Kabanata 5—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Kaliwanagan Para sa “Katapusan ng Sistema ng mga Bagay”
1. Para sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito, anong kapansin-pansing kasalan ang inihula ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” at sa anong talinghaga?
TUNGKOL sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa Mateo 24:38 na magkakaroon ng “mga lalaking nag-aasawa at pinag-aasawa naman ang mga babae.” Subalit kasabay ng panahong iyan, sa langit ay nagsisimula ang en grandeng kasalan sa lahat. Ito ang kasalan na tinukoy sa ilustrasyon ni Jesus ng sampung tagapagdala ng ilawan, ang sampung dalaga.—Mateo 24:3; 25:1-12.
2. (a) Sa anong panahon ng araw nagaganap ang matalinghagang kasalang ito? (b) Ano ang kasunod ng kasalan, at paano inilalaan ang liwanag?
2 Ang tanawin ng kasalang ito ay sa Gitnang Silangan. Ito ay nagaganap sa dakong huli ng gabi, hanggang sa hatinggabi. Una muna’y ang kasal ng kasintahang babae at ng kaniyang nobyo at sinusundan ito ng isang prusisyon tungo sa bahay na pinagdarausan ng piging. Ang daanan ay hindi naiilawan ng mga ilawan o lampara sa kalye. Ang liwanag ay inilalaan niyaong mga nakikibahagi sa masayang prusisyon, at maaaring pagmasdan ng mga manonood ang prusisyon, binabati ang mga bagong kasal ng kaligayahan.
3, 4. (a) Sino ang interesado sa kasunod na prusisyon, at taglay ang anong mga paghahanda? (b) Ang katuparan ng talinghagang ito ay nakadaragdag ng katibayan sa anong katotohanan? (c) Tayo ay maaaring maging maligaya kung gagawin natin ang ano?
3 Totoo sa kanilang pambabaing hilig, ang mga dalaga ay interesado sa kasalan. Kaya, sa kahabaan ng linya ng prusisyon, ang sampung dalaga ay naghihintay hanggang sa ang prusisyon ng kasal ay dumating sa kanilang kinaroroonan. Nais nilang maging maliwanag ang okasyon, at sa kadahilanang ito lahat sila ay nagdala ng ilawan o lampara, subalit lima lamang sa kanila ang may reserbang panustos na langis. Ang limang ito ay matatalinong dalaga. Ang katuparan ng talinghagang ito ay dapat na magkainteres sa atin sa ngayon, sapagkat sang-ayon kay Jesu-Kristo, tinitiyak pa nito na tayo ay nasa katapusan ng matandang sistemang ito.—Mateo 25:13.
4 Tayo ay maaaring maging maligaya kung tayo ay matalino at nauunawaan natin ang katuparan ng kasalan ng mga kasalang ito at ang mga tampok na kasama nito! Sino sa ngayon ang may pagsang-ayon na tinatanggap sa piging? Ang sinuman ba sa atin? Tingnan natin!
5. Ano ang gumawa ng pagkakaiba sa gitna niyaong bumubuo ng sampung dalaga, at ano ang nangyari sa pagtatagal ng nobyo?
5 Ang ilustrasyon na ibinigay ni Jesus tungkol sa sampung dalaga ay may kaugnayan sa “kaharian ng langit,” ang pandaigdig na pamahalaan sa ikapagpapala ng lahat ng sangkatauhan. Kaya si Jesu-Kristo ay nagpatuloy sa pagsasabi: “Ang kaharian ng langit ay makakatulad sa sampung dalaga na kumuha ng kanilang mga ilawan at nagsilabas upang salubungin ang nobyo. Ang lima sa kanila’y mga mangmang, at ang lima’y matatalino. Sapagkat nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan ay hindi sila nagdala ng langis, datapuwat ang matatalino ay nagdala ng langis sa kanilang sisidlan kasama ng kanilang mga ilawan. Samantalang nagtatagal ang nobyo, silang lahat ay nag-antok at nakatulog.”—Mateo 25:1-5.
6. (a) Sino ang inilalarawan ng sampung dalaga? (b) Bakit ang kasintahang babae ay hindi binabanggit sa talinghaga?
