Pamamangka sa Katubigan ng Kerala
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA INDIA
ISIPIN mong nakasakay ka sa isang magandang bahay na bangka na kumpleto sa gamit at muwebles at makapagdadala sa iyo sa mga delta ng 44 na ilog. Posible iyan sa katubigang masusumpungan sa estado ng Kerala, sa timog-kanluran ng India. Siyam na raang kilometro ang haba ng katubigang ito. Talagang isa itong kasiya-siya at kakaibang karanasan. Habang umuusad ang bangka, mapapahanga ka sa mga sapa, sa mga puno ng niyog, sa mga berdeng palayan, sa likas na mga lawa, at sa mga kanal na gawa ng tao. Oo, malamang na dahil sa katubigan nito, itinala ng National Geographic Traveler ang Kerala bilang “isa sa 50 pinakamagagandang ‘destinasyon na dapat puntahan.’”
Huwag nating kaliligtaan ang mga tagaroon na nakatira sa mga baybayin ng mga kanal. Natatandaan nila ang panahon noong wala pang mga turista at magagarang otel sa kanilang pamayanan. Gayunman, hindi naman nagbago masyado ang kanilang buhay. Bagaman ang ilan sa kanila ay nagtatrabaho na ngayon sa makabagong mga otel o sa iba pang mga pasyalan ng turista, hindi pa rin gaanong nagbabago ang kanilang kultura at araw-araw na pamumuhay. May mga palayan at niyugan sila, at ang mga inaani nila rito ay kinakain din nila at ipinagbibili para madagdagan ang kanilang kinikita sa pangingisda at pagbebenta ng isda.
Pangingisda sa Katubigan
Bahagi ng buhay rito ang pangingisda. Dito mo lamang makikita ang mga babaing nangingisda gamit lamang ang kanilang mga kamay. Hinuhuli nila ang isang uri ng batik-batik na isdang tinatawag na karimeen, na sa Kerala lamang matatagpuan. Espesyal na pagkain ang karimeen para sa mga taga-India at sa mga banyaga. Lumulusong ang mga babae sa katubigan hila-hila ang kanilang lumulutang na mga sisidlan para mangisda. Kapag nakita ng mga isda na dumarating na ang mga babae, nagtatago ang mga ito sa ilalim ng putik. Pero walang kawala ang mga isda habang kinakapa ng mga babae sa pamamagitan ng kanilang mga paa ang mga ito. Pagkatapos, kaagad nilang dinadakma ang isda at inilalagay ang kakawag-kawag nilang biktima sa kanilang lumulutang na sisidlan. Kapag marami na silang nahuli, umaahon na sila sa pampang, kung saan naghihintay ang nananabik na mga mamimili. Ang mas malaki at mas mahal na mga isda ay dinadala sa magagarang otel, kung saan nabubusog ang mayayaman, samantalang ang mas maliliit na isda ay nagiging masarap na pagkain ng mga katamtaman ang kita.
Mga Lambat ng Tsino
Karaniwan nang makikita sa baybayin ng katubigan ang magagandang lambat ng Tsino. Isa ito sa mga dahilan kung bakit pumupunta rito ang mga turista.
Ipinapalagay na ang mga negosyanteng Tsino mula sa korte ni Kublai Khan ang unang nagdala ng mga lambat na ito sa Cochin (ngayo’y Kochi) bago ang taóng 1400. Ang mga lambat na ito ay unang ginamit ng mga Tsino at pagkatapos, ng mga Portuges na nanirahan din doon. Sa ngayon, ginagamit ang mga ito ng maraming mangingisda sa India at ang dami ng isdang nahuhuli sa mga lambat na ito ay nakapagpapakain ng maraming tao, gaya noong nakalipas na 600 taon. Kapansin-pansin, ang isang lambat na punô ng isda ay makapagpapakain ng isang buong nayon. Para sa maraming turista, tuwang-tuwa silang kunan ng larawan ang magandang tanawin ng pinatutuyong mga lambat habang lumulubog ang araw.
Hindi lamang ito ang dahilan kung bakit nagpupunta sa katubigan ang mga turista. Libu-libong tao ang dumaragsa rito taun-taon kapag may mga okasyong idinaraos sa katubigan, gaya ng tradisyonal na karera ng mga hugis-ahas na bangka.
