Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 4/8 kab. 6 p. 25-28
  • Mapagbantay sa Panahon ng “Katapusan ng Sistema ng mga Bagay”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mapagbantay sa Panahon ng “Katapusan ng Sistema ng mga Bagay”
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Epekto ng Liwanag ng Ilawan sa Hatinggabi
  • Nakatutulong na mga Kasama ng mga Tagapagdala ng Liwanag
  • “At Isinara ang Pinto”
Gumising!—1987
g87 4/8 kab. 6 p. 25-28

Kabanata 6​—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”

Mapagbantay sa Panahon ng “Katapusan ng Sistema ng mga Bagay”

1. Bakit kailangan tayong manatiling nagbabantay?

TAYO ay napakalapit na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” subalit hindi natin “nalalaman ang araw o ang oras” kung kailan magwawakas ang panahon para sa nagliligtas-buhay na kaliwanagan. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus: “Manatili nga kayong nagbabantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.”​—Mateo 24:3; 25:13.

2. Anong malungkot na karanasan ang dapat iwasan?

2 Tunay ngang nakalulungkot sa isang tao kung dumating siyang huli sa lugar ng isang piging sa kasalan at masumpungang nakasara ang pinto. Gayunman iyan ang itinakdang mangyayari sa karamihan ng nag-aangking mga Kristiyano sa malapit na hinaharap. Inilarawan ito ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa mga pananalitang ito: “Pagkatapos ay nagsidating naman ang mga ibang dalaga, na nagsasabi, ‘Panginoon, panginoon, buksan mo kami!’ Bilang sagot ay sinabi niya, ‘Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Hindi ko kayo nakikilala.’”​—Mateo 25:11, 12.

3. (a) Ang taóng 1919 ay napatunayang isang panahon para sa ano? (b) Natustusan ba ng mga relihiyonista ng Sangkakristiyanuhan ang kinakailangang espirituwal na langis?

3 Sapol nang 1919 ang espirituwal na kaliwanagan ay maaaring makuha sa pamamagitan ng matatalinong dalaga sa tulong ng “langis” ng Salita at banal na espiritu ni Jehova, subalit sinisikap ng mga mangmang na bumili ng espirituwal na langis mula roon sa nasa Sangkakristiyanuhan na nagsasabing nagbibili nito. (Mateo 25:9) Gayunman, hindi taglay ng mga relihiyonista ng Sangkakristiyanuhan ang wastong uri ng langis. Hindi sila nakapagtustos ng liwanag tungkol sa pagkanaririto ni Jesu-Kristo bilang ang makalangit na Nobyo. Inaasahan nila na kapag sila ay namatay sila ay magtutungo karakaraka sa langit at sasalubungin siya, nang hindi nakikibahagi sa gawain ng pagbibigay-liwanag sa panahong ito ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.”

4. Hanggang sa ngayon, ano ang hindi nagawa niyaong inilalarawan ng mga dalagang mangmang, at bakit?

4 Sa kabilang dako, mayroon naman niyaong, katulad ng espirituwal na mga dalaga, ay napatunayang may reserba ng “langis” ng banal na espiritu at Salita ng Diyos para sa gawain ng pambuong-daigdig na pagbibigay-liwanag tungkol sa “kaharian” pagkatapos ng digmaan. (Mateo 24:14) Yaong inilalarawan ng mga dalagang mangmang sa talinghaga ni Jesus ay hindi nakikibahagi sa pagpapasikat ng liwanag sa mabuting balitang ito na may internasyonal na kahalagahan. Wala silang “langis” ng nagbibigay-liwanag na Salita ng Diyos at ng kaniyang banal na espiritu, at napansin ng Nobyong Hukom sa espirituwal na templo ang kakulangang ito sa kanilang bahagi. Ang kanilang mga puso ay wala sa gawain pagkatapos ng digmaan na karakarakang isinagawa noong 1919 ng uring mga dalagang Kristiyano na matalino sa pag-unawa kapuwa sa panahon at gawain.