6 Ngayon sino ang inilalarawan ng sampung dalagang iyon? Inilalarawan nila ang magiging mga membro ng kasintahang babae ng espirituwal na Nobyo, si Jesu-Kristo. Walang alinlangan na sa kadahilanang ito ang kasintahang babae ay hindi binabanggit sa ilustrasyon ni Jesus; ang nobyo lamang ang lumilitaw. Kaya, walang kalituhan kung tungkol sa paliwanag, na para bagang ang mga dalaga ay lumalarawan sa isa pang uri.
7. Sa anong yugto ng panahon waring nagtatagal ang Nobyo sa pagdating sa kasintahang babae, at bakit?
7 Ang pag-iisang dibdib ng magiging mga membro ng uring kasintahang babae sa kanilang makalangit na Nobyo ay hindi naganap, gaya ng inaasahan, sa pagtatapos ng “itinakdang panahon ng mga bansa” noong 1914. (Lucas 21:24) Makatuwiran kung gayon, sa kanila wari bang ang Nobyo ay nagtatagal sa kaniyang pagdating, bagaman ang kaniyang pagkanaririto sa kaniyang makalangit na Kaharian ay nangyari noong 1914. Yaong mapanglaw na mga taon ng Digmaang Pandaigdig I ay napatunayang gaya ng napakadilim na gabi sa karanasan ng uring mga dalaga.
8. (a) Sa makasagisag na pananalita, paano nangyari ang pag-aantok at pagkatulog sa bahagi ng mga dalaga? (b) Sa anong layunin dumating ang Nobyo sa templo, at bakit may kaugnayan ito sa uring kasintahang babae?
8 Sa makasagisag na pananalita, ang pag-aantok at pagkatulog sa bahagi ng mga dalaga ay nangyari. Ang pangangaral sa madla ng mabuting balita tungkol sa dumarating na sanlibong taóng paghahari ni Kristo sa ikapagpapala ng lahat ng sangkatauhan ay totoong huminto. Mula sa huling taon ng Digmaang Pandaigdig I, isang napakahalagang yugto ng paghatol ang nagsimula para roon sa makasagisag na mga dalaga. Ito’y dahilan sa ang nagpupunong Haring Jesu-Kristo ay dumating sa espirituwal na templo. Sa pagdating niya roon, sinimulan niya ang paghatol upang linisin yaong hinirang na maglingkod sa templo ng Diyos na Jehova. (Malakias 3:1-3) Ito ang panahon para sa kaniyang pagpapakita kung kailan, bilang ang makalangit na Nobyo, nakatakdang tanggapin niya sa kaniyang sarili sa langit ang sinang-ayunang mga membro ng uring kasintahang babae na nangamatay na noon.
9. Kailan naging panahon para sa uring mga dalaga na magising mula sa kawalang-gawa, at bakit?
9 Noong 1919, kasunod ng pagpapalaya sa walong prominenteng mga membro ng Watch Tower Bible and Tract Society mula sa di-makatuwirang pagkabilanggo, ito na ang itinakdang panahon para sa mga uring dalaga na nabubuhay pa sa lupa na gumising sa kanilang pagkatulog ng kawalang-gawa. Ang gawain ng pambuong-daigdig na pagbibigay-liwanag ay nasa unahan. Panahon na ito para sa kanila, taglay ang may ningas na mga ilawan, na salubungin ang Nobyo, na dumating sa espirituwal na templo. Ito’y upang ang mga tao mula sa lahat ng mga bansa ay magsihugos sa “bahay ni Jehova” na itinaas sa tuktok ng mga bundok, wika nga.—Isaias 2:1-4.
Pag-aayos ng Kanilang mga Ilawan
10. Ano ang inilalarawan ng langis na hinango mula sa mga sisidlan ng matatalinong dalaga?
10 Ang matatalino ng uring mga dalaga ay nagdala ng reserbang panustos na langis sa kanilang mga sisidlan. Hindi nila ipinagpaliban ang muling paglalagay ng langis sa kanilang mga ilawan. Ang langis para sa kaliwanagan ay lumalarawan sa nagbibigay-liwanag na Salita ni Jehova at sa kaniyang banal na espiritu. Kaya, ano ang inilarawan ng langis na hinango mula sa mga sisidlan ng matatalinong dalaga? Ang reserbang langis ng espiritu ni Jehova na nagbibigay liwanag sa kaniyang nasusulat na Salita na taglay mismo ng pinahirang nalabi ng inianak-sa-espiritung mga alagad ng Nobyo nang ang gawain ng pambuong-daigdig na pagbibigay-liwanag tungkol sa “kaharian ng langit” pagkatapos ng digmaan ay nakatakdang magsimula.
