Kapag Hindi Sumisikat ang Araw
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND
“ANG araw ay sumisikat at lumulubog, at nagmamadali sa pagbalik sa kanyang sinikatan,” ang sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 1:5, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Pero mula kalagitnaan ng Nobyembre hanggang dulo ng Enero, ang pagsikat at paglubog ng araw sa maraming lugar sa hilaga ng Arctic Circle ay maaaring hindi nakikita. Sa mga lugar na ito, walang magawa ang mga tao kundi pagtiisan ang mahaba at madilim na gabi sa panahon ng taglamig.
Mahaba rin ang gabi sa mga lugar sa gawing timog ng Arctic Circle, pero hindi gaano. Halimbawa, sa St. Petersburg, Russia; Helsinki, Finland; Stockholm, Sweden; at Oslo, Norway—mga lunsod na wala pang 800 kilometro mula sa Arctic Circle—mga anim na oras lamang masisilayan ang araw sa maghapon kapag kalagitnaan ng panahon ng taglamig.
“Hindi totoong napakadilim sa Artiko sa panahon ng taglamig,” ang sabi ni Ari, na lumaki sa Kiruna, Lapland sa Sweden. Parang bukang-liwayway sa halos buong maghapon. Si Paula, isang dalubsining na nakatira sa Lapland sa Finland ay nagsabi, “Kapag nabalutan na ng niyebe ang Lapland, iba’t ibang tingkad ng pastel na bughaw at lila ang nagiging kulay ng paligid.”
Hindi maganda ang nagiging epekto ng madilim na taglamig sa ilang tao. “Damang-dama ko ang pagbabago ng panahon at klima,” ang isinulat ni Jean Sibelius, isang sikat na kompositor na taga-Finland. Idinagdag pa niya: “Sa panahon ng taglamig, kapag maikli ang araw, sinusumpong ako palagi ng depresyon.” Hindi lamang si Sibelius ang nakararanas ng kalungkutan kapag taglamig. Maging ang Griegong manggagamot na si Hippocrates (mga 460-mga 377 B.C.E.) ay naniniwalang naaapektuhan ng panahon ang damdamin ng mga tao.
Pero nito lamang dekada ng 1980 sinabi na isang uri ng syndrome ang kalungkutang ito sa panahon ng taglamig. Ipinakita ng mga pag-aaral na ang ilang nakatira sa mga lugar sa hilaga ay dumaranas ng seasonal affective disorder (SAD). Ang mga dumaranas naman ng hindi gaanong malalang uri ng depresyong ito na tinatawag na subsyndromal SAD ay mas marami nang tatlo o apat na ulit. Daan-daang libo ang sinasabing apektado nito.
Si Andrei, na nakatira sa St. Petersburg, Russia, ay nagsabi, “Lagi akong inaantok.” Si Annika naman, na nakatira sa Finland, ay nalulungkot kapag malapit na ang taglamig. “Kung minsan,” ang sabi niya, “para akong may claustrophobia dahil hindi ko matakasan ang dilim.”
Nagpapayo ang mga eksperto ng iba’t ibang pamamaraan para malabanan ang depresyon sa panahon ng taglamig. Halimbawa, inirerekomenda ng ilan na dapat madalas na lumabas ng bahay hangga’t maaari kapag araw. Ayon sa mga abala sa mga gawain sa labas ng bahay sa panahon ng taglamig, nabawasan ang kanilang kalungkutan.
Si Jarmo, na nakaranas ng taglamig kapuwa sa hilaga at timog ng Finland, ay nagsabi, “Kapag napakadilim, nagsisindi kami ng mas maraming kandila at iniiwan naming bukas ang mas maraming ilaw.” Nakatulong naman sa ilan ang pagbababad sa matinding liwanag. Ang iba naman ay nagbabakasyon sa mga bansa sa timugan. Pero sinasabi ng ilan na may mga taong lalo lang nalulungkot kapag nagbakasyon sa mainit na lugar at pagkatapos ay babalik sa hilaga sa panahon ng madilim na taglamig.
Kailangan din ang tamang pagkain. Tumutulong ang sikat ng araw para makagawa ang katawan ng bitamina D, kaya kung kulang sa sikat ng araw, magkukulang din sa bitaminang ito ang katawan. Kaya inirerekomenda ng ilan na kapag taglamig, kumain ng mas maraming pagkain na may bitamina D, gaya ng isda, atay, at mga produktong galing sa gatas.
Kung mayroong kadiliman, mayroon din namang saganang liwanag. Habang patuloy na umiikot ang lupa sa orbit nito, unti-unting tinatamaan ng sikat ng araw ang malamig na Artiko hanggang sa pangibabawan ng liwanag ng araw ang maghapon. Ito na ang simula ng tag-araw sa Artiko, kung kailan maliwanag kahit hatinggabi!
[Blurb sa pahina 27]
Parang bukang-liwayway sa halos buong maghapon
[Larawan sa pahina 26]
Katanghaliang-tapat sa panahon ng taglamig sa Artiko
[Credit Line]
Dr. Hinrich Bäsemann/Naturfoto-Online
[Larawan sa pahina 26]
Para sa marami, nakalulungkot kapag makulimlim