Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Puwede ba Akong Maglaro ng mga Video Game?
HINDI lamang basta high tech na libangan ang mga video game. Ang totoo, nasusubok nito ang kasanayan mo at panlaban din naman ito sa pagkabagot. Hindi lamang ’yan. Nagiging mas listo ang iyong kilos at pati na rin ang iyong mga mata kapag naglalaro ka ng mga video game, ayon sa ipinakikita ng mga pag-aaral. Maaari pa ngang mapasulong ng ilan sa mga larong ito ang iyong galíng sa matematika at pagbasa. Bukod diyan, ang pinakabagong mga video game ay maaaring maging paksa ng usapan ng mga estudyante sa paaralan. Kung nasubukan mo na ang isang laro, may maikukuwento ka sa iyong mga kaeskuwela.
Siyempre, nasa mga magulang mo kung papayagan ka nilang maglaro ng video game. (Colosas 3:20) Kung pinapayagan ka nila, dapat kang pumili ng laro na kawili-wili at malinis sa moral. Pero bakit kailangan kang mag-ingat?
May mga Panganib Ito!
Ganito ang sabi ng 16-anyos na si Brian, “Nakakatuwa at masayang maglaro ng mga computer game.” Pero gaya ng alam mo na marahil, hindi lahat ng laro ay maganda. Inamin ni Brian, “Sa video game, nagagawa mo ang mga bagay-bagay na hindi mo kailanman gagawin sa totoong buhay—dahil kung gagawin mo ito, tiyak na mapapasubo ka sa gulo.” Ano ang nagiging impluwensiya ng mga larong ito sa mga kabataan?
Marami sa mga laro ang tahasang nagtatampok ng imoralidad, kalapastanganan, at karahasan—na pawang hinahatulan ng Bibliya. (Awit 11:5; Galacia 5:19-21; Colosas 3:8) Sa ilang laro, nagiging katanggap-tanggap ang espiritismo. Inilarawan ni Adrian, 18 anyos, ang isang popular na laro na nagtatampok ng “sagupaan ng mga gang, pag-abuso sa droga, kahalayan, malaswang pananalita, labis-labis na karahasan, at madugo at nakapanghihilakbot na mga eksena.” At waring nasasapawan ng bawat bagong laro ang naunang mga video game. Sinabi ni James, 19 anyos, na ang pinakapopular sa mga ito ay malalaro na rin sa Internet. High tech na talaga ang mga video game. “Gamit ang computer mo sa bahay,” ang sabi ni James, “puwede kang makipaglaro sa mga nakatira sa kabilang panig ng mundo.”
May isa pang laro na naging napakapopular, kung saan ang mga naglalaro ay maaaring gumanap bilang isa mismo sa mga karakter. Ang mga naglalaro nito ay maaaring lumikha ng mga karakter sa computer game na konektado sa Internet—maaaring tao, hayop, o kombinasyon nito—na nabubuhay sa isang daigdig na nilikha sa computer kasama ng libu-libong iba pang naglalaro. Ang daigdig na ito sa Internet ay may mga tindahan, kotse, bahay, disco, bahay-aliwan—isa ngang replika ng tunay na daigdig. Ang mga naglalaro nito ay mabilis na nakapagpapadala ng mga mensahe sa kanilang mga kalaro sa pamamagitan ng Internet habang waring nag-uusap ang mga karakter sa computer game.
