Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 6/22 p. 15-17
  • Nakatikim Ka Na ba ng Tumatalbog na Berry?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakatikim Ka Na ba ng Tumatalbog na Berry?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Berry Mula sa Latian
  • Puwedeng Pagkain, Gamot, at Pampreserba
  • Bakit Kaya Tinawag na Tumatalbog na Berry?
  • Libreng Masarap na Pagkain Mula sa Gubat
    Gumising!—2007
  • Sea Buckthorn—Kapaki-pakinabang na Puno
    Gumising!—2009
  • Ang Napakatingkad na Kulay ng Pollia Berry
    Gumising!—2017
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 6/22 p. 15-17

Nakatikim Ka Na ba ng Tumatalbog na Berry?

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Canada

ISINABOY ng magsasaka ang asupre sa lupa upang maging mas maasido ito. Pagsapit ng taglagas, kapag hinog na ang mga bunga, pinaaapawan niya ng tubig ang bukirin. Matapos anihin, sadya niyang inihuhulog ang mga bunga upang makita kung tatalbog ang mga ito.

Nasisiraan na ba ng bait ang magsasakang ito? Hindi naman, ang waring paninirang ginagawa niya ay pagtiyak lamang kung taglay nga ng kaniyang ani ang pinakamataas na uri. Ang kaniyang tanim ay mga cranberry. Gusto mo bang malaman pa nang higit ang tungkol sa matitibay na berry na ito?

Mga Berry Mula sa Latian

Nang unang dumating ang mga Europeo sa hilagang-silangang baybayin ng Hilagang Amerika, ang kalakal na inialok ng mga katutubo roon ay ang mapulang berry na may kakaiba at maasim-asim na lasa. Tinawag ng mga Pequot Indian, naninirahan sa lugar na kilala ngayon bilang Cape Cod, ang bungang ito na i-bimi, o “mapait na bunga.” Tinawag naman ito ng mga Peregrino na craneberry, malamang na dahil ang tangkay at bulaklak ng halaman ay parang leeg at ulo ng crane (tipol). Bukod diyan, paboritong pagkain ng mga crane ang berry, at maaaring isa pa rin itong dahilan kung bakit ganito ang tawag dito. Gayunpaman, di-nagtagal ay pinaikli na ang pangalan at ginawang cranberry.

Nangunguha ng mga cranberry ang mga Indian sa mabababa at malulumot na latian. Dahil sa mamasa-masa at nabubulok na mga pananim sa mga latiang ito, nagiging masyadong maasido ang lupa, anupat nahahadlangan ang pagtubo ng karamihan sa mga halaman. Pero ito naman ang gustung-gusto ng cranberry. Ang mabababa at parang strawberry na halamang-baging ay lumalago mula roon sa timog ng makabagong-panahong Virginia hanggang doon sa hilaga ng Canada.

Noong 1680, inilarawan ni Mahlon Stacy, nakikipamayan sa New Jersey, ang mga berry sa kaniyang kuya na nakatira naman sa Inglatera. Isinulat niya: “Ang cranberry, kakulay at kasinlaki ng cherry, ay puwedeng imbakin hanggang sa susunod na pamumunga nito. Napakasarap nitong gawing sarsa para sa karne ng usa, ng pabo at ng iba pang malalaking ibon at mas masarap gawing empanada kaysa sa mga gooseberry o cherry. Ipinadadala namin sa mga Indian ang napakaraming bungang ito sa aming mga tahanan.”

Puwedeng Pagkain, Gamot, at Pampreserba

Ginamit ng mga Katutubong Amerikano ang likas na kakayahan ng cranberry na magpreserba. Gumawa sila ng pagkaing tinatawag na pemmican, na pinaghalong tapang karne o isda na giniling kasama ng cranberry. Ang masa ay binibilog na parang mga patty at pinatutuyo sa araw. Sa panahon ng mahahabang buwan ng taglamig, ang mga patty ay nagsisilbing balanseng pagkain na may protina at bitamina. Napakahusay na pampreserba ang berry dahil sa napakaraming pectin na taglay nito. Mayaman din ito sa bitamina C. Kaya naman, nang mga taóng nakalipas, bari-bariles na cranberry ang binibili ng mga marinong madaling kapitan ng sakit na scurvy para baunin nila sa kanilang malalayong paglalakbay.

Ginagamit din ng mga Indian ang cranberry bilang gamot, anupat hinahaluan ito ng harinang mais at itinatapal sa mga sugat upang maiwasan ang pagkalason sa dugo. Ipinakikita ng kamakailang pag-aaral sa medisina na ang pag-inom ng katas ng cranberry ay nakatutulong upang maiwasan ang ilang impeksiyon sa daanan ng ihi yamang napipigil ang pagdikit ng baktiryang nagdudulot ng impeksiyon sa mga gilid nito.

Bakit Kaya Tinawag na Tumatalbog na Berry?

