Tanong
◼ Ano ang dapat nating tandaan kapag gumagamit ng mga cellular telephone at mga electronic pager?
Ang gayong mga kagamitan ay nagpapahintulot sa atin na makausap ang iba mula sa halos lahat ng dako na ating kinaroroonan. Bagaman maaari itong makatulong, dapat tayong maging maingat na hindi makagambala sa ating ministeryo o sa ating Kristiyanong mga pagpupulong ang paggamit ng mga cell phone at mga pager sa di-angkop na mga panahon. Paano maaaring mangyari ito?
Isaalang-alang ang magiging epekto kapag tumunog ang ating cell phone o ang ating pager habang tayo ay nagpapatotoo sa ministeryo sa larangan. Ano ang iisipin ng may-bahay? Anong impresyon ang maiiwan natin kung tayo ay titigil upang sagutin ang tawag? Tiyak na hindi natin gustong gumawa ng anumang bagay na hahadlang sa iba sa pakikinig sa mensahe ng Kaharian. (2 Cor. 6:3) Kaya, kapag tayo ay may dalang cell phone o pager, dapat na i-adjust natin ito upang hindi makagambala sa atin o sa iba habang nakikibahagi tayo sa ministeryo sa larangan.
Kumusta naman kung tayo ay naghihintay habang nagpapatotoo ang iba? Kung naglaan tayo ng panahon para sa paglilingkod sa larangan, hindi ba’t dapat na nakatuon ang ating isipan sa gawaing iyon? Bilang paggalang sa ating sagradong paglilingkod, pakisuyong asikasuhin ang di-kinakailangang personal na mga bagay o sosyal na mga kapakanan sa ibang panahon. (Roma 12:7) Sabihin pa, hindi naman nito nangangahulugan na hindi puwedeng gumamit ng telepono upang magbigay ng karagdagang patotoo o gumawa ng kaayusan para rito.
Lalo na tayong dapat mag-ingat hinggil sa paggamit ng mga cell phone kapag nagmamaneho, yamang ipinakikita ng ilang pag-aaral na ang paggawa ng gayon ay lubhang nagpapalaki sa panganib na maaksidente. Dapat na lubusan nating sundin ang anumang batas na nagbabawal sa paggamit ng mga cell phone habang nagmamaneho.
Dumadalo tayo sa Kristiyanong mga pagpupulong, mga asamblea, at mga kombensiyon upang sumamba kay Jehova at maturuan niya. Hindi ba dapat na maudyukan tayo ng ating pagpapahalaga sa kabanalan ng mga okasyong ito na i-adjust ang ating mga cell phone at pager upang hindi ito makagambala sa atin at sa iba? Kapag may importanteng bagay na kailangan nating asikasuhin agad, dapat nating gawin ito sa labas ng dakong pinagtitipunan. O kaya, dapat nating isaayos na asikasuhin ang personal at sekular na mga bagay sa ibang panahon na hindi nakaukol sa pagsamba.—1 Cor. 10:24.
Nawa’y ang paraan ng paggamit natin ng mga cellular phone o iba pang kagamitang elektroniko ay laging magpapakita ng konsiderasyon sa iba at malalim na pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.