Karera ng mga Bangka sa Katubigan
Ang mga hugis-ahas na bangka ay mahahaba at makikitid. Ang popa ay parang ulo ng kobra. Noong una, ginagamit ng mga nagdidigmaang hari sa katubigan ang mga bangkang ito sa kanilang mga labanan pagkatapos ng pag-aani. Nang tuluyan nang matigil ang mga digmaan, hindi na gaanong nagagamit ang mga bangka. Naglalayag lamang ang mariringal na sasakyang ito kapag may mga kapistahan ng templo. Muling sinasakyan at pinapalamutiang mabuti ang mga bangka at ginagamit ang mga ito upang ipakita ang kultura ng mga tagaroon. Sa masayang panahong ito, ang karera ng mga bangka ay ginaganap upang parangalan ang mga dignitaryo na dumalo sa okasyon. Buháy na buháy pa rin ang tradisyong ito bagaman isang libong taon na ang nakalipas mula nang pasimulan ito.
Karaniwan nang mga 20 bangka ang nagkakarera, at mga 100 hanggang 150 bangkero ang nakasakay sa bawat bangka. Mahigit sandaang bangkero ang nakaupo sa magkabilang panig ng bangka at may hawak na maiikling sagwan. Apat na iba pang bangkero na may mas mahahabang sagwan ang nakatayo naman sa popa upang maniobrahin ang bangka. Hinahampas ng dalawang iba pa na nasa gitna ng bangka ang isang tambol gamit ang mga panghampas na kahoy para bumilis ang pagsagwan ng mga bangkero. Bukod diyan, di-kukulangin sa anim na iba pa ang nakasakay sa bangka upang pasiglahin ang mga bangkero na bilisan ang pagsagwan. Ang mga lalaking ito ay pumapalakpak, sumisipol, sumisigaw, at umaawit ng kakaibang awit ng mga bangkero para magpatuloy sa pagsagwan ang mga ito. Pagkatapos, kapag malapit na sila sa dulo ng karera, uubusin na ng mga lalaki ang kanilang natitirang lakas sa pagsagwan upang manalo, anupat hindi na sila nakakasabay sa tunog ng tambol.
Noong 1952, ang unang punong ministro ng India, si Jawaharlal Nehru, ay pumasyal sa Alleppey, isang pangunahing bayan sa katubigan. Hangang-hanga siya sa karera ng mga bangkang napanood niya roon. Sa katunayan, sa sobrang tuwa niya, tumalon siya sa nanalong bangka, pumalakpak at umawit kasama ng mga bangkero anupat hindi inalintana ang kaniyang seguridad. Nang bumalik siya sa Delhi, nagpadala siya ng isang regalo, isang replika ng hugis-ahas na bangka na gawa sa pilak. Makikita roon ang kaniyang pirma at ang inskripsiyon: “Para sa mga nanalo sa karera ng mga bangka, na isang kakaibang bahagi ng buhay ng pamayanan.” Ang bangkang ito na gawa sa pilak ang ginagamit na tropeo para sa taunang Nehru Trophy Race. Mga sandaang libong katao ang nagdadagsaan sa lugar na ito upang mapanood ang mga karerang ito taun-taon. Sa mga panahong iyon, talagang nabubuhay ang tila tahimik na katubigan.
Mararangyang Otel na Lumulutang at Naglalayag
Hindi lamang mga hugis-ahas na bangka ang mga sasakyang nakaaakit sa mga turista. Nagiging popular din ang mga sinaunang bangkang naghahatid ng bigas. Ang mga sasakyang ito ay ginawang marangyang mga bahay na bangka.
Bagaman marami sa ginagamit ng mga turista ay bagong gawa, may mga bangka pa rin na mahigit sandaang taóng gulang na at kinukumpuni para sa mga turista. Noong una, ang mga ito ay tinatawag na kettuvallam, na nangangahulugang “bangkang may mga buhol.” Ang buong bangka ay gawa sa mga tabla ng punong jackwood at ang nagdurugtong sa mga tabla ay mga tali na gawa sa bunot na pinagbuhol-buhol. Wala ritong ginamit na kahit isang pako. Ang mga bangkang ito ay ginamit noon sa pagdadala ng bigas at iba pang paninda mula sa isang nayon tungo sa ibang nayon. Ginamit din ang mga ito sa pagdadala ng mga espesya sa malalayong lugar. Nang maging makabago ang mga sasakyan, halos hindi na ginamit ang mga bangka. Pero isang matalinong negosyante ang nakaisip na gamitin ang mga bahay na bangkang ito para sa turismo. Yamang ang mga bangkang ito ay may balkonahe, marangyang mga tulugan, palikuran at paliguan, at magandang salas na may mga muwebles, masasabing lumulutang na otel ang mga sasakyang ito. May mga tagapagsilbi rin na nagmamaniobra sa bangka upang dalhin ka sa lugar na gusto mo. Handa ring magluto ang mga ito ng gusto mong kainin.
