Ang mga Aztec—Ang Kahanga-hangang Pagsisikap Nila na Makaligtas
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO
“GAYON NA LAMANG ANG DAMI NG TAO SA MALAKING LIWASAN, ANG ILAN AY NAMIMILI, ANG IBA NAMA’Y NAGBIBILI . . . MAY KASAMA KAMING MGA SUNDALO NA NAKAPAGLAKBAY NA SA IBA’T IBANG LUGAR SA DAIGDIG, SA CONSTANTINOPLE AT SA BUONG ITALYA AT ROMA, AT AYON SA KANILA’Y NGAYON LAMANG SILA NAKAKITA NG GANITONG KAAYOS AT KABALANSENG LIWASAN NA NAPAKALAKI AT NAPAKARAMING TAO.”
ANG paglalarawang kasisipi lamang ay mula kay Bernal Díaz del Castillo, isang sundalo sa hukbo ng Kastilang konkistador na si Hernán Cortés, nang makita niya ang lunsod ng Aztec na Tenochtitlán noong 1519.
Ayon sa aklat na The Mighty Aztecs, ni Gene S. Stuart, nang dumating ang mga Kastila, nasa pagitan ng 150,000 at 200,000 ang naninirahan noon sa Tenochtitlán. Malayo sa pagiging sinauna, ito’y isang malawak na metropolis, na ilang kilometro kudrado ang sakop. Ito’y isang lunsod ng mga tulay, mga tinambakang daan, mga kanal, at nangingislap na mga templo sa pagsamba. Bilang kabisera, ang Tenochtitlán ang pinakasentro ng Imperyo ng Aztec.
Subalit para sa maraming mambabasa, ang ideyang ito ng isang payapa at nagkakaisang lunsod ng Aztec ay baka salungat sa kanilang narinig, ang popular na palagay na ang mga Aztec ay mga uhaw-sa dugong taong-bundok lamang. Ang totoo, naniniwala ang mga Aztec na kailangan ng kanilang mga diyos ang puso at dugo ng tao upang makapanatiling malakas. Gayunman, ang kultura at kasaysayan ng mga Aztec ay hindi lamang tungkol sa pagpapatagas ng dugo. Kung mauunawaan ang kanilang pagsisikap na makapanatiling buháy, mas madaling maiintindihan ang matatag na pakikipaglabang ginagawa ng kanilang mga inapo hanggang sa ngayon upang makapanatiling buháy.
Ang Pagbangon ng mga Aztec
Ang totoo, maigsi lamang ang panahong ginugol ng mga Aztec sa kasaysayan ng kabihasnan ng Mesoamerika.a Naniniwala ang karamihan ng mga mananaliksik na ang orihinal na mga naninirahan sa Mexico ay mga dayuhan mula sa Asia patawid sa Bering Strait patungong Alaska at mula roon ay unti-unting napasa timog.—Tingnan ang Gumising! ng Setyembre 8, 1996, pahina 4-5.
Sinasabi ng mga arkeologo na ang nakilalang pinakamatandang kultura na umunlad sa Mesoamerika ay ang Olmec. Ang kabihasnan ng Olmec, ayon sa ilang awtoridad, ay talagang lumitaw noong mga 1200 B.C.E. at maaaring nanatili sa loob ng 800 taon. Ngunit noon lamang 1200 C.E.—pagkalipas ng mahigit na dalawang libong taon—nakilala ang mga Aztec. Ang kanilang kultura ay hindi lalampas ng 300 taon. At ang kanilang makapangyarihang imperyo ay mangingibabaw sa loob lamang ng isang daang taon bago ito bumagsak sa mga tabak ng manlulupig na mga Kastila.
Gayunman, nang ito’y nasa karurukan, ang Imperyo ng Aztec ay nagtataglay ng karingalang di-mapapantayan. Ayon sa isang magasin, “ang mga Aztec ay nagtatag ng isang imperyong umabot patimog hanggang Guatemala.” Ganito ang pagkakalarawan ng The World Book Encyclopedia: “Ang mga Aztec ang may isa sa pinakamodernong kabihasnan sa Amerika. Nagtayo sila ng mga lunsod na kasinlalaki ng nasa Europa noong panahong iyon.”
Maalamat na Pinagmulan
Sa kabila ng pagiging prominente ng mga Aztec, halos walang nakaaalam ng kanilang pinagmulan. Ayon sa alamat, ang pangalang Aztec ay nagmula sa aztlán—isang salita na ipinalalagay na nangangahulugang “puting lupa.” Subalit walang nakaaalam kung nasaan ang maalamat na Aztlán na ito, o kung ito nga’y talagang umiral.
