Ingatan ang Iyong Balat!
“Walang kamalay-malay ang mga tao sa totoong panganib na dulot ng araw . . . at sa pinsala na magagawa nito sa DNA ng balat. Ang ganitong pinsala na paulit-ulit ay maaaring maging parang ‘time bomb’ na kanser sa balat.”—Dr. Mark Birch-Machin, eksperto sa kanser sa balat.
ANG balat ang pinakamalaking sangkap ng katawan, na may sukat na mga 1.8 metro kuwadrado para sa isang karaniwang lalaki at 1.6 metro kuwadrado para sa isang karaniwang babae. Mayroon itong mga pandamdam na tumutugon sa kirot, hipo, at temperatura. Ang balat ang unang pandepensa ng katawan laban sa init, lamig, at trauma, gayundin sa mga lason, kemikal, at mga polusyon. Dahil dito, ang katawan ay hindi napapasok o tinatagasan ng tubig. Gayunman, ang balat ay may potensiyal na kaaway—ang araw. Pero hindi ba’t napakahalaga ng sikat ng araw sa buhay?
Oo naman. Kailangan ng mga halaman, kung saan tayo dumedepende, ang sikat ng araw para lumaki. Bukod diyan, ang kaunting sikat ng araw ay nagpapasigla sa katawan na gumawa ng bitamina D, na nagpoproseso sa kalsyum, anupat pinatitibay ang mga buto. Ngunit hindi ito nangangahulugan na dahil kapaki-pakinabang ang kaunti, mas mainam kung mas marami. Ang araw ay naglalabas ng radyasyong ultraviolet (UV), na maaaring magdulot ng permanenteng pinsala sa balat. Ang isang resulta ay ang maagang pangungulubot ng balat.
Nagbabala ang aklat na Saving Your Skin hinggil sa mas malaki pang panganib: “Ang radyasyong ultraviolet ay pumipinsala sa DNA [ang henetikong kayarian na kumokontrol sa mga gawain ng mga selula, gaya ng paghahati ng mga selula], nagpapahina sa imyunidad ng katawan at maaaring pumukaw ng mga kemikal sa katawan na siyang nagpapasimula sa sunud-sunod na mga pangyayaring humahantong sa kanser.” Kinatatakutan ang salitang “kanser.” Pero gaano ba kalaganap ang kanser sa balat? May dahilan ba para mabahala?
Kanser sa Balat—Isang Salot sa Makabagong Panahon
Sinasabi ng The Merck Manual na ito ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa daigdig. Sa Estados Unidos, 1 sa bawat 6 hanggang 7 tao ay nagkakaroon ng isang uri ng kanser sa balat. Ngunit parami nang parami ang nagkakaroon nito. Ayon kay Dr. I. William Lane sa aklat na The Skin Cancer Answer, “tinataya ngayon na 50 porsiyento ng mga tao na umabot na sa animnapu‘t limang taóng gulang ang magkakaroon ng isang uri ng kanser sa balat.” Mga 7,500 ang namamatay taun-taon sa bansang iyon dahil sa malignant melanoma at dumarami ang nagkakaroon nito ayon sa American Academy of Dermatology. Mas madalang magkaroon ng kanser sa balat ang mga taong maitim o kayumanggi ang balat, ngunit nanganganib din sila.
Bakit naging gayon katinding salot ang kanser sa balat? Bagaman maaaring maraming mahahalagang salik, gaya ng taas ng lugar, latitud, lawak ng lilim ng ulap, at kalagayan ng ozone layer, ang pangunahing sanhi ay ang simpleng labis na pagkabilad sa araw. Nagbago na ang mga istilo ng pamumuhay. Naging lalong popular at madali para sa mga nagtatrabaho sa loob ng gusali ang pagbabakasyon sa dalampasigan at paglilibang sa labas gaya ng pag-akyat ng bundok at pag-iiski. Nagbago na ang mga moda. Bagaman idinidikta noon ng kahinhinan na ang mga lalaki at mga babae ay magsuot ng mahahabang kasuutang pampaligo, ang mga kasuutang pambasâ ngayon ay mas lumiit at umikli, anupat mas maraming balat ang nahahantad. Kaya dumarami rin ang nagkakaroon ng kanser sa balat. Mayroon kayang nalalaman ang mga naninirahan sa disyerto kagaya ng mga Bedouin, na may mahahabang damit at talukbong sa ulo, na hindi natin alam?
