Maging Makonsiderasyon at Makatuwiran sa Paggamit ng Teknolohiya
Si Katherine, mahigit 20 anyos, ay gumagamit ng computer sa kaniyang trabaho. Pagdating ng bahay, computer pa rin ang hawak niya—lagi siyang nag-i-Internet para mamilí, mag-e-mail, at pumunta sa iba’t ibang Web site. Pero katamtaman lang ang paggamit niya ng teknolohiya kung ikukumpara sa mga katrabaho niyang mas bata sa kaniya. “Bakit ba text sila nang text?” ang tanong niya. “Bakit hindi na lang nila ako kausapin nang personal?”
MAY punto si Katherine: Marami sa mga gadyet na dinisenyo para maglapít sa mga tao ang siya pang naglalayo sa kanila. Para matulungan kang maging timbang sa paggamit ng teknolohiya, pansinin ang sumusunod na mga simulain sa Bibliya.
◼ “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Kapag sinusunod natin ang pananalitang ito ni Jesu-Kristo, nagpapakita tayo ng kagandahang-asal at paggalang sa iba. “Nasa restawran kami noon ng aking asawa,” ang sabi ni Anne. “May dalawang lalaki sa kabilang mesa. Ang isa, puro cellphone at pagkain ang inaatupag. Naawa kami sa kasama niya, dahil ‘mag-isa’ lang siyang kumakain.” Kung ikaw iyon, maiinis ka ba? Sasamâ ba ang loob mo? Totoong puwede nating gamitin ang cellphone kahit saan at kahit kailan, pero hindi ito katuwiran para gawin ang gayon. Makakatulong sa atin ang sinabi ni Jesus.
◼ “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili.” (Efeso 5:15, 16) Ang panahon ay mahalagang regalo mula sa Diyos, kaya hindi ito dapat sayangin. Totoo namang nakakatipid tayo ng panahon dahil sa teknolohiya. Halimbawa, sa tulong ng Internet, madali nang mamilí, mag-research, at makipagtransaksiyon sa bangko. Pero puwede ring masayang ang panahon kung maraming oras ang nauubos natin sa Internet kahit wala naman talaga tayong hinahanap.
Puwede ring masayang ang panahon kung pagsasabay-sabayin ang iba’t ibang gawain—nagko-computer habang nanonood ng TV at nakikipag-usap sa telepono, o kaya’y gumagamit ng ibang mga program habang nag-i-Internet. Bakit hindi ito nakakabuti?
“Imposibleng maging bihasa ka sa isang bagay kung pinagsasabay-sabay mo ang mga ginagawa mo,” ang sabi ng neuroscientist na si Dr. Jordan Grafman. Hindi natin kayang magpokus sa maraming bagay nang sabay-sabay; talagang may maaapektuhan—hindi na nga maganda ang kalidad ng gawa mo, madali mo pa itong malilimutan. Kapag hati rin ang atensiyon mo, lalo kang magkakamali at “hahaba ang oras na magagamit mo—doble o higit pa—kaysa kung isa-isa mo itong gagawin,” ang ulat ng magasing Time. Kaya mag-isip munang mabuti bago pagsabay-sabayin ang mga gagawin mo; baka kulangin ka ng oras!
◼ “Magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Gaano man kamahal o kaganda ang mga bagay na taglay mo, hindi ito makakapagbigay ng buhay o tunay na kaligayahan. Diyos lamang ang makakapagbigay nito. “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 5:3) Pero sa daigdig ng komersiyo, sinasabing materyal na mga bagay ang susi sa kaligayahan. ‘Bili na!’ ang sabi nila. ‘Dapat ’yung pinakamodelo.’ Pero huwag magpadaya, maging matalino. Isiping mabuti kung ano ang iyong motibo at mga kailangan bago mo gastusin ang iyong pinaghirapan. Tandaan din na mabilis bumaba ang halaga ng marami sa hi-tech na mga produkto. Kaya kung kailangan mo ng isang gadyet, tanungin ang iyong sarili: ‘Kailangan bang pinakamodelo ang bilhin ko? Kailangan ko ba ng mamahaling gadyet na maraming features, na hindi ko naman magagamit?’
Makakatulong o Makakasamâ—Ikaw ang Magpapasiya
Alalang-alala si Katherine, na binanggit sa pasimula, nang masira ang computer niya sa bahay. “Noong una, inis na inis ako,” ang sabi niya, “pero hindi ko muna iyon pinalitan. Makalipas ang isang buwan, hindi na ako gaanong nag-aalala, at may panahon na ako sa pagbabasa. May computer ako sa trabaho, kaya nakakapag-e-mail pa rin ako sa mga kaibigan ko pagkatapos ng trabaho. Pero hindi tulad ng dati, hindi na ako alipin ng teknolohiya.”
Totoong praktikal at nakakatipid tayo ng panahon at lakas sa tulong ng teknolohiya. Kaya gamitin ito kung kinakailangan, pero maging responsable at makonsiderasyon. Paano? Isipin mo ang mga tao sa paligid mo. Huwag sayangin ang mahalagang panahon at pera sa mga gadyet o program sa computer na hindi mo naman kailangan. Huwag gamitin ang Internet, TV, at iba pa, para manood ng mahahalay at mararahas na pelikula. At huwag maging “adik” sa teknolohiya. Sa maikli, maging matalino—sundin ang mga simulain sa Bibliya na galing sa Diyos at subók na sa panahon. Oo, “si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.”—Kawikaan 2:6.
[Kahon sa pahina 9]
CELLPHONE, COMPUTER, AT KAGANDAHANG-ASAL
Paano ka magiging makonsiderasyon kapag ginagamit mo ang iyong computer o cellphone? Pansinin ang sumusunod na mga mungkahi.
◼ Iwasan ang pakikipag-usap sa cellphone kapag may maiistorbo kang iba. Patayin ang cellphone kung kinakailangan.
◼ Kapag may kausap ka at mahalaga ang pinag-uusapan ninyo, huwag hayaang makagambala ang telepono, maliban na lang kung talagang kailangan.
◼ Kapag may kausap ka sa cellphone, makinig na mabuti at huwag gumawa ng ibang bagay.
◼ Huwag kunan ng litrato ang iba gamit ang iyong cellphone kung ayaw nila.
◼ Huwag ipadala sa iba ang lahat ng natatanggap mong e-mail na sa tingin mo’y maganda. Baka hindi ito magustuhan ng padadalhan mo.