Pagmamasid sa Daigdig
Humihina ang Pagtitiwala sa Relihiyon
Sang-ayon sa isang Gallup surbey noong 1986, ang mga Amerikano ay may higit na pagtitiwala sa militar kaysa sa organisadong relihiyon, ulat ng The New York Times. Ang pagtitiwala sa militar ay ipinahiwatig ng 63 porsiyento niyaong mga kinapanayam, subalit 57 porsiyento lamang ang may tiwala sa relihiyon. Ipinakikita ng nahuling banggit na bilang ang 9-porsiyento pagbaba mula sa 66 porsiyento na nasurbey noong 1985 na may tiwala sa relihiyon. Bakit ang malaking pagbabago sa pagtitiwala ng publiko? Iniuulat ng The Times na si Andrew Kohut, presidente ng organisasyong Gallup, “ay may palagay na ang pagbaba ay bunga ng lubhang pagkasangkot ng mga simbahan sa kontrobersiyal na mga isyu.” Sabi niya: “Higit at higit, ang relihiyosong mga tao at mga institusyon ay naging kontrobersiyal at higit na pulitikal.”
Kumain Ka ng Oatmeal!
Sabi ng nanay mo ito ay mabuti sa iyo, kaya, sa ayaw mo’t sa gusto, kinain mo ito. Tama ba siya? Ipinakikita ng bagong pananaliksik na maliwanag na siya’y tama. Nasumpungan ng mga siyentipiko na sa pagdaragdag ng kaunting oatmeal sa pagkaing mababa-sa-taba, naranasan ng mga taong kinukontrol ang kanilang kinakaing taba ang mas malaking pagbaba ng mga antas ng kolesterol. Nag-uulat tungkol sa mga resulta ng isang pag-aaral na kinabibilangan ng 208 mga pasyente, ang Journal of the American Dietetic Association ay nagsabi na pagkalipas ng anim na linggong pagkain ng mga pagkaing mababa sa taba, ang kolesterol ay nabawasan ng 5.2 porsiyento. Gayunman, ang pagdaragdag ng oats sa anim-na-linggong diyetang iyon ay nagdala ng karagdagang 2.7-porsiyento kabawasan para roon sa mga gumagamit ng oat bran at isang 3.3-porsiyentong kabawasan para sa mga kumakain ng oatmeal.
Higit pang mga Panganib sa Dugo
Ang inimbak na dugo ay may panganib na mahawa ng fungus na galing sa mga sisidlang plastik. Ito’y natuklasan kamakailan sa Brazil nang ang National Secretariat of Sanitary Vigilance ay gumawa ng mga hakbang upang ihinto ang produksiyon ng mga sisidlang plastik dahil sa kakulangan ng kalinisan, asepsya, at pagkontrol ng kalidad sa bahagi ng mga tagagawa. Ang pagkilos ng pamahalaan ay ipinalagay na angkop at matagal na sanang isinagawa. Ang pangulo ng Secretariat, si G. Luiz Felipe Moreira Lima, ay nagtanong: “Paano nangyari na sa nilakad-lakad ng panahon ay walang nakatuklas nito?” Walang nakakaalam kung ilang libong mga tao ang nasalinan ng dugo na nahawaan ng fungus.
Pambihirang mga Hakbang
Ang takot sa AIDS ay umakay sa ilang bago at pambihirang mga hakbang upang mahadlangan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit sa Italya. Ang La Tribuna, isang pahayagang Italyano, ay nag-uulat na ang mga patutot sa Pordenone at Treviso ay binigyan ng nilimbag na mga pulyeto na malinaw na ipinaliliwanag kung paano maiiwasan ang AIDS na nakukuha sa pagsisiping. Gayunman, ang pulyetong ito na inilathala ng Komite para sa Karapatang Sibil ng mga Patutot, ay hindi nilayon para sa kanilang gamit kundi para sa gamit ng magiging mga kliyente na baka potensiyal na mga tagapagdala ng sakit. Ipinaliliwanag ng pulyeto na ang patutot ang natatakot na mahawa ng sakit at siyang tatanggi sa kliyente kung hindi isasagawa ang angkop na mga hakbang na pananggalang. Ang mga kaso ng AIDS sa Italya ay dumudoble tuwing ikawalong buwan.