Kanser sa Balat—Isang Totoong Panganib
Ang tatlong pinakakaraniwang uri ng kanser sa balat ay basal cell carcinoma, squamous cell carcinoma, at malignant melanoma. Nagsisimula ang basal cell at squamous cell carcinoma sa pinakaibabaw na suson ng balat, na may katamtamang kapal na isang milimetro. Ang mga kanser na ito na hindi naman melanoma ay waring dulot ng palaging pagkabilad sa araw, gaya ng nararanasan ng mga nagtatrabaho sa labas, at halos lumilitaw lamang ito sa mga bahagi ng katawan na nabibilad sa araw, gaya ng mukha at mga kamay.a Ang mga carcinoma na ito ay karaniwang nagsisimula bilang isang maliit na bukol o galos sa balat na lumalaki, madalas na nagdurugo, at hindi lubusang naghihilom. Maaari itong kumalat sa palibot nito, anupat sinasalakay ang katabing mga himaymay. Mga 75 porsiyento ng mga kanser sa balat ay mga basal cell carcinoma. Bagaman hindi gaanong karaniwan, ang squamous cell carcinoma ay mas malamang na kumalat mula sa kinaroroonan nito tungo sa iba pang bahagi ng katawan. Mahalaga ang maagang diyagnosis dahil bagaman ang mga kanser na hindi melanoma ang uri ng kanser sa balat na pinakamadaling gamutin, maaaring makamatay ang mga ito kung mapabayaan.
Ang mga malignant melanoma, na bumubuo lamang sa 5 porsiyento ng lahat ng kanser sa balat, ay nagsisimula rin sa pinakaibabaw na suson ng balat. Lumilitaw na ang isa sa pangunahing mga salik sa pagkakaroon ng melanoma ay ang paminsan-minsan ngunit matinding pagkabilad sa araw gaya ng nangyayari sa mga nagtatrabaho sa loob ng gusali na nagbibilad sa araw kapag nagbabakasyon. Mga 50 porsiyento ng mga malignant melanoma ay nagsisimula bilang maiitim o kulay-kapeng nunal, lalo na sa itaas na bahagi ng likod at sa mga binti.
Ang uring ito ng kanser sa balat ang pinakanakamamatay, sapagkat kung hindi ito magamot kaagad, sasalakayin nito ang panloob na suson ng balat, ang dermis, na kinaroroonan ng lymph at ng mga ugat na dinadaluyan ng dugo. Mula roon ay mabilis itong kumalat. Ganito ang sabi ng oncologist (dalubhasa sa tumor) na si Dr. Larry Nathanson: “Ang kabalintunaan sa melanoma ay ang bagay na isa itong sakit na madaling lunasan kapag ginamot kaagad. Sa kabilang panig naman, kapag ito ay kumalat na sa ibang bahagi ng katawan, mahirap na itong lunasan sa pamamagitan ng gamot o radyasyon.” Sa katunayan, 2 o 3 porsiyento lamang ng mga pasyenteng may kumalat na melanoma ang tumatagal pa nang limang taon. (Tingnan ang kahon sa pahina 7 para sa maagang mga babalang tanda ng melanoma.)
Sinu-sino ang nanganganib na magkaroon ng kanser sa balat? Bukod sa mga taong palagi o paminsan-minsan ngunit matinding nabibilad sa araw, lalo nang nanganganib yaong mapuputi ang balat, mapupusyaw ang kulay ng buhok at mga mata, may mga nunal at mga pekas, at may kapamilyang nagkaroon na ng sakit na ito. Mas malayong magkaroon ng kanser sa balat ang mga taong maitim o kayumanggi ang balat. Nangangahulugan ba ito na kung mas kayumanggi ang iyong balat, mas maliit ang panganib na magkaroon ka ng kanser sa balat? Hindi, dahil bagaman nagkukulay kayumanggi ang balat bilang depensa nito mula sa radyasyong UV, napipinsala ang balat sa proseso ng pagiging kayumanggi nito, at ang paulit-ulit na pinsala sa balat ay nakadaragdag sa panganib na magkaroon ka ng kanser sa balat.
Paggamot sa Kanser sa Balat
Depende sa uri ng tumor, sa kinaroroonan nito at laki, at sa nakalipas na paggagamot, may ilang pamamaraan sa paggamot: surgical excision (operasyon upang putulin ang bahaging may kanser), scraping (pagkayod sa bahaging may kanser), electric needle (pagsunog sa kanser sa pamamagitan ng karayom na dinadaluyan ng kuryente), cryosurgery (pinagyeyelo ang bahaging may kanser bago ito alisin), at radiotherapy (paggamot sa pamamagitan ng radyasyon). Ang hamon ay alisin ang lahat ng selulang may kanser. Ang pamamaraang tinatawag na Mohs surgery, pag-opera sa suson ng balat na ginagamitan ng mikroskopyo, ay mabisa sa pag-alis ng basal cell at squamous cell carcinoma (may 95 hanggang 99 na porsiyento ng paggaling), habang iniingatan nito ang pinakamaraming malusog na himaymay at nag-iiwan ng di-gaanong halatang pilat. Anuman ang kalagayan, baka kailangang ayusing muli ang mga himaymay.
