Ang Paghikab ng mga Hayop
Kapag may isang taong humikab sa publiko, iisipin ng mga tao na siya’y walang galang—o sa paano man totoong bagot na bagot. Bagaman may mga alituntunin sa etika, ang paghikab ay talagang may mahalagang layunin. Ang paghikab ay isang di-sinasadyang paglanghap ng hangin. Karaniwan tayong naghihikab sa gabi kapag tayo’y pagod sa maghapong mga gawain o sa umaga pagkagising natin. Ang malalim na paghihikab ay nagdaragdag ng suplay natin ng oksiheno at panandaliang makapagpaparepresko sa atin; malimit na ito’y bahagi ng paggising.
Subalit alam mo ba na ang mga hayop ay naghihikab din, bagaman hindi laging para sa pagkakaroon ng mas mabuting hangin? Ang dahilan kung bakit gayon ang ginagawa ng mga ito ay malimit na kahanga-hanga. Halimbawa, ang mga unggoy kung minsan ay naghihikab upang ihatid ang isang mensahe. Ang bukang-bukang bibig at labas na labas na mga ngipin ay isang paraan ng pagbibigay babala sa isang karibal na lalaking unggoy o isang magiging maninila. Ang mensahe: ‘Masakit akong kumagat. Lumayo ka!’
Naobserbahan din na ang mga pusang manininila sa kapatagan ng Aprika ay malimit na nag-iinat at humihikab bago ito manila. Katulad sa mga tao, ang hikab ng pusa ay may kinalaman lamang sa pisyolohiko—iyon ay pagkuha ng karagdagang hangin sa baga. Dinaragdagan nito ang oksiheno na nasa dugo. Pagkatapos ay ibinobomba naman ito ng puso sa ibang bahagi ng katawan, anupat naglalaan ng kagyat na enerhiya para sa maikli subalit matuling pagtakbo.
Aba, kahit na ang isda ay nasuri ring naghihikab! Sinasabi ng aklat na Inside the Animal World ang tungkol sa isda na kung minsan ay “naghihikab bilang panimula ng mabilis na pagkilos. . . . Ang isang isda ay naghihikab din kapag ito’y tuwang-tuwa o kapag ito’y nakakakita ng kalaban o nakakakita ng pagkain, lahat ng pagkakataon kapag kinakailangan ang mabilis na pagkilos.”
Marahil ang pinakakahanga-hangang paghikab sa lahat ay yaong sa hippopotamus, o Behemoth. Maibubuka ng dambuhalang nilalang na ito ang napakalaking tila yungib na bibig nito sa di-kapani-paniwalang laki na 150 digri! Naipapakita ng paghikab ng matandang hippo sa lahat sa languyan ng mga hippo kung sino ang pinakapanginoon. Nagsisilbi rin itong babala sa sinumang manghihimasok na mangangahas na pumasok nang walang pahintulot sa kaniyang teritoryo sa ilog.
Bagaman hindi ito dramatikong gaya ng pag-ungal ng leon, ang paghikab—maging ito man ay paghikab dahil sa pag-aantok, nagbababalang paghikab, o basta nagpapasiglang paghikab—ito’y may kapaki-pakinabang na layunin. Ito’y isa lamang sa maraming halimbawa ng kamangha-manghang pagkamapanlikha ng Disenyador ng daigdig ng mga hayop!