Mula sa Aming mga Mambabasa
Ménopós Salamat mula sa kaibuturan ng aking puso dahil sa seryeng “Isang Higit na Pagkaunawa sa Ménopós.” (Pebrero 22, 1995) Ako’y 43 taóng gulang, at binigyan ninyo ako ng nakasisiyang sagot sa aking mga katanungan. Dalawang babae na katrabaho ko ang humingi ng mga kopya, subalit kailangang ipahiram ko sa kanila ang aking personal na kopya. Naubusan nga ang aming kongregasyon ng mga kopya nito!
M. H. S., Brazil
Binuksan ng artikulo ang aking isip at puso upang maunawaan kung anong uri ng pagbabago ang nararanasan ng aking ina. Inaasahan ko na maipagpapatuloy ko ang pag-unawa sa pagbabagong ito sa kaniyang buhay at higit akong magiging matulungin.
A. K., Estados Unidos
Ako’y 47 taóng gulang, at hanggang sa natanggap ko ang labas na iyon ng Gumising!, wala akong nauunawaan hinggil sa paksang iyan, maging pagkatapos kong magpatingin sa mga doktor. Tinulungan ninyo akong unawain na ang mga pagbabagong ito ay likas lamang. Ngayon ay handa ko nang harapin ang mga problemang ito.
E. M., Sierra Leone
Kamakailan ay dumalo ako ng tatlong-oras na seminar tungkol sa paksang ito. Ito’y isinaayos ng mga departamento ng pagtuturo ng dalawang malalaking ospital. Ang programa ay nakapagtuturo, subalit mas natuto ako sa loob ng 30 minuto sa pamamagitan ng pagbabasa ng Gumising! kaysa natutuhan ko sa loob ng tatlong oras na seminar.
J. B., Estados Unidos
Nawawalang mga Artikulo? Ako’y 11-taóng-gulang na batang babae. Natuklasan ko na hindi na kayo naglalathala ng serye ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” Bakit gayon? Talagang nasisiyahan ako sa bahaging iyan. Ang ilan sa mga katanungan ay kapit sa akin, at gustung-gusto kong binabasa ang mga ito! Ito ang una kong tinitingnan kapag dumarating sa amin ang Gumising! Natitiyak ko na gayundin ang nadarama ng ilang bata. Ilalathala ba ninyo ang bahaging ito sa hinaharap?
E. K., Estados Unidos
“Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ay patuloy na ilalathala minsan sa isang buwan. Ito’y lilitaw sa labas na may petsang ika-22 ng bawat buwan. Yamang ang serye ay nagsimula noong 1982, mahigit na 300 artikulo na ang nailathala sa seryeng ito. Hinihimok namin ang aming mga kabataang mambabasa na balikan ang ilan sa lumang mga artikulo nito. Subalit, matitiyak ninyo ang aming patuloy na interes sa mga problema ng mga kabataan.—ED.
Inkisisyon Sa inyong artikulo na “Ang Inkisisyon sa Mexico—Paano Ito Nangyari?” (Oktubre 8, 1994), binanggit ninyo ang “hari ng mga Aztec, si Netzahualcóyotl.” Gayunman, si Netzahualcóyotl ay hindi hari ng mga Aztec kundi hari ng mga Chichimeca.
E. R. C. L., Mexico
Si Netzahualcóyotl ay talagang isang Chichimeca, hindi isang Aztec. Subalit, kapuna-puna ang ilang akdang reperensiya, gaya ng “Nueva Enciclopedia Cultural IEPSA,” ay talagang tinutukoy siya bilang “hari ng mga Aztec.” Gaya ng paliwanag ng aklat na “Historia de México,” si Netzahualcóyotl ay namuno “na nakipag-alyansa sa mga Aztec,” na dumaig na sa mga tao ng Chichimeca.—ED.
“Alibughang” mga Kabataan Hindi ko alam kung paano simulang sabihin sa inyo ang espirituwal na kasiglahang natamo ko sa pagbabasa ng artikulo na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maitutuwid ang Aking Buhay?” (Enero 8, 1995) Nagbigay ito ng tibay ng loob sa akin na manalangin kay Jehova at hingin ang kaniyang kapatawaran sa mga pagkakasalang nagawa ko noon. Bago ko binasa ang artikulong ito, araw at gabi na pinagdurusahan ng aking puso ang mga kasalanang ito. Maraming gabi na nahihiga ako at nadarama ko na ang pagpapatiwakal ang tanging lunas. Ngayon ay batid ko na ang mga simulain ni Jehova ay para sa ating kapakinabangan, at kailangang kong matuto mula sa nakaraan kong mga pagkakamali.
Q. B., Estados Unidos
Noong ako’y nasa kabataan pa, iniwan ko si Jehova at ang kaniyang organisasyon. Bagaman ako’y nakabalik na ngayon sa loob halos ng limang taon, kung minsan ay nadarama ko na hindi ako kailanman lubusang mapatatawad ni Jehova. Ngayon ay batid ko na ako’y mali; ang malalim, bumabagabag na damdamin ng pag-aalinlangan sa loob ko ay lubusan nang humupa.
R. D., Trinidad