Ang Polusyon ay Pumapatay
Halos 30 toneladang mga kemikal mula sa isang Suisong planta ng kemikal ang di-sinasadyang naitapon sa Ilog Rhine noong Nobyembre. Iniulat ng International Herald Tribune na tinatayang 500,000 isda na 34 na iba’t ibang klase ang namatay. Ngunit ang pinsala ay hindi limitado sa mga isda. Sang-ayon sa pahayagang Pranses na Le Figaro, maraming ibon sa tubig ang namatay bunga ng mga lason sa tubig. “Dose-dosenang patay na mga tagak at mga grebe (lumalangoy at sumisisid na ibon) ang nadampot. Ang sumisisid na mga pato na kumakain ng mga suso ay nalason, pati na ang mga sisne na kumakain ng mga halaman. Lahat ng ito ay nagpapatunay na apektado ng polusyon ang kalikasan sa lahat ng antas.” Tinataya na kakailanganin ang sampung taon upang ang Rhine ay makapanumbalik sa ekolohikal na pagkakatimbang nito.
Ginagaya ang Karahasan sa TV
Ang Shaka Zulu, isang kontrobersiyal na serye sa telebisyon, ay nagpangyaring muling mabuhay ang mga kaarawan ng sibat at kalasag sa mga kabataan ng Timog Aprika, sabi ng isang artikulo na lumitaw sa isang suplemento ng Natal Witness, isang pahayagan sa Timog Aprika. “Kapuwa ang itim at puting mga batang lalaki—at mga babae—ay naloloko sa bagong laro” na gayahin ang napapanood na serye sa telebisyon na Shaka Zulu. “Bago pa ito naipalabas sa telebisyon, ang mga bata ay naglalaro na . . . ng mga larong mararahas,” paliwanag ni Khaba Mkhize, awtor ng artikulo, subalit ngayon “mga pangkat ng mga kabataang lalaki at mga babae ‘ay sumasalakay’ sa isa’t isa taglay ang kunwaring mga sibat at mga kalasag na karton na gaya ng ginagawa ng mga artista.” Ang resulta ay ang dumaraming talaan ng mga taong napinsala. Tungkol sa mga epekto ng karahasan sa TV sa mga kabataan sa ngayon, ganito ang sabi ng isang opisyal: “Habang sila’y nagsisilaki tungo sa pagkamaygulang sila ay masasanay na maging mga Shaka at mga Rambo ng lipunan.”
Gastos sa Kalusugan ng mga Mang-iinom
“Halos 10% ng badyet sa pangangalaga ng kalusugan ng Ontario” na halos $10 bilyong (Canadiano) ay nauugnay sa alkohol, ulat ng pahayagan sa Canada na The Journal, inilathala ng Addiction Research Foundation. Ang iba pang iniulat na mga estadistika ay: 84 porsiyento ng mga taga-Ontario ay manaka-nakang umiinom, at 49 porsiyento ng lahat ng mga mang-iinom ay umiinom ng “lima o higit pang mga inumin sa isang upuan,” na ang daming ito ay “nakapipinsala sa pisikal, sosyal, o mental na kagalingan, o lahat ng tatlo.” Ang nakalulungkot na estadistika ay na sa loob ng dalawang taon “6,300 mga kamatayan sa Ontario—halos 10% ng lahat ng kamatayan—ay nauugnay sa alkohol,” hinuha ng artikulo.