Ano ba ang nagaganap sa mga larong ito? “Ang ordinaryong mga tao ay nagpapakasasa sa mga gawaing hinding-hindi nila magagawa, o gagawin, sa totoong buhay,” ang sabi ng isang peryodista. Sinabi pa niya: “Pangkaraniwan na ang pagtatalik, pati na ang prostitusyon.” Sa pagpindot lamang ng ilang buton, magtatalik ang mga karakter sa computer samantalang ang mga aktuwal na naglalaro ay nagpapadala sa isa’t isa ng malalaswang mensahe. Bukod diyan, ang mga daigdig na ito ay “punô ng parang totoong krimen, mga miyembro ng sindikato, bugaw, mangingikil, manggagantso, at mamamatay-tao,” ang sabi ng magasing New Scientist. Isa pang magasin ang nag-ulat na “nababahala ang mga kritiko sa pagtatampok ng mga gawaing ilegal sa totoong daigdig, gaya ng bahay-aliwan kung saan hinahalay ang isang bayarang babae, o mga taong nakikipagtalik sa mga batang karakter sa computer.”
Mahalaga Kung Ano ang Pinipili Mo
Maaaring mangatuwiran nang ganito ang mga naglalaro ng gayong marahas at napakahalay na mga video game: “Wala namang nasaktan. Kunwari lang naman ’yon. Laro lang ’yon.” Pero huwag kang padaya sa gayong maling pangangatuwiran!
Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang bata kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid.” (Kawikaan 20:11) Kung lagi kang naglalaro ng marahas at mahalay na mga video game, masasabi bang dalisay at matuwid ang iyong isip? Paulit-ulit na ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga nanonood ng mararahas na palabas ay nagiging lalong agresibo. Ganito ang sinabi kamakailan ng New Scientist: “Mas matindi ang impluwensiya ng video game kaysa sa TV dahil aktuwal na nasasangkot ang naglalaro at hindi basta nanonood lamang.”
Kapag naglalaro ka ng marahas o mahalay na mga video game, para ka na ring naglalaro ng mga elementong may mataas na radyasyon—hindi mo agad makikita ang masasamang epekto nito, pero tiyak iyon. Sa anong paraan? Kapag nahantad ka sa malakas na radyasyon, masisira ang pinakasapin ng iyong sikmura at makakapasok sa daluyan ng dugo ang mga baktirya mula sa bituka, na nagiging sanhi ng pagkakasakit. Sa katulad na paraan, ang pagkahantad sa mahalay at marahas na mga video game ay maaaring sumira sa iyong “pakiramdam sa moral” anupat mangingibabaw sa iyong pag-iisip at pagkilos ang pagnanasa ng laman.—Efeso 4:19; Galacia 6:7, 8.
Anong Laro ang Dapat Kong Piliin?
Kung pinapayagan ka ng mga magulang mo na maglaro ng anumang video game, paano mo malalaman kung ano ang dapat mong piliin at kung gaano ka katagal maglalaro? Itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:
◼ Ano kaya ang madarama ni Jehova sa larong pipiliin ko? Naaapektuhan ng mga larong pinipili mo ang damdamin ng Diyos sa iyo. “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa,” ang sabi ng Awit 11:5. Hinggil sa mga nakikisangkot sa espiritismo, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Kung nais nating maging kaibigan tayo ng Diyos, kailangan nating sundin ang payo sa Awit 97:10: “Kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan.”
◼ Paano makaaapekto sa aking pag-iisip ang larong ito? Tanungin ang iyong sarili, ‘Ang paglalaro ko ba ng video game na ito ay makatutulong o makahahadlang sa akin na “tumakas . . . mula sa pakikiapid”?’ (1 Corinto 6:18) Ang mga larong naghahantad sa iyo sa mahahalay na larawan at malalaswang usapan ay hindi makatutulong sa iyo na maituon ang isip sa mga bagay na matuwid, malinis, at may kagalingan. (Filipos 4:8) Sinabi ni Amy, 22 anyos: “Maraming laro ang magpapamanhid sa iyo sa mga bagay na gaya ng karahasan, malaswang pananalita, at imoralidad, kaya unti-unti ka nang mapadadala sa tukso sa iba pang aspekto ng buhay. Dapat kang pakaingat sa pagpili ng video game.”