Ganito ang sabi ng U.S. National Institute on Aging: “Ang lahat ng kanser sa balat ay maaaring lunasan kung matutuklasan agad at maipaaalam sa doktor ang mga ito bago pa kumalat.” Kaya nga, napakahalaga na maagang matuklasan ito. Ngunit ano ang magagawa upang maiwasan ang kanser sa balat?
Alamin ang Ligtas na mga Kaugalian Kapag Nabibilad sa Araw
Ang edukasyon hinggil sa ligtas na mga kaugalian kapag nabibilad sa araw ay mahalaga mula pa sa pagkabata. Ayon sa The Skin Cancer Foundation, ‘80 porsiyento ng pagkakabilad sa araw ng karamihan sa mga tao sa buong buhay nila ay nangyayari bago sila mag-edad 18. Ang kahit minsang labis na pagkasunog ng balat sa panahon ng pagkabata ay tinatayang nagiging dahilan upang madoble ang panganib na magkaroon ng melanoma sa pagtanda.’ Ito ay dahil maaaring tumagal nang 20 o higit pang taon bago magkaroon ng kanser sa balat ang isa. (Tingnan ang kahon sa pahina 8 para sa kapaki-pakinabang na mga mungkahi sa ligtas na mga kaugalian kapag nabibilad sa araw.)
Mataas ang bilang ng mga may kanser sa balat sa Australia—partikular na ang melanoma.b Ito ay sapagkat ang pangunahing populasyon sa bansa ay mapuputing dayuhan na nagmula sa Hilagang Europa, na ang karamihan ay nakatira sa kahabaan ng maaraw na mga dalampasigan. Sinasabi ng isang pag-aaral hinggil sa mga dayuhang ito na miyentras mas bata silang dumating sa Australia, mas malaki ang panganib na magkaroon sila ng melanoma, na nagpapakitang kailangang turuan ang isa mula pa sa pagkabata, ng ligtas na mga kaugalian kapag nabibilad sa araw. Naglunsad ang gobyerno ng Australia ng puspusang kampanya para turuan ang mga tao hinggil sa mga panganib ng pagbibilad sa araw, na ginagamit ang islogan na nagsasabing “Magsuot, Magsaklob, Magpahid” na ang ibig sabihin ay magsuot ng T-shirt, magsaklob ng sombrero, magpahid ng sunscreen. Ang bahagyang mga pagbabagong ito sa istilo ng pamumuhay ay nagkakaroon ng epekto sa insidente ng melanoma sa mga grupo ng mga bata at kabataan sa bansang iyon.
Kung tungkol sa sunscreen, mainam ang paggamit ng produktong broad-spectrum na sumasala kapuwa sa radyasyong UVA at UVB. Mahalaga ito maging sa mga araw na maulap dahil 85 porsiyento ng mga sinag na UV ay nakatatagos sa mga ulap. Nakatatagos din ang mga sinag na ito sa malinaw na tubig. Inirerekomenda ng ilang eksperto ang sunscreen na may sun protection factor (SPF) na di-bababa sa 15. Upang malaman kung gaano kalaking proteksiyon ang maibibigay nito, paramihin ng 15 ulit ang bilang ng minuto na kailangan para masunog ang balat mo sa sikat ng araw. Dapat maglagay muli ng sunscreen kahit man lamang tuwing makalipas ang dalawang oras, ngunit hindi nito dinodoble ang kabuuang oras ng proteksiyon.
Karagdagan pa, nagbababala ang The Skin Cancer Answer na huwag kang labis na maging kampante dahil lamang gumamit ka ng sunscreen. Walang sunscreen na 100 porsiyento ang bisa laban sa pagkasunog ng balat sa araw, ni tiyak na makahahadlang sa kanser sa balat. Sa katunayan, ang paggamit ng sunscreen ay maaari pa ngang magpalubha sa panganib na magkaroon ng kanser sa balat—kung dahil sa paggamit nito ay mas matagal kang nagbibilad sa araw. Ganito ang sabi ng aklat: “Walang kahalili ang ligtas na mga kaugalian kapag nabibilad sa araw. Ang pagsusuot ng damit na nagbibigay ng proteksiyon laban sa araw at hindi pagbibilad sa mga oras na pinakamatindi ang sikat ng araw ay itinuturing na ‘mabibisang’ panlaban sa kanser sa balat.”