11. Ano ang makasagisag na mga sisidlan na naglalaman ng langis?
11 Ang mga sisidlan ay lumarawan sa makasagisag na matatalinong dalaga mismo bilang ang mga nagtataglay ng simbolikong langis ng kaliwanagan. Ito’y hindi nangangahulugan na ang uring mga dalaga ay una munang pinahiran ng espiritu ni Jehova. Hindi, hindi pinapahiran ng mga dalaga ang kanilang mga sarili ng kaniyang espiritu. Si Jehova ang gumagawa nito!—Isaias 61:1, 2; Lucas 4:16-21.
12. (a) Anong hula ni Joel ang nakatakdang matupad sa matatalinong dalaga? (b) Kailan dumating ang panahon para sa kanila na pasikatin ang liwanag sa pamamagitan ng kanilang mga ilawan?
12 Bilang pagtaguyod sa kanilang pagiging inatasan sa napakalaking gawain ng pandaigdig na pagbibigay-liwanag tungkol sa “kaharian ng langit,” ang matatalinong dalaga ay pinagpala ng katuparan ng Joel 2:28, 29 sa kanila. Ganito sinisipi ni apostol Pedro ang mga talatang iyon: “‘At mangyayari sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘na ibubuhos ko ang isang bahagi ng aking espiritu sa lahat ng uri ng laman, at ang iyong mga anak na lalaki at babae ay manghuhula at ang iyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain at ang iyong mga matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip.’” (Gawa 2:17) Kaya mula noong 1919 patuloy dinala ng matatalinong makasagisag na uring mga dalaga ang kanilang liwanag, ang kanilang makasagisag na mga ilawan—sa kanilang sarili. Ginawa nila ito upang ibahagi ang kaliwanagan sa lahat niyaong nasa espirituwal na kadiliman pa. Dahilan sa uri ng mga buhay na ipinamuhay nila sa ilalim ng impluwensiya ng Salita at espiritu ng Diyos, sila ay naging “mga ilaw sa sanlibutan.” (Filipos 2:15) Sa gayon sinunod nila ang mga yapak ng Nobyo habang siya’y naghahanda na tanggapin sa kaniyang sarili ang lahat ng mga membro ng uring kasintahang babae sa makalangit na Kaharian pagkatapos ng kamatayan nila sa lupa.—Mateo 5:14-16.
Mga Resulta ng Espirituwal na Kamangmangan
13. Paano tumugon ang matatalinong dalaga sa kahilingan ng mga dalagang mangmang?
13 Kumusta, naman, ang tungkol sa mga mangmang ng uring mga dalaga? Si Jesus ay nagpapatuloy sa pagsasabi: “Sinabi ng mga mangmang sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng kaunting langis, sapagkat mamamatay na ang aming mga ilawan.’ Sumagot ang matatalino, ‘Baka hindi magkasiya ito sa amin at sa inyo. Magsiparoon muna kayo sa nagbibili at magsibili kayo para sa inyo.’”—Mateo 25:8, 9.
14. Bakit ang mga dalagang tumangging ibahagi ang kanilang langis ay matalino sa halip na masakim?
14 Yaong mga tumangging bahaginan ang mga mangmang ay hindi masakim, matalino lamang. Sila’y nananatili sa pagsasagawa ng kanilang orihinal, may mabuting-hangad na layunin na gawing maliwanag ang madilim na mga kapaligiran alang-alang sa Nobyo. Hindi sila inuubligang magkompromiso, bawasan ang banal na espiritu ni Jehova na taglay nila upang pagbigyan yaong mga mangmang sa espirituwal na paraan. Hindi inihanda ng mga mangmang na iyon ang kanilang mga sarili na kaagad pumasok sa pribilehiyo ng paglilingkod na nabuksan sa kanila noong 1919.
15. (a) Nang magpasimula ang panahon ng kapayapaan, sino sa gitna ng uring mga dalaga ang nagpakita ng mga pagkahilig sa espirituwal na kamangmangan? (b) Bakit hindi natulungan ng matatalinong dalaga ang espirituwal na mga dalagang mangmang?
