Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 6/15 p. 12-17
  • Ang Pagiging mga Mamamalakaya ng mga Tao

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagiging mga Mamamalakaya ng mga Tao
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Pamamalakaya ng mga Taong Buháy’
  • Mamamalakaya ng mga Tao
  • Pamamalakaya sa Karagatan ng Sangkatauhan
  • Pamamalakaya sa mga Tao sa “Araw ng Panginoon”
  • Pangingisda
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Apat na Alagad ang Magiging Mangingisda ng Tao
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Apat na Alagad ang Tinawag
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Apat na Alagad ang Tinawag
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 6/15 p. 12-17

Ang Pagiging mga Mamamalakaya ng mga Tao

“Sinabi ni Jesus kay Simon: ‘Huwag kang matakot. Mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga taong buháy.’”​—LUCAS 5:10.

1, 2. (a) Anong bahagi ang ginampanan ng pamamalakaya sa kasaysayan ng sangkatauhan? (b) Anong bagong uri ng pamamalakaya ang ipinakilala halos 2,000 taon na ang lumipas?

SA LOOB ng libu-libong mga taon, ang sangkatauhan ay namalakaya ng mga isdang pagkain sa mga karagatan, look, at mga ilog sa lupa. Ang isdang nahuli sa Nilo ay isang mahalagang bahagi ng pagkain sa sinaunang Ehipto. Nang ang tubig ng Nilo ay gawing dugo noong kaarawan ni Moises, ang mga Ehipsiyo ay dumanas ng kahirapan hindi lamang dahilan sa kakapusan ng tubig kundi dahil sa namatay ang mga isda, apektado pati kanilang pagkain. Nang bandang huli, sa Sinai, nang ibigay ni Jehova ang Kautusan sa Israel, kaniyang sinabi sa kanila na may mga isdang makakain ngunit ang iba ay marurumi, at hindi dapat kanin. Ipinakikita nito na ang mga Israelita ay kakain ng isda pagdating nila sa Lupang Pangako, kaya ang iba sa kanila ay magiging mga mangingisda.​—Exodo 7:20, 21; Levitico 11:9-12.

2 Gayunman, halos 2,000 taon na ang lumipas, isa pang uri ng pamamalakaya ang ipinakilala sa sangkatauhan. Ito ay isang espirituwal na uri ng pamamalakaya na pakikinabangan hindi lamang ng mga mamamalakaya kundi pati ng mga isda! Ang ganitong uri ng pamamalakaya ay ginagamit pa rin ngayon, taglay ang maraming kapakinabangan sa milyun-milyon sa buong daigdig.

‘Pamamalakaya ng mga Taong Buháy’

3, 4. Sinong dalawang mamamalakaya ang kinakitaan na lubhang interesado kay Jesu-Kristo?

3 Noong taóng 29 C.E., si Jesus, ang Isa na magpapakilala ng bagong uring ito ng pamamalakaya, ay binautismuhan sa ilog Jordan ni Juan Bautista. Makalipas ang ilang linggo, si Jesus ay itinuro ni Juan sa dalawa sa kaniyang mga alagad at nagsabi: “Narito, ang Kordero ng Diyos!” Isa sa mga alagad na ito, na nagngangalang Andres, ay agad nagbalita sa kaniyang kapatid na si Simon Pedro: “Natagpuan namin ang Mesiyas”! Kapuna-puna, kapuwa si Andres at si Simon ay mga mamamalakaya ang hanapbuhay.​—Juan 1:35, 36, 40, 41; Mateo 4:18.

4 Makalipas ang ilang panahon, si Jesus ay nangangaral sa mga karamihan sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea, hindi kalayuan sa tinitirhan ni Pedro at ni Andres. Kaniyang sinasabi sa mga tao: “Magsisi kayo, kayong mga tao, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.” (Mateo 4:13, 17) Ating maguguniguni na si Pedro at si Andres ay sabik na makarinig ng kaniyang mensahe. Gayumpaman, malamang na hindi nila batid na noo’y sasabihin na lamang sa kanila ni Jesus ang isang bagay na babago sa kanilang buhay magpakailanman. Bukod diyan, ang sasabihin sana at gagawin ni Jesus sa harapan nila noon ay may mahalagang kahulugan para sa lahat sa atin ngayon.

