Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 1/12 p. 4-5
  • Ang Panggigipit na Maging Di-tapat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Panggigipit na Maging Di-tapat
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Nawawala Na ang Katapatan
  • Kawalang-Katapatan—Ang Epekto Nito sa Iyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • Maging Mapagtapat sa Lahat ng Bagay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Praktikal na Maging Tapat
    Gumising!—2012
  • Kung Bakit Sulit na Maging Tapat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
Iba Pa
Gumising!—2012
g 1/12 p. 4-5

Ang Panggigipit na Maging Di-tapat

“Hindi na uso ang pagiging tapat sa negosyo, at ang nagsisikap na maging tapat ay tiyak na mabibigo.”​—Stephen, E.U.A.

SANG-AYON ka ba sa negatibong pananaw na iyan? Totoo naman, kadalasan nang may pakinabang sa pandaraya​—kahit na pansamantala lang. Dahil diyan, ang mga nagsisikap na maging tapat ay nalalagay sa alanganin sa sumusunod na mga kalagayan.

Tuksong Mandaya. Sino ba naman ang ayaw magkaroon ng maraming pera o mga luho sa buhay? Kaya kapag may oportunidad na kumita nang malaki sa maling paraan, parang mahirap itong palampasin.

● “Ako ang pumipili ng mga kontratista para sa kompanya namin. Marami ang nanunuhol. Napakalakas ng tuksong magkapera nang walang hirap.”​—Franz, Middle East.

Panggigipit na Kumita Nang Mas Malaki. Dahil sa pagbagsak ng ekonomiya kamakailan, labis na naapektuhan ang mga negosyo sa buong daigdig. Kailangan din nilang makipagsabayan sa mabilis na pagbabago sa teknolohiya at tumitinding lokal at internasyonal na kompetisyon. Baka nadarama ng ilang empleado na kailangan nilang mandaya para lang maabot ang mga tunguhing itinakda ng may-ari at manedyer.

● “Naisip namin na kailangan naming gawin iyon. . . . Dahil kung hindi, babagsak ang kompanya.”​—Reinhard Siekaczek, naaresto dahil sa panunuhol.​—The New York Times.

Panggigipit Mula sa Iba. May mga pagkakataong baka sabihan ka, o pilitin pa nga, ng mga katrabaho o kostumer na mandaya.

● “Sinabihan ako ng manedyer ng isang malaking kompanya, na kliyente namin, na hindi na siya makikipagtransaksiyon sa amin kung hindi ko siya bibigyan ng ‘parte sa transaksiyon’​—sa madaling sabi, kickback.”​—Johan, South Africa.

Kultura. Sa ilang kultura, kaugalian na ang pagbibigayan ng regalo kapag may transaksiyon. Depende sa sitwasyon at sa laki ng regalo, maaaring mahirap masabi kung malinis o hindi ang isang transaksiyon sa negosyo. Sa maraming bansa, nanghihingi ng pera ang tiwaling mga opisyal bago nila gawin ang kanilang trabaho at handa silang tumanggap ng bayad kapalit ng espesyal na serbisyo.

● “Hindi madaling malaman kung ang ibinigay ay tip o suhol.”​—William, Colombia.

Sitwasyon ng Bansa. Pinakamatindi ang panggigipit sa mga nakatira sa mga lugar na napakahirap ng buhay o sa mga lugar na may kaguluhan sa lipunan. Sa gayong mga kalagayan, maaaring ituring na hindi mahusay maglaan sa pamilya ang mga ayaw mandaya o magnakaw.

● “Ang pandaraya ay itinuturing na normal, kailangan, at okey lang basta hindi ka mahuhuli.”​—Tomasi, Congo Kinshasa.

Kung Bakit Nawawala Na ang Katapatan

Malaki ang epekto ng panggigipit na maging di-tapat. Ayon sa isang surbey sa mga manedyer sa Australia, 9 sa bawat 10 na sinurbey ang nagsabi na ang panunuhol at korupsiyon ay “mali pero di-maiiwasan.” Ang mga sinurbey ay nagsabi na handa nilang kalimutan ang kanilang prinsipyo makakuha lang ng kontrata o kaya’y kumita ang kanilang kompanya.

Pero kadalasan na, iniisip ng mga taong nandadaya na tapat pa rin sila. Paano? Ganito ang ulat ng Journal of Marketing Research: “Nandadaya ang mga tao para kumita pero dinadaya rin nila ang kanilang sarili dahil ipinapalagay pa rin nila na sila ay mapagkakatiwalaan.” Para hindi makonsiyensiya, pinagagaan o kaya’y ipinagmamatuwid ng mga tao ang kanilang ginagawa.

Halimbawa, ang kawalang-katapatan ay maaari nilang tukuyin gamit ang mga salitang hindi gaanong pangit pakinggan. Ang pagsisinungaling o pandaraya ay tinatawag na “shortcut” o kaya’y “pakikipagkompetensiya”; ang suhol naman ay “pabor” o “pampadulas.”

Pinabababa naman ng iba ang kanilang pamantayan ng katapatan para ipagmatuwid ang kuwestiyunableng gawain. Ganito ang obserbasyon ni Tom, na nagtatrabaho sa isang pinansiyal na institusyon: “Iniisip ng mga tao na tapat pa rin sila basta nalulusutan nila ang batas, at hindi na mahalaga kung ano ang totoo.” Sinabi ni David, dating business executive: “Hinuhusgahan ang pandaraya kapag nabisto, pero okey lang kapag nakakalusot ang mga nandadaya. Itinuturing pa nga silang ‘maabilidad.’”

Sinasabi pa nga ng marami na kailangang mandaya para magtagumpay. Ganito ang sabi ng isang matagal nang negosyante: “Madalas sabihin ng mga taong ayaw magpatalo, ‘Kailangan mong gawin ang kahit ano para makuha ang trabaho.’” Pero totoo ba iyan? Hindi kaya ‘nililinlang nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran’? (Santiago 1:22) Isaalang-alang ang praktikal na mga pakinabang ng pagiging tapat na tatalakayin naman sa kasunod na artikulo.

[Blurb sa pahina 5]

“Iniisip ng mga tao na tapat pa rin sila basta nalulusutan nila ang batas, at hindi na mahalaga kung ano ang totoo”

[Larawan sa pahina 5]

Sinasabi ng marami na kailangang mandaya para magtagumpay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share