Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 11/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Masiyahan sa Paghikab na Iyan!
  • Mapupulang Beri na Panlaban sa Impeksiyon
  • Proteksiyon sa Utak ng mga Inaatake sa Puso
  • Ipinagbabawal ang mga Batang Sundalo
  • Paraan ng Paggamot at ang mga May-edad Na
  • Nakamamatay na “Ecstasy”
  • Pagmumura sa Lugar ng Trabaho
  • Mabuting Ehersisyo ang Gawaing-Bahay
  • Pinatitibay ng mga Ipa ang Kongkreto
  • Droga—Bakit ba Inaabuso ng mga Tao ang Paggamit sa mga Ito?
    Gumising!—2001
  • Ang Paghikab ng mga Hayop
    Gumising!—1997
  • Nakatikim Ka Na ba ng Tumatalbog na Berry?
    Gumising!—2005
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 11/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Masiyahan sa Paghikab na Iyan!

Nagsisimulang maghikab ang isang sanggol sa sinapupunan mga 11 linggo lamang pagkatapos ipaglihi, ang paliwanag ng lingguhang magasin na Salud ng Espanya. Malinaw na makikita sa karamihan ng mamal, gayundin sa ilang uri ng mga ibon at reptilya, na ito’y isang natural na reaksiyon. Bagaman hindi pa natutuklasan ang tunay na dahilan kung bakit tayo naghihikab, naobserbahan ng mga mananaliksik na ang mga pagkilos na gaya ng pag-iinat ay karaniwang may kaugnayan sa paghikab. Sinabi nila na ang mga galaw na ito ay “nagpapataas sa presyon ng dugo at nagpapabilis sa tibok ng puso, bukod pa sa nirerelaks nito ang mga kalamnan at kasukasuan.” Kapag pinipigilan natin ang paghikab sa pamamagitan ng pagtitiim ng ating mga panga, iniiwasan natin ang kasamang mga pakinabang nito. Sa gayon, inirerekomenda ng pangkat ng mananaliksik na kung ipinahihintulot ng mga kalagayan, dapat nating “banatin nang natural ang mga kalamnan natin sa panga at mukha” kapag naghihikab. Malay mo​—ang lubos na paghikab ay makapagpapaganda sa iyong araw!

Mapupulang Beri na Panlaban sa Impeksiyon

“Matagal nang kilala ang katas ng mapulang beri,” ang sabi ng The Times ng London. “Ito’y may magandang reputasyon bilang isang gamot at inumin ng mga Katutubong Amerikano [at] ginagamit noon ng mga magdaragat na Amerikano na panlaban sa iskerbi.” Palibhasa’y sagana sa bitamina C at mga antioxidant, “ang katas ng mapulang beri ay panlaban din sa mikrobyo, na nagpapangyari rito na lalong maging mabisa sa paglaban sa mga impeksiyon sa daanan ng ihi.” Subalit hindi ito dahil sa epekto ng katas sa pagiging maasido ng ihi, gaya ng iniisip noon. Sa halip, ang sabi ng The Times, ito ay dahil sa mga substansiya sa katas na “humahadlang sa baktiryang E. coli [ang sanhi ng karamihan ng mga impeksiyon, kasali na ang cystitis] na dumikit sa pinakadingding ng daanan ng ihi, kaya ang baktirya ay naaalis bago pa man magkaroon ng impeksiyon.” Natuklasan din ng mga mananaliksik na nababawasan ng katas ng mapulang beri ang mga sakit sa gilagid.

Proteksiyon sa Utak ng mga Inaatake sa Puso

“Ang pagpapalamig sa temperatura ng katawan ng mga pasyenteng inatake sa puso kahit man lamang ng ilang digri ay nakababawas nang malaki sa panganib na mapinsala ang kanilang utak sa dakong huli at sa kamatayan, ayon sa dalawang mahalagang pagkatuklas,” ang sabi ng isang ulat sa pahayagang Toronto Star ng Canada. Natuklasan ng isang pag-aaral na kinabibilangan ng limang bansa sa Europa at ng isa pa na kabilang naman ang Australia na ang medyo malamig na temperatura ay nagbunga ng mas mabuting paggaling para sa mga pasyente may kaugnayan sa neurolohikal at intelektuwal na kakayahan. Pinababa nang hanggang 33 digri Celsius [90 digri Fahrenheit] sa loob ng 12 hanggang 24 na oras ang temperatura ng katawan ng mga inatake sa puso na nasa coma nang ipasok sila sa ospital, na ginamitan ng malamig na hangin at mga supot ng yelo. Ayon sa espesyalista sa puso na si Beth Abramson, ang mura at simpleng teknolohiya ng paggamot na ito ay nakababawas sa “pangangailangan ng utak para sa oksiheno samantalang hinahadlangan ang kemikal na proseso na pumapatay sa mga selula ng utak,” ang sabi ng Star. “Waring gayon na lamang kabisa ang paraan ng pagpapalamig anupat inirerekomenda ng mga doktor sa Canada, Estados Unidos, Australia at Europa na gawing pangkaraniwang paraan ang paggamot na ito para lunasan ang mga pasyenteng inatake sa puso na dinadala sa ospital.”