Sa paanuman, ayon sa alamat, ang mga Aztec ang huli sa pitong grupo na lumisan sa Aztlán. Sa utos ng kanilang diyos na si Huitzilopochtli, pinasimulan nila ang isang mahabang paglalakbay upang humanap ng kanilang sariling lupain. Ang tribo ay nagpagala-gala sa loob ng maraming dekada, anupat dumanas ng di-kapani-paniwalang paghihirap at pagkakait at napaharap sa halos walang-tigil na pakikidigma sa mga karatig. Subalit hindi naman maaaring habang buhay na lamang silang magpapagala-gala. Ayon sa pinakapopular na alamat, sinabihan ni Huitzilopochtli ang kaniyang mga tagasunod na hanapin ang mga tandang ito: isang agilang nakadapo sa kaktus. Ang kababalaghang ito ay sinasabing nakita sa isang maputik at maliit na isla sa Lake Texcoco. Dito sa wakas nanirahan ang mga taong pagala-gala, na nagtayo ng isang lunsod na nakilala pagkaraan bilang ang Great Tenochtitlán (na nangangahulugang “Batong Lumitaw sa Tubig”). Ayon sa ilan, ang pangalan nito ay kinuha sa pangalan ng isang maalamat na patriyarkang tinatawag na Tenoch. Sa kasalukuyan, ang Tenochtitlán ay nasa ilalim ng Mexico City.
Ang mga Aztec ay napatunayang matatalinong inhinyero at mga bihasang manggagawa. Sa paggamit ng pinakasahig ng lawa bilang pundasyon, pinalaki nila ang lunsod sa pamamagitan ng pagtatambak. Pinagdugtong ang isla at ang kontinente sa pamamagitan ng mga itinambak na daan. Naglagay rin ng mga kanal.
Gayunman, sa panahong ito, ang mga nagtatayo ay hindi karaniwang nakikilala bilang mga Aztec. Ayon sa alamat, binigyan sila ng kanilang diyos na si Huitzilopochtli ng bagong pangalan nang sila’y lumabas sa Aztlán—mga Mexica. Nang maglaon, tinaglay ng nakapalibot na mga lupain at lahat ng mga naninirahan dito ang pangalang ito.
Gayunman, ang mga Mexica, o mga Aztec, ay hindi nag-iisa sa rehiyong ito. Palibhasa’y napalilibutan ng mga kaaway, kinailangan nilang makipag-alyansa sa kanilang mga karatig. Yaong mga hindi nakipagpayapaan sa mga Aztec ay napalagay sa matinding pakikidigma. Ang totoo, bagay na bagay sa mga Aztec ang pakikidigma. Ang kanilang diyos ng araw, si Huitzilopochtli, ay isa lamang sa maraming diyos at diyosa na humihiling ng regular na paghahain ng dumurugong puso at ng mga tao. Ang mga bilanggo ng digmaan ang pangunahing ginagamit para sa ganitong paghahain. Ang reputasyon ng mga Aztec ay nagdulot ng takot sa puso ng kanilang mga kaaway dahil sa ginagawa nilang ito sa mga bilanggo.
Ang Imperyo ng Aztec kung gayon ay lumaganap mula sa Tenochtitlán, anupat di-nagtagal ay umabot hanggang sa ilang lugar na sa ngayo’y Sentral Amerika. Nabahiran ng mga bagong relihiyosong ideya at kaugalian ang kultura ng Aztec. Kasabay nito, ang iba’t ibang bagay na katumbas ng napakalaking halaga—kabayarang hinihingi sa mga bagong sakop—ay bumuhos sa mga kaban ng Aztec. Naging popular ang musika, literatura, at sining ng mga Aztec. Ganito ang sabi ng magasing National Geographic: “Kung ang pag-uusapan ay kakayahan, ang mga Aztec na ang pinakamagagaling na eskultor sa buong kasaysayan.” Nang dumating ang mga Kastila, kasikatang-kasikatan noon ang kabihasnan ng Aztec.
