Sinaunang mga Kaugalian sa Makabagong Mexico
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
BAGAMAN usung-uso na ang paggamit ng mga cellphone at Internet sa makabagong Mexico, buháy na buháy pa rin ang sinaunang relihiyosong mga kaugalian sa bansang ito. Sa nakalipas na mga siglo, ang Romanong Katolisismo ay nahaluan ng ilang kaugalian ng mga Indian. Sa katunayan, kitang-kita pa rin ngayon ang mga kaugaliang iyon sa pagsamba ng mga Katolikong Mexicano.
Halimbawa, maraming tao sa Mexico ang pumupunta sa mga sementeryo tuwing Nobyembre 2 para ipagdiwang ang Undas, na kilala rin sa tawag na Araw ng mga Patay. Nag-iiwan sila ng mga bulaklak, pagkain, at alak sa puntod ng kanilang yumaong mga mahal sa buhay. Umuupa pa nga ang ilan ng mga musikero para tugtugin ang mga paboritong kanta ng kanilang mahal sa buhay noong nabubuhay pa ito. Marami ring Katoliko ang nagtatayo ng mga altar sa kanilang bahay at naglalagay rito ng larawan ng kanilang namatay na minamahal.
Binabanggit ng Enciclopedia de México na ang ilang kaugaliang may kaugnayan sa pagdiriwang ng Araw ng mga Patay ay waring “kakikitaan ng mga detalye ng mga seremonyang ginagawa ng mga Indian tuwing buwan ng ochpaniztli at ng teotleco, kung saan inihahandog sa mga manes [kaluluwa ng mga patay] ang mga bulaklak ng cempasúchil at kakaning mais, sa panahon na katatapos lamang ng pag-aani—sa dulo ng Oktubre at sa simula ng Nobyembre.” Gaya ng binanggit ng ensayklopidiyang ito, ang ilang kaugalian sa pagdiriwang ng Araw ng mga Patay ay katulad ng mga kapistahang ipinagdiriwang bago ang panahon ng mga Kastila, na may kasamang pagsasaya gaya ng makikita sa mga piyesta.
Relihiyosong Pagsamba
Tuwing Disyembre 12, nagdaraos ng kapistahan ang mga Katolikong Mexicano. Sa araw na iyon, libu-libong deboto mula sa iba’t ibang lugar sa Mexico ang dumaragsa sa simbahan ng Birhen ng Guadalupe na nasa gilid ng Burol ng Tepeyac sa Mexico City. Marami sa kanila ang naglalakad nang ilang araw para makarating doon, at habang naglalakbay, nananalangin sila sa Birhen. Nakaugalian na nila na pagdating doon, papasok sila sa simbahan nang nakaluhod (itaas) at mag-aalay ng mga rosas.
Sa ngayon, makikita rin ang mga imahen ng Birhen ng Guadalupe sa mga bahay at apartment pati na sa mga istasyon ng bus at iba pang pampublikong lugar. Ang Birhen ng Guadalupe ay binansagang “Ina ng Diyos” at “Munting Morena ng Tepeyac.” Mula pa noong ika-16 na siglo, naniniwala na ang mga deboto na nakapagpapagaling at nakagagawa ng mga himala ang birheng ito.
Pinagmulan ng Pagsamba sa Birhen
Ang pagsamba sa mga diyosa, pati na ang ibang detalye ng kapistahang ito, ay nagmula sa pagsamba kay Cihuacóatl, ang inang-diyos ng mga Aztec at tinatawag ding Tonantzin, na nangangahulugang “Aming Munting Ina.” Sinasabi ng aklat na México a través de los siglos (Ang Mexico sa Paglipas ng mga Siglo) na ang diyosang ito, gayundin ang kaniyang anak na lalaking si Huitzilopochtli, ay dinala noon ng mga Aztec sa Tenochtitlán—ang dating kabisera ng Imperyong Aztec, na kilala ngayon bilang Mexico City.
Winasak ng mga Kastila ang templo ni Cihuacóatl na nasa Burol ng Tepeyac. Ayon sa sabi-sabi, halos 40 taon makaraang tumuntong sa kontinente si Columbus, nagpakita ang Birhen ng Guadalupe sa isang katutubong Indian, si Juan Diego. Diumano’y hiniling ng birhen na ipagtayo siya rito ng santuwaryo.
Matindi ang pagpipitagan ng mga Aztec kay Cihuacóatl. Sinasabing siya ay nakaputing damit at nakalugay ang kaniyang mahabang buhok. Napakababa ng pasukan sa kaniyang templo kung kaya kailangang lumuhod ang sinumang papasok dito. Kapag nasa loob na ng templo ang mga mananamba, makikita nila ang birhen na napalilibutan ng iba pang mga imahen na para bang siya ang “ina . . . ng mga diyos.”
Sa panahon ng kapistahan para kay Cihuacóatl, inihahandog ang mga tao. Mayroon ding sayawan at parada ng mga mandirigmang “may pulseras, kuwintas, at putong na rosas.” Ang mga rosas na ito ay inilalagay sa ibabaw ng templo bilang alay kay Huitzilopochtli. Maraming Indian, kasali na ang mga nagmula sa Guatemala, ang naglalakad ng libu-libong kilometro para makapunta sa kapistahan ni Cihuacóatl.
Mahalaga ba ang Pinagmulan ng Pagsamba sa Birhen?
Maliwanag na ang pagsamba sa imahen ng Birhen ng Guadalupe ng mga Katoliko ay nagmula sa mga ritwal na isinagawa ng mga taong hindi sumasamba sa tunay na Diyos ng Bibliya. (Awit 83:18) Mahalaga ba ito? Kailangan pa bang isaalang-alang kung ano ang pinagmulan ng pagsamba at kung ito’y kaayaaya sa Diyos?
Nagbigay si apostol Pablo ng matalinong payo hinggil sa bagay na ito, nang sabihin niya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. . . . Anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial? O anong bahagi mayroon ang isang tapat na tao sa isang di-sumasampalataya?” Sinabi rin ni Pablo: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.”—2 Corinto 6:14, 15; 1 Tesalonica 5:21.
Napapanahon pa rin ang mga payong ito. Dapat nating pag-isipan ang ating pagsamba sa Diyos at itanong sa ating sarili: ‘Ang akin bang paraan ng pagsamba ay kasuwato ng mga turo ng Salita ng Diyos, ang Bibliya? O may mga aspekto itong nagmula sa pagsambang isinagawa ng mga naglilingkod sa huwad na diyos?’ Kung nais ng isa na paluguran si Jehova, ang tunay na Diyos, maingat niyang hahanapin ang sagot sa mga tanong na ito.
[Larawan sa pahina 23]
Mga debotong dumaragsa sa simbahan ng Birhen ng Guadalupe
[Larawan sa pahina 23]
Mga musikero sa mga puntod kapag Nobyembre 2