Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Bakit Ko Nga ba Nasabi Iyon?
Tutulungan ka ng artikulong ito na malaman kung
BAKIT nakapagsasalita ka ng mali paminsan-minsan
ANO ang gagawin mo kapag nadulas ang dila mo
PAANO mo kokontrolin ang iyong dila
“Kaya ko namang kontrolin ang dila ko, pero kung minsan, nadudulas ako sa pagsasalita, tapos, iniisip ko na sana lumubog na lang ako sa kinatatayuan ko!”—Chase
“Kung minsan, nakapagsasalita ako ng mga bagay na malamang na iniisip din ng iba pero hindi dapat sabihin . . . Oops!”—Allie
KUNG BAKIT ITO NANGYAYARI
Sabi ng Bibliya: “Kung ang isang tao ay hindi kailanman nagkakamali sa pagsasalita, perpekto siya.” (Santiago 3:2, Good News Translation) Ibig sabihin: Walang sinuman ang lubusang makakokontrol ng kaniyang dila. Marami ang sasang-ayon kay Annette,a na nagsabi: “Madalas akong makapagbitiw ng mga salitang hindi ko muna napag-isipan.”
Karanasan: “Sinabi sa akin ng kaibigan ko na gusto niya ang ilang damit na ayoko nang isuot. Bigla kong nasabi, ‘Hindi ‘yon kasya sa ‘yo.’ Ang sagot niya, ‘Bakit? Sa tingin mo ba mataba ako?’”—Corrine.
Para maintindihan kung bakit hindi mo nakokontrol ang iyong pagsasalita paminsan-minsan, subukan ang mga sumusunod.
● Alamin ang iyong kahinaan.
․․․․․ Nakapagsasalita ako dahil sa galit
․․․․․ Nakapagsasalita ako nang hindi muna nag-iisip
․․․․․ Nakapagsasalita ako nang hindi muna nakikinig
․․․․․ Iba pa ․․․․․
Halimbawa: “Ang problema ko, napakahilig kong magbiro, at kung minsan, nami-misinterpret ng iba ang sinabi ko.”—Alexis.
● Alamin kung kanino ka malamang na magkamali ng pagsasalita.
․․․․․ Sa magulang
․․․․․ Sa kapatid
․․․․․ Sa kaibigan
․․․․․ Iba pa ․․․․․
Halimbawa: “Nakakalungkot, kung sino pa y’ong mga mahal ko, sila pa y’ong madalas kong masaktan,” ang sabi ng 20-anyos na si Christine. “Siguro dahil palagay ang loob ko sa kanila kaya hindi ako nagiging maingat.”
KUNG ANO ANG GAGAWIN KAPAG NADULAS ANG IYONG DILA
Sabi ng Bibliya: “Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.” (Roma 14:19) Ang isang paraan para masunod ang payong iyan ay ang pagsosori.
Karanasan: “Sampung buwan pa lang ako nang mamatay si Mommy at hindi ako inalagaan ng daddy ko, kaya ang tito at tita ko ang nagpalaki sa ‘kin. Minsan, noong mga 10 o 11 taóng gulang ako, talagang lungkot na lungkot ako at galít na galít din dahil namatay si Mommy—parang gusto kong sisihin ang iba. Kaya noong minsang nagpapatulong ang tita ko, nagsisigaw ako at nasabi ko ang mga salitang ‘Ayoko sa ‘yo’ at ‘Hindi ikaw ang mommy ko.’ Na-shock ang tita ko. Pagkatapos, nagkulong siya sa kuwarto niya at umiyak. Sising-sisi ako. Kinupkop niya ako at inalagaan nang husto, tapos, gano’n pa ang ginawa ko sa kaniya. Kinausap ako ng tito ko tungkol sa nangyari at binasa niya sa akin ang ilang teksto sa Bibliya kung paano kokontrolin ang dila. Pagkatapos, nagsori ako sa tita ko. Napag-isip-isip kong mali ako.”—Karen.
Isulat ang isang dahilan kung bakit parang mahirap para sa iyo na magsori.
․․․․․
Bakit makapagpapagaan ng loob mo ang pagsosori?
․․․․․
Clue: Isaalang-alang ang mga simulain sa Kawikaan 11:2 at Mateo 5:23, 24.
Siyempre pa, mas mabuti nang iwasan ang isang sitwasyon para hindi mo na kailanganing magsori. Paano mo gagawin iyan?
KUNG PAANO KOKONTROLIN ANG IYONG DILA
Sabi ng Bibliya: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Narito ang ilang tip para masunod mo ang payong iyan.
Basahin ang sumusunod na mga teksto at itugma sa isang tip.
1 “Hindi ka dapat masyadong seryoso, para hindi madaling sumamâ ang loob mo.”—Danette.
2 “Naglalakad-lakad ako. Kaya nagkakaro’n ako ng pagkakataong mapag-isa at huminahon.”—Brielle.
3 “No’ng bata pa ako, akala ko hindi ako dapat magpatalo kahit kanino, at lahat na lang, ginagawa kong isyu. Pero natutuhan ko na mas mabuting palampasin na lang ang mga bagay-bagay.”—Celia.
4 “Kung may naninigaw sa iyo at hindi ka sasagot, magsasawa din siya. Magpigil ka lang. Huwag mo nang gatungan ang sitwasyon.”—Kerrin.
5 “May mga pagkakataong naiinis ako sa isang tao. Ang dami kong naiisip na sabihin sa kaniya. Pero kung palilipasin ko muna iyon, mari-realize kong wala naman palang kuwenta ang mga gusto kong sabihin. Ang natutuhan ko, huwag agad mag-react.”—Charles.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 22]
Allie—Bago ako magsalita, tinatanong ko muna ang sarili ko: ‘Makakabuti ba ‘to? Ano kaya ang magiging epekto nito sa kausap ko?’ Kung nag-aalangan ka sa sasabihin mo, siguro hindi mo dapat sabihin ‘yon.
Chase—Kapag may gusto akong sabihin, iniisip ko muna ang magiging epekto nito sa makakarinig. Napapansin ko na habang nagkakaedad ako, mas nakokontrol ko na ang dila ko. Talagang matututo ka sa karanasan mo.
[Kahon sa pahina 23]
TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO
Walang taong perpekto. Gaya nga ng isinulat ni Santiago, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” Kaya itanong sa mga magulang mo kung paano nila sinisikap kontrolin ang kanilang dila.—Santiago 3:2.
[Larawan sa pahina 22]
“Kapag napalabas mo na ang toothpaste, hindi mo na iyon maibabalik. Ganiyan din pagdating sa pagsasalita. Kapag may nasabi tayong nakasasakit, hindi na natin iyon mababawi.”—James.