Ang Pananakop
Noong Nobyembre 1519, mapayapang tinanggap ng emperador ng Mexica, si Montezuma II, ang mga Kastila at ang kanilang lider na si Hernán Cortés, na inakalang siya ang nagkatawang-tao na diyos ng mga Aztec na si Quetzalcoatl. Tinanggap ng mga Kastila ang ipinakitang pagkamapagpatuloy ng mapamahiing mga Aztec. Palibhasa’y walang-kamalay-malay, pinahintulutan ng mga Aztec na makita ng mga Kastila ang mga gintong kayamanan ng Tenochtitlán. Buong-kagahamang nagpakana si Cortés na mapasakaniya ang lahat ng iyon. Sa isang akto ng pagtatapang-tapangan, nagawang ipabilanggo ni Cortés si Montezuma sa kaniyang sariling lunsod. Sinasabi ng ilan na walang karekla-reklamong napahinuhod si Montezuma. Sa paanuman, nagtagumpay si Cortés sa pagsakop sa kabiserang lunsod ng isang napakalaking imperyo nang walang isa mang pinaputok na bala.
Subalit ang walang-dugong tagumpay ay hindi nanatiling walang dugo. Biglang kinailangang umalis si Cortés upang asikasuhin ang isang biglaang pangyayari, at ipinaubaya sa isang mapusok na lalaking si Pedro de Alvarado ang pangangasiwa. Palibhasa’y natatakot na baka mag-alsa laban sa kaniya ang mamamayan ng Tenochtitlán ngayong wala na si Cortés, ipinasiya ni Alvarado na unahan na niya sila. Minasaker niya ang maraming Aztec sa panahon ng kapistahan. Gulung-gulo ang lunsod nang bumalik si Cortés. Sa pagsiklab na iyon ng digmaan, napatay si Montezuma, marahil ng mga Kastila. Gayunman, ayon naman sa bersiyon ng mga Kastila hinggil sa pangyayari, hinimok ni Cortés si Montezuma na humarap at makiusap sa kaniyang mga tauhan na itigil na ang labanan. Nang gawin niya ito, pinagbabato si Montezuma ng kaniyang sariling mga tauhan. Sa paanuman, si Cortés at ang ilang nakaligtas na sugatan ay nakatakas.
Bagaman patang-pata at sugatan, muling tinipon ni Cortés ang kaniyang hukbo. Sumapi sa mga Kastila ang ilang tribong galit sa mga Aztec na nananabik na makawala na sa paniniil nito. Bumalik na ngayon si Cortés sa Tenochtitlán. Sa panahon ng sumunod na madugong pangungubkob, iniulat na inihahandog ng mga Aztec ang mga sundalong Kastilang bihag bilang hain. Ikinagalit ito ng mga tauhan ni Cortés at nag-ibayo ang kanilang determinasyong manalo anuman ang mangyari. Kumilos mismo ang dating sakop na mga tribo, ayon sa isang manunulat na Aztec, anupat “buong-kalupitang gumanti sa ginawa noon ng mga Mexica [mga Aztec] at ninakaw ang lahat ng kanilang mga ari-arian.”
Noong Agosto 13, 1521, bumagsak ang Great Tenochtitlán. Lubusan nang nangibabaw ngayon sa mga Mexica ang mga Kastila at ang kanilang mga alyado. Sinabi ng National Geographic: “Sa loob ng isang kisapmata sa kasaysayan, nawasak ang mga dakilang lunsod at mga sentro ng seremonya sa Mesoamerika habang hinahalughog ng mga Kastila ang lupain sa paghanap ng mga ginto. Inalipin at ginawang mga Kristiyano ang mga tagaroon, at ang Imperyo ng Aztec, ang huling dakilang lehitimong kabihasnan, ay naglaho.”
Ang pananakop ay nagdulot hindi lamang ng pagbabago sa pulitika. Dinala ng mga Kastila ang isang bagong relihiyon.—ang Katolisismo—at kadalasan nang ipinipilit ito sa mga Mexica sa pamamagitan ng tabak. Ipagpalagay na ngang uhaw sa dugo at idolatroso ang relihiyon ng mga Aztec. Ngunit sa halip na alisin ang lahat ng bakas ng paganismo, ang Katolisismo ay bumuo ng kakaibang pakikipagtambal sa relihiyong Aztec. Si Tonantzin, ang diyosang sinasamba sa Tepeyac Hill, ay hinalinhan ng Birhen ng Guadalupe, anupat ang Basilica of Guadalupe ay itinayo sa eksaktong lugar na pinagsasambahan mismo noon kay Tonantzin. (Ipinalalagay na ang basilica ang tanda ng mismong lugar na doo’y nagpakita si Birheng Maria.) Kapag may sagradong kapistahan ng relihiyon na ginaganap bilang parangal sa Birhen, ang mga mananamba ay mabilis na umiikot sa indayog ng kanilang paganong sayaw na minana sa kanilang mga ninuno doon mismo sa harap ng basilica.