5. Papaanong ang mamamalakayang si Pedro ay nakapaglingkod kay Jesus?

5 Mababasa natin: “Minsan nang siya’y sinisiksik ng karamihan at nakikinig sa salita ng Diyos, siya’y nakatayo sa tabi ng look ng Gennesaret. At nakakita siya ng dalawang bangka na nakadaong sa tabi ng look, ngunit lumunsad sa mga iyon ang mga mamamalakaya at hinugasan ang kanilang mga lambat.” (Lucas 5:1, 2) Nang mga panahong iyon, ang mga nasa hanapbuhay na pamamalakaya ay kadalasan kung gabi nagtatrabaho, at ang mga lalaking ito ay nagsisipaghugas ng kanilang mg lambat pagkatapos ng magdamag na pamamalakaya. Minabuti ni Jesus na gamitin ang isa sa kanilang mga bangka upang lalong mabisang makapangaral sa karamihan. “Pagkatapos lumulan sa isa sa mga bangka, na kay Simon, kaniyang hiniling dito na ilayo iyon nang kaunti sa lupa. At siya’y naupo, at buhat sa bangka ay nagturo sa karamihan.”​—Lucas 5:3.

6, 7. Anong himala may kaugnayan sa pamamalakaya ang ginawa ni Jesus, na umakay sa anong pangungusap tungkol sa pamamalakaya?

6 Pansinin na mayroon pang isang bagay na sumaisip ni Jesus nang nagtuturo sa karamihan: “Pagtigil niya ng pagsasalita, sinabi niya kay Simon: ‘Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.’ ” Tandaan, ang mga mamamalakayang ito ay nagtatrabaho na nang buong magdamag. Hindi nga kataka-taka, na si Pedro’y tumugon: “Guro, sa buong magdamag ay nagpagal kami at wala kaming nahuli, subalit sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.” Ano ang nangyari nang kanilang gawin ito? “Sila’y nakahuli ng lubhang maraming isda. Sa katunayan, ang kanilang mga lambat ay nagkapunit-punit. Kaya kanilang kinawayan ang mga kasamahan nila sa isang bangka upang magsilapit at sila’y tulungan; at sila’y nagsilapit, at napuno ang dalawang bangka anupat sila’y nagpasimulang lumubog.”​—Lucas 5:4-7.

7 Si Jesus ay gumawa ng isang himala. Sa parteng iyon ng dagat ay walang nahuli buong magdamag; ngayon iyon ay punung-puno ng isda. Ang himalang ito ay nagkaroon ng matinding epekto kay Pedro. “Si Simon Pedro ay nagpatirapa sa mga tuhod ni Jesus, na nagsasabi: ‘Lumayo ka sa akin, sapagkat ako’y taong makasalanan, Panginoon.’ Sapagkat siya at ang lahat ng kasama niya ay nagsipanggilalas dahil sa karamihan ng mga isdang kanilang nahuli, at gayundin si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasama ni Simon.” Pinatahimik ni Jesus si Pedro at saka sinabi ang mga salitang nakatakdang bumago sa buhay ni Pedro. “Huwag kang matakot. Mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga taong buháy.”​—Lucas 5:8-10.

Mamamalakaya ng mga Tao

8. Papaanong ang apat na mamamalakayang propesyonal ay tumugon sa paanyaya na ‘manghuli ng mga taong buháy’?

8 Dito ay inihambing ni Jesus ang mga tao sa mga isda, at kaniyang inanyayahan ang mapagpakumbabang mamamalakayang ito na iwan ang kaniyang hanapbuhay para sa isang lalong dakilang uri ng pamamalakaya​—panghuhuli ng mga taong buháy. Tinanggap ni Pedro, at ng kaniyang kapatid na si Andres, ang paanyaya. “At kapagdaka’y iniwan nila ang mga lambat, at sumunod sa kaniya.” (Mateo 4:18-20) Sumunod ay tinawag ni Jesus si Santiago at si Juan, na nasa kanilang bangka at naghahayuma ng kanilang mga lambat. Kaniyang inanyayahan din ang mga ito na maging mga mamamalakaya ng mga tao. Papaano sila tumugon? “At kapagdaka’y iniwan nila ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kaniya.” (Mateo 4:21, 22) Ipinakita ni Jesus ang kaniyang kasanayan bilang isang mamamalakaya ng mga kaluluwa. Sa pagkakataong ito siya’y nakahuli ng apat na mga taong buháy.

