Sea Buckthorn—Kapaki-pakinabang na Puno
◼ Kapag taglagas sa Russia, ang mga turistang pumapasyal sa mga probinsiya ay makakakita ng sea buckthorn,a maliit na palumpong o puno, na namumutiktik sa maliliit na berry na matingkad na orange ang kulay. Kapansin-pansin na hindi kumpul-kumpol ang tubo ng berry. Lahat ng sanga nito ay nababalot ng kulay-orange na berry kaya napakaganda nitong tingnan.
Nakakain ang berry, pero mag-ingat sa matutulis na tinik kapag namimitas! Dapat na isa-isa itong pitasin at ingatang hindi mapisa. Sa malalamig na lugar ito tumutubo, kaya marami nito sa bulubunduking mga rehiyon mula sa hilagang-kanlurang Europa hanggang sa Kabundukan ng Altai sa Sentral Asia, pati na sa kanluran at hilagang Tsina at sa gawing hilaga ng kabundukan ng Himalaya. Sa loob ng daan-daang taon, paborito ito sa Tsina, Russia, at Tibet.
Ang sea buckthorn ay nababanggit sa sinaunang mga tekstong Griego at mga kilalang akdang pangmedisina sa Tibet. Ang Griegong pangalan nito na Hippophaë ay nangangahulugang “makintab na kabayo.” Sinasabing gayon ang ipinangalan dito dahil ginagamit noon ng sinaunang mga Griego ang berry para pakintabin ang balahibo ng mga pangarerang kabayo.
Mga dayuhang Ruso ang nagluwas ng mga palumpong mula sa Siberia patungong Canada at Estados Unidos noong pasimula ng ika-20 siglo, para paramihin at ibenta. Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon sa Hilagang Amerika ng sea buckthorn. Maraming bansa sa ngayon ang nagtatanim ng sea buckthorn para makain at magamit sa medisina.
Bukod sa iba pang mga pakinabang, ang sea-buckthorn berry ay may bitamina C at E, folic acid, carotenoid, fatty acid, at flavonoid. Kamakailan, pinag-aralan ng mga mananaliksik sa medisina kung totoong nakapagpapagaling ng kanser ang sea buckthorn, nakakatulong para maiwasan ang sakit sa puso, at nakakagamot ng gastrointestinal ulcer, pati na sakit sa balat at atay. Ang maasim-asim na berry ay masarap ding gawing juice at ipinanggagamot sa iba’t ibang sakit.
Malaki rin ang pakinabang sa maliit at itim na buto ng sea-buckthorn berry. Ang langis na makukuha sa buto nito ay nagtataglay ng karamihan sa mga nutriyente ng berry. Ipinakikita ng ilang pag-aaral na nakapagpapalakas ng immune system ang langis ng sea buckthorn. Ginagamit din ang langis na ito sa paggawa ng mga kosmetik at iba pang produkto sa pangangalaga ng balat dahil sa kilalang mga sangkap nito na nakapagpapaganda ng kutis.
Kung mapapasyal ka sa Russia, mapapahanga ka sa ganda ng orange-gold na mga sea-buckthorn berry. Pero gaya ng nabanggit na, hindi lang ganda ang ipinagmamalaki nito. Oo, isa ito sa maraming nilikha na nagpapakita ng karunungan at kabutihan ng ating Maylalang!
[Talababa]
a Malamang na ganiyan ang ipinangalan dito dahil tumutubo ito malapit sa mga dalampasigan ng Europa at Asia.