Nakaligtas ba ang mga Aztec?
Bagaman matagal nang naglaho ang Imperyo ng Aztec, nababakas pa rin ang impluwensiya nito sa ngayon. Ang mga salitang Ingles na gaya ng “chocolate,” “tomato,” at “chili,” ay hiniram sa wika ng Aztec na Nahuatl. Isa pa, ang karamihan sa populasyon ng Mexico ay binubuo ng mga inapo ng mga Kastilang mananakop at ng katutubong mga lahi.
Sa maraming lugar sa Mexico, nananaig pa rin ang matanda at lehitimong kultura, yamang sinisikap ng ilang etnikong grupo na mapanatili ang tradisyon ng kanilang mga ninuno. Lahat-lahat, may 62 kinikilalang katutubong grupo at 68 rehistradong wika sa Mexican Republic. Sinabi ng isang pag-aaral na ginawa kamakailan ng Instituto Nacional de Estadística, Geografia e Informática (National Statistics Institute of Geography and Computing) na mahigit sa limang milyon katao ang nagsasalita ng isa sa mga katutubong wika. Iyan ay katumbas ng mga 7 porsiyento ng 92 milyong naninirahan sa bansa. Ganito naman ang sinabi ng magasing National Geographic: “Sa kabila ng kawalan ng lakas at kahirapan sa buong panahon ng kolonisasyon, diktatorya, at rebolusyon, nasagip ng mga nakaligtas ang mga wika, pinagkaugalian, at ang di-matitinag na pag-asa ng pagkakaroon ng determinasyon sa sarili.”
Magkagayunman, karamihan sa mga inapo ng mapagmapuring mga Aztec ay namumuhay sa karukhaan, anupat hirap na hirap sa pagkita ng ikabubuhay sa maliliit na bukirin. Marami ang nakatira sa mga liblib na pook na doo’y bihira ang nakapag-aral. Sa gayo’y talagang mahirap makaangat sa kabuhayan ang karamihan sa mga katutubong Mexicano. At ang kanilang suliranin ay karaniwan sa mga lehitimong naninirahan sa buong Mexico at Sentral Amerika. Nagkaroon na ng mga panawagan alang-alang sa kanila. Ganito ang nakapupukaw-damdaming pamamanhik ni Rigoberta Menchú, isang taga-Guatemala na nagwagi ng Nobel Prize: “Dapat na nating alisin ang umiiral na hadlang—sa pagitan ng mga etnikong grupo, Indian at mga mestiso, mga grupo ng mga wika, mga lalaki at babae, marurunong at di-marurunong.”
Nakalulungkot sabihin, ang suliranin ng mga Aztec—noon at ngayon—ay isa na namang malungkot na halimbawa ng ‘pagdodomina ng tao sa kaniyang kapuwa tao sa ikapipinsala.’ (Eclesiastes 8:9) Higit pa sa nakapupukaw-damdaming pananalita at pulitikal na pampanitikan ang kailangan upang mabago ang kalagayan ng mga dukha’t maralita sa daigdig. Kaya naman marami sa mga nagsasalita ng wikang Nahuatl ang buong-sigasig na nanghahawakan sa pag-asa ng Bibliya hinggil sa dumarating na pandaigdig na pamahalaan, o “kaharian,” sa daigdig.—Daniel 2:44; tingnan ang kahon sa pahinang ito.
Ang ilan ay salungat sa ideya na ituro sa mga katutubo ang hinggil sa Bibliya. Baka isipin nilang ang relihiyon ng mga nagsasalita ng wikang Nahuatl—pinaghalong Katolisismo at paganismo ng sinaunang Aztec—ay isang bahagi ng kanilang kultura na dapat panatilihin. Subalit yaong nagbukas ng kanilang puso sa mensahe ng Bibliya ay nakaranas ng tunay na kalayaan mula sa mga pamahiin at kabulaanan sa relihiyon. (Juan 8:32) Sa libu-libong inapo ng mga Aztec, ang Bibliya ay nag-aalok ng tanging pag-asa ukol sa kaligtasan.