5. Saan hindi nagkaroon ng bahagi ang mga dalagang mangmang na mahalaga sa kanilang pakikiisang-dibdib sa Nobyong Hari?

5 Sa paghiwalay sa mga nagtataguyod sa nakikitang organisasyon ni Jehova, ang mga mangmang ay hindi nakikibahagi sa pambuong-daigdig na pagpapatotoo sa Kaharian. Sa wakas ay nakamit nila ang “langis” ng relihiyosong kaliwanagan, subalit hindi ito ang wastong uri ng langis. Hindi ito magbibigay ng liwanag sa tamang pangyayari at sa tamang panahon. Kaya hindi nila ipinangangaral ang mensahe ng Kaharian at “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” (Isaias 61:1-3) Hindi nila ipinagbubunyi ang Nobyong Hari na gaya ng ginagawa ng pinahirang nalabi ng uring mga dalaga.

Epekto ng Liwanag ng Ilawan sa Hatinggabi

6, 7. (a) Ano ang nangyari noong kalagitnaang-1930’s na nagpapahiwatig na mayroong sapat na mga dalaga upang buuhin o kompletuhin ang pagiging membro sa uring kasintahang babae? (b) Ang pansin ay ibinaling sa anong uri na ngayo’y kinakailangang tipunin?

6 Noong kalagitnaang-1930’s, may naganap na mahalagang bagay. Ang nangyari ay nagpapahiwatig na ang pagiging membro ng espirituwal na kasintahang babae ng Kristo ay napunô na, na sa lupa ay mayroon nang sapat na inianak-sa-espiritung mga alagad ng Nobyo na pupunô sa bilang ng kaniyang makalangit na kasintahang babae.

7 Nang panahong iyon, noong 1935, ang pansin ay ibinaling sa isa pang uri ng tulad-tupang mga alagad ni Jesus. Ito ang uri na itinawag-pansin sa madla noong unang digmaang pandaigdig. Ito ay noong Pebrero 24, 1918, na isang pahayag tungkol sa paksang “Millions Now Living May Never Die” (Angaw-angaw na Nabubuhay Ngayon ay Maaaring Hindi Na Mamatay) ay ipinahayag sa isang nagtataka, malamang ay punô ng pag-aalinlangan, na mga tagapakinig. Sa 1935 na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C., isang positibong bagay ang ipinakilala tungkol sa pagtitipon sa angaw-angaw na “ibang tupa” na ito ni Kristo tungo sa iisang “kawan” sa ilalim ni Jesu-Kristo bilang ang “isang pastol.” (Juan 10:16) Ang pagkakakilanlan sa bahaging ito ng “ibang tupa” gaya ng inihula sa Apocalipsis 7:9-17 ay ipinakilala.

8. Sa anong obligasyon napasailalim ang matatalinong dalaga noong 1935, na hindi nila inaasahan?

8 Ang nalabi ng “munting kawan” ngayon ay nagkaroon ng obligasyon na simulan ang pagtitipon sa “malaking pulutong” na ito ng “ibang tupa.” (Lucas 12:32) Ito’y dahilan sa ang bilang ng matatalinong dalaga na bubuo sa kasintahang babae ni Jesus ay kompleto na. Subalit ang mga dalagang iyon ay hindi kaagad dinala sa langit. Sila ay kinakailangan pang tanggapin sa makalangit na silid ng handaan na iyon kapag natapos nila ang kanilang makalupang takbuhin bilang nag-iingat ng katapatan na mga saksi ng kanilang Diyos, si Jehova. Dahilan sa kanilang tapat na gawain na pagbibigay-liwanag hanggang noong 1935, sila ay inihatid tungo sa isang pantanging pribilehiyo na kailanman’y hindi nila inaasahan bago noong kalagitnaang-1930’s.

9. Ilan na lamang ang natitira sa matatalinong dalaga hanggang sa ngayon?

9 Mahigit na kalahating siglo na ang nakalipas sapol noong 1935, at sa loob ng mga taóng ito ang bilang ng uring matatalinong dalaga ay umuunti. Sa kabilang dako, ang gawaing pagpapatotoo ay lumaganap sa pambuong-daigdig na lawak, oo, sa mahigit na 200 iba’t ibang mga lupain. Sa kasalukuyan, ang bilang ng uring mga dalaga ay bumaba sa halos 9,000.