Kumusta naman ang pagbibilad sa loob ng gusali sa pamamagitan ng mga sun lamp at mga tanning bed upang magkaroon ng kayumangging balat? Ang 20 minuto lamang sa isang establisimyento para sa mga nagnanais magkaroon ng kayumangging balat (tanning salon) ay tinatayang katumbas ng humigit-kumulang sa apat na oras sa ilalim ng araw. Inakala noon na ligtas ang maging kayumanggi sa pamamagitan ng mga establisimyento para sa mga nagnanais magkaroon ng kayumangging balat dahil ito’y pangunahin nang gumagamit ng radyasyong UVA, na waring hindi naman nakasusunog ng balat. Ngunit sinasabi ng The Skin Cancer Answer: “Batid na ngayon na ang UVA ay nakatatagos sa balat nang mas malalim kaysa sa UVB, nakapagdudulot ng kanser sa balat, at maaaring magpahina sa sistema ng imyunidad.” Nasumpungan sa isang pag-aaral na iniulat sa internasyonal na edisyon ng The Miami Herald na ang mga babaing nagpupunta nang minsan isang buwan o mas madalas pa sa mga establisimyento para sa mga nagnanais magkaroon ng kayumangging balat ay “55 porsiyentong mas malaki ang tsansa na magkaroon ng melanoma.”
Kaya naman, kailangang magbigay ng seryosong pansin sa ligtas na mga kaugalian kapag nabibilad sa araw. Tandaan, ang pagkasunog ng balat mo ngayon dahil sa araw ay maaaring maging kanser sa balat 20 o higit pang taon sa hinaharap. Paano nakipagpunyagi ang ilan sa kanser sa balat, at ano ang nakatulong sa kanila na maharap ito?
[Mga talababa]
a Maaari ring pinsalain ng radyasyong UV ang mga selulang Langerhans sa epidermis (pinakaibabaw ng balat), na gumaganap ng mahalagang papel sa imyunidad. “Kaya nga, naniniwala ang ilang siyentipiko na ang pagkasira ng sistema ng imyunidad ay nagpapadali sa pagkakaroon ng kanser sa balat,” ang sabi ng aklat na The Skin Cancer Answer.
b Ayon sa The Cancer Council ng New South Wales, “isa sa bawat dalawang Australiano ay magkakaroon ng isang partikular na anyo ng kanser sa balat.” Sa Queensland, Australia, noong 1998, ang panganib na magkaroon ng melanoma ay 1 sa bawat 15.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
PANGUNAHING MGA BABALANG TANDA NG MALIGNANT MELANOMA
1. ASIMETRIYA. Ang karamihan sa nagsisimulang mga melanoma ay asymmetrical (hindi magkapareho ang magkabilang panig). Ang karaniwang mga nunal ay bilog at magkapareho ang magkabilang panig.
2. DI-PANTAY ANG GILID. Ang mga gilid ng nagsisimulang mga melanoma ay kadalasang di-pantay at maaaring pakurba-kurba o gatla-gatla. Ang karaniwang mga nunal ay makikinis at mas pantay ang gilid.
3. IBA-IBANG KULAY. Ang kadalasang unang palatandaan ng melanoma ay ang iba’t ibang tingkad ng kulay nito na kulay-kape, kayumanggi, o itim. Habang lumulubha ang mga melanoma, maaaring lumitaw ang mga kulay na pula, puti, at bughaw. Ang karaniwang mga nunal ay kadalasang kulay-kape lamang.
4. DIYAMETRO. Palibhasa’y mas malalaki kaysa sa karaniwang mga nunal, ang nagsisimulang mga melanoma ay lumalaki hanggang umabot sa diyametro na anim na milimetro.
[Credit Lines]
Pinagkunan: The Skin Cancer Foundation
Mga sampol ng balat: Images courtesy of the Skin Cancer Foundation, New York, NY, www.skincancer.org
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
MGA MUNGKAHI KUNG PAANO MAIINGATAN ANG IYONG BALAT
1. Limitahan ang pagkabilad sa araw, lalo na mula 10:00 n.u. hanggang 4:00 n.h., ang mga oras na pinakamatindi ang nakapipinsalang radyasyong ultraviolet (UV).
2. Suriin ang iyong balat mula ulo hanggang mga daliri sa paa nang kahit minsan tuwing tatlong buwan.
3. Kapag nasa labas, gumamit ng sunscreen na broad-spectrum at may rating na SPF 15 o mas mataas pa. Damihan ang pagpapahid nito 30 minuto bago mabilad sa araw at tuwing makalipas ang dalawang oras. (Hindi dapat pahiran ng sunscreen ang mga batang wala pang anim na buwang gulang.)
4. Turuan ang inyong mga anak ng tamang mga kaugalian kung paano iingatan ang kanilang sarili mula sa araw habang bata pa sila, sapagkat ang pinsala na nagiging dahilan ng mga kanser sa balat ng mga adulto ay nagsisimula sa panahon ng pagkabata.
5. Gumamit ng kasuutang nakapagbibigay ng proteksiyon gaya ng pantalon, damit na mahahaba ang manggas, malalapad na sombrero, at salamin sa mata na may proteksiyon laban sa UV.