing malamang na ito ang kilalang Sphere of Archimedes. Ayon kay Cicero noong unang siglo B.C.E., ang mekanismong ito ay isang uri ng planetarium—isang mekanikal na modelo na nagpapakita ng galaw ng araw, buwan, at limang planetang nakikita ng tao. Pero dahil walang matibay na ebidensiya, nanaig pa rin ang teoriya na astrolabe ito.
Sinuring Mabuti
Noong 1958, ang mekanismo ay pinag-aralan ni Derek de Solla Price, isang pisiko na naging propesor ng kasaysayan. Naniniwala siya na kaya nitong kalkulahin ang petsa ng nakalipas at ng susunod na mga kaganapan sa kalawakan, gaya ng susunod na kabilugan ng buwan. Nalaman niya na ang mga nakasulat sa dayal ay kumakatawan sa mga dibisyon ng kalendaryo—araw, buwan, at mga simbolo ng zodiac. Ipinagpalagay niya na malamang na mayroon itong mga kamay na umiikot na nagsasabi ng posisyon ng mga bagay sa kalangitan sa iba’t ibang panahon.
Sinabi ni Price na ang pinakamalaking enggranahe ay akma sa galaw ng araw at ang isang ikot nito ay katumbas ng isang taóng solar. Kung ang isa pang enggranaheng nakakonekta rito ay kumakatawan sa galaw ng buwan, ang proporsiyon ng bilang ng mga ngipin ng dalawang enggranahe ay masasabing katugma ng paniniwala ng sinaunang mga Griego hinggil sa orbit ng buwan.
Noong 1971, pinadaan ni Price ang mekanismong ito sa X-ray machine. Napatunayang totoo ang kaniyang teoriya. Ang mekanismo ay isang masalimuot na pangkalkula na ginagamit sa astronomiya. Gumawa si Price ng drowing para ilarawan kung paano malamang na gumagana ang mekanismo at inilathala niya ang kaniyang tuklas noong 1974. Isinulat niya: “Walang makikitang ganitong instrumento sa iba pang lugar. . . . Batay sa nalalaman natin sa siyensiya at teknolohiya noong Panahong Helenistiko, hindi natin iisiping may ganitong mekanismo nang panahong iyon.” Hindi pinahalagahan noon ang pananaliksik ni Price. Gayunman, ipinagpatuloy ng iba ang ginawa niyang pag-aaral.
Bagong Impormasyon
Noong 2005, ang mekanismo ay sinuri ng grupo ng mga mananaliksik na binanggit sa pasimula gamit ang modernong CAT-scan machine para makabuo ng napakalinaw na X-ray na 3-D image. Dahil sa mga pag-aaral na ito, nakakuha ng bagong impormasyon kung paano gumagana ang mekanismo. Kapag inikot ang isang pihitan, di-kukulangin sa 30 magkakakonektang enggranahe ang magpapaandar sa tatlong dayal sa harap at likod ng kahon. Ipinakikita nito ang petsa ng mga kaganapan sa kalawakan, gaya ng eklipse, batay sa panahon ng mga palaro sa Gresya tulad ng Olympics na ginaganap tuwing ikaapat na taon. Ang mga palarong ito ay karaniwan nang ginagawang batayan sa pagsukat ng panahon.
Bakit napakahalaga ng impormasyong ito? May ilang dahilan. Mahalaga ang astronomiya sa mga tao noon dahil bumabase ang mga magsasaka sa araw at buwan para malaman kung kailan sila magtatanim. Bituin naman ang batayan ng mga magdaragat sa kanilang paglalayag. Matindi ang impluwensiya ng astronomiya sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao sa Gresya noon. At may isa pang dahilan kung bakit mahalaga ang impormasyong ito.
“Para sa sinaunang mga Babilonyo, napakahalagang malaman kung kailan magkakaroon ng eklipse dahil itinuturing nila itong masamang senyales,” ang isinulat ni Martin Allen ng Antikythera Mechanism Research Project. “Sa katunayan, posibleng ginamit ng mga pulitiko ang mekanismong ito para makontrol ang kanilang mga nasasakupan. May nagsabi pa nga na isinekreto ito ng militar at ng mga pulitiko kaya kaunti lamang ang nalalaman natin tungkol sa mekanismong ito.”