9, 10. Anong pananampalataya ang ipinakita ni Pedro at ng kaniyang mga kasama, at papaano sila sinanay sa espirituwal na pamamalakaya?

9 Ang isang propesyonal na mamamalakaya ay kumikita ng ikabubuhay sa pamamagitan ng pagbibili ng kaniyang mga nahuli, ngunit ang isang espirituwal na mamamalakaya ay hindi maaaring gumawa nang ganiyan. Sa gayon, ang mga alagad na ito ay nagpakita ng malaking pananampalataya nang kanilang iwan ang lahat upang sumunod kay Jesus. Gayunman, sila’y walang alinlangan na hindi mabibigo ang kanilang espirituwal na pamamalakaya. Nagawa ni Jesus na ang karagatang hindi kahuhulihan ng mga isda ay sumagana sa literal na mga isda. Sa katulad na paraan, nang ihulog nila ang kanilang mga lambat sa mga tubig ng bansang Israel, matitiyak ng mga alagad na, sa tulong ng Diyos, mga taong buháy ang kanilang mahuhuli. Ang gawaing espirituwal na pamamalakaya na nagsimula noon ay nagpapatuloy, at si Jehova ay nagbibigay pa rin ng masaganang ani.

10 Sa loob ng mahigit na dalawang taon, ang mga alagad na iyon ay sinanay ni Jesus sa pamamalakaya ng mga tao. Minsan kaniyang binigyan sila ng maingat na mga tagubilin at isinugo sila sa unahan niya upang mangaral. (Mateo 10:1-7; Lucas 10:1-11) Nang si Jesus ay ipagkanulo at patayin, namangha ang mga alagad. Subalit ang kamatayan ba ni Jesus ay nangangahulugan na tapos na ang pamamalakaya sa mga tao? Ang mga pangyayari ang hindi nagtagal at nagbigay ng kasagutan.

Pamamalakaya sa Karagatan ng Sangkatauhan

11, 12. Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, anong himala ang ginawa ni Jesus na may kinalaman sa pamamalakaya?

11 Di-nagtagal pagkamatay ni Jesus sa labas ng Jerusalem at pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, ang mga alagad ay bumalik sa Galilea. Minsan pito sa kanila ang sama-sama malapit sa Dagat ng Galilea. Sinabi ni Pedro na siya’y hahayo upang mamalakaya, at ang mga iba ay sumama sa kaniya. Gaya ng dati, sila’y namalakaya sa gabi. Sa katunayan, ang kanilang lambat ay muli nilang inihulog sa dagat buong magdamag subalit hindi nakahuli ng anuman. Nang magbubukang-liwayway, isang taong nakitang nakatayo sa dalampasigan ang humiyaw sa kanila sa kabilang ibayo: “Mga anak, mayroon ba kayong anumang makakain?” Ang mga alagad naman ay sumagot: “Wala po!” Kaya sinabi sa kanila ng taong nakatayo sa dalampasigan: “ ‘Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng bangka at kayo’y makasusumpong.’ Inihulog nga nila iyon, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda.”​—Juan 21:5, 6.

12 Anong kagila-gilalas na karanasan! Malamang na naalaala ng mga alagad ang naunang himala tungkol sa pamamalakaya, at isa sa kanila ang nakakilala kung sino ang nasa dalampasigan. “Ang alagad na iyon na iniibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro: ‘Ang Panginoon nga!’ Kaya pagkarinig ni Simon Pedro na yao’y ang Panginoon, siya’y nagbigkis ng kaniyang tunika, sapagkat siya’y hubad, at tumalon sa dagat. Subalit ang ibang mga alagad ay lumapit sa maliit na bangka, sapagkat sila’y hindi lubhang malayo sa lupa, kundi mga tatlong daang talampakan lamang ang layo.”​—Juan 21:7, 8.