Nakatutulong na mga Kasama ng mga Tagapagdala ng Liwanag

10. Dahilan sa kalakihan ng gawain, nakatutugon ba ang nalabi ng matatalinong dalaga sa pangangailangan para sa mga manggagawa?

10 Ang pinahirang nalabi ng makasagisag na mga dalaga ay halos mawala na sa larawan dahilan sa mahigit na tatlong milyong mga mamamahayag ng Kaharian sa mahigit na 49,000 mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong globo. Paano nga mapangangasiwaan ng maliit na bilang ng pinahirang nalabi ang gawaing pagpapatotoo sa mahigit na 200 mga lupain kung saan naroroon ang libu-libong mga kongregasyong iyon? Hindi nga nila mapangangasiwaan ito.

11. (a) Ang pagkakakilanlan sa “tapat at maingat na alipin” ay nagpangyari upang maganap ang ano sa gitna niyaong nag-aangking mga dalaga? (b) Ano ang hindi nabatid ng uring “masamang alipin” na iyon dahilan sa kakulangan ng sapat na espirituwal na liwanag?

11 Mangyari pa, sila ay maka-Kasulatang naglilingkod sa inihulang tungkulin ng “tapat at maingat na alipin” na nasumpungang tapat ng Nobyong Panginoon sa kaniyang pagdating sa templo para sa paghatol. Doon nagsimula ang paghahati sa pagitan ng matatalinong dalaga at ng mga dalagang mangmang sa makasagisag na uring mga dalaga. Yaong mga itinuring na uring “masamang aliping iyon” ay hindi nagtataglay ng langis ng nagbibigay-liwanag na Salita ng Diyos at ng kaniyang banal na espiritu sa kanilang mga sisidlan upang pagdingasin ang kanilang mga ilawan. Kaya wala silang sapat na espirituwal na liwanag upang makilala ang “malaking pulutong” ng “ibang tupa,” na tinitipon na mula pa noong 1935 bilang bahagi ng “isang kawan.”​—Mateo 24:45-51.

12. Sino ang naging di-maihihiwalay na mga kasama ng nalabi ng uring kasintahang babae?

12 Mula noong Digmaang Pandaigdig II, ang katuparan ng hula ni Jesus sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay lalung-lalo ng dahilan sa bahaging isinasagawa ng “malaking pulutong” ng “ibang tupa.” Ang liwanag mula sa may dingas na mga ilawan ng nalabi ay nagbigay-liwanag sa mga mata ng kanilang mga puso, at sila’y natulungan na ipabanaag ang liwanag sa iba pa na nananatili sa kadiliman ng sanlibutang ito. (Ihambing ang Efeso 1:18.) Tinulungan nila ang angaw-angaw na mga maninirahan sa lupang ito na makilala ang pagkanaririto ng Nobyong Hari habang nalalapit ang araw ng kaniyang kasal sa kompletong uring kasintahang babae. Sila ay naging di-maihihiwalay na mga kasama ng nalabi ng uring kasintahang babae.

13, 14. (a) Anong kasiya-siyang katayuan kung tungkol sa mga kasama ng nalabi ang makasagisag na inilalarawan sa Apocalipsis 7:9, 10? (b) Ano ang karakarakang tugon sa paliwanag ng hulang iyan?

13 Mula noong 1935 masaya ang naging kalagayan ng mga kasamang ito ng nalabi ng uring kasintahang babae. Nagagalak sila hindi lamang dahil sa dakilang mga pribilehiyo na pinasok na ng nalabi kundi gayundin dahil sa pinagpalang mga pribilehiyo na doon sila mismo ay inaakay ng nalabi ng uring kasintahang babae.