[Talababa]
a Ang terminong “Mesoamerika” ay tumutukoy sa rehiyon na “umaabot sa timog at silangan mula sa sentral Mexico lakip na ang mga bahagi ng Guatemala, Belize, Honduras, at Nicaragua.” (The American Heritage Dictionary) Ang kabihasnan ng Mesoamerika ay tumutukoy sa “halu-halong kultura ng mga katutubo na umiral sa mga bahagi ng Mexico at sentral Amerika bago ang panggagalugad at pananaig ng mga Kastila noong ika-16 na siglo.”—Encyclopædia Britannica.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
“NASISIYAHAN AKONG IBAHAGI ANG KATOTOHANAN SA MGA NAHUATL”
AKO’Y ipinanganak sa Mexico sa isang maliit na nayong tinatawag na Santa María Tecuanulco, 60 kilometro lamang mula Mexico City. Ito’y isang maganda at luntiang lugar na nasa libis ng burol, na ang hanapbuhay ng mga tao ay ang pagtatanim ng mga halamang namumulaklak. Kapag handa nang pitasin ang mga bulaklak, nakatutuwang pagmasdan ang maraming kulay sa lahat ng dako. Bawat isa sa Santa María noon ay nagsasalita ng Nahuatl, isang sinaunang wika ng Mexico. Natatandaan ko pa na ang bawat bahay ay may pagkakakilanlang pangalan, sa wikang Nahuatl, mangyari pa. Ang pangalan ng aming bahay ay Achichacpa, na nangangahulugang “Daluyan ng Tubig.” Upang matunton ang aming direksiyon, sinasabi ko sa mga tao ang pangalan ng mga bahay na nakapalibot sa amin. Maging sa ngayon, maraming bahay pa rin ang may pangalan. Natutuhan ko ang wikang Kastila noong 1969, sa edad na 17. Isang magandang wika ang Nahuatl para sa akin. Nakalulungkot lamang, matatanda lamang ang nagsasalita nito; halos hindi marunong nito ang mga kabataan sa ngayon.
Ako lamang sa nayon namin ang nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Biglang-bigla, gusto ng buong nayon na mapalayas ako at ang aking mga anak. Pinipilit akong regular na mag-abuloy sa Simbahang Katoliko, ngunit ako’y tumanggi. Ni ayaw makipag-usap sa akin ang aking mga kamag-anak. Sa kabila ng matinding pagsalansang sa aming nayon, nabautismuhan ako noong Disyembre 1988. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa ang aking tatlong anak na babae ay naglilingkod bilang pambuong-panahong mga ebanghelisador at ang aking anak na lalaki naman ay isang bautisadong Kristiyano. Nasisiyahan akong ibahagi ang mabuting balita sa Santa María. Nangangaral ako sa matatanda sa Nahuatl. Determinado akong paglingkuran ang ating maibiging Diyos, si Jehova, na madamayin sa mga tao ng lahat ng lahi.—Isinulat.
[Graph sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PAHAMBING NA KRONOLOHIYA NG ILAN SA PANGUNAHING KULTURA AT PANGYAYARI SA AMERIKA AT SA DAIGDIG
MULA 1200 B.C.E. HANGGANG 1550 C.E.
INKISISYONG KASTILA
1500 C.E.
EUROPEAN RENAISSANCE
AZTEC
KRUSADANG “KRISTIYANO”
TOLTEC
1000 C. E.
BYZANTINE
500 C.E.
TEOTI-HUACÁN
SINAUNANG KRISTIYANISMO
ROMANO
ZAPOTEC
GRIEGO
EHIPSIYO
500 B.C.E.
MAYA
OLMEC ASIRYANO
1000 B.C.E.
[Mapa/Larawan sa pahina 18]
(Para sa ganap na pagkakaayos ng teksto, tingnan ang publikasyon)
LAWAK NG DAIGDIG NG AZTEC
MEXICO
Tenochtitlán
GUATEMALA
[Larawan]
Ang dakilang lunsod na kilala bilang Tenochtitlán ay nasa ilalim ng modernong-panahong Mexico City
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom Inc.
[Larawan sa pahina 15]
Kalendaryong Aztec
[Larawan sa pahina 19]
Ginamit ng mga Aztec ang Teotihuacán Pyramid of the Sun para sa kanilang pagsamba
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Miyural sa pahina 15-16: “Mexico Through the Centuries,” orihinal na akda ni Diego Rivera. National Palace, Mexico City, Mexico
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Agila at sining sa pahina 18: “Mexico Through the Centuries,” orihinal na akda ni Diego Rivera. National Palace, Mexico City, Mexico