Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Bakit Ayaw sa Akin ng mga Babae?
Siguradong hangang-hanga siya sa akin. Sinabi ko na sa kaniya lahat—ang mga bagay na mayroon ako, mga lugar na napuntahan ko, at mga kakilala ko. Tiyak na gustung-gusto na niyang makipag-date sa akin!
Sana bigla na lang bumuka ang lupa at kainin ako! Hindi ba siya makahalata? Paano ko kaya mapuputol ang usapang ito nang hindi naman ako makakasakit ng damdamin?
NASA hustong gulang ka na para makipag-date. Gusto mong makahanap ng isang kapananampalatayang magugustuhan mo. (1 Corinto 7:39) Pero tuwing manliligaw ka, lagi ka na lang inaayawan.
Kung gusto mong makilala nang higit ang isang babae, anu-ano ang dapat mong pag-isipan? At anu-anong simulain sa Bibliya ang makabubuting tandaan mo?
Ang Unang Dapat Gawin
Bago ka manligaw, may ilang mahalagang bagay na kailangan mong matutuhan, at makatutulong ito sa pakikipagkaibigan mo sa kaninuman. Isaalang-alang ang mga sumusunod.
◼ Linangin ang magandang pag-uugali. Sinasabi ng Bibliya na ang pag-ibig ay “hindi magaspang ang pag-uugali.” (1 Corinto 13:5, Magandang Balita Biblia) Kung maganda ang ugali mo, ipinakikita nito na iginagalang mo ang iba at sinisikap mong maging maygulang bilang pagtulad kay Kristo. Pero ang magandang pag-uugali ay hindi gaya ng damit na isinusuot mo para pahangain ang iba at hinuhubad pag-uwi ng bahay. Tanungin ang iyong sarili, ‘Nagpapakita ba ako ng magandang pag-uugali sa loob ng pamilya?’ Kung hindi, mahahalatang hindi natural ang kilos mo kapag iba na ang kasama mo. Tandaan na tinitingnan ng isang mahusay na babae kung paano ka nakikitungo sa iyong kapamilya para malaman ang tunay na pagkatao mo.—Efeso 6:1, 2.
Ang sinasabi ng mga babae: “Gustung-gusto ko ang isang lalaking nagpapakita ng magandang pag-uugali sa maliliit na bagay, gaya ng pagbubukas ng pinto para sa akin, at sa malalaking bagay, gaya ng pagiging mabait at makonsiderasyon hindi lang sa akin kundi pati sa pamilya ko.”—Tina, 20.a
“Turn off ako sa lalaking bago ko pa lang nakilala pero puro personal na mga bagay ang itinatanong, gaya ng ‘May boyfriend ka na?’ at ‘Anu-ano ang tunguhin mo?’ Nakakainis talaga at nakakaasiwa!”—Kathy, 19.
◼ Laging maging malinis sa katawan. Ang pagiging malinis sa katawan ay nagpapakita na iginagalang mo, hindi lamang ang iba, kundi pati ang sarili mo. (Mateo 7:12) Kung iginagalang mo ang iyong sarili, mas malamang na igalang ka ng iba. Pero kung hindi ka malinis sa katawan, walang babaing magkakagusto sa iyo.
Ang sinasabi ng mga babae: “Ang baho ng hininga ng lalaking nagkagusto sa akin. Hindi ko ’yun kayang tiisin.”—Kelly, 24.
◼ Pasulungin ang kakayahan sa pakikipag-usap. Nagiging matibay ang samahan kapag maganda ang komunikasyon. Hindi lang kapakanan mo ang laging pinag-uusapan kundi pati ang kapakanan ng iyong kaibigan.—Filipos 2:3, 4.
Ang sinasabi ng mga babae: “Hanga ako sa lalaking masarap kausap, hindi nalilimutan ang mga sinasabi ko at alam kung ano ang itatanong para tuluy-tuloy ang kuwentuhan.”—Christine, 20.
“Sa tingin ko, naaakit ang mga lalaki sa kung ano ang nakikita nila, pero ang mga babae ay mas naaakit sa kung ano ang naririnig nila.”—Laura, 22.
“Masarap makatanggap ng regalo. Pero kapag magaling makipag-usap ang isang lalaki, kapag napapasaya ka niya at napapatibay . . . ’yun ang gusto ko!”—Amy, 21.
“Siyempre ang gusto ko, ’yung palabiro, pero masarap ding kausap sa mga seryosong bagay.”—Kelly, 24.
Kung susundin mo ang mga nabanggit na mungkahi, magkakaroon ka ng mabubuting kaibigan. Pero kung sa palagay mo ay handa ka nang manligaw, ano ang dapat mong gawin?
Ang Susunod na Hakbang
◼ Magtapat. Kung sa palagay mo ay magiging mabuting asawa ang kaibigang hinahangaan mo, magtapat ka sa kaniya. Huwag kang magpaliguy-ligoy. Hindi ito madali at talagang nakakanerbiyos. Takot kang mabigo. Pero kapag nagtapat ka, katunayan ito na maygulang ka na.
Ang sinasabi ng mga babae: “Hindi ako nakakabasa ng isip. Kaya kung may gustong manligaw sa akin, kailangang magtapat siya at sabihin sa akin kung ano ang nadarama niya.”—Nina, 23.
“Nakakailang kung dati na kayong magkaibigan. Pero igagalang ko rin naman siya kung magsasabi siya na gusto niya akong makilala hindi lang bilang kaibigan.”—Helen, 25.