14 Isang kahanga-hangang teksto ang naunawaan ng bayan ni Jehova sa Washington, D.C., na kombensiyon noong 1935, at inihula nito ang kasiya-siyang kalagayan para sa “malaking pulutong,” ang mga kasama ng nalabi. Masdan sila roon, “na nangakatayo sa harap ng trono [ng Diyos na Jehova] at sa harap ng Kordero, na nangakadamit ng mga puting kasuotan; at may [mga] sanga ng palma sa kanilang mga kamay”! Pakinggan kung ano ang malakas na isinisigaw nila para mapakinggan ng lahat: “Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero”! (Apocalipsis 7:9, 10) Sila ay nananampalataya na sa “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan,” at sa pamamagitan niya inialay nila ang kanilang mga sarili sa Diyos na Jehova at napabautismo bilang sagisag ng pag-aalay na iyan. (Juan 1:29) Aba, 840 sa kanila ang nabautismuhan pagkatapos mapakinggan ang paliwanag sa Apocalipsis 7:9-17 noong Biyernes, Mayo 31, 1935.

15. Mula noon, gaano karami pa ang nabautismuhan, at paano sila inilalarawan sa Apocalipsis 7:14-17?

15 Mahigit sa tatlong milyon ang gumawa ng gayundin mula noong kombensiyong iyon sa Washington noong 1935. Kaya sila ay inilalarawan na nangakadamit ng puting mga kasuotan dahilan sa nilabhan na nila ang mga ito sa lumilinis na dugo ng Kordero. At mayroon silang pag-asa na makaligtas sa malaking kapighatian na nasa unahan ng lahat ng daigdig ng sangkatauhan, na mayroong proteksiyon ng Diyos hanggang sa makatawid sa kapighatiang iyon. (Mateo 24:21, 22) Kaya, sila ay isinasadula na nasa espirituwal na templo ni Jehova at doo’y sumasamba sa kaniya kasama ng nalabi ng uring mga dalaga.​—Apocalipsis 7:14-17.

16. Kanino, kung gayon, iniuukol ang maraming-maraming salamat dahilan sa kanilang bahagi may kaugnayan sa pagtupad ng Mateo 24:14?

16 Kaya nga, maraming-maraming salamat sa internasyonal, maraming-wikang “malaking pulutong” dahil sa malaking bahagi na ginagampanan nila sa pagtupad sa hula ng Nobyo sa Mateo 24:14!

“At Isinara ang Pinto”

17. (a) Kailan isasara ang pinto sa mga kapistahan ng kasalan? (b) Ano ang kinakailangang gawin ngayon ng nalabi ng uring mga dalaga at ng “malaking pulutong” na kanilang mga kasama?

17 Kung kailan eksaktong papasok ang nalabi ng uring mga dalaga sa mga seremonya ng handaan sa kasalan, at saka isasara ang pinto, ay hindi alam. Subalit walang alinlangan na mas malapit na ito kaysa dati, at paubos na ang panahon! Angkop nga, kung gayon, winakasan ni Jesus ang talinghaga ng mga dalaga taglay ang nagbababalang mga salita: “Manatili nga kayong nagbabantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.”​—Mateo 25:13.

18. (a) Kanino ngayon iniuuri ng mga dalagang mangmang ang kanilang mga sarili? (b) Anong bahagi sa talinghaga ni Jesus ang malapit na nilang maranasan?

18 Sa kadahilanang ito ang mga dalagang mangmang ay daratnan na hindi handa. Sa paghiwalay nila sa matatalinong dalaga, sila ay naging bahagi ng hinatulang sanlibutang ito at inuuri ang kanilang sarili na kasama ng lahat ng iba pang mga relihiyonista na nasa pusikit na kadiliman sa buong lupa. Kaya nakatalagang maranasan nila kung ano ang inilarawan ng Nobyong si Jesu-Kristo sa mga pananalitang ito ng talinghaga: “Pagkatapos ay nagsidating naman ang mga ibang dalaga, na nagsasabi, ‘Panginoon, panginoon, buksan mo kami!’ Bilang sagot ay sinabi niya, ‘Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Hindi ko kayo nakikilala.’”​—Mateo 25:10-12.