13. Pagkatapos na umakyat si Jesus sa langit, anong pandaigdig na programa sa pamamalakaya ang nagsimula?

13 Ano ba ang ipinakita ng himalang ito? Na ang gawaing pamamalakaya ng mga tao ay hindi pa tapos. Ito’y idiniin nang makaitlong beses na sinabihan ni Jesus si Pedro​—at sa pamamagitan niya lahat ng mga alagad​—​na pakanin ang mga tupa ni Jesus. (Juan 21:15-17) Oo, isang espirituwal na programa sa pagpapakain ang nakatakdang ganapin sa hinaharap. Bago siya namatay, siya’y humula: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” (Mateo 24:14) Ngayon ay panahon na para magsimula ang katuparan ng hulang iyan noong unang siglo. Ang kaniyang mga alagad ay halos maghuhulog na lamang ng kanilang mga lambat sa dagat ng sangkatauhan, at ang mga lambat ay hindi maiaahon nang walang laman.​—Mateo 28:19, 20.

14. Sa papaano pinagpala ang pamamalakaya ng mga tagasunod ni Jesus noong mga taon bago pinuksa ang Jerusalem?

14 Bago siya umakyat sa langit sa trono ng kaniyang Ama, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga alagad noong Pentecostes 33 C.E., ang dakilang gawaing espirituwal na pamamalakaya ay nagsimula sa buong daigdig. Noong araw ng Pentecostes lamang, tatlong libong kaluluwa ang nahuli nang buháy, at hindi nagtagal pagkatapos “ang bilang ng mga tao ay naging mga limang libo.” (Gawa 2:41; 4:4) Ang pagdami ay nagpatuloy. Sinasabi sa atin ng ulat: “Mga nagsisisampalataya sa Panginoon ang patuloy na naparagdag, mga karamihan ng kapuwa mga lalaki at mga babae.” (Gawa 5:14) Di-nagtagal, ang mga Samaritano ay tumugon sa mabuting balita, at pagkatapos ng kaunting panahon ay pati di-tuling mga Gentil. (Gawa 8:4-8; 10:24, 44-48) Mga 27 taon pagkatapos ng Pentecostes, si apostol Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano sa Colosas na ang mabuting balita ay “naipangaral [na] sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Colosas 1:23) Maliwanag, ang mga alagad ni Jesus ay namalakaya nang malayo sa mga karagatan ng Galilea. Ang kanilang mga lambat ay kanilang inihulog sa gitna ng mga Judio na nakapangalat sa palibot ng Imperyong Romano, at gayundin sa waring baog na mga karagatan ng mga bayang di-Judio. At ang kanilang mga lambat ay punung-puno nang hilahin. Para sa mga pangangailangan ng mga Kristiyano noong unang siglo, ang hula ni Jesus sa Mateo 24:14 ay natupad bago pinuksa ang Jerusalem noong 70 C.E.

Pamamalakaya sa mga Tao sa “Araw ng Panginoon”

15. Sa aklat ng Apocalipsis, ano pang gawaing pamamalakaya ang inihula, at kailan ito itinakdang gawin?

15 Gayunman, marami pang darating. Sa may dulo ng unang siglo, sa huling nabubuhay na apostol, kay Juan, ay isiniwalat ni Jehova ang mga bagay na mangyayari sa “araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:1, 10) Ang isang litaw na bahagi ay ang pagdadala ng mabuting balita sa buong daigdig. Ating mababasa: “Nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, at siya’y may walang-hanggang mabuting balita na inihahayag bilang masasayang balita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawat bansa at angkan at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Sa ilalim ng patnubay ng anghel ang mga lingkod ng Diyos ay mangangaral ng mabuting balita sa literal na paraan sa buong tinatahanang lupa, hindi lamang doon sa buong nasasakupan ng Imperyong Romano. Isang pandaigdig na gawang pamamalakaya ng mga tao ang isasagawa, at sa ating kaarawan ay nakita ang katuparan ng pangitaing iyan.