Napakabilis
Sa Pederal na Republika ng Alemanya, mga 23,000 manggagawa sa pagpapanatili ng mga kalye ang nagreklamo tungkol sa iresponsableng mga tsuper. “Ang mga tsuper ay humaharurot ng takbo sa mga lugar na kung saan ginagawa ang mga kalsada sa bilis na 170 km (105 mi) isang oras nang hindi nag-iintindi kung ano ang maaaring mangyari,” sabi ni Josef Hilgers, tagapangulo ng kanilang samahan, sa Cologne. Sampung mga manggagawa ang namatay noong nakaraang taon at ilang dosena ang napinsala, ulat ng Süddeutsche Zeitung. Ito, pati na ang iba pang mga panganib, gaya ng matataas na antas ng ingay at polusyon ng hangin, ay nakahahadlang sa lahat halos ng mga manggagawa na manatili hanggang sa edad ng pagretiro.
Sumasang-ayon din ang iba pang mga bansa sa Europa na ang mabilis na pagmamaneho ay isang malubhang problema. Isang bagong batas sa Italya ang nagtatakda ng multang $575 (U.S.) para sa mga motorista at humigit-kumulang $1,150 para sa mga tsuper ng trak na lumalampas ng mahigit na 10 km (6 mi) bawat oras sa itinakdang bilis!
Ledyer ng Krimen
Ang etika ng isang 46-anyos na lalaking walang tirahan na nadakip dahil sa pagsakay sa isang ninakaw na bisikleta ay nakalito sa pulisya ng Tokyo. Ang kaniyang tila maliit na kasalanan ay biglang lumaki nang matuklasan ng mga pulis ang dalawang kuwaderno na dala-dala ng lalaki. Sabi ng Asahi Evening News na ang mga kuwaderno ay “lubhang detalyado at maingat na isinulat” ng magnanakaw mismo at itinala ang mga 100 pagnanakaw na kumita ng mahigit 1.5 milyong yen ($9,400, U.S.). Ipinaliliwanag ang dahilan ng pagtatala niya ng kaniyang mga krimen, sabi niya: “Nang ako’y mahuli noon, hindi ko matandaan ang lahat ng mga detalye ng kung ano ang nagawa ko at nakasagabal sa mga opisyal ng pulisya na namamahala. Isinumpa ko, doon at noon, na hinding-hindi ko hahayaang mangyari iyon muli.”
Ang mga Matatanda ng Alemanya
Marami pa bang nabubuhay na mga tao na ipinanganak bago 1914? Bagaman ang kanilang bilang ay umuunti, isaalang-alang ang mga bilang mula lamang sa isang bansa sa Europa. Ang Kanlurang Alemanya ay mayroong 1.8 milyong mga tao na mahigit 80 anyos at 146,000 na mahigit 90, ayon sa isang pag-aaral noong 1986 ni Propesor Ursula Lehr at inilathala sa magasing Aleman na Aktiver Lebensabend.
Panlaban sa Impeksiyon
Bakit mabisa ang katas ng cranberry sa paglaban sa mga impeksiyon sa daanan ng ihi? Si Dr. Kathryn Schrotenboer, sumusulat sa Family Circle, ay nagpapaliwanag na dating ipinalalagay na ang pangunahing epekto ay upang pigilin ang pagdami ng baktirya sa pamamagitan ng paggawang-asido sa ihi. Gayunman, ipinakikita ng mga pag-aaral sa Youngstown State University sa Ohio na, karagdagan pa, aktuwal na hinahadlangan nito ang baktirya na dumikit mismo sa himaymay sa daanan ng ihi. Bagaman ang mga katangian nito sa pagpapagaling ay hindi kasimbisa ng mga antibiotic sa mga kaso ng grabeng impeksiyon, ang microbiologist na si A. E. Sobota ay nagsasabi na ang pag-inom ng 12 hanggang 15 onsa (0.3 hanggang 0.4 L) ng katas araw-araw ay tutulong na “palabasin” ang baktirya sa ihi. Bilang pagsuporta sa mga tuklas ni Sobota, iminungkahi ni Dr. Schrotenboer na ang pag-inom ng dalawa o tatlong baso ng katas ng cranberry isang araw ay “maaaring mag-alis ng paulit-ulit na mga pag-atake ng cystitis o pamamaga ng pantog.”