Kung Paano Ko Tinalikuran ang Karahasan
Ayon sa salaysay ni Jose Antonio Nebrera
PAANO nga ba nagiging marahas ang isang tao? Bata pa lang ako, namulat na ako sa karahasan. Ang tatay ko ay miyembro ng Spanish civil guard, isang grupo na napakahigpit magpatupad ng disiplina. Madalas siyang saktan ng tatay niya noon kaya ganoon din ang ginagawa niya sa akin. Palagi niya akong hinahampas ng kaniyang makapal na sinturon. Ang masama pa, lagi niya akong tinatawag na bobo, samantalang ang bait-bait niya sa aking nakababatang kapatid na babae. Dahil takót si Nanay kay Tatay, halos wala siyang nagawa para tulungan ako. Hindi rin niya naibigay ang pagmamahal na kailangan ko.
Noong nag-aaral pa ako, pinilit kong maging masaya kasama ang mga kaeskuwela ko. Kaya sa tingin ng iba, ako’y isang masayahin at positibong bata. Pero kunwari lang iyon dahil itinatago ko ang totoong damdamin ko. Kapag naglalakad na ako pauwi, muli akong nababalot ng takot at galit dahil naiisip kong iinsultuhin o papaluin na naman ako ni Tatay.
Sa edad na 13, pumasok ako sa isang boarding school ng mga Jesuita para matakasan ang kalupitan sa bahay namin. Inisip kong magpari. Pero hindi nagbigay ng kahulugan sa buhay ko ang pananatili sa boarding school. Kailangan naming gumising ng alas singko ng umaga para maligo ng malamig na tubig. Pagkatapos, maghapon kaming mag-aaral, magdarasal, at magseserbisyo sa simbahan. Halos wala kaming pahinga.
Kailangan naming magbasa ng tungkol sa mga “santo,” pero hindi namin pinag-aaralan ang Bibliya. Iisa lang ang Bibliya sa boarding school at nakatago ito sa isang lalagyang salamin. Kailangan pa naming humingi ng pahintulot para mabasa iyon.
Ikatlong taon ko sa boarding school nang maging bahagi ng rutin namin ang pagpapahirap sa sarili, na itinuturing na “gawaing espirituwal.” Para makaiwas dito, nagpapakabundat ako para maempatso. Pero wala ring nangyari. Pagkalipas ng halos tatlong taon, hindi na ako makatagal, kaya tumakas ako at umuwi sa bahay. Labing-anim na taóng gulang ako noon.
Mga Pakikipagsapalaran sa Buhay
Nag-aral ako ng boksing at wrestling. Pakiramdam ko’y importante ako dahil naging sikat ako sa mararahas na isports na ito. Dahil din dito, lumakas ang loob ko na gumamit ng dahas para makuha ang gusto ko, gaya ng ginagawa ni Tatay.
Pero nang ako’y 19 anyos, may pangyayari sa buhay ko na nagpalambot sa puso ko. Ito ay nang makilala ko si Encarnita. Pagkalipas ng siyam na buwan, nagpakasal kami. Ang alam niya ay magalang, mabait, at masayahin ako. Wala siyang kaalam-alam sa tunay kong pagkatao. Pagkasilang ng unang anak namin, tinawag ako para maglingkod sa militar. Dito nanumbalik ang pait ng aking nakaraan.
Para makaiwas sa gupit-militar at para maging maaksiyon ang buhay ko, sumali ako sa Spanish Foreign Legion. Inisip kong magiging malaya ako sa disyerto ng Morocco at gusto kong sumabak sa mapanganib na mga misyon. Isa pa, tila solusyon din ito para matakasan ang responsibilidad ko sa aking pamilya. Pero lalo lang akong napasamâ.
Di-nagtagal, napag-initan ako ng isang malaki at bruskong sarhento na mahilig magmaltrato ng mga baguhan. Ayoko na may naaapi, at hindi ako takót na ipaglaban kung ano ang tama. Isang umaga, sa panahon ng roll call, nagbiro ako na minasama ng sarhento. Nang ambaan niya ako, bigla kong pinilipit ang braso niya at pinabagsak siya sa sahig. Hindi ko siya hinayaang makawala dahil baka barilin niya ako.
Dahil dito, tatlong buwan akong isinama sa grupo ng mga sundalong pinaparusahan. Mga 30 kaming nagsisiksikan sa isang maliit na silid. Sa loob ng panahong iyon, hindi ako nakapagpalit ng damit. May isang sarhento na tuwang-tuwang hagupitin kami. Pero nang pagbantaan ko siyang papatayin ko siya kapag ginalaw niya ako, binawasan niya ang parusa ko—mula sa 30 hagupit ay naging 3 na lang. Naging kasinlupit na rin ako ng mga nagpapahirap sa amin.
Mga Undercover Mission
Habang nagsasanay ako sa foreign legion, nagboluntaryo na naman ako para sa mas maaksiyong karanasan kahit hindi ko alam kung ano ang puwedeng mangyari sa akin. Hindi biru-biro ang tinanggap kong pagsasanay, kasama rito ang paggamit ng lahat ng uri ng sandata at bomba. Para makumpleto ang pagsasanay sa akin, ipinadala ako sa Langley, Virginia sa Estados Unidos, kung saan nakasama ko ang mga operatiba ng CIA.
