Sekreto 6: Pagpapatawad
“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.”—Colosas 3:13.
Ano ito? Sa maligayang pamilya, natututo ang mag-asawa sa kanilang mga di-pagkakasundo; pero hindi nila binibilang ang mga pagkakamali ng isa’t isa at inuungkat ang mga ito para manumbat. Hindi nila sinasabing, “Lagi ka na lang huli” o “Kahit kailan, hindi mo ‘ko pinapakinggan.” Naniniwala silang isang “kagandahan . . . na palampasin ang pagsalansang.”—Kawikaan 19:11.
Bakit ito mahalaga? Ang Diyos ay “handang magpatawad,” pero ang tao, hindi palagi. (Awit 86:5) Kapag ang mag-asawa ay hindi nagpapatawaran, puwedeng magpatung-patong ang sama ng loob hanggang sa hindi na nila kayang magpatawad at wala na silang pakialam sa damdamin ng isa’t isa. Magkasama nga sila sa isang bubong, pero wala namang pagmamahalan.
Subukin ito. Tingnan ang mga litrato ninyong mag-asawa noong kayo’y bagong kasal o magkasintahan pa lang. Isipin ang damdamin mo noon para sa kaniya bago kayo nagkaproblema at tumabang ang inyong pagsasama. Alalahanin ang mga katangiang hinangaan mo sa kaniya.
◼ Anu-anong katangian ang gustung-gustong mo sa kaniya ngayon?
◼ Isipin ang magiging epekto sa iyong anak kapag lagi kang nagpapatawad.
Ang dapat gawin. Mag-isip ng isa o dalawang paraan para hindi mo maungkat ang mga pagkakamali ng iyong asawa kapag mayroon kayong di-pagkakasundo.
Bakit hindi mo purihin ang iyong asawa dahil sa magaganda niyang katangian?—Kawikaan 31:28, 29.
Mag-isip ng ilang paraan kung paano mo maipakikita sa iyong mga anak ang pagpapatawad.
Pag-usapan ninyo ng iyong mga anak ang tungkol sa pagpapatawad at kung paano kayo makikinabang sa paggawa nito.
[Larawan sa pahina 8]
Kapag pinatawad mo ang isa, bayad na ang utang niya. Hindi mo na siya dapat singilin