Kapag biniyak mo ang hinog na cranberry, mapapansin mo ang apat na air sac sa loob nito. Ang mga air sac na ito ay naging kapaki-pakinabang sa mga nagtatanim ng pangkomersiyal na cranberry, sa dalawang paraan. Una, sa halip na magpakahirap sa manu-manong pagpitas ng mga berry, puwedeng paapawan ng tubig ng mga nagtatanim ang bukirin, yugyugin ang mga baging nito gamit ang makinarya​—upang maglaglagan ang hinog na mga berry​—at hayaang lumutang ang mga berry dahil sa maliliit na air sac nito.a Saka nila sasalukin ang mga berry mula sa ibabaw at pagbubukud-bukurin ang mga ito.

Ang ikalawang pakinabang ng mga air sac ay natuklasan ng mga nagtatanim ng cranberry noong huling mga taon ng ika-19 na siglo. Ayon sa alamat, aksidenteng naibagsak sa hagdan ng isang nagtatanim ang isang timba na punô ng mga berry at nagulat siya nang mapansing nagtalbugan ang pinakamagagandang berry hanggang sa ibaba ng hagdan, samantalang ang malalambot o bulok na mga bunga naman ay nagdikitan sa mga baytang. Ang mga air sac sa loob ng pinakamagagandang berry ang dahilan ng kanilang pagtalbog na parang mga gulong na nilagyan ng hangin. Ang mga pangit na bunga naman ay parang mga gulong na walang hangin.

Noong 1881, lumitaw ang unang makinarya na gumamit sa kakayahang tumalbog ng berry. Sa ngayon, ginagamit pa rin ng tagapagbukod na mga makinarya ang paraang ito, anupat tumatalbog ang magagandang berry sa isang halang at kinokolekta ang mga ito para ipagbili bilang prutas. Ang malalambot naman ay nahuhulog sa makinarya at ginagawang juice o jelly.

Sa pantanging inihandang mga latian sa hilagang-silangan at hilagang-kanluran ng Estados Unidos at sa Canada, umaani ang mga magsasaka ng mahigit 250 milyong kilo ng cranberry sa loob lamang ng isang taon. Kung hindi mo pa natitikman ang tart berry na ito, bakit hindi mo subukin? Ang bungang ito ay maraming bitamina at mineral, at sagana ito sa mga antioxidant na makatutulong sa iyo upang maiwasan ang sakit sa puso at kanser. Pasisiglahin at palulusugin ka pa nga ng mga ito.

[Talababa]

a Dahil sa paraang ito ng pagpapaapaw ng tubig sa mga latian ng cranberry sa panahon ng pag-aani, nagkaroon tuloy ng maling palagay na ang mga berry raw ay tumutubo sa ilalim ng tubig.

[Kahon sa pahina 17]

Sa Hilagang Amerika ba Lamang May Berry?

Bilang tradisyon, ang cranberry ay bahagi na ng pagkain tuwing Thanksgiving Day, na ginaganap tuwing ikaapat na Huwebes ng Nobyembre sa Estados Unidos at tuwing ikalawang Lunes naman ng Oktubre sa Canada. Ayon sa alamat, noong 1621, nagdala ng cranberry ang mga Indian nang dumalo sila sa unang Thanksgiving, tatlong-araw na kapistahan ng pagsasalu-salo at paglilibang na tinustusan ng gobernador ng Plymouth Colony, si William Bradford. Yamang ang berry ay bahagi na ng tradisyon at ang cranberry ay isa sa iilang katutubong uri sa Hilagang Amerika na itinatanim upang inegosyo, marami ang nag-aakala na sa kontinenteng ito lamang tumutubo ang prutas na ito.

Subalit hindi lamang sa Hilagang Amerika tumutubo ang maliliit na prutas na ito ng cranberry (V. oxycoccus) kundi gayundin sa Asia at sa hilaga at gitnang Europa. Hindi lamang sa Hilagang Amerika ginagamit ang berry sa pagluluto. Ang Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Malaon nang inaakala na sa Amerika lamang may sarsa at jelly na gawa sa cranberry, subalit ipinagmamalaki ng mga taga-Scandinavia ang kanilang katutubong lingonberry (V. vitis-idaea), ang berry na katulad, pero mas malasa, sa cranberry [V. macrocarpon] ng Amerika.”

[Larawan sa pahina 15]

Mga bulaklak ng “cranberry”

[Credit Line]

Courtesy Charles Armstrong, Cranberry Professional, Univ. of Maine Cooperative Extension, USA

[Larawan sa pahina 16, 17]

Pag-aani ng “cranberry” sa latiang pinaapawan ng tubig

[Credit Line]

Keith Weller/ Agricultural Research Service, USDA

[Mga larawan sa pahina 17]

Pag-aani ng “white cranberry”

[Credit Line]

Inset photos: Courtesy of Ocean Spray Cranberries, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share