Pagmamasid sa Daigdig
◼ Sa isang surbey sa mga 2,000 tao sa Alemanya, halos 40 porsiyento ng mga kabataang edad 14 hanggang 19 ang naniniwalang ayos lang makipaghiwalay sa pamamagitan ng text o e-mail. Mahigit 80 porsiyento naman ng mga edad 50 pataas ang nagsabing talagang hindi iyon katanggap-tanggap.—FRANKFURTER NEUE PRESSE, ALEMANYA.
◼ Tinatayang sa buong daigdig, mga 2.3 trilyong text message ang ipinadala noong 2008.—HITU NEWS, TAHITI.
◼ “Gaano kalaki ang nababawas sa buhay ng isang tao dahil sa paninigarilyo? Mga lima hanggang sampung taon.”—UC BERKELEY WELLNESS LETTER, E.U.A.
◼ Tinatayang umaabot nang hanggang 60 porsiyento ng mga computer sa mga opisina sa Estados Unidos ang magdamag na naiiwang bukás. Bilang resulta, nakasamâ ito dahil mga 14.4 milyong tonelada pa ang ibinubugang carbon dioxide ng mga planta ng kuryente taun-taon.—WORLD WATCH, E.U.A.
Mababasa sa mga Bus: ‘Walang Diyos’
“Wala naman sigurong Diyos kaya huwag kang mag-alala. Mag-enjoy ka lang.” Ang islogan na ito ay makikita sa 200 bus sa London, Inglatera; sa 600 bus sa buong bansa; at sa dalawang malaking screen sa Oxford Street sa London, ang ulat ng pahayagang The Guardian. Ayon sa mga gumawa nito, ito ang sagot nila sa advertisement ng mga relihiyon na masusunog sa impiyerno ang mga di-sumasampalataya. Ginamit ang salitang ‘siguro’ para pumasá ito sa Advertising Standards Authority ng Britanya dahil imposible naman talagang patunayan na walang Diyos. Ang isang layunin ng kampanyang ito ay “lumantad” ang iba pang ateista at ipahayag ang kanilang paniniwala.
Panganib ng Pag-iiskedyul ng Maagang Panganganak
Sa Estados Unidos, parami nang paraming sanggol ang isinisilang bago ang due date—sa pamamagitan ng induced labor o Cesarean—dahil lamang sa kagustuhan ng ina. Pero ang “mga huling linggo ng pagdadalang-tao ay mas mahalaga pala kaysa sa inaakala noon,” ang sabi ng The Wall Street Journal. Ipinakikita ng isang pag-aaral sa mga 15,000 bagong-silang na sanggol na sa bawat linggong nasa sinapupunan ang bata sa pagitan ng ika-32 at ika-39 na linggo, bumaba nang 23 porsiyento ang mga kaso ng seizure, jaundice, hirap sa paghinga, at pagdurugo ng utak. Mas malaki ang tsansang magkaroon ng problema sa pag-uugali at pagkatuto ang mga isinisilang mula ika-32 hanggang ika-36 na linggo. Kaya iminumungkahi ng American College of Obstetricians and Gynecologists na huwag iiskedyul ang panganganak “nang wala pang 39 na linggo maliban na lang kung may panganib sa kalusugan,” ang sabi ng Journal.
Nakakatulong ang Paghahagdan
“Ang paghahagdan ay isang simple at praktikal na paraan para gumanda ang kalusugan,” ang ulat ng The Lancet, isang babasahing pangmedisina sa Britanya. Sa isang pag-aaral, hinilingan ang 69 na empleadong laging nakaupo na maghagdan sa halip na gumamit ng elebeytor. Makalipas ang 12 linggo, tumaas nang 8.6 porsiyento ang nagagamit na oksiheno ng kanilang katawan, kaya “nabawasan nang 15% ang tsansa nilang mamatay anuman ang sanhi nito.” Nakita din ng mga empleado ang magandang epekto nito sa kanilang “presyon ng dugo, kolesterol, at timbang.” Nakabawas din ito sa kanilang “taba at sukat ng baywang.”