16, 17. Kailan nagsimula ang espirituwal na pamamalakaya sa mga huling araw, at papaano ito pinagpala ni Jehova?

16 Papaano naisasagawa ang pamamalakaya sa ika-20 siglong ito? Sa simula, kakaunti ang mga mamamalakaya. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, mayroon lamang mga apat na libong aktibong mga mángangarál ng mabuting balita, masigasig na mga lalaki at mga babae na karamihan ay mga pinahiran. Kanilang inihuhulog ang kanilang mga lambat saanman buksan ni Jehova ang daan, at maraming kaluluwa ang nahuli nang buháy. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, si Jehova ay nagbukas ng mga bagong lugar para sa pamamalakaya. Mga misyonerong nagsanay sa Watchtower Bible School of Gilead ang nanguna sa gawain sa maraming lupain. Mga bansa na gaya ng Hapón, Italya, at Espanya, na sa pasimula’y waring mga baog, ang sa wakas ay napag-anihan ng saganang dami ng mga kaluluwa. Atin ding nabalitaan kamakailan ang malaking tagumpay ng pamamalakaya sa Silangang Europa.

17 Sa ngayon, sa maraming bansa ang mga lambat ay halos nasisira na. Napakaraming inaaning mga kaluluwa kung kaya kinailangan ang pag-oorganisa ng mga bagong kongregasyon at mga sirkito. Upang may magamit ang mga ito, mga bagong Kingdom Hall at mga Assembly Hall ang itinatayo sa lahat ng panahon. Higit na maraming matatanda at ministeryal na mga lingkod ang kinakailangan upang mag-asikaso sa napaparagdag. Isang makapangyarihang gawa ang sinimulan ng tapat na mga taong iyan noon pang 1919. Sa literal na paraan, natupad ang Isaias 60:22. ‘Ang munti ay naging isanlibo,’ gaya niyaong apat na libong mamamalakaya na naging mahigit na apat na milyon sa ngayon. At ang wakas ay hindi pa dumarating.

18. Papaano natin matutularan ang mainam na halimbawa ng espirituwal na mga mamamalakaya ng mga tao noong unang siglo?

18 Ano ba ang kabuluhan sa atin bilang mga indibiduwal ng lahat ng ito? Sinasabi ng kasulatan na nang sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan ay anyayahan na maging mga mamamalakaya ng mga tao, “kanilang . . . iniwan ang lahat at sila’y sumunod [kay Jesus].” (Lucas 5:11) Anong inam na halimbawa ng pananampalataya at pag-aalay! Maaari ba nating paunlarin ang ganiyan ding espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili, ang gayunding pagkahanda na maglingkod kay Jehova anuman ang magagastos? Milyun-milyon ang sumagot na maaari nilang gawin iyan. Noong unang siglo, ang mga alagad ay namalakaya ng mga tao saanman ipinahintulot ni Jehova. Sa gitna man iyon ng mga Judio o mga Gentil, sila’y namalakaya nang walang pasubali. Tayo’y mangaral din sa lahat ng walang anumang pasubali o pagtatangi.

19. Ano ang dapat nating gawin kung ang karagatan na ating pinangingisdaan ay waring di-mabunga?

19 Gayunman, ano kung ang inyong teritoryo sa kasalukuyan ay waring hindi mabunga? Huwag masisiraan ng loob. Tandaan, ang lambat ng mga alagad ay pinunô ni Jesus ng isda pagkatapos na sila’y mamalakaya nang buong magdamag na walang nahuli. Ganiyan din ang maaaring mangyari ayon sa espirituwal na paraan. Halimbawa, sa Irlandiya ay tapat na mga Saksi ang nagpagal sa loob ng mga taon na limitado ang ibinunga. Subalit, kamakailan iyan ay nagbago. Ang 1991 Yearbook of Jehovah’s Witnesses ay nag-uulat na nang may katapusan ng 1990 taon ng paglilingkod, ang Irlandiya ay nagtamasa ng 29 na sunud-sunod na peak! Marahil balang araw ang inyong teritoryo ay magbubunga rin na katulad niyan. Habang ipinahihintulot ni Jehova, patuloy na kayo’y mamalakaya!