Anumang impormasyon ang malaman pa natin tungkol dito, ang mekanismong ito ay katibayan na ang astronomiya at matematika ng sinaunang Gresya, na karamihan sa mga ito ay batay sa matagal nang tradisyon ng mga Babilonyo, ay mas mahusay kaysa sa inaakala natin. Ganito ang sinabi ng magasing Nature tungkol dito: “Ang sinaunang Mekanismong Antikythera ay hindi lamang nagpapakita na napakahusay ng sinaunang sibilisasyon pagdating sa teknolohiya—nagbibigay rin ito ng bagong impormasyon tungkol sa kasaysayan.”
[Kahon sa pahina 26]
SINO ANG GUMAWA NITO?
Imposibleng iisa lamang ang Mekanismong Antikythera. “Perpekto ang pagkakagawa rito,” ang isinulat ni Martin Allen. “May gamit ang bawat bahagi nito. Walang ekstrang mga butas, o mga tagpi para sabihing binabagu-bago ng gumawa nito ang kaniyang disenyo habang binubuo ang mekanismo. Lumilitaw na marami na siyang nagawa.” Kaya sino ang gumawa nito? At ano ang nangyari sa iba pa niyang ginawa?
Isinisiwalat ng pinakabagong pananaliksik ang pangalan ng mga buwan na nasa dayal na nagsasabi kung kailan may magaganap na eklipse. Ang mga pangalang ito ay nagmula sa Corinto. Kaya naman sinabi ng mga mananaliksik na ang mekanismong ito ay ginawa at ginamit ng isang partikular na lahi ng mga tao. Ganito ang sabi ng Nature, isang magasin tungkol sa siyensiya: “Ang mga kolonya ng Corinto sa hilagang-kanluran ng Gresya o Siracusa ng Sicily ang malamang na gumamit nito—at kung ginamit nga ito sa Siracusa, posibleng ginamit ito noong panahon ni Archimedes.”
Bakit kaya wala nang iba pang natuklasang mekanismo na gaya nito? “Mahalaga ang bronse at madaling iresiklo,” ang isinulat ni Allen. “Kaya naman bihirang-bihira ang antik na bronse sa ngayon. Sa katunayan, karamihan sa mga natuklasang antik na bronse ay nakuha sa ilog o dagat, kung saan hindi ito madaling matagpuan ng mga taong posibleng magresiklo rito.” “Ito lamang ang nakuha natin [na sampol],” ang sabi ng isang mananaliksik, “dahil imposible itong matagpuan ng magbabakal.”
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Modelo ng panloob na bahagi ng Mekanismong Antikythera
1. Ipinakikita ng dayal sa harap ang pagbabago ng hugis ng buwan at posisyon ng araw at buwan. Ipinakikita rin nito ang araw at buwan ng taon ayon sa kalendaryong solar at ang galaw ng araw (at ng nakikitang mga planeta) na kaayon ng konstelasyon ng zodiac
2. Ipinakikita ng dayal sa likod sa gawing itaas ang kaugnayan ng buwang lunar, taóng solar, at ng panahon ng mga Palaro sa Gresya
3. Ipinakikita ng dayal sa likod sa gawing ibaba kung kailan magkakaroon ng eklipse ng buwan at araw
[Mga larawan]
Harap
Likod
[Credit Line]
Both photos: ©2008 Tony Freeth/Antikythera Mechanism Research Project (www.antikythera-mechanism.gr)
[Larawan sa pahina 26]
Posibleng panlabas na hitsura ng likurang bahagi ng mekanismo
[Credit Line]
©2008 Tony Freeth/Antikythera Mechanism Research Project (www.antikythera-mechanism.gr)
[Picture Credit Line sa pahina 25]
All photos: ©2005 National Archaeological Museum/Antikythera Mechanism Research Project (www.antikythera-mechanism.gr)