15 Nang magpasimula ang panahon ng kapayapaan, ang ilan sa mga nag-aangking nag-alay, bautismadong mga kasama ay nagpakita ng espirituwal na kamangmangan. Pagkamatay ng unang presidente ng Samahang Watch Tower, si Charles Taze Russell, hindi sila lubusang pumasok sa espiritu ng mga pag-unlad na kasama ng nakikitang instrumento ng Diyos na Jehova sa ilalim ng bagong presidente nito, si J. F. Rutherford. Ang kanilang mga puso ay talagang hindi kaayon sa paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Sila’y nagpakita ng kakulangan ng pagpapahalaga sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan. Kaya, hindi mahawaan o maibahagi niyaong tulad sa matatalinong dalaga ang tunay na espiritu ng taos-pusong pakikipagtulungan sa mga mangmang na ito na higit at higit na inilalayo ang kanilang mga sarili.
16. Paano nahalata ang espirituwal na kamangmangan sa bahagi ng mga dalagang mangmang?
16 Sa gayon ang espirituwal na kamangmangan ay nahalata. Papaano? Dahilan sa hindi pagtataglay ng simbolikong langis sa napakahalagang panahon kung kailan mayroong malaking pangangailangan para sa espirituwal na kaliwanagan samantalang nagkakaroon ng bagong mga pagsulong, na nagpapakita na ang Nobyo ay presente. Kaya panahon ito upang lumabas at salubungin siya na may maliwanag na nagdiringas na ilawan, sa makasagisag na pananalita. Subalit sa halip, yaong mga katulad ng mga dalagang mangmang, na ang mga ilawan ay namamatay, ay humiwalay sa matatalino.
17. Anong malaking kalugihan ang inilalarawan na dinanas ng mga dalagang mangmang, gaya ng ipinahihiwatig sa Mateo 25:10?
17 Anong laking pagkalugi nga kapag ang isa na nag-aangking kabilang sa uring mga dalaga ay hindi makasama sa hindi na mauulit na pribilehiyo at pagkakataon na pagsalubong sa espirituwal na Nobyo, si Jesu-Kristo! Gayong pagkalugi ang dinanas ng mga mangmang sa gitna ng makabagong-panahong mga dalaga, gaya ng ipinahihiwatig pa ng mga salita sa ilustrasyon ni Jesus: “At samantalang sila’y papunta sa pagbili, ang nobyo ay dumating, at ang mga dalagang nakahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pinto.”—Mateo 25:10.
18. (a) Sa anong pribilehiyo hindi nakikisama ang mga dalagang mangmang ng siglong ito? (b) Bakit ang mga mangmang ay napatunayang huling-huli sa pakikibahagi sa prusisyon ng kasalan at sa pagpasok sa piging?
18 Anong kalunus-lunos na karanasan ang naranasan ng makabagong-panahong mga dalagang mangmang! Sa pinakamadilim na panahong ito sa lahat ng kasaysayan ng tao, sila ay hindi nakibahagi sa gawain ng pagbibigay-liwanag doon sa mga nakaupo sa espirituwal na kadiliman at nasa lilim ng kamatayan sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”! (Apocalipsis 16:14) Walang langis sa kanilang makasagisag na mga ilawan upang gawing maliwanag ang kanilang landas, sila’y umalis at nagtungo sa kadiliman ng hatinggabi. Sa kadahilanang ito sila ay huling-huli sa panahon upang sundin ang mga yapak ng Nobyo sa masayang prusisyon hanggang sa pintuan at tungo sa maliwanag na naiilawang piging ng kasalan. Naiwala nila ang kanilang pagkakakilanlan bilang kaniyang mga tagasunod na nakahanay na ipakasal sa kaniya sa makalangit na Kaharian. Sila ay nasumpungang hindi “handa” sa itinalagang panahon. Anong nagbababalang halimbawa ang inilalaan nila!
19. Anong karanasan ang naghihintay sa atin sa pagpapatuloy tungkol sa bagay na ito hanggang sa wakas nito?
19 Ang masakit na katotohanang ito ay inilalarawang mainam sa pangwakas na bahagi ng ilustrasyong ibinigay ni Jesu-Kristo, ang Nobyo, lalo na sa atin na nabubuhay sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kaya ating ipagpatuloy pa ngayon ang tungkol sa bagay na ito! Ang nagbibigay-kagalakang kaliwanagan ay naghihintay sa atin sa paggawa ng gayon, gaya ng makikita natin sa susunod na kabanata.