Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 6/09 p. 10-11
  • Masama Bang Magbilad sa Araw?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Masama Bang Magbilad sa Araw?
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkasira ng Mata
  • Masamang Epekto sa Balat
  • Paghina ng Immune System
  • Ingatan ang Iyong Balat!
    Gumising!—2005
  • Ikaw na Mahilig sa Araw—Ingatan ang Iyong Balat!
    Gumising!—1999
  • Makontento sa Kulay ng Iyong Balat
    Gumising!—2010
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—2009
g 6/09 p. 10-11

Masama Bang Magbilad sa Araw?

“Dahil panipis nang panipis ang ozone layer at maraming tao sa buong daigdig ang gustung-gustong magbilad sa araw, nababahala ang marami sa masamang epekto sa kalusugan ng sobrang pagkahantad sa radyasyong UV [ultraviolet].”​—DR. LEE JONG-WOOK, DATING DIRECTOR GENERAL NG WORLD HEALTH ORGANIZATION.

SI Martin, isang maputing lalaki mula sa Hilagang Europa, ay nakatulog sa lilim ng isang malaking payong sa tabing-dagat sa Italya. Nang magising siya, nakita niyang tinatamaan na ng araw ang kaniyang mga binti at pulang-pula na ito. “Pumunta ako sa emergency room ng isang ospital,” ang sabi ni Martin. “Naninigas at namamaga ang mga binti ko na parang sausage. Nang sumunod na dalawa hanggang tatlong araw, napakakirot nito. Hindi ko ito maibaluktot at hindi rin ako makatayo. Magang-maga ang binti ko na parang puputok.”

Iniisip ng marami na mapuputi lang gaya ni Martin ang hindi dapat magbilad sa araw. Totoo, hindi madaling masunog ang balat ng mas maiitim, pero maaari din silang magkaroon ng kanser sa balat. At kadalasan, nalalaman lang na may kanser sila kapag malala na ito. Kabilang din sa masamang epekto sa kalusugan ang pagkasira ng mata at paghina ng immune system, na posibleng malaman lang pagkalipas ng maraming taon.

Siyempre, karaniwan nang mas mataas ang antas ng radyasyong UV sa mga lugar na malapit sa ekwador. Kaya lalong dapat mag-ingat ang mga nakatira o pumupunta sa mga bansa sa Tropiko o mga lugar na malapit dito. Iniulat kasi na nitong nakaraang mga taon, mas naging manipis ang pananggalang na ozone layer ng atmospera. Tingnan natin ang ilan sa posibleng masasamang epekto ng sobrang pagbibilad sa araw.

Pagkasira ng Mata

Nasa 15 milyon katao na sa buong daigdig ang bulag dahil sa katarata, ang pangunahing sanhi ng pagkabulag sa buong daigdig. Nagkakaroon ng katarata kapag ang protina sa lente ng mata ay nagkahiwa-hiwalay, nagkabuhul-buhol, at nagkaroon ng ibang kulay na nagpapalabo sa lente. Ang katarata ay isa sa masasamang epekto ng pagkahantad sa radyasyong UV sa loob ng maraming taon. Sa katunayan, tinataya na mga 20 porsiyento ng mga katarata ay dulot ng o pinalala ng paulit-ulit na pagkabilad sa araw sa loob ng mahabang panahon.

Nakalulungkot, kabilang sa mga bansa na malapit sa ekwador kung saan marami ang may katarata ay papaunlad na mga bansa, na ang karamihan sa mga mamamayan ay mahihirap. Kaya milyun-milyong mahihirap sa Aprika, Asia, Sentral Amerika, at Timog Amerika ang bulag dahil hindi nila kayang magpaopera para alisin ang katarata.