Kapag gabi na, ang mga bangka ay karaniwan nang nakaangkla sa baybayin. Subalit kung nais mo ng higit na katahimikan at gusto mong walang makagambala sa iyo, maaaring iangkla ang bangka sa gitna ng isang lawa. Malulugod ka sa nakagiginhawang katahimikan ng katubigan, maliban siyempre sa paminsan-minsang pagtalon ng mga isda!
Pero hindi lahat ay nagrerelaks sa katubigan. Ang “mga mangingisda ng mga tao” ay aktibo at abala sa lugar na iyon.
‘Pangingisda ng mga Tao’ sa Katubigan
Ang pananalitang “mga mangingisda ng mga tao” ay nagmula sa mga pananalitang sinabi ni Jesus sa mga mangingisdang naging mga alagad niya. Sinabi niya: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” Ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagtulong sa mga tao na maging mga alagad niya. (Mateo 4:18, 19; 28:19, 20) Ang atas na iyan ay tinutupad ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, pati na sa mga lugar sa tabi ng katubigan.
May 132 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Kerala, kasama na rito ang 13 kongregasyon na nasa tabi ng katubigan. Sa mga kongregasyong ito, pangingisda ang talagang trabaho ng marami. Isang araw, habang nangingisda, ipinakipag-usap ng isa sa kanila ang hinggil sa Kaharian ng Diyos sa isang kapuwa mangingisda. Di-nagtagal, nakita ng lalaking ito ang pagkakaiba ng mga turo ng kaniyang simbahan at ng Bibliya. Naging interesado rin ang kaniyang asawa at apat na anak. Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya sa mag-anak. Napakabilis ng kanilang pagsulong anupat apat sa kanila ay bautisado na. Dalawa sa kanilang anak ay may tunguhin ding mabautismuhan sa hinaharap.
Ang mga miyembro ng isang kongregasyon ay naglayag upang mapuntahan ang isang maliit na isla at makapangaral doon. Dahil bibihirang dumaan doon ang mga pampasaherong bangka, tinawag ng mga tagaroon ang isla na kadamakudi, na nangangahulugang “hindi ka na makalalabas kapag pumasok ka.” Doon nakilala ng mga Saksi si Johny at ang kaniyang asawa, si Rani. Bagaman isinilang silang Katoliko, nakikibahagi rin sila sa gawain ng ibang relihiyon at iniaabuloy nila ang lahat ng kanilang pera dito. Naging interesadung-interesado si Johny sa mensahe ng katotohanan sa Bibliya, at nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Sinimulan niyang ibahagi sa iba ang kaniyang bagong-tuklas na pananampalataya. Natulungan siya ng katotohanan sa Bibliya na ihinto ang paninigarilyo at pag-abuso sa alak!
Yamang hindi kaayon ng Kasulatan ang sekular na trabaho ni Johny, kinailangan niyang gumawa ng pagbabago. Noong una, nagkaproblema sa pananalapi ang kaniyang pamilya dahil dito. Pero di-nagtagal, sinimulan ni Johny na manghuli ng mga alimasag at magbenta ng mga ito. Sa gayon, nasuportahan niya ang kaniyang pamilya. Nabautismuhan siya noong Setyembre 2006, at pagkalipas ng isang taon, nabautismuhan na rin ang kaniyang asawa at dalawang anak. Lubusang nabago ang kanilang pananaw sa buhay dahil sa pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa isang pangglobong paraiso.—Awit 97:1; 1 Juan 2:17.
Talaga ngang kasiya-siya na mamasyal sa katubigan ng Kerala. Hindi lamang ito dahil sa mga lambat ng Tsino, hugis-ahas na bangka, at mga bahay na bangka kundi dahil din sa “mga mangingisda ng mga tao,” ang tapat na mga Saksi ni Jehova na naninirahan doon.
[Mapa sa pahina 22, 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
INDIA
KERALA
[Larawan sa pahina 23]
Bahagi ng buhay sa Kerala ang pangingisda
[Credit Line]
Larawan sa itaas: Salim Pushpanath
[Larawan sa pahina 23]
Mga babaing nanghuhuli ng isda gamit ang kanilang mga kamay
[Larawan sa pahina 24]
Karera ng mga hugis-ahas na bangka
[Larawan sa pahina 24]
“Kettuvallam”
[Larawan sa pahina 24, 25]
Bahay na bangka
[Larawan sa pahina 24, 25]
Si Johny at ang kaniyang asawa, si Rani
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Salim Pushpanath