Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Kailangan Ko ba ng Cellphone?
“Talagang hindi ako mapakali at labis akong nayayamot kapag wala akong dalang ‘cellphone.’”—Akiko.a
ANG mga cellphone ay nagiging lalong popular sa maraming lupain. Kumbinyenteng gamitin ang mga ito. Puwede kang makausap ng iyong mga kaibigan at mga magulang kahit kailan, kahit saan—at puwede mo rin silang makausap. Ipinahihintulot ng maraming modelo nito na ikaw ay makipag-text (makipagpalitan ng maiikling mensahe sa cellphone), na siyang “pinakabagong paraan para masapatan ang pagnanais ng mga kabataan na makipagtalastasan,” ang sabi ng The Times sa London. May mga cellphone pa nga na makapagkokonekta sa iyo sa Internet anupat maaari mong pasukin ang mga Web site at maaari kang mag-E-mail.
Baka may cellphone ka na, o maaaring nagpaplano kang bumili. Alinman sa dalawa, maaari mong isaalang-alang ang kasabihang: “May dalawang panig sa bawat kuwento.” Maaaring may ilang pakinabang ang isang cellphone. Gayunman, baka nanaisin mong pag-isipan ang kabilang panig ng kuwento, dahil kahit na mapagpasiyahan mong bumili ng cellphone, ang pagkakaroon ng lubos na kabatiran sa mga posibleng disbentaha nito ay makatutulong sa iyo na gamitin ito nang may katalinuhan.
“Tuusin ang Gastusin”
Binanggit ni Jesus ang matalinong simulain na dapat ‘tuusin ng isa ang gastusin’ bago isagawa ang isang mahalagang proyekto. (Lucas 14:28) Maaari bang ikapit ang simulaing iyan sa mga cellphone? Oo. Totoo na maaari kang magkaroon ng cellphone sa napakamurang halaga, o maaari pa ngang libre ito. Gayunman, gaya ng natuklasan ng 17-anyos na si Henna, “maaaring biglang lumaki ang bayarin.” Baka lagi ka ring gipitin na makialinsabay sa pagkakaroon ng karagdagang serbisyo at bumili ng mas mahal na mga modelo. Kaya naman, ganito ang sinabi ni Hiroshi: “Mayroon akong part-time na trabaho at nag-iipon ng salapi upang makabili ng mas bagong modelo bawat taon.” Gayundin ang ginagawa ng maraming kabataan.b
Kahit na sumang-ayon ang iyong mga magulang na sila ang bahala sa bayarin mo, mahalaga pa ring isaalang-alang ang mga gastusin. Isang naglalakbay na ministrong Kristiyano sa Hapon ang nagsabi: “Ang ilang magulang ay kumukuha ng ekstrang part-time na trabaho upang mabayaran lamang ang cellphone ng kanilang mga anak, na maaaring hindi naman talaga kailangan.” Tiyak na hindi mo gustong pabigatan ang iyong mga magulang!
“Umuubos ng Panahon”
Maaaring masumpungan ng marami, na sa simula ay kontrolado ang paggamit ng cellphone, na inuubos na nito ngayon ang mas maraming panahon kaysa sa kanilang inaakala—at kinukuha nito ang panahon para sa mas mahahalagang bagay. Mas maraming panahon noon na kasama ni Mika ang kaniyang pamilya sa hapag-kainan. “Ngayon,” ang sabi niya, “pagkatapos naming kumain, bumabalik kami sa kani-kaniya naming silid hawak ang aming sariling [cellphone].”
“Mas gusto ng sangkatlo sa mga kabataang adulto na edad 16 hanggang 20 ang pagti-text kaysa sa lahat ng iba pang anyo ng nasusulat na komunikasyon,” ang sabi ng The Guardian ng London. Maaaring mas makatitipid ka sa pagti-text kaysa sa tawag sa telepono, pero mas maraming panahon naman ang kailangan mo para makapag-text. Ganito ang pag-amin ni Mieko: “Kapag may nagpadala ng ‘magandang gabi,’ sasagot ako ng ‘magandang gabi.’ Pagkatapos, magsisimula na kaming magpalitan ng mga mensahe sa loob ng isang oras. Wala namang kabuluhang pag-uusap iyon.”