◼ Gaano katagal akong maglalaro? Sinabi ni Deborah, 18 anyos: “Hindi naman lahat ng computer game ay masama. Pero maaari itong umubos ng iyong panahon at nakakaadik ito.” Maging ang mga larong walang anumang karahasan o kahalayan ay maaaring umubos ng napakaraming panahon. Kaya bilangin at irekord ang oras na ginugugol mo sa paglalaro at ihambing ito sa oras na ginugugol mo sa ibang mas mahahalagang gawain. Makatutulong ito para mabigyang-priyoridad mo ang mas mahahalagang bagay.—Efeso 5:15, 16.
Hindi naman sinasabi ng Bibliya na puro pag-aaral at pagtatrabaho na lamang ang gawin mo. Ipinaaalaala nito sa ating lahat na may “panahon ng pagtawa . . . at panahon ng pagluksu-lukso.” (Eclesiastes 3:4) Kapansin-pansin na ang pananalitang “pagluksu-lukso” ay hindi lamang nagpapahiwatig ng basta paglalaro kundi ng pisikal na gawain din naman. Kaya bakit hindi gamitin ang ilang libreng panahon mo sa mga laro na nagsasangkot ng pisikal na gawain sa halip na lagi na lamang umupo sa harap ng computer?
Pumili Nang May Katalinuhan
Talaga namang nakatutuwang maglaro ng mga video game, lalo na kung magiging bihasa ka rito. Ito mismo ang dahilan kung kaya dapat kang maging matalino sa pagpili. Tanungin ang iyong sarili, ‘Sa paaralan, sa anong mga subject ba ako magaling?’ Hindi ba’t kadalasan na ay sa mga subject na paborito mo? Ang totoo, kadalasan nang miyentras mas gusto mo ang isang subject, mas malaki ang epekto nito sa iyo. Tanungin mo ngayon ang iyong sarili: ‘Ano ang paborito kong video game? Anong aral ang itinuturo sa akin ng larong ito?’
Para matulungan ka sa pagpili ng angkop na laro, suriin muna ang bawat video game na gusto mong laruin. Itala ang tunguhin ng bawat laro at ang mga pamamaraan upang maabot ang tunguhing iyon. Paghambingin ang ginawa mong talaan at ang mga simulain sa Bibliya na binanggit sa artikulong ito, at saka mo pag-isipan kung angkop nga ba ang larong ito.
Sa halip na basta maglaro ng video game na nilalaro ng mga kaibigan mo, maging determinado na magpasiya ayon sa natutuhan mong mga simulain. Higit sa lahat, sundin ang payo ng Bibliya: “Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.”—Efeso 5:10.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
PAG-ISIPAN
◼ Ano ang sasabihin mo kung yayain ka ng isang kaibigan na maglaro ng marahas o mahalay na video game?
◼ Paano mo matitiyak na hindi makahahadlang sa mas mahahalagang gawain ang paglalaro mo ng mga video game?
[Blurb sa pahina 19]
Kapag naglalaro ka ng marahas o mahalay na mga video game, para ka na ring naglalaro ng mga elementong may mataas na radyasyon—hindi mo agad makikita ang masasamang epekto nito, pero tiyak iyon
[Kahon sa pahina 18]
Gaano ka kadalas maglaro ng mga video game?
□ Madalang
□ Minsan sa isang linggo
□ Araw-araw
Gaano ka katagal maglaro?
□ Ilang minuto
□ Isang oras o wala pa
□ Mahigit dalawang oras
Anu-anong uri ng laro ang paborito mo?
□ Karera ng kotse
□ Isport
□ Barilan
□ Iba pa
Isulat dito ang pangalan ng video game na alam mong hindi makabubuti sa iyo.
․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․
[Kahon/Larawan sa pahina 20, 21]
MENSAHE SA MGA MAGULANG
Matapos mong basahin ang unang bahagi ng artikulo, masasabi mong malaki na ang ipinagbago ng mga video game kaysa noong panahong tin-edyer ka. Bilang magulang, paano mo matutulungan ang iyong anak na makita ang potensiyal na mga panganib at maiwasan ang mga ito?