20. Kailan tayo dapat mamalakaya ng mga tao?

20 Sa Israel, ang mga mamamalakaya ay kung gabi namamalakaya, na ang lahat ay maalwan at komportable sa higaan. Sila’y lumalabas, hindi kung kailan kombinyente para sa kanila, kundi kung kailan pinakamaraming isda ang kanilang mahuhuli. Sa ganang sarili natin ay dapat ding pag-aralan natin ang ating teritoryo upang tayo’y mamalakaya, wika nga, pagka ang karamihan ng mga tao ay nasa tahanan at handang tumanggap sa atin. Maaaring ito ay kung gabi, sa dulo ng sanlinggo, o sa iba pang panahon. Kailanman natin gawin iyon, gawin natin ang lahat ng magagawa natin upang matagpuan natin ang mga taong mahilig sa katuwiran.

21. Ano ang dapat nating tandaan kung ang ating teritoryo ay malimit na ginagawa?

21 Ano kung ang ating teritoryo ay malimit gawin? Ang propesyonal na mga mamamalakaya sa daigdig ay kalimitan nagrereklamo na labis-labis na ang pamamalakaya sa kanilang pinangingisdaan. Subalit maaari nga kayang labis-labis na nagagawa ang ating espirituwal na mga dakong pinangingisdaan? Hindi naman talaga! Maraming teritoryo ang nakikitaan ng maraming pagsulong kahit malimit na gawin. Ang iba ay lalong mainam ang naibubunga dahilan sa ito’y gawang-gawa. Gayunman, pagka ang mga tahanan ay malimit na nadadalaw, siguruhin ninyo na lahat ng wala-sa-tahanan ay naitatala at napupuntahan din pagkatapos. Pag-aralan ang sari-saring paksa na maaaring pag-usapan. Tandaan na mayroon pang dadalaw muli di-magtatagal, kaya huwag magtagal doon pagka ikaw ay inanyayahang pumasok o walang kamalay-malay na nahihila na palang magalit ang sambahayan. At paunlarin ang inyong kasanayan sa pagpapatotoo sa lansangan at gayundin sa impormal na pagpapatotoo. Ihulog ang inyong espirituwal na lambat sa lahat ng pagkakataon at sa bawat paraang posibleng gamitin.

22. Anong dakilang pribilehiyo ang ating tinatamasa sa panahong ito?

22 Tandaan, sa pamamalakayang ito kapuwa ang namamalakaya at ang mga isda ay nakikinabang. Kung yaong ating nahuhuli ay magtitiyaga, sila’y mabubuhay magpakailanman. Si Timoteo ay pinatibay-loob ni Pablo: “Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa mo nito ay ililigtas mo ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Si Jesus ang unang nagsanay sa kaniyang mga alagad sa espirituwal na pamamalakaya, at ang gawaing ito ay isinasagawa pa rin sa ilalim ng kaniyang patnubay. (Ihambing ang Apocalipsis 14:14-16.) Anong dakilang pribilehiyo mayroon tayo na gumawa sa ilalim ng pangangasiwa niya upang ito’y matapos! Ating patuloy na ihulog ang ating mga lambat habang ipinahihintulot ni Jehova. Ano pa bang gawain ang maituturing na mas dakila kaysa pamamalakaya ng mga kaluluwang buháy?

Natatandaan Mo Ba?

◻ Sa anong gawain sinanay ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod?

◻ Papaano ipinakita ni Jesus na ang espirituwal na pamamalakaya ay hindi natapos sa kaniyang kamatayan?

◻ Sa papaano pinagpala ni Jehova ang espirituwal na pamamalakaya noong unang siglo?

◻ Anong saganang ani ng mga isda ang nahuli noong “araw ng Panginoon”?

◻ Bilang mga indibiduwal papaano tayo lalo pang magtatagumpay sa pamamalakaya ng mga tao?

[Larawan sa pahina 15]

Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, pinalawak ng kaniyang mga apostol ang banal na gawaing pamamalakaya ng mga tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share