Masamang Epekto sa Balat

Sangkatlo ng mga kaso ng kanser sa daigdig ay kanser sa balat. Taun-taon, may napapaulat na mga 130,000 bagong kaso ng melanoma, ang pinakadelikadong klase ng kanser sa balat. At may lumilitaw na mga dalawa hanggang tatlong milyong bagong kaso ng iba pang klase ng kanser sa balat, gaya ng basal cell carcinoma at squamous cell carcinoma. Tinatayang mga 66,000 katao ang namamatay taun-taon dahil sa kanser sa balat.a

Bakit nakakasama sa iyong balat ang pagbibilad sa araw? Ang pinakakaraniwan at pinakakilalang epekto ng pagbibilad sa araw na nakikita agad ay ang sunburn, o erythema. Maaaring magkaroon ang isa ng mga butlig-butlig at magbakbak ang balat nang ilang araw.

Kapag na-sunburn, pinapatay ng radyasyong UV ang karamihan sa mga selula na nasa panlabas na suson ng balat at sinisira nito ang iba pang suson ng balat sa ilalim. Anumang pagbabago sa kulay ng balat dahil sa pagkabilad sa araw ay palatandaan ng pinsala. Kapag DNA ng genes na kumokontrol sa pagdebelop at paghahati-hati ng mga selula ng balat ang napinsala, maaari itong mauwi sa kanser. Dahil sa pagkabilad sa araw, maaari ding matuyo at gumaspang ang balat. Kaya maagang mangungulubot ang balat at lalaylay, at madali itong magkapasa.

Paghina ng Immune System

Ipinakikita ng mga pag-aaral na may masamang epekto sa ilang bahagi ng immune system ng katawan ang sobrang pagkahantad ng balat sa radyasyong UV. Maaaring humina ang depensa ng katawan laban sa ilang sakit. Kahit ang katamtamang pagbibilad sa araw ay natuklasang maaaring pagmulan ng impeksiyong dulot ng baktirya, fungus, parasito, o virus. Napapansin ng maraming tao na kapag nabibilad sila sa araw, bumabalik ang kanilang cold sore, o herpes simplex. Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO), lumilitaw na may isang klase ng radyasyong UV na tinatawag na UVB na “nagpapahina sa immune system​—sa kaso ng cold sore, hindi na nito makontrol ang virus na Herpes simplex kaya bumabalik ang impeksiyon.”

Kaya may dalawang magkasunod na epekto ang pagbibilad sa araw na maaaring mauwi sa kanser. Sinisira nito ang DNA at pagkatapos ay pinahihina ang likas na kakayahan ng immune system na labanan ang gayong pagkasira.

Talagang makabubuting iwasan ang sobrang pagbibilad sa araw. Apektado nito ang ating kalusugan at maging ang atin mismong buhay.

[Talababa]

a Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kanser sa balat, tingnan ang Gumising! ng Hunyo 8, 2005, pahina 3-10.

[Kahon sa pahina 11]

KUNG PAANO POPROTEKTAHAN ANG IYONG SARILI

◼ Iwasang mabilad sa araw sa pagitan ng 10:00 n.u. at 4:00 n.h., kung kailan malakas ang radyasyong UV.

◼ Maghanap ng malililiman.

◼ Magsuot ng mga damit na maluwag, masinsin ang habi ng tela, at na hindi maghahantad sa iyong mga braso at binti.

◼ Magsuot ng malalapad na sombrero para maprotektahan ang iyong mata, tainga, mukha, at batok.

◼ Maiingatan mo ang iyong mata kung magsusuot ka ng de-kalidad na wraparound sunglass, o sunglass na may takip ang gilid, na nagbibigay ng 99 hanggang 100 porsiyentong proteksiyon sa UVA at UVB (mga klase ng radyasyong UV).

◼ Gumamit​—at damihan ang lagay kada dalawang oras​—ng broad-spectrum sunscreen na may sun protection factor (SPF) na hindi bababa sa 15.

◼ Dahil ginagamit sa sunlamp, sun bed, at tanning parlor ang radyasyong UV, na makasisira sa balat, inirerekomenda ng WHO na iwasan ang mga ito.

◼ Iwasang mabilad ang mga sanggol at mga bata dahil sensitibo ang kanilang balat.

◼ Huwag na huwag matutulog nang nakabilad sa araw.

◼ Kung nababahala ka sa nunal, pekas, o marka sa iyong balat, magpatingin sa doktor.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share