Di-nagtagal, naging miyembro ako ng isang undercover commando group. Noong dekada ’60, sumabak ako sa dose-dosenang sekretong misyon. Sa Sentral at Timog Amerika, nagsagawa kami ng mga operasyon laban sa mga nagpupuslit ng armas at droga. Inutusan kaming “iligpit” ang mga taong ito. Nakakahiyang sabihin, pero kasama ako sa mga gumawa nito. Wala kaming itinitirang buháy, maliban na lang kung may mapipiga kaming impormasyon sa kanila.
Pagkatapos, inatasan akong manmanan ang mga lider ng militar sa Espanya para malaman kung sino ang hindi pabor sa diktadura ni Heneral Franco. Minanmanan din namin ang mga kalaban ng rehimeng Franco sa Pransiya. Bakit? Para kidnapin ang mga pangunahing kritiko ng rehimen at dalhin sila sa Espanya, malamang ay para patayin.
Sa huli kong misyon, nag-organisa ako ng isang grupo ng mersenaryo para maglunsad ng kudeta sa isang maliit na bansa sa Aprika. Inutusan kaming salakayin ang mga baraks ng militar sa kabisera at mag-take over sa palasyo ng presidente. Ginawa namin ito sa kalaliman ng gabi at sa loob lang ng apat na oras, gaya ng pinlano namin. Tatlo sa kasamahan namin ang napatay, pati na ang dose-dosenang “kalabang” sundalo. Kasali ako sa pamamaslang na ito.
Nabagabag nang husto ang konsiyensiya ko dahil dito. Hindi ako makatulog dahil sa mga bangungot kung saan manu-mano kong pinapatay ang mga kalaban. Napapanaginipan ko rin ang mga taong papatayin ko na nakatitig sa akin at takót na takót.
Kaya nagpasiya akong huwag nang sumama sa mga misyon. Isinurender ko sa militar ang lahat ng aking dokumento at nagbitiw ako. Pero pagkalipas ng tatlong buwan, ipinatawag na naman ako ng mga superior ko para mag-espiyang muli. Pumunta ako sa Switzerland, at pagkaraan ng ilang buwan, sumunod sa Basel si Encarnita—na walang kaalam-alam na dati akong secret agent.
Napakahirap Magbago
Sa tatlong taon na naglilingkod ako sa militar, nakikipag-aral naman ng Bibliya si Encarnita sa mga Saksi ni Jehova sa Espanya. Sinabi niya sa akin na nalaman niya ang katotohanan tungkol sa Diyos. Nakakahawa ang kaniyang pagiging relihiyoso. Hinanap namin ang mga Saksi sa Switzerland at nakipag-aral ng Bibliya sa kanila.
Tuwang-tuwa akong matutuhan ang mga layunin ng Diyos. Bagaman gusto kong iayon ang buhay ko sa mga prinsipyo ng Bibliya, napakahirap itong gawin—lalo na ang tungkol sa pagiging marahas. Pero gustung-gusto ko talaga ang mga natututuhan ko. Pagkatapos mag-aral nang ilang buwan, iginiit kong handa na akong magbahay-bahay kasama ng mga Saksi ni Jehova.
Sa tulong ni Jehova, unti-unti ko ring natutuhan na kontrolin ang sarili ko. Di-nagtagal, nabautismuhan kami ni Encarnita. Sa edad na 29, hinirang ako bilang isang tagapangasiwa sa kongregasyon.
Noong 1975, bumalik kami sa Espanya. Pero hindi pa rin ako nakakalimutan ng militar, kaya ipinatawag ulit ako para sa isang espesyal na misyon. Para makaiwas, pumunta akong muli sa Switzerland. Tumira kaming mag-anak doon hanggang 1996 at saka bumalik sa Espanya.
Pareho nang may-asawa ang anak kong lalaki at babae. Mayroon na rin akong dalawang apo. Lahat sila ay naglilingkod din kay Jehova. Sa nakalipas na mga taon, nakatulong ako sa mga 16 na katao na makilala si Jehova. Kasama rito ang isang lalaki na dati ay nakikilahok sa mararahas na protesta sa hilagang Espanya. Nasisiyahan talaga akong makatulong sa iba.
Lagi akong nananalangin sa Diyos na tulungan akong talikuran ang karahasan at makawala sa bangungot ng aking nakaraan. Para magawa ang tama, sinusunod ko ang payo ng Awit 37:5: “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos.” Tinutupad naman ni Jehova ang pangakong ito. Tinutulungan niya akong talikuran ang karahasan. Napakalaking pagpapala nito sa akin at sa aking pamilya.
[Larawan sa pahina 21]
Nang pumasok ako sa boarding school ng mga Jesuita sa edad na 13
[Larawan sa pahina 23]
Paalis sa tanggapan ng foreign legion matapos magbitiw noong 1968
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ang asawa kong si Encarnita