Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagtulong sa mga Kabataan na Harapin ang Hamon (Marso 2007) Tamang-tama para sa akin, na isang 18 anyos, ang mga puntong tinalakay hinggil sa paggamit ng cellphone at Internet. Nakipagkaibigan ako noon sa mga estranghero sa pamamagitan ng Internet. Dahil dito, nahulog ako sa bitag ng masasamang kasama. Mabilis na humina ang aking espirituwalidad. Nakipagkita pa nga ako sa ilan sa kanila. Ang masaklap nito, nakagawa ako ng imoralidad. Dalangin kong makatulong sana ang artikulong ito sa iba para maiwasan nila ang matinding sakit ng kalooban na dinanas ko. Labis akong pinahihirapan ng mga gabing walang tulog at ng aking konsensiya dahil sa nagawa kong kasalanan, pero matatag na akong naninindigan laban kay Satanas.
B. R., Estados Unidos
Bakit Kaya Ako Hinihimatay? (Abril 2007) Nakakagaan ng loob na malaman na hindi lang ako ang hinihimatay. Sa pamamagitan ng artikulong ito, nadama ko na para bang aktuwal na sinasabi sa akin ni Jehova: “Alam ko kung ano ang nangyayari sa iyo, kaya palalakasin kita.”
I. R., Madagascar
Mas Nagtatagal Kaysa sa Sining (Abril 2007) Kulang ang mga salita para maipahayag ko ang aking pasasalamat sa artikulong ito. Anim na taon kong pinangasiwaan ang dalawang kilalang photo studio. Mahal ko ang aking trabaho dahil nagagamit ko rito ang aking kasanayan sa sining. Pero napag-isip-isip ko na habang lalo akong sumisikat, umuunti naman ang aking panahon sa paglilingkod kay Jehova. Masyado kong ibinubuhos ang aking sarili sa sining, anupat wala na akong panahon para sa ibang bagay. Alam kong may kailangan akong baguhin. Kaya iniwan ko ang aking trabaho at naging higit na abala sa aking pagsamba. Hindi kayang tumbasan ng kasiyahan sa pagkuha ng magagandang larawan ang kagalakang nadarama ko sa ministeryong Kristiyano.
A. P., Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Siya Na ba Talaga ang Para sa Akin? (Mayo 2007) Kamakailan ay nagkagusto ako sa isa na akala ko’y bagay na bagay sa akin. Gayunman, matapos kong basahin ang artikulong ito, nalaman ko na ang mga katangiang gusto ko sa kaniya ay hindi naman pala ang mga katangian na talagang mahalaga. Tinulungan ako nitong maunawaan na ang espirituwal na mga katangian at paraan ng pakikitungo sa iba ng isang potensiyal na mapapangasawa ang siyang pinakamahalaga. Pinasasalamatan ko si Jehova sa mga artikulong gaya nito na nagsisilbing patnubay at praktikal na payo para sa aming mga kabataan.
E. P., Estados Unidos
Makipagkilala sa mga Taga-East Timor (Mayo 2007) Interesadung-interesado ako sa artikulong ito. Una kong narinig ang tungkol sa bansang ito nang iulat sa balita ang mga kaguluhan doon. Mula noon, iniisip ko kung ano na kaya ang kalagayan ng mga taga-East Timor at kung paano naapektuhan ang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova roon. Namangha ako sa determinasyon ng mga taong ito dahil hindi sila nagpadaig sa mahihirap na situwasyon kundi nagpatuloy sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi ko malilimutan ang di-matitinag na saloobin ng mga taga-East Timor at ang masasayang ngiti ni Jacob at ng kaniyang pamilya.
Y. M., Hapon