Hindi makatutulong na hatulan ang buong industriya ng mga video game o igiit na pagsasayang lamang ng oras ang paglalaro nito. Tandaan na hindi naman lahat ng video game ay masama. Gayunman, nakakaadik ang mga ito at nakauubos ng oras. Kaya alamin kung gaano karaming oras ang ginugugol ng iyong anak sa paglalaro ng mga video game. Alamin din ang mga uri ng laro na waring nagugustuhan ng iyong anak. Maaari mo pa nga siyang tanungin:
◼ Anong laro ang paborito ng iyong mga kaklase?
◼ Paano ba ito nilalaro?
◼ Sa palagay mo, bakit kaya napakapopular ng larong iyon?
Baka magulat ka na napakarami palang alam ng iyong anak hinggil sa mga video game! Baka nakapaglalaro pa nga siya ng mga video game na sa tingin mo ay masama. Kung gayon, huwag agad magalit. Pagkakataon ito para tulungan mo ang iyong anak na pasulungin ang kaniyang kaunawaan.—Hebreo 5:14.
Magbangon ng mga tanong na tutulong sa iyong anak na maunawaan kung bakit siya naaakit sa masasamang laro. Halimbawa, maaari mo siyang tanungin:
◼ Pakiramdam mo ba’y napag-iiwanan ka dahil hindi kita pinapayagang maglaro ng video game na iyon?
Gaya ng binanggit sa unang pahina ng artikulong ito, ang ilang kabataan ay naglalaro ng isang partikular na video game para may maikuwento sila sa kanilang mga kaibigan. Kung ito ang dahilan ng iyong anak, malamang na iba ang paraan mo ng pagharap sa situwasyong ito kaysa kung matuklasan mong nawiwili siya sa mga larong madugo, nakapanghihilakbot, o mahalay.—Colosas 4:6.
Pero paano kung naaakit nga ang iyong anak sa masasamang elemento ng laro? Maaaring agad na mangatuwiran ang ilang kabataan na hindi naman sila naaapektuhan ng matinding karahasang nakikita nila sa computer game. Idinadahilan nila, ‘Hindi ko naman gagawin sa totoong buhay ang ginagawa ko sa computer game.’ Kung iyan ang iniisip ng iyong anak, ipabasa sa kaniya ang Awit 11:5, na sinipi sa pahina 20. Gaya ng malinaw na ipinakikita sa teksto, hindi lamang ang pagiging marahas ang hinahatulan ng Diyos kundi pati na ang pag-ibig sa karahasan. Kumakapit din ang simulaing iyan sa seksuwal na imoralidad o iba pang masasamang paggawi na hinahatulan ng Salita ng Diyos.—Awit 97:10.
Inirerekomenda ng ilang eksperto ang sumusunod:
◼ Huwag hayaang maglaro ng mga video game ang iyong anak sa tagóng mga lugar, gaya ng silid-tulugan.
◼ Magtakda ng mga tuntunin (halimbawa, hindi puwedeng maglaro hangga’t hindi pa nakapaghahapunan o hindi pa natatapos ang takdang-aralin o iba pang mahahalagang gawain).
◼ Ipakita sa kaniya kung bakit mahalaga ang iba pang aktibidad na nangangailangan ng pisikal na lakas.
◼ Bantayan ang iyong mga anak habang naglalaro ng video game—o, baka mas mabuti na makipaglaro ka sa kanila paminsan-minsan.
Siyempre, para magabayan mo ang iyong mga anak pagdating sa libangan, kailangang magpakita ka ng halimbawa para malaya kang makapagpayo. Kaya tanungin mo ang iyong sarili, ‘Anong uri ng palabas sa TV at pelikula ang pinanonood ko?’ Kung ang ginagawa mo ay salungat sa ipinasusunod mo sa iyong mga anak, malalaman at malalaman din nila ito!