Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Nagpakamatay ang Kapatid Ko? (Hunyo 2008) Limang taóng pinahirapan ng depresyon ang ate ko bago siya namatay. Kitang-kita ko ang kaniyang paghihirap, kaya naisip ko, ‘Kaawa-awa ang naging buhay niya!’ Pero iminungkahi ng artikulong ito ng Gumising! na ang dapat nating isipin ay ang masasayang alaala. Ganoon nga ang ginawa ko. Naisip kong hindi naman pala “kaawa-awa ang naging buhay” ng ate ko, kasi mas matagal naman ang panahong naging masaya siya kaysa noong panahong naghihirap siya.
S. Y., Hapon
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Walang Tiwala sa Akin ang mga Magulang Ko? (Abril 2008) Nang basahin ko po at ikapit ang mga simulain ng Bibliya mula sa Gumising!, natutuhan kong ang pagsulong tungo sa pagiging adulto at pagiging mapagkakatiwalaan ay parang baytang-baytang na pag-akyat ng hagdan, at hindi basta pagpasok lamang sa isang pinto. Para mabigyan ng higit pang kalayaan, kailangan ko pong patunayan sa mga magulang ko na mapagkakatiwalaan nila ako. Kaya tinatapos ko ang aking mga gawaing-bahay at ginagawa ang mga assignment sa eskuwela. Salamat po sa ganitong mga artikulo.
T. L., Estados Unidos
Buhay ng Isang May Albinismo (Hulyo 2008) Dahil may albinismo ako, natuwa ako nang makita ko ang artikulong ito. Pero hindi ko nagustuhan ang paulit-ulit na paggamit ng salitang “albino” sa artikulo. Ang salitang ito ay ginagamit ng mga tao para insultuhin ang mga taong may albinismo.
A. L., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Humihingi kami ng paumanhin sa mga mambabasa na nasaktan dahil sa paggamit namin ng salitang ito. Ginamit namin ang salitang “albino” batay sa pagkakagamit dito ng medisina. Pero totoo rin na may gumagamit ng salitang ito para insultuhin ang mga may ganitong kalagayan. Sa kabilang banda, tanggap ng maraming may albinismo ang salitang ito at hindi naman sila nasasaktan sa paggamit dito. Hinding-hindi namin intensiyong saktan ang sinuman.
Salamat sa paglalathala ng artikulong ito. Isa rin akong albino gaya ni John. Malaking bagay ang artikulong ito, lalo pa nga’t ito ay makatotohanan, nakapagtuturo, at may simpatiya. Ngayon, mas nauunawaan na ng mga kaibigan ko ang aking kalagayan.
T. M., Estados Unidos
Pag-ibig na Mas Matindi Pa sa Bagyo! (Agosto 2008) Ang mga artikulong gaya nito ay nagpapaalaala sa akin na imbis na mag-alala tungkol sa mangyayari sa hinaharap, dapat akong magtiwala sa Diyos. Tatlong taon na ang nakalilipas, nawasak ng baha ang bahay ng aking mga magulang na hindi Saksi ni Jehova. Nadama ko ang pag-ibig na pangkapatid nang saklolohan sila agad ng mga Saksi sa kanilang lugar. Salamat kay Jehova. Mabuti na lamang at bahagi ako ng kaniyang organisasyon.
D. W., Poland
Ang Kahanga-hangang Mais (Agosto 2008) Nagtanim kami ng mais. Pero nang anihin namin ito, napansin naming hindi pare-pareho ang laki ng mga butil. Mabuti na lang at nabasa namin ang artikulong ito. Nalaman namin kung bakit. Lima o anim na binhi lang pala kasi ang naipunla namin, kaya hindi nagkaroon ng tamang polinasyon, di-gaya ng nangyayari sa malaking taniman. Noong nakaraang taon, nang maingat na malagyan ng polen ang bawat hibla ng mais, nakapag-ani kami ng matatamis at masasarap na mais na pare-pareho ang laki ng mga butil. Maraming salamat sa inyo.
R. W., Hapon