Ipinagbabawal ang mga Batang Sundalo

“Isang kasunduan na nagbabawal sa paggamit ng mga batang sundalo ang ipinatutupad sa ngayon, anupat pinanagumpay ang sampung taóng pagsisikap sa buong daigdig para sugpuin ang isa sa malalaking dahilan ng paglabag sa mga karapatang pantao sa mundo,” ang sabi ng press release ng United Nations na may petsang Pebrero 12, 2002. “Pinagtibay” ng Optional Protocol, na nilagdaan ng 96 na bansa, “na walang sinuman na wala pang 18 ang edad ang isasailalim sa sapilitang pangangalap upang makabilang nang pirmihan sa sandatahang lakas, at ipinag-utos nito na tungkulin ng Estado na itaas nang hanggang mga 16 anyos ang edad ng pinakabata para sa boluntaryong pangangalap.” Tinataya na “kalahating milyong bata ang naglilingkod sa kasalukuyan sa mga sandatahang lakas ng gobyerno, tulad-hukbong mga organisasyon at armadong mga grupo sa 85 bansa sa buong mundo; mahigit sa 300,000 sa mga ito ay aktibong nakikipaglaban sa mahigit na 35 bansa.” Ayon sa Web page na UN News Service, karamihan sa mga batang ito ay dinukot at “binubugbog o pinapatay kung sila ay nagtatangkang tumakas. Lalo nang kaawa-awa ang mga batang babae dahil sa malimit silang pagsamantalahan.”

Paraan ng Paggamot at ang mga May-edad Na

“Ang mga taong mahigit na 60 anyos ay umiinom sa katamtaman ng tatlong iba’t ibang gamot, tatlong ulit na kasindami ng iniinom ng mas nakababatang mga pasyente,” ang sabi ng magasing pambalita na Der Spiegel ng Alemanya. “Gayunman, ang panganib ng interaksiyon [ng gamot], at ang ibinubungang masasamang epekto, ay mabilis na tumataas kasabay ng dami ng iniinom na gamot.” Ang isa pang posibleng komplikasyon ay na ‘malimit na hindi naisasaalang-alang ng doktor ng pamilya ang paghina ng bato sa pagtanda.’ Ang resulta ay naiipon ang mga gamot sa katawan. Kaya naman, “ang tamang dosis para sa isang 40-anyos ay makalalason sa isang 70-anyos,” ang paliwanag ng Der Spiegel. “Pinalalala pa ng maraming matatanda ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng hindi pag-inom ng sapat na tubig.” Sinabi pa ng ulat na maging ang pagkatuyo ng tubig sa katawan ay maaaring magdulot ng masasamang epekto na nakakatulad sa mga gamot na pamatay-kirot, pampakalma, at panlaban sa pagtaas ng presyon ng dugo. Kasali sa mga sintomas ang pagkalito, pagkahibang, at pagkaliyo, na kalimitang sinasabing bahagi ng pagtanda.

Nakamamatay na “Ecstasy”

Siyam sa 10 katao na nagpupunta sa magdamagang sayawan na tinatawag na mga rave ay gumagamit ng drogang may amphetamine na kilala bilang ecstasy, ang ulat ng pahayagang El País sa Espanya. Kamakailan, dalawang kabataan ang namatay dahil sa sobrang dosis ng ecstasy sa isang rave sa Espanya. “Lagi kang inaalukan ng droga,” ang naaalaala ng isang kaibigan ng namatay. Bakit ginagamit ng mga kabataan ang drogang ito? Dahil sa panggigipit ng mga kasamahan at pansamantalang pakiramdam ng pagiging palakaibigan at paghanga sa sarili na idinudulot ng ecstasy. Malimit na inihahalo ng mga kabataan ang ecstasy sa mga drogang gaya ng hashish at cocaine o sa alak, na pawang nagpapalubha sa mapanganib na mga epekto nito. Bukod pa sa pagkawala ng memorya at panlulumo, makapagdudulot ang ecstasy ng ‘problema sa palahingahan, pagdurugo ng utak at ng kamatayan pa nga,’ ang babala ng National Antidrug Program ng Espanya.