Maraming gumagamit ng cellphone ang maaaring magulat kung titigil sila at bibilangin ang lahat ng oras na naubos nila sa paggamit ng cellphone sa loob ng isang buwan. Isang 19-anyos na babae, si Teija, ang umamin: “Para sa maraming tao, ang cellphone ay umuubos ng panahon sa halip na nakatitipid ng oras.” Kahit na may makatuwiran kang dahilan na magkaroon ng cellphone dahil sa iyong mga kalagayan, mahalaga na maging palaisip sa oras habang ginagamit ito.
Isang Kristiyanong kabataang babae na nagngangalang Marja ang nagsabi: “Sa mga asambleang Kristiyano, maraming kabataan ang patuloy na nagpapadala sa iba ng di-mahalagang mga mensahe. Napakalaganap nito!” Napapansin ang gayunding paggawi sa mga kabataan na nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na bilhin ang panahon para sa espirituwal na mga gawain. (Efeso 5:16) Nakalulungkot nga kapag ang gayong mahalagang panahon ay ginugol sa pakikipag-usap sa telepono!
Lihim na Komunikasyon
Nagkomento si Marie sa isa pang patibong: “Yamang ang mga tawag ay tuwirang dumarating sa indibiduwal at hindi sa tahanan, may panganib na hindi nababatid ng mga magulang kung sino ang kausap ng kanilang mga anak o kung sila ay gumagamit ng telepono o hindi.” Kaya naman ginagamit ng ilang kabataan ang cellphone upang magkaroon ng lihim na pakikipag-ugnayan sa mga di-kasekso. Ang ilan ay naging maluwag sa kanilang pagbabantay, anupat ipinagwawalang-bahala ang mga pamantayan na karaniwan nang sinusunod nila kapag nakikipagtalastasan sa iba. Sa paanong paraan?
“Ang pakikipag-text ay nangangahulugan na walang sinumang makasusubaybay kung ano ang ginagawa [ng mga kabataan],” ang sabi ng The Daily Telegraph ng London. Maaari kang maapektuhan kung hindi mo nakikita o naririnig ang iyong kausap. “Nadarama ng ilan na ang pagti-text ay isang di-personal na paraan ng pakikipagtalastasan,” ang sabi ni Timo. “Sa isang mensahe ay maaaring isulat ng ilan ang mga bagay na maituturing na di-angkop sabihin nang harapan.”
Nang si Keiko, isang 17-anyos na babaing Kristiyano, ay magsimulang gumamit ng cellphone, ipinaalam niya sa marami niyang kaibigan ang kaniyang numero. Di-nagtagal ay nagsimula siyang makipag-text araw-araw sa isang kabataang lalaki sa kanilang kongregasyon. Sinabi ni Keiko: “Noong una ay pangkaraniwang mga bagay lamang ang pinag-uusapan namin, ngunit nang maglaon ay sinimulan naming pag-usapan ang sari-sarili naming mga problema. Nakalikha kami ng sarili naming maliit na daigdig sa pamamagitan ng aming mga cellphone.”
Mabuti na lamang, natulungan siya ng kaniyang mga magulang at ng mga elder na Kristiyano bago lumubha ang mga bagay-bagay. Ganito ang pag-amin niya ngayon: “Bago pa man ako bigyan ng cellphone, lubha nang nagbabala ang aking mga magulang tungkol sa pakikipag-text sa mga di-kasekso, pero tini-text ko pa rin siya araw-araw. Hindi iyon ang pinakamainam na paraan ng paggamit ng telepono.”c
Pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘magtaglay ng isang mabuting budhi.’ (1 Pedro 3:16) Ang paggawa nito ay nangangahulugan na kapag gumagamit ka ng cellphone, dapat mong tiyakin na, gaya ng sabi ni Koichi, “wala kang ikahihiya,” kahit na may iba pang makakita sa mga mensahe mo o makarinig sa iyo. Laging tandaan na walang maaaring ilihim sa ating makalangit na Ama. Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: ‘Walang nilalang na hindi hayag sa paningin ng Diyos, kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.’ (Hebreo 4:13) Kung gayon, bakit pananatilihin pa ang isang lihim na ugnayan?