◼ Igalang ang desisyon ng babae. Paano kung sabihin ng kaibigan mo na ayaw ka niyang maging boyfriend? Ipakita mong inirerespeto mo siya—na naniniwala kang alam niya kung ano ang gusto niya at seryoso siya sa kaniyang desisyon. Kung igigiit mo ang iyong sarili, magpapakita iyon na isip-bata ka pa. Kung babalewalain mo ang desisyon niya—o kung magagalit ka pa nga dahil ayaw niya sa iyo—kapakanan ba talaga niya ang iniisip mo, o ang sarili mo?—1 Corinto 13:11.
Ang sinasabi ng mga babae: “Naiinis ako kapag sinabi ko na sa isang lalaki na ayaw ko sa kaniya, pero ligaw pa rin siya nang ligaw.”—Colleen, 20.
“Sinabi ko sa isang lalaki na hindi ako interesado sa kaniya, pero pilit pa rin niyang hinihingi ang phone number ko. Ayaw ko siyang ipahiya. Kasi mahirap din naman talagang magtapat ng damdamin sa iba. Pero bandang huli, kailangan ko siyang deretsahin.”—Sarah, 23.
Ang Hindi Dapat Gawin
Iniisip ng ilang kabataang lalaki na madali lang silang magugustuhan ng mga babae. Baka makipagkompetensiya pa nga sila sa kanilang mga kabarkada para malaman kung sino ang pinakamatinik sa babae. Pero kung gagayahin mo sila, makakasakit ka ng damdamin at masisira ang reputasyon mo. (Kawikaan 20:11) Maiiwasan mo iyan kung gagawin mo ang mga sumusunod.
◼ Huwag makipagligaw-biro. Ang isang nakikipagligaw-biro ay nambobola at nang-aakit. Wala siyang intensiyong seryosohin ang pakikipagrelasyon. Ang gayong kilos at saloobin ay salungat sa payo ng Bibliya na ituring ang “mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:2) Ang nakikipagligaw-biro ay hindi mabuting kaibigan at hindi rin magiging mabuting asawa. Alam iyan ng isang mahusay na babae.
Ang sinasabi ng mga babae: “Hindi maganda kung pinupuri ka niya pero alam mo naman na noong nakaraang buwan lang, iyon din ang sinabi niya sa kaibigan mo.”—Helen, 25.
“May isang guwapong lalaki na nambobola sa akin, at kuwento nang kuwento tungkol sa buhay niya. Nang may isang babaing mapabarkada sa amin, ganoon din ang ginawa niya. Tapos nang may isa pa uling babaing mapabarkada sa amin, ganoon na naman ang linya niya. Ang pangit talaga!”—Tina, 20.
◼ Huwag paglaruan ang damdamin ng babae. Huwag isipin na pareho lang ang pakikipagkaibigan sa babae at pakikipagkaibigan sa lalaki. Bakit? Pag-isipan ito: Kung babatiin mo ang isang kaibigang lalaki na bagay sa kaniya ang kaniyang bagong damit o kung madalas kang makipagkuwentuhan sa kaniya at madalas kang magsabi sa kaniya ng sekreto at problema mo, hindi niya iisiping may gusto ka sa kaniya. Pero kung sasabihin mo sa isang babae na maganda siya o kung madalas kang makipagkuwentuhan sa kaniya at magsabi sa kaniya ng sekreto at problema mo, malamang na isipin niyang may gusto ka sa kaniya.
Ang sinasabi ng mga babae: “Hindi yata alam ng mga lalaki na hindi nila puwedeng tratuhin ang mga babae na gaya ng pagtrato nila sa kanilang mga kaibigang lalaki.”—Sheryl, 26.
“Kukunin ng lalaki ang phone number ko, pagkatapos magte-text siya. Kaya . . . ano ang ibig niyang sabihin? Kung minsan, mayroon kang ka-text mate at puwedeng maging malapít kayo sa isa’t isa, pero masasabi mo ba talaga ang lahat sa pakikipag-text lang?”—Mallory, 19.
“Sa tingin ko, walang kaalam-alam ang mga lalaki kung gaano kabilis mahulog ang loob ng isang babae lalo na kung maalalahanin siya at masarap kausap. Hindi naman sa desperado ang babae. Sa palagay ko, gusto ng karamihan sa mga babae na ma-in love at ang hinahanap nila ay si ‘Mr. Right.’”—Alison, 25.
Maging Makatotohanan
Hindi makatotohanan, at kayabangan pa nga, na isiping magugustuhan ka ng lahat ng babae. Pero may magkakagusto rin sa iyo kung tatandaan mo ito: Mas mahalaga ang panloob na pagkatao kaysa sa panlabas na hitsura. Kaya hindi kataka-takang sinasabi ng Bibliya na napakahalagang maglinang ng “bagong personalidad.”—Efeso 4:24.
Ganito ang sabi ng 21-anyos na si Kate: “Akala ng mga lalaki, mapapahanga nila ang mga babae kung mahusay silang manamit o kung guwapo sila. Totoo rin naman iyan, pero sa palagay ko mas naaakit ang maraming babae sa magandang pag-uugali.”b
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
a Binago ang mga pangalan.
b Tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
PAG-ISIPAN
◼ Paano mo maipakikitang iginagalang mo ang iyong sarili?
◼ Paano mo maipakikitang iginagalang mo ang iniisip at nadarama ng isang babae?
[Larawan sa pahina 19]
Ang magandang pag-uugali ay hindi gaya ng damit na isinusuot mo para pahangain ang iba at hinuhubad pag-uwi ng bahay