Pagmumura sa Lugar ng Trabaho

Ang kalapastanganan ay nagiging pangkaraniwan na sa maraming lugar ng trabaho, ang ulat ng The Gazette ng Montreal, Canada. Iginigiit ng ilang eksperto na nakadaragdag sa kaigtingan ang pagmumura sa lugar ng trabaho. Sinabi ni Karen Harlos, isang propesor hinggil sa paggawi sa kompanya sa McGill University: “Kung bahagi ng di-kaayaayang kritisismo ang kalapastanganan, may masamang epekto ito sa kalidad ng trabaho, paggalang sa sarili o kalusugan ng isang empleado.” Ayon sa pahayagan, “malimit na ang amo ang nagiging halimbawa” sa lugar ng trabaho, na sinusunod naman ng iba. Kung nababagabag ka ng pagmumura sa lugar ng iyong trabaho, iminumungkahi ng The Gazette na lapitan mo muna “ang taong iniisip mong hindi kumikilos nang kanais-nais at magalang na hilingin sa kaniya na huwag magmura sa iyong harapan.”

Mabuting Ehersisyo ang Gawaing-Bahay

Maaari bang uriin ang pagba-vacuum, paglilinis ng bintana, at pagtutulak ng stroller ng bata bilang mabuting ehersisyo? Ang sagot ay oo, ayon sa pinakahuling pag-aaral na isinagawa ng University of Queensland, Australia. Binigkisan ng mga mananaliksik ng pang-analisa ng hangin ang pitong ina na may mga anak na wala pang limang taong gulang upang sukatin ang nalalanghap nilang oksiheno sa panahon ng kanilang pang-araw-araw na rutin, ang paliwanag ng isang ulat sa The Canberra Times. Ayon sa mga mananaliksik, “ipinahihiwatig ng mga pagsusuri na ang ilang gawaing nauugnay sa mga trabaho sa loob ng bahay ay ipinagawa na may sapat na bigat para makabuti sa kalusugan.” Natuklasan ni Propesor Wendy Brown na “ang gawaing-bahay ng kababaihan ay halos katumbas ng pag-eehersisyo na katamtaman ang bigat gaya ng mabilis na paglalakad, pagbibisikleta o paglangoy,” ang sabi ng ulat. “Panimulang pananaliksik lamang ito,” ang sabi ni Brown, “pero hindi mo maituturing na hindi aktibo ang mga babae na abalang-abala sa gawaing-bahay sa buong maghapon.”

Pinatitibay ng mga Ipa ang Kongkreto

“Inihuhula ng mga mananaliksik ang isang malaking pagbabago sa industriya ng pagtatayo,” ang sabi ng Jornal da USP ng Brazil, na may “mga istraktura na mas tumatagal at mas matibay sa klima at mga kalagayan sa kapaligiran. Posible ito dahil sa bagong semento na naimbento ng mga mananaliksik sa School of Engineering of the University of São Paulo” sa Brazil. Pinaghalo ng mga siyentipiko ang silica na nakuha mula sa abo ng ipa at ang pangkaraniwang semento upang makagawa ng pinung-pino at mataas na klaseng produkto. Ang nagawang kongkreto ay siksik, mas tumatagal sa polusyon at elemento ng kapaligiran, at tatlo o hanggang apat na ulit na mas matibay kaysa sa pangkaraniwang kongkreto. Kaya nababawasan nila ang sukat ng haligi nang hanggang 30 porsiyento, “subalit kung ihahambing ang tibay, [at] ang resulta ay magiging: mas malaking espasyo, mas magaan na istraktura, mas maikling panahon sa pagtatayo, mas mababang gastos sa mga kasangkapan sa pagtatayo, mas kaunting trabaho,” ang sabi ng Jornal da USP. Sa buong daigdig, halos 80 milyong tonelada ng ipa ang nakukuha taun-taon, anupat nailalaan nito ang 3.2 milyong tonelada ng silica.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share