Karahasan Laban sa Kababaihan—Isang Problema sa Buong Daigdig
ANG Nobyembre 25 ay itinakda bilang International Day for the Elimination of Violence Against Women. Ang araw na ito ay pormal na kinilala ng Pangkalahatang Kapulungan ng United Nations noong 1999 na may layuning ipabatid sa mga tao ang mga paglabag sa karapatan ng kababaihan. Bakit kailangang gawin ito?
Sa maraming kultura, ang mga babae ay itinuturing at pinakikitunguhan bilang nakabababa. Malalim ang pagkakaugat ng pagtatangi laban sa kanila. Problema hanggang sa ngayon, maging sa tinatawag na mauunlad na bansa, ang lahat ng uri ng karahasan laban sa kanila. Ayon sa dating kalihim-panlahat ng UN na si Kofi Annan, “ang karahasan laban sa kababaihan ay nangyayari sa buong daigdig, sa lahat ng lipunan at kultura. Biktima nito ang kababaihan anuman ang kanilang lahi, etnikong pinagmulan, katayuan sa lipunan, kapanganakan, o iba pang kalagayan sa buhay.”
Sinabi naman ng dating pantanging tagapag-ulat ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao ng UN na si Radhika Coomaraswamy na para sa karamihan ng kababaihan, ang karahasan laban sa kanila ay “isang isyu na hindi dapat pag-usapan, itinatago sa lipunan, at isang kahiya-hiya at di-maiiwasang katotohanan sa buhay.” Ipinakikita ng estadistika mula sa isang organisasyon sa Holland na sumusuri sa paggawi ng mga biktima na 23 porsiyento ng kababaihan sa isang bansa sa Timog Amerika, o mga 1 sa 4, ang dumaranas ng isang anyo ng karahasan sa loob ng pamilya. Ayon sa Council of Europe, tinataya rin na mga 1 sa 4 na babae sa Europa ang naging biktima ng karahasan sa loob ng kanilang pamilya sa kaniyang buong buhay. Ayon naman sa Kagawaran ng Ugnayang Panloob ng Britanya, humigit-kumulang dalawang babae sa Inglatera at Wales, sa loob ng isang taon kamakailan, ang pinatay bawat linggo ng kasalukuyan o dati nilang kinakasama. Iniulat naman ng magasing India Today International na “kakambal na ng mga kababaihan sa buong India ang takot, at nakaamba sa kanila saanman sila pumunta, sa anumang oras ang panghahalay.” Inilarawan ng Amnesty International ang karahasan laban sa kababaihan at mga batang babae na “pinakamalaganap na problema sa karapatang pantao” sa ngayon.
Ipinakikita ba ng estadistikang nabanggit ang pangmalas ng Diyos sa kababaihan? Tatalakayin ang tanong na ito sa susunod na artikulo.