Tanong
◼ Anong mga simulain sa Bibliya ang kumakapit sa paggamit ng cellphone habang nasa mga Kristiyanong pagpupulong o nakikibahagi sa ministeryo?
“Sa Lahat ng Bagay ay May Takdang Panahon.” (Ecles. 3:1): Nagagamit ang cellphone para makapag-text o makatawag sa iba anumang oras. Pero may mga pagkakataong ayaw ng mga Kristiyano na magambala ng kanilang cellphone. Halimbawa, ang ating mga pulong ay panahon para sumamba kay Jehova, tumanggap ng espirituwal na pagtuturo, at magpatibayan sa isa’t isa. (Deut. 31:12; Awit 22:22; Roma 1:11, 12) Puwede ba nating patayin ang ating cellphone pagdating sa pulong at basahin na lang ang mga message kapag pauwi na tayo? Kung hindi natin ito puwedeng patayin dahil may hinihintay tayong mahalagang tawag o text, dapat itong ilagay sa setting na hindi makagagambala sa iba.
‘Gawin ang Lahat ng Bagay Alang-alang sa Mabuting Balita.’ (1 Cor. 9:23): Kung minsan, may makatuwirang dahilan para gumamit ng cellphone sa ministeryo. Halimbawa, maaari itong gamitin ng brother na nangunguna para makipag-ugnayan sa mga nangangaral sa ibang bahagi ng teritoryo. Kung minsan, tinatawagan ng mga mamamahayag ang isang interesado o inaaralan ng Bibliya bago dumalaw, lalo na kung malayo ang bahay nito. Kung may dala tayong cellphone, dapat nating tiyakin na hindi ito makagagambala habang nakikipag-usap tayo sa may-bahay. (2 Cor. 6:3) Sa halip na tumawag o mag-text sa isang kaibigan habang hinihintay ang ibang mga mamamahayag, hindi kaya mas makabubuting magtuon tayo ng pansin sa ministeryo at sa ating kapartner?
Maging Makonsiderasyon sa Iba. (1 Cor. 10:24; Fil. 2:4): Hindi natin dapat bale-walain ang pagdalo sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan dahil iniisip natin na maaari namang tumawag o mag-text para alamin ang teritoryo. Kapag nahuli tayo, kadalasan nang dapat ayusing muli ang grupo. Totoo, may mga pagkakataong hindi natin maiwasang mahuli. Pero kung lagi tayong dumarating sa oras, nagpapakita tayo ng konsiderasyon kay Jehova, sa brother na nangunguna, at sa ating mga kapatid.