19. Sino samakatuwid ang inilalarawan ng mga dalagang mangmang, at bakit sila iniuuri na kasama ng Babilonyang Dakila?

19 Kaya ang pinto sa piging ay hindi bubuksan para sa mga dalagang mangmang na iyon. Mainam na inilalarawan nila yaong sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay hindi makapapasok sa “kaharian ng langit.” (Mateo 24:3; 25:1) Dahilan sa panghahawakan sa kanilang piniling anyo ng relihiyon, gaya ng ipinakikita ng kanilang pagtungo sa pamilihan upang bumili ng ibang langis, sila ay inuuri na kasama ng Babilonyang Dakila.

20. (a) Nang makita ng mga dalagang mangmang ang “sampung sungay” ng “mabangis na hayop” na nagsisimulang bumaling laban sa Babilonyang Dakila, kanino sila babaling at ano ang kanilang sasabihin? (b) Bakit mararanasan nila gayunman ang pagkapuksa?

20 Kaya, kapag ang simbolikong “mabangis na hayop,” na sinasakyan ng relihiyosong patutot, ay bumaling laban sa kaniya taglay ang “sampung sungay” nito, daranasin din nila ang sinapit niya. (Apocalipsis 17:16) Kapag nakita ng gayong mga relihiyonista, na inilalarawan ng limang dalagang mangmang, ang pasimulang ito ng pagtanggi sa maka-Babilonyang relihiyon ng makapangyarihang mga puwersa ng pulitikal na elemento, sila ay babaling sa Nobyong Hari, sinasabi na sila ay uring “kaharian ng langit” at kinakailangang papasukin sa espirituwal na mga kapistahan ng kasalan na kasama ng matatalinong dalaga. Nakabibigla, ang isa na tinatawag nila bilang “Panginoon,” ang Nobyong si Jesu-Kristo, ay hindi sila kikilalanin na karapat-dapat tanggapin sa makalangit na Kaharian. At wala silang anumang bahagi sa pag-asa ng walang hanggang buhay sa lupa na kasama ng “malaking pulutong.” Kaya walang natitira para sa mangmang na mga relihiyonistang ito kundi ang pagkapuksa na kasama ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang Babilonyang Dakila!

21. (a) Dahilan sa nakatatakot na hinaharap na iyan, anong landasin ang isinasagawa ng matatalinong dalaga at ng kanilang mga kasama? (b) Anong mga pribilehiyo ng paglilingkod ang inaasahang tatamasahin ng mga membro ng “malaking pulutong”?

21 Anong nakatatakot na hinaharap para sa kanila! Nababatid ito, ang nalabi at ang karamihang tao na mga kasama nila ay patuloy na tinatalima ang payo ni Jesus na “manatili nga kayong nagbabantay.” Sila sa tuwina ay mapupunô ng banal na espiritu ng Diyos at walang takot na pasisikatin ang kanilang liwanag sa kaluwalhatian ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo. Bilang gantimpala, kagalakan ay tiyak na sasa-kanila! At makaprinsipeng mga puwesto sa “bagong lupa” ang naghihintay sa mga membro ng “malaking pulutong,” gaya ng itinalaga ng ikinasal na Nobyong Hari.​—Isaias 32:1; ihambing ang Awit 45:16.

22. (a) Ang katuparan ng talinghaga ng mga dalaga ay nagsisilbing katunayan ng anong bagay? (b) Sino ang magagalak sa kasalang ito ng Nobyong Hari at ng kaniyang kasintahang babae?

22 Kaya ang pinalawig na katuparang ito ng talinghaga ng sampung dalaga ay nagsisilbing isang katiyakan ng bagay na tayo ay nabubuhay sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Anong laki ng ating pasasalamat na tayo ay naliwanagan na makita ang katibayang ito ng pagkananalapit ng kasal ni Jesu-Kristo sa kaniyang kompletong uring kasintahang babae! Tungkol sa makalangit na kasalang ito, kapuwa ang langit at ang matuwid na “bagong lupa” ay magagalak nang hindi masabing katuwaan.​—Apocalipsis 19:6-9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share