Magtakda ng mga Limitasyon
Kung pinag-iisipan mong bumili ng cellphone, bakit hindi muna maingat na suriin ang iyong kalagayan upang makita kung talagang kailangan mo nito? Ipakipag-usap ang bagay na iyan sa iyong mga magulang. Nadarama ng ilan ang gaya ng nadama ni Jenna, na nagsabi: “Ang cellphone ay isang masyadong malaking pananagutan na hindi kayang balikatin ng maraming kabataan.”
Kahit na magpasiya kang magkaroon ng ganitong telepono, mahalaga na patuloy na kontrolin ang paggamit nito. Paano? Magtakda ng makatuwirang mga limitasyon. Halimbawa, limitahan ang mga serbisyong iniaalok ng iyong cellphone o ang laki ng panahon at salapi na ginugugol mo sa telepono. Yamang karamihan sa mga kompanya ng telepono ay naglalaan ng detalyadong ulat ng iyong paggamit, baka nanaisin mong suriin kasama ng iyong mga magulang ang bayarin sa pana-panahon. Nasumpungan ng ilan na kumbinyenteng gumamit ng prepaid na cellphone upang malimitahan ang paggamit.
Gayundin, pag-isipang mabuti kung kailan at paano sasagutin ang mga tawag at mensaheng text. Gumawa ka ng sarili mong makatuwirang mga panuntunan. Ganito ang paliwanag ni Shinji: “Binubuksan ko ang aking mailbox nang minsan lamang sa isang araw, at kadalasang sinasagot ko lamang ang mga mensahe kung importante ang mga ito. Bilang resulta, tumigil na ang aking mga kaibigan sa pagpapadala ng walang kabuluhang mga mensahe. Kung talagang may malaking problema, tatawagan naman nila ako.” Higit na mahalaga, maging mapamili kung kanino ka nakikipagtalastasan. Maging maingat sa pagbibigay ng numero ng iyong telepono. Ikapit din ang mga pamantayang lagi mong itinataguyod hinggil sa tamang kasama.—1 Corinto 15:33.
Sinasabi ng Bibliya: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:1, 7) Maliwanag, may mga panahon din para sa “pagtahimik” ng mga cellphone. Ang ating mga pulong at ministeryong Kristiyano ang “takdang panahon” para sa pagsamba sa Diyos at hindi sa paggamit ng telepono. Kadalasang hinihiling ng mga manedyer ng restawran at sinehan na iwasang gamitin ng kanilang mga parokyano ang mga cellphone. Buong-paggalang nating sinusunod ang gayong mga kahilingan. Tiyak na ang Soberano ng uniberso ay karapat-dapat sa gayunding paggalang!
Kung wala silang inaasahang mahalagang tawag, pinipili ng marami na patayin ang kanilang telepono, o inilalagay nila ito sa silent mode kapag nakikibahagi sa mahahalagang gawain. Inilalagay ng ilan ang kanilang cellphone sa lugar na hindi madaling makuha ito. Tutal, hindi ba’t maaari namang sagutin ang karamihan sa mga mensahe sa dakong huli?
Kung magpasiya ka na magkaroon ng cellphone, maging determinado ka na kontrolin ito at huwag hayaang kontrolin ka nito. Maliwanag, kailangan mong manatiling alisto at panatilihing nasa ayos ang iyong mga priyoridad. Pinasisigla tayo ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Kung magpasiya ka na magkaroon ng cellphone, pakisuyong maging determinado na ipakita ang iyong pagkamakatuwiran sa paraan ng paggamit mo nito.
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
b Para sa pagtalakay sa mga trabaho pagkatapos ng klase, pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong—Ano ang Masama sa Pagkita ng Salapi?” sa Setyembre 22, 1997, na isyu ng Gumising!
c Ang regular na pakikipag-usap o pakikipag-text sa mga di-kasekso sa pamamagitan ng telepono ay maaaring isang anyo ng pakikipag-date. Pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong—Ano ang Masama sa Aming Pag-uusap?” sa Agosto 22, 1992, isyu ng Gumising!
[Mga larawan sa pahina 20]
Itinataguyod ng ilang kabataan ang lihim na mga ugnayan sa